KATATAPOS lang kumain ni Delilah ng almusal ay agad na siyang nag-ayos ng sarili. Mataas na ang araw ngunit hindi iyon naging hadlang sa pagnanais niyang maglibot sa buong Hacienda De Luna. Nasasabik siyang makita ang kanilang mga alagang baka na nagkalat lamang sa kalawakan ng kanilang lupain. Hindi na rin siya makapaghintay na masilip ang mga kabayo sa kuwadra.
At hindi lang iyon. Excited na rin siyang makita ang sapa. Malinaw at malamig ang tubig doon. Naalala niya, nagpi-picnic silang mag-anak do’n noong nabubuhay pa ang kanilang mga magulang.
Nakaharap ang dalaga sa full-length mirror. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon sa salamin. Nakasuot siya ng maong pants at long-sleeved blouse. Naka-boots din siya at may hawak na leather na sumbrero.
Lumabas siya ng silid at pumanaog.
“Saan ka pupunta?”
Pipihitin na sana ni Delilah ang seradura nang marinig niya ang boses ng kanyang kapatid.
“Mangangabayo. Nasasabik akong libutin ang buong asyenda,” kaswal na tugon niya at humarap dito.
Pinagmasdan niya ang ayos ng kapatid. Bagong ligo ito. Nakasuot ng pink na robe at may nakapulupot na tuwalya sa buhok nito.
“Sa ganitong oras?” anitong hindi makapaniwala. “Alas-nuebe na ng umaga. Aba’y masakit sa balat–”
“Kaya ako nagbihis ng ganito para hindi masunog ang balat ko sa init,” agap niya at pinihit ang seradura ng pinto.
“Nag-breakfast ka na ba?”
“Tapos na.” Lumapit siya sa kapatid at ginawaran ito ng halik sa pisngi. “Alis na ako, Ate.”
Wala nang nagawa si Greta kundi hayaan ang nakababatang kapatid na umalis. “Mag-ingat ka sa pangangabayo, Delilah. Huwag si Speedy ang sakyan mo, kung minsa’y sinusumpong ang paborito mong kabayo. Gamitin mo na lang si Hunter.”
Si Hunter, ang matikas na stallion ng kanilang yumaong ama.
“Okay,” tipid niyang tugon.
Kinuha ni Greta ang cell phone sa bulsa ng robe at may tinawagan.
“Hintayin mo na lang sa garden si Mang Lorenzo.”
Tumango si Delilah bilang tugon. Dali-dali siyang lumabas ng villa at tinungo ang garden
“Magandang umaga, Señorita Delilah!” bati ng hardinero sa dalaga at ibinaba sa lupa ang hawak na regadera. Katatapos lang nitong magdilig ng mga namumulaklak na halaman.
“Magandang umaga rin po!” ganting bati niya sa hardinero.
Nagtungo si Delilah sa gazebo para hintayin si Mang Lorenzo doon. Umupo siya sa oval swing chair at pinagmasdan ang magagandang bulaklak sa garden.
Hindi nagtagal ay natanaw niya ang paparating na matandang lalaki na hila-hila ang kabayong si Hunter. Tumayo siya at patakbong sinalubong ito.
“Ang kabayong ito ay nasa kondisyon ngayon. Pero mag-iingat ka pa rin sa pangangabayo, señorita,” nakangiting wika ni Mang Lorenzo.
Nagpasalamat siya sa matanda.
“Hi, Hunter!” aniya sa masiglang boses habang hinihimas ang katawan ng kabayo. “Walang nagbago sa ‘yo. Hanggang ngayon matikas ka pa rin.”
Nakangiti namang ikinabit ni Mang Lorenzo ang saddle sa kabayo. Pagkatapos, tinulungan naman ang dalaga na sumakay sa kabayo.
Hinagupit ni Delilah ang kabayo. Umangat sa lupa ang mga paa nito at saka biglang kumaripas ng takbo. Nag-iwan ng makapal na alikabok ang kabayo sa kinatatayuan ni Mang Lorenzo.
Kaya pinangalanan ng kanyang ama ang kabayong Hunter, dahil sa pambihirang bilis nito. Para siyang ibong lumilipad. Langhap na langhap niya ang sariwang hanging humahampas sa kanyang mukha.
She smiled. Magaan ang kanyang pakiramdam habang tumatakbo ang kabayo. Damang-dama niya ang ginhawa nang mga sandaling ‘yon.
“Magandang araw po, Señorita Delilah!”
Dahan-dahang pinahinto ni Delilah ang kabayo sa harap ng isang matandang lalaki na may bitbit na sako na puno ng dayami. Sa limang taong pagkawala niya sa asyenda, kilala pa rin niya ang ilan sa kanilang tapat na tauhan.
“Magandang araw din po, Mang Kaloy!” Nakangiting tugon ng dalaga.
“Hindi nabanggit ni Señorita Greta na bumalik ka na sa Pilipinas,” anito. “Señorita, saan ang tungo mo?”
“Namamasyal lang po,” tugon niya. Nagpaalam na siyang aalis.
“Ingat sa pangangabayo, señorita,” paalala nito, saka tumalikod.
Nakangiting tumango siya.
Nang makalayo na ang matanda ay marahang pinatakbo ng dalaga ang kabayo. Malayo-layo na ang kanyang nilakbay nang muli niyang ihinto ang kabayo. Hinayaan niyang tumawid ang batalyon ng baka sa madamong daanan.
Nang makatawid nang lahat ang mga baka ay muli niyang pinatakbo ang kabayo. Natatanaw na niya ang napakalawak na kuwadra na puno ng mga kabayo at baka ang bawat malapad na kulungan.
Agad siyang bumaba sa kabayo matapos itong itabi sa isang salansan ng dayami. Hinayaan niya itong manginain. Abala ang mga tauhan sa asyenda kaya hindi napansin ang pagpasok ng dalaga sa kamalig.
“Magandang araw, Señorita Delilah!” halos magkasabay na bati sa kanya ng mga naroon sa loob ng kamalig.
Nginitian lang niya ang mga ito bilang tugon. Lumabas siya ng kamalig at tinungo naman ang kuwadra ng mga kabayo.
Nakilala ni Delilah si Dr. Ramel Santibañez–isang equine veterinarian na dalubhasa sa paggamot ng mga kabayo. Isa ito sa mga pinagkakatiwalaan ng kanyang kapatid pagdating sa kalusugan ng kanilang mga alagang kabayo.
Matapos masilip ang mga kabayo sa kuwadra ay binalikan niya si Hunter at sumampa sa likod nito. Nang malapit na siya sa sapa sa dulo ng rancho, binagalan niya ang takbo ng kabayo. Maririnig sa paligid ang huni ng mga ibon at ang lagaslas ng tubig na nagmumula sa talon ng Iraya, pababa sa sapa.
Bumaba siya mula sa kabayo. Hinubad niya ang boots, saka naglakad. Pagdating niya sa sapa, nilublob niya ang kanyang mga paa sa tubig hanggang binti. Umahon siya nang makaramdam ng pangangalay at saka naupo sa malinis na damuhan, hindi kalayuan sa kinaroroonan ni Hunter.
“Hiya!”
Mabilis na napatayo si Delilah nang marinig ang sigaw na iyon. Boses lalaki. Pinatalas niya ang kanyang pandinig. Hindi na niya narinig ang boses, ngunit napalitan iyon ng mabibigat na yabag na animo’y mga paa ng kabayo. Naisip niya, baka nakawala ang ilang kabayo o baka. At ang boses na narinig niya ay pagmamay-ari ng tauhan nila sa asyenda. Marahil ay sinubukang hulihin ang mga hayop.
Isinuot ng dalaga ang sumbrero na hinubad niya kanina. Muli siyang sumakay sa kabayo at nagpatuloy sa paglilibot.