UMAKYAT si Delilah sa ikalawang palapag ng bahay kung saan matatagpuan ang kanyang silid. Sinusubukan niyang panatagin ang sarili. Kailangan niyang maging handa sa paghaharap nilang magkapatid. Nabanggit sa kanya ng tiyahin na uuwi ito mga ala-una ng hapon, ngunit alas-tres y media na'y wala pa rin ang kanyang kapatid.
Pagod siya sa biyahe, minabuti niyang mamahinga. Inihiga niya ang pagal na katawan sa malambot na kama. Nakahiga siya, ngunit mailap sa kanya ang antok sa mga sandaling 'yon. Malayo ang nararating ng kanyang isipan.
Hindi siya tutol sa pag-aasawa ng kanyang kapatid. Ang kanyang tinututulan ay ang biglaang pagpapakasal nito kay Amir, na ni minsa'y hindi nabanggit sa kanya ng kapatid. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito, ngunit hindi man lang ba ito nag-isip kung tama bang pakasalan ang lalaking anak ng dating tauhan nila sa asyenda?
Lumalabas na isa siyang matapobre. Pero mas gugustuhin niyang husgahan nang gano'n, kaysa mapunta sa kamay ng iba ang yaman na pinaghirapan ng kanilang mga magulang.
Humihikab siya nang tumagilid ng higa. Napangiti siya nang makita ang family picture nila sa ibabaw ng nightstand. Hanggang ngayon, masakit pa rin ang sabay na pagkawala ng kanilang mga magulang.
I missed you, Ma, Pa ... bulong niya sa hangin.
Pumikit siya. Nakatulog siya sa kalagitnaan ng pag-iisip.
Katok sa pinto ang gumising kay Delilah. Kinusot-kusot niya ang mga mata bago bumangon ng kama. Hindi na siya nag-abalang hagilapin ang kanyang sapin sa paa, tinungo niya ang pinto para buksan. Si Manang Lorena ang napagbuksan niya ng pinto.
“Paumanhin kung naabala ko ang iyong pamamahinga, señorita,” wika nito.
Ngumiti siya. “Ayos lang po, Manang Lorena. Si Tiya Clara ba ang nag-utos sa ‘yo na puntahan ako sa aking silid?”
Tumango ang matandang babae. “Tumawag daw sa kanya si Señorita Greta. Nakapasok na sa Hacienda De Luna ang kotseng minamaneho ng ‘yong kapatid,” pagbabalita nito, at tumalikod.
Isinara niya ang pinto. Niligpit niya muna ang higaan bago nagpasyang maligo.
May ngiting sumilay sa labi ni Delilah sa nakita. Walang nabago sa loob ng kanyang banyo. White and gold plated bathroom. Sa loob nito'y may sariling glass shower room. Sa isang gilid nama’y may built-in bathtub kung sakaling gusto niyang mag-relax habang nakababad sa bubble bath.
Matapos hubarin ang lahat ng kanyang damit, lumusong siya sa tubig. Aromatherapy bubble bath, relaxing lavender ang nilagay niya sa bathtub. She felt so relaxed.
Nagbihis siya pagkatapos maligo. Habang naglalagay ng kolorete sa mukha ay hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung kasama ng kanyang Ate Greta ang magiging kabiyak nito. Gusto niyang masilayan ang pagmumukha ng lalaking kinahuhumalingan ng kapatid.
Hindi siya nagtagal sa pag-aayos. Hindi rin siya nag-abalang mag-spray ng pabango. Agad siyang lumabas ng silid at bumaba sa matarik na hagdan. Pag-apak ng kanyang mga paa sa marmol na sahig, nakita niya kaagad ang kapatid na nakaupo sa sofa, kausap ang kanilang tiyahin na nakatayo sa tabi nito.
Huminga siya nang malalim. Marahan siyang humakbang palapit sa mga ito.
“Oh, nandiyan na pala ang kapatid mo,” narinig niyang sabi ng tiyahin.
Nag-angat ng paningin ang kanyang kapatid at napangiti nang makita siya.
Tumayo si Greta at masayang niyakap ang nakababatang kapatid. “Kumusta ang biyahe?” tanong nitong hinila siyang paupo sa sofa. “Pasensya na kung hindi kita nasundo sa airport, Delilah. May importante kasi kaming nilakad.”
Kami! Si Amir ang kasama nito. Napangiti siya nang mapait sa sinabing ‘yon ng kapatid.
Tumikhim si Aling Clara para agawin ang atensyon ng magkapatid. “Maiwan ko muna kayong dalawa para makapag-usap nang maayos.”
Biglang tinawag ni Greta ang ginang bago ito makalayo sa magkapatid. “Tiya, pakisabi kay Manang Lorena, magluto nang maaga para sa hapunan. Magluto siya ng ginataang alimango, paborito ‘yon ni Delilah.”
Tumango lang ang ginang at nilisan na ang sala.
“Totoo bang ikakasal ka? Gusto kong isipin na nagbibiro lang si Tiya Clara,” tanong ni Delilah sa kapatid. Tinitigan niya ang mukha nito. Gusto niyang lumabas mismo sa bibig nito ang katotohanan tungkol sa sulat na natanggap niya.
Humugot nang malalim na paghinga si Greta. “Kaya nga pinauwi kita para dumalo sa nalalapit kong kasal,” kaswal nitong sabi.
“Sa totoo lang, ito’y isang sorpresa. Ni minsan hindi mo nabanggit sa akin na may nobyo ka,” seryoso niyang sabi. “Matagal na ba kayong magkakilala ng lalaking ‘yon?”
“Mag-iisang taon na siguro.”
Nangunot ang noo niya sa narinig. “Ilang buwan na kayong magkarelasyon ng nobyo mo?”
“Delilah,” parang nadidismayang turan nito. “Bakit kailangan mo pang itanong ‘yan?”
“Sagutin mo lang ang tanong ko, Ate Greta.”
“Three months.”
“Three months?!” Nasapo niya ang kanyang noo sa nalaman.
“Ano’ng masama kung ilang buwan pa lang kaming magkarelasyon ni Amir?” mahinahong tanong ni Greta.
“Walang masama, Ate. Pero sa tatlong buwan na magkarelasyon kayo, nagsisimula pa lang kayong kilalanin ang isa’t isa. Paano kung balatkayong pag-ibig lang ang ipinakita at ipinaramdam niya sa ‘yo. Hindi ba sumagi sa isip mo na kayamanan lang natin ang habol ng lalaking pakakasalan mo?”
“Delilah, ang tunay na pagmamahal hindi nasusukat sa tagal ng relasyon. Dapat tanggap mo ang taong mahal mo kung sino at ano siya.” Inabot nito ang kamay niya at masuyong pinisil-pisil. “Hindi mo pa nakikilala si Amir, kaya huwag mo siyang husgahan.”
Binawi niya ang mga kamay mula rito. “Tama ka, hindi ko nga kilala si Amir. Kaya hindi mo ako masisisi kung magdududa ako sa pagmamahal niya sa ‘yo.”
Sinubukan nitong hawakan muli ang kamay niya, ngunit mabilis niya itong naiwasan.
“Mabait siyang tao. Hindi salapi ko ang pakakasalan niya. Mahal ako ni Amir.”
Pagak siyang tumawa. Labag pa rin sa kanyang kalooban ang desisyon ng kapatid. Bakit hindi nila hinayaang tumagal ng ilang taon ang relasyon bago magdesisyon magpakasal?
“Sa umpisa lang ang kabaitan niya, Ate. At kapag tumagal na ang inyong pagsasama’y tiyak na lalabas ang tunay niyang ugali’t pagkatao.”