DUMATING na ang araw ng flight ni Xena, at inaasahan niyang ihahatid man lang siya roon ni Axel pero ni anino nito ay hindi niya nakita. Alam niyang masama ang loob nito pero sana naman kahit kaunting suporta ay ipinaramdam nito sa kaniya.
Hanggang sa makarating sila ng Seoul, Korea ay hindi ito nawawala sa isip niya. The place was certainly so beautiful pero totoo palang hindi mo ‘yon ma-e-enjoy kapag hindi mo kasama ang taong mahal mo.
Pagpasok niya ng suite niya ay pabagsak niyang inihiga roon ang sarili, hindi naman gano’n kalayo ang Korea sa Pilipinas pero sa dami ng inasikaso niya sa loob lang ng dalawang linggo ay pakiramdam tuloy niya pagod na pagod siya. Tinutoo kasi ni Axel ‘yong sinabi nito na hindi siya sasamahan nito sa lahat ng aayusin sa kasal nila, maliban na lang doon sa seminar nila. Kinakausap naman siya nito pero sobrang casual na lang.
Tanggap naman niya dahil alam niyang may kasalanan siya rito at hindi niya rin ito masisisi saka ipinangako na lang talaga niya sa sarili na right after niyang makauwi ay totoong babawi na siya sa kasintahan. Pag-uwi naman niya kinabukasan ay kasal na rin nila kaya sana habang nandito siya sa Korea ay magkaroon pa rin siya ng pagkakataon na makausap ito.
Napatigil siya sa pag-iisip nang biglang may kumatok sa pintuan ng suite niya kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang tumayo kahit pa nga pagod na pagod na siya. Pagbukas niya roon ay ang mga designers niya ang nasa labas.
“Pasok,” aya niya sa mga ito. “Nakapag-ayos na kaagad kayo ng mga gamit niyo?” tanong niya bago muling bumalik sa kama at naupo roon. Hindi pa rin niya nagagawang magbihis man lang.
“Tapos na kami, Madam, gusto nga sana namin lumabas kasama ka, eh,” tugon naman sa kaniya ni Mamang Diyosa.
“Oo nga, Madam, tara, bukas pa naman ang start ng fashion week, let’s enjoy this night! Ang ganda sa labas, oh, kitang-kita ang Namsan Tower,” kinikilig na aya sa kaniya ni Patrish habang nakatingin sa labas ng suite niya at kitang-kita nga roon ang liwanag ng Namsan Tower. “My gosh, Madam, sa mga kdrama’s ko lang ‘to nakikita pero totoo pa lang ang ganda-ganda rito sa Korea! You made my dream come true talaga, Madam!” parang naiiyak pang sabi nito sa kaniya at hindi niya maiwasang mapangiti.
“Yezzz, Madam, kaysa magmukmok ka riyan at hintayin mo ang tawag ni Sir Axel, enjoy muna tayo. Gusto ko talaga i-try dito ‘yong ano, eh, ‘yong…” pagtapos ay tumingin si Pola sa mga kasama. “Ano ba ‘yong pinag-uusapan natin kahapon? ‘Yong bimby ba ‘yon?”
“Bibimbap ba?” pagtatama naman ni Mamang Diyosa kasabay ng malakas na pagtawa.
“Ginawa mo namang anak ni Kris Aquino ‘yong kakainin natin!” natatawang wika rin ni Patrish.
“Nagkamali lang, bruha! Makatawa naman!” sabay irap ni Pola sa dalawang kaibigang kasama pagtapos ay bumaling ulit sa kaniya. “Tara na nga, Madam, sigurado kasi pagtatawanan lang ako ng dalawang ‘to magdamag! Saka sure ako na mas masarap ‘yong gawa nila dito kaysa nabibili natin sa Pilipinas,” pamimilit pa rin sa kaniya ni Pola.
“Sige na, guys, kayo na lang muna ang mag-enjoy this night, masakit din kasi ang ulo ko, jet lag din siguro. Saka maaga ang start bukas dahil sa first day ng fashion week,” usal naman niya habang minamasahe ang sintido niya. “Babawi na lang ako sa inyo tomorrow after ng fashion show.”
“Sige, Madam, pahinga ka na lang muna, sulitin lang namin ang stay namin dito,” wika naman ni Pola pagtapos ay lumakad na ang mga ito palabas ng suite niya.
“Sige, ingat kayo, huwag na lang din kayo masyadong lalayo, saka doblehin ninyo ‘yang mga suot ninyo dahil kahit spring season ngayon malamig pa rin sa labas,” paalala pa niya sa mga ito bago tuluyang makalabas ng pintuan.
“Sige, Madam!” tugon naman ni Patrish.
Nang maisara na ng mga ito ang pinto ay nahiga na siya ulit at pinilit niyang makatulog, hindi kasi talaga maganda ang pakiramdam niya. Hindi niya alam kung ilang oras na siyang nakakatulog nang marinig niya ang pagtunog ng TopChat niya na isang online messaging app.
Nang silipin niya iyon ay si Axel ang tumatawag na ‘yon kaya nagmamadali siyang sagutin iyon.
“Hello, babe,” bungad niya rito.
“A-alam mo ba, Xena, kung ilang beses mo na ‘kong sinasaktan dahil sa ni minsan ay hindi mo naman ako pinili,” wika ng kasintahan at palagay niya ay lasing na ito base sa tono ng pananalita nito.
“Axel, sorry na. I promise, last na talaga ‘to, pag-uwi ko naman ikakasal na tayo, ‘di ba? Kaya huwag ka ng magalit sa ‘kin. Pag-uwi ko, promise, iyon na talaga ‘yong pagbawi ko sa lahat ng sama ng loob na ibinigay ko sa ‘yo.”
“Ang daming beses ko na narinig ‘yan sa ‘yo pero palagi at palagi pa rin akong umaasa na tutuparin mo ‘yan.”
“Hey, Axel, sino ba ‘yang kausap mo?” napakunot ang noo niya nang marinig ang tinig ng isang babae mula sa tabi ni Axel.
“Ah, ito? ‘Yong babae lang naman na paulit-ulit na nananakit ng damdamin ko,” tugon naman ng binata rito.
“Axel, nasa bar ka ba?”
“Nope! Nasa condo ako, at bakit naman ako lalabas pa para uminom,” sagot naman nito sa kaniya na alam niyang lasing na lasing na.
“Turned-off that call, you ruined the night!” naiinis na tugon ng babae na parang mas inilakas pa nito para lalo niyang marinig.
“Okay, fine. Sorry…” paghingi naman ng paumanhin ni Axel kasunod noon ay ang end call sound na ang narinig niya.
Nanginginig ang kamay na tiningnan naman niya ulit ang smartphone niya at ilang beses pa niyang tinawagan si Axel mula sa app pero naka-offline na ito. Maygad, Axel! Ano bang ginagawa mo ngayon? Isang linggo na lang ay ikakasal na tayo. Naiiyak na pagkausap niya rito sa isip habang hindi pa rin tinitigilan ang pagtawag dito.
Sinubukan na rin niya ang overseas call pero hindi pa rin ito sumasagot. Hindi niya na mabilang kung ilang beses pa siyang tumawag sa kasintahan basta ang alam lang niya mahigit isang daan na yata iyon pero ni isang beses ay hindi man lang ito sumagot sa kaniya kahit pa nga mapa-app man ‘yon o mapa-overseas call.
She was stuck thinking of him overnight, ni hindi niya alam kung sinong babae ang kasama nito o kung anong ginagawa ng mga ito sa condo ng binata sa disoras ng gabi. Korea was only one hour ahead to the Philippines kaya alam niyang hating gabi na rin doon.
Ilang mahihinang katok ang pumukaw sa atensyon niya at doon siya napatingin sa orasan. Naihilamos na lang niya ang kaniyang palad sa mukha niya nang makitang 7 AM na.
“Madam?” tawag sa kaniya mula sa labas kasabay ng may kalakasan ng pagkatok. Kaya lumapit na siya roon at binuksan iyon. “Madam, hindi ka pa nakabihis?” Gulat na tanong sa kaniya ni Patrish.
“May isang oras pa naman ako, mauna na kayo roon at susunod na ‘ko,” utos naman niya.
“Sige, Madam,” tugon naman nito kaya isinara na niya ang pintuan. She has only 1 hour to prepare herself. Hindi niya alam kung sino ang dapat niyang sisihin sa nangyari pero alam niya sa sarili na mali ang desisyon niyang pagpunta sa Korea.