"Crush ko na ata siya."
Impit akong tumili matapos basahin ang isang linya sa librong kasalukuyan kong binabasa. Wala pa ako sa kalahati nito pero nag-uumapaw na ang kilig na nararamdaman ko. Kung pwede nga lang pumasok sa libro at makinood sa mga kaganapan sa lovelife nila ay ginawa ko na. Ang kaso ay isa lamang akong hamak na alien na naligaw sa mundong ibabaw. Hindi ko nga alam kung ang purpose ko ba sa mundo ay ang bumili ng sandamakmak na libro na punong-puno ng mga lalaking imposible namang mapasakin.
Masyado na yata akong naging hopeless sa pag-ibig. Hindi rin naman ako interesado sa mga lalaki, lalo na't ibang-iba sila sa kung ano ang mga nababasa ko sa libro. Siguro nga'y himala na lang kung may lalaki pa akong makilala na kasinggwapo ni Liam, kasing-gentleman ni Ayu, kasing-sweet ni Andrew, at kasingtalino ni Yohan.
"Hayy. . Kung hindi si Ayu ang makikilala ko, aba'y huwag na lang!" pag-aalburoto ko pa. Kala mo nama'y may kapangyarihan akong gawing totoo ang isang fictional character. "Pero naman kasi Lord! Kung hindi siya, ipilit po natin!"
Sinipa-sipa ko pa ang unan sa paanan ko nang makaramdam ng kilig sa binabasa. Weekend kasi ngayon at bukas ay may pasok na naman. Ang pinakaayaw ko pa naman sa lahat ay ang pag-aaral. Bukod sa masakit ito sa ulo, nakakaistorbo rin 'to sa pagbabasa ko. Ano bang magagawa sa akin ng math textbooks? Hindi naman ako mapapakilig niyan!
"Raia, bumaba ka na riyan! Napakaingay mo!" Napairap ako nang marinig ang nakakainis na boses ng kapatid ko. Hindi ko alam kung ano bang orasyon ang ginawa nila Mama at Papa habang ginagawa siya. Akalain mo 'yon, nakagawa sila ng half tao, half p*ta? "Bababa ka o itutupi ko 'yang comics mo?"
Sumama ang tingin ko. Hindi ito comics, 'no!
Nang dahil sa pambabanta niya ay bumaba nga ako. Akala ko naman ay hinainan ako ng pagkain, 'yon pala'y pagbabantayin lang ako ng aso dahil aalis daw siya. Hindi ba't ang purpose naman ng aso ay ang magbantay ng bahay? Bakit ngayon ay aso naman pala ang babantayan? Hay! Ewan ko ba! Itong mga tao talagang nasa outside world ay mas magulo pa sa buhol na wire ng earphones. Daig ko pa ang makipagpatintero sa utak nilang natanggalan ng tornilyo.
Masaya naman ang buhay ko. Kuntento na ako sa pagbabasa ng mga nobela. Ayos na akong kiligin sa istorya ng iba. Ni hindi ko nga naisip na maghanap pa ng isang lalaking tutulad sa mga nababasa ko. I hate men. Gusto ka lang nila kapag maganda ka. Kapag pangit, lalaitin ka. Sa mga libro, sa mga nobela, lahat posible. Lahat ay pwedeng magmahal, lahat ay pwedeng mahalin. Kahit pangit, nerd, pandak, o bobo ka man, may isang gwapo pa ring magmamahal sa 'yo. Si Ayu! Kyaaaahh!!
Kaya naman sa tuwing may nakakasalubong akong magjowa, natatawa ako sa pandidiri. Kumbaga umiikot lang talaga ang buhay ko sa pagiging hopeless romantic sa libro, at pagiging bitter in real life. Kaya ako, never talaga akong magkakagusto sa kahit na sino!
"Aray, g*go!" Mangiyak-ngiyak akong napahawak sa ilong kong natamaan ng tumataginting na matigas na bola. Puro putik pa. Sino ba 'yon?! Nag-i-imagine pa ako eh! "Sino 'yon? Mapapatay ko!"
Pinunasan ko agad ng panyo ang ilong kong nangitim na nang dahil sa putik. Narinig ko pa ang bungisngisan ng mga schoolmates kong nakakita ng malagim na pangyayari. Kung minamalas nga naman oh, sa gitna ng court pa ako napuntirya!
"Ayos ka lang?" Napaangat ang balikat ko nang marinig ang malalim na boses ng isang lalaki na papalapit sa akin. Shems! Sino 'yon? Si Ayu ba 'to na nagkatawang-tao? "Miss, sorry."
Halos naging semento ako nang alalayan ako patayo ng lalaking nasa likod ko. Ay, ano 'yon? Amoy langit!
"Huh? Okay lang." Halos masampal ko ang sarili nang humarap ako sa lalaking iyon. Si Axel Remualdo pala! "Salamat."
Huh? Anong salamat? Hindi ba dapat ay magalit ka dahil tinamaan ka ng bola niya? Ano ba 'yan, Andi! Keep up naman tayo riyan oh!
"Ingat ka sa daan. Pasensya na ulit."
O-M-G! Nginitian niya ako! As in 'yong ngiting nakakatunaw ng heart cells! Ay teka, may cells ba ang heart?
Nang dahil sa pangyayaring iyon, nagbago ang paniniwala ko sa buhay. Kung noon ay sinabi kong hinding-hindi ako magkakagusto sa kahit na sino, who you ka ngayon? Kinain ko lang pala 'yong sinabi ko.
Tatlong araw na rin mula no'ng nangyari iyon. Bawal detalye, kabisadong-kabisado ko pa rin. Kulang na nga lang ay gawan ko ng nobela ang pangyayaring 'yon na benteng segundo lang naman ang itinagal. Ah basta! Hindi ko alam! Natatakot na nga ako dahil kahit sa pagsasandok ng kanin ay ang mapuputi niyang ngipin ang naaalala ko. Sa pagluluto ng adobo ay amoy niya ang nalalanghap ko. Mabango kasi. Hindi ko sinabing amoy adobo siya. Sa paglalaba, gusto kong kusutin pati ang mata niyang magaganda. Sa pagtutupi, gusto kong makita ulit ang mga ngiti niya. Hay, ganito pala ang pakiramdam ng magka-crush. Hindi ako makapaniwalang sa sarili ko ay hindi ako nandidiri. Ganito rin siguro ang naramdaman ni Stacy noong nakilala niya si Ayu. Sige na nga, pampalubag loob man lang. Iisipin ko na lang na isa kaming fictional couple na nag-eexist sa mundo ko.
"Naglagay ako ng love letter sa locker niya. Sa tingin mo ba'y mapapansin niya na ako?"
Nanlaki ang mata ko nang mabasa ang linyang iyon sa paborito kong nobela. Love letter? Uso pa pala 'yon?
Nang dahil sa nabasa ko sa nobelang iyon ay isang malaking kahihiyan na naman ang pumasok sa isip ko. Kapag ba binigyan ko rin ng love letter si Axel ay mapapansin niya rin ako? Base sa nabasa ko, oo. 'Tsaka, wala namang masamang sumubok, 'di ba?
Dear Crush,
Hello! Alam kong hindi mo 'ko kilala, pero gusto ko lang iparating sa 'yo 'tong nararamdaman ko. Crush kita. Hindi ko alam pero sa tuwing nakikita kita, halos mapunit na ang labi ko sa kangingiti sa 'yo. Sa tuwing ngumingiti ka, halos mabutas na ang dibdib ko sa sobrang lakas ng kabog nito. Ang sabi ko noon, hindi ako magkakagusto sa kahit na sino, pero sobrang lakas kasi ng dating mo kaya't mas nababaliw ako. Alam kong hindi mo 'ko papansinin dahil sa dami ng mga nagkakagusto sa 'yo. Pero gusto ko lang malaman mo na may isang ako na pinapanood ka mula sa malayo.
PS. Hindi mo naman yata ako kilala pero ako 'yong babae sa Class E-3, hehe lovelots!
Love,
Andi Mariano
Isang beses ko lang binasa nang buo ang love letter na isinulat ko. Bukod kasi sa hindi ko maintindihan ang sulat ko, halos mamatay-matay na rin ako sa pandidiri. Kung pwede nga lang na sampalin ko ang sarili ko para lang magising sa katotohanan ay ginawa ko na. Pero sobra-sobrang kilig na kasi ang ipinararamdam ni Axel sa 'kin, at gusto ko lang ibalik 'yon. Kaya sana naman ay kiligin din siya. Oo, assumera na kung assumera pero si Stacy nga na panget ay pinatulan ng poging si Ayu, 'di ba? Ako pa kaya!
"Hoy, Mariano! Anong score mo?" Napaangat ang balikat ko nang may sumipa sa upuan ko. Si Ruan, chinita at matangkad, ang tanging tao na may pakialam sa existence ko sa mundo. Abot tenga pa ang ngiti niya habang sinisilip ang desk kong may kalat-kalat na papel. Mabilis kong tinago iyong love letter dahil baka makita niya iyon at asarin lang ako.
"Hindi ko alam, 'di ko tinignan eh. Ikaw?" tanong ko. Agad din naman niyang iwinagaygay sa ere ang test paper niyang may malaking dos sa itaas. Inilagay niya pa ito sa desk ko para lang ikumpara sa papel ko.
Humagalpak siya sa tawa nang makitang mas mababa ako sa kanya. Uno lang ang score ko. Unang beses na nataasan niya ako sa exams. Teka, uno?
"Yari ka sa School Director! Gusto pa naman niya na pasado ang lahat!" pananakot pa ni Ruan na kala mo'y hindi bagsak ang marka.
Napatigil kami sa pagdadaldalan nang biglang pumasok ang lalaking kinababaliwan ko, si Axel. Nagsinghapan ang mga babaeng kaklase ko, habang ang mga lalaki naman ay nagsipagreklamo sa mga reaksyong ibinibigay ng mga babae. Tch. Palibhasa'y mga insecure, mukha naman silang mga kulangot.
"Good afternoon, guys. Maaga raw ang uwi ngayon dahil may earthquake drill na gaganapin mamaya. Pagkatapos daw ng dry run ay pwede ng umuwi."
Lahat ay nakanganga habang titig na titig sa lalaking nagbubuga ng mga paru-paro sa bunganga. Ganito pala ang pakiramdam na maging isa sa mga tagasunod niya. Sa totoo lang, wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Basta't ang alam ko lang, desidido na akong ibigay sa kanya ang love letter na pinaghirapan kong isulat kahit na sobrang hirap namang maintindihan.
Buong araw ay sinundan ko siya. Mula no'ng earthquake drill ay hindi ako pumila sa pila ng section namin. Nagtago pa ako sa puno sa likod ng pila nila Axel. Kaya naman ngayong tapos na ay halos mabali na ang leeg ko sa kahahanap sa kanya. Mabuti nalang at matalas ang paningin ko't agad kong nahagilap ang bag niyang mukhang binabad sa sabon dahil sa sobrang kaputian.
Napatalon ako sa tuwa nang makitang iniwan niya ang maputi niyang bag sa labas matapos niyang pumasok sa Comfort Room. Agad ko naman inilabas ang love letter at ini-spray-an pa ito ng pabango bago dahan-dahang buksan ang bag niya.
"Oo, pare! Naglaro kami kanina pero nga-nga sila!"
"Sayang 'di ako nakanood! Magkano ba ang pusta?"
Nanlaki ang mata ko matapos marinig ang ingay ng papalapit na grupo ng mga lalaki. Sa sobrang kaba ko ay mabilis akong tumakbo papunta sa puno ng mangga at nagtago.
Teka. . .
Nasaan na 'yong love letter ko?!