MASIGLANG-MASIGLA ang pakiramdam ni Delilah habang nagmamaneho ng station wagon. Tinatahak niya ang daan patungo sa villa. Hindi niya sukat akalaing mapapayag siya ni Beau na samahan ito sa paglilibot sa kanilang lupain.
Pareho kaming estranghero sa isa't isa, pero ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya. Ano bang mayro’n sa lalaking iyon at hindi ko siya kayang tanggihan? tanong niya sa sarili.
Matapos ibigay ang station wagon kay Mang Delfin, pumasok si Delilah sa bahay.
Nasa bulwagan pa lang siya ng maluwag nilang sala nang makita niya ang kapatid na nakaupo sa sofa. Ito’y nag-iisa. Bigla siyang napamulagat sa nakita. May hawak itong sigarilyo at panay buga ng usok mula sa hinihithit nitong sigarilyo. Pagkatapos, binalingan naman ang wine glass na hawak sa kabilang kamay at diretsong tinungga ang alak.
Hindi naman ganito ang kanyang Ate Greta. Kailan ito natutong manigarilyo at uminom ng alak?
Hindi siya nakatiis, malalaki ang hakbang niya palapit sa kapatid. Tumikhim siya para agawin ang atensiyon nito.
Tumayo ito at ngumiti nang makita siya. Sinubukan nitong itago ang sigarilyong hawak pero pinigilan niya ang kamay.
“Y-you’re home,” ani Greta sa garalgal na boses. Nilagay nito sa center table ang hawak na wine glass at hinalikan sa noo ang nakababatang kapatid. “Nabanggit sa akin ni Tiya Clara na binisita mo ang kababata mong si Desiree. Kumusta na siya?”
“Kailan ka pa natutong manigarilyo at uminom ng alak, Ate Greta?” Hindi niya pinansin ang itinanong nito.
Bigla itong natawa sa tanong niya.
Napakunot-noo naman siya sa ginawang iyon ng kapatid.
“A stick or two won’t hurt me, Delilah.”
“Masama sa kalusugan ang sigarilyo at alak,” paalala niya. “When we were in college, lagi mo akong pinapaalalahanan na huwag sumubok ng sigarilyo at tumikim ng alak.”
“Hindi ko gagawing bisyo ito,” kibit-balikat nitong sabi. “Kaya huwag kang mag-alala.” At niyakap pa siya nito.
Napabuga siya ng hangin. “Hindi ko inaasahan na makakauwi ka nang maaga,” aniya. “Akala ko ba luluwas ka ng lungsod kasama si Amir para makipagkita sa mga Hapones na gustong tumingin sa mga studs?”
A stud animal is a registered animal retained for breeding.
“Hindi natuloy,” tugon nito.
Sunod-sunod na buntong-hininga ang pinakawalan ni Greta. Sumimsim ito ng alak at saka tumingin sa malayo na parang malalim ang iniisip.
Hinila ng dalaga ang kamay ng kapatid para maupo sa sofa.
“Nag-back out ba ang mga Hapon? ‘Yon ba ang dahilan kung bakit ka naglalasing?” sunod-sunod niyang tanong.
“Hindi ako naglalasing, okay?” Huminga ito nang malalim at sinubukang ngumiti. “Masama lang ang pakiramdam ko.”
Masama ang pakiramdam ngunit nagawang uminom ng alak? Hindi niya masabi iyon.
Pasimple niyang pinagmasdan ang mukha ng kaharap. Malungkot ito. Iniisip niya na hindi ang pakiramdam ang masama para sa kapatid, kundi ang damdamin na pilit nitong itinatago sa kanya.
“Si Amir ba, Ate?”
“Of course not!” mabilis nitong tugon sa kanya. Bumaling ito sa kanya sabay buga ng usok ng sigarilyo, isang hithit pa ang ginawa at pinatay ang apoy nito sa ashtray na nandoon sa center table. “Wala naman kaming problema ni Amir.”
“Pilit mong tinatago ang nararamdaman mo. Iyon ang nababasa ko sa mga mata mo, Ate. At hindi mo ‘yon maikukubli sa ‘kin.” Isinandal ni Delilah ang kanyang likod sa sandalan ng sofa na kanyang inuupuan.
“May usapan kasi kami na susunduin ko siya para sabay kaming umalis papuntang Manila. Pero pagdating ko sa bahay nila, umalis na si Amir ayon kay Mang Adolfo. Ngayon ko lang nalaman na nag-apply pala siya ng trabaho sa isang malaking kumpanya. Hindi sinabi sa akin ng kanyang ama kung saang lugar. Pero binigyan ako ng matanda ng numero ng telepono.”
“Sinubukan mo bang tawagan ang nasabing numero?”
Tumango si Greta. Ginaya pa nito ang sinabi ng babae sa telepono.
“Mr. Aguilar?” tanong ni Delilah.
“My fiancé's last name. Hindi siguro narinig ng secretary niya nang binanggit ko ang pangalan ni Amir. At ayon sa nakausap ko, wala siya sa kanyang opisina. May pinuntahan daw.” Napabuntong-hininga ito. Bakas sa mukha ang pagtatampo.
Nagulat naman si Delilah sa narinig. Hindi dahil sa pagtatampo ng kapatid, kundi dahil nalaman niyang nagtatrabaho si Amir at may sariling secretary pa. Nangangahulugan lang na nasa magandang posisyon ito sa kumpanya. Akala niya’y pagsasaka lang ang alam ng lalaki. Totoo ba ang narinig niya?
Itatanong niya sana kung saan nagtatrabaho si Amir. Pero minabuti niyang itikom ang mga labi. Isa pa, ngayon lang nalaman ng kanyang Ate Greta ang bagong trabaho ng mapapangasawa nito.
Tumikwas ang dulo ng mga labi niya. Ano ang pakialam niya kung magtrabaho si Amir? Hindi pa rin magbabago ang pagkilala niya sa pagkatao nito.
“Kaya ka umuwi nang maaga dahil hindi ka sinipot ng lalaking ‘yon, ‘di ba?” Nakatutok ang mga mata niya sa upos ng sigarilyo sa ashtray. “Lumalabas na ang totoong ugali ng mapapangasawa mo. Bakit ko nasabi ‘yon? Kasi may itinatago siyang sikreto sa iyo. Hindi niya sinabi sa iyo ang tungkol sa bago niyang trabaho. Ni hindi mo alam kung nasaan siya ngayon. Malamang may pinuntahan siyang babae. Malay mo, hindi lang ikaw ang babaeng hinuhuthutan ng lalaking ‘yon.”
“Masakit kang magbintang, Delilah!” mariing protesta ni Greta. “Kung may pinuntahan si Amir, sigurado akong hindi dahil sa isang babae. Hindi niya gugustuhing masaktan ako. Inilihim din niya ang tungkol sa bago niyang trabaho dahil gusto niya akong sorpresahin.”
‘Yan ang pinaniniwalaan mo! sigaw ng isang bahagi ng utak niya.
Naiintindihan niya ang damdamin ng kanyang Ate Greta, ngunit natatakot siya sa kahihinatnan ng daloy ng damdamin nito. Paano kung wala nang mahuhuthot na salapi sa kanyang kapatid si Amir? Maiiwang luhaan ang kapatid niya at iyon ang ayaw niyang mangyari.
“Huwag na nating pagtalunan si Amir. Gayunpaman, ayaw kong matuloy ang kasal ninyo. Hindi siya ang lalaking nararapat na maging asawa mo. At kung hindi kita mapapakiusapan, gagawin ko ang aking pagtutol sa simbahan.”
“Ang nadarama ko pa rin ang masusunod. Kahit anong pagtutol ang gawin mo, mananaig pa rin ang pagmamahalan namin. Matutuloy ang kasal namin ni Amir sa ayaw at sa gusto mo!” deklara ni Greta sabay tayo at tinalikuran si Delilah.
Nagulat siya sa narinig. Hindi niya akalain na ganoon pa rin kasidhi ang pagnanais ng kapatid na pakasalan ang katipan.
Napanganga na lamang siya na sinundan ng tingin ang naglalakad na kapatid. Napabuga siya ng hangin dahil sa sama ng loob. Mukhang masisira ang magandang relasyon nilang magkapatid dahil lang sa isang lalaki.