SHAO’s POV
Umaga na akong nakauwi sa bahay. Wala naman nakapansin sa akin kaya dumiretso lang ako sa kwarto ko.
Hindi naman ako ina-antok dahil nakatulog ako sa pagbabantay ko kay Bebeng alyas Vienne. Iyon naman ang pangalan niya pero mas sanay akong tawagin siyang Bebeng – ang babaeng matagal ko na pinangarap na makitang muli.
Paano kung hindi niya ako inabutan? Ibibigay rin ba niya sa iba ang katawan niya tulad ng sinabi niya sa akin? Bakit kailangan niyang gawin ang bagay na iyon? Wala naman kaming balita tungkol sa kanya.
Ngayon na nasira ko na ang kanyang pagkabirhen, baka sumama na siya sa iba’t ibang lalaki. Kailangan ko siyang ilayo sa lugar na iyon. Kailangan kong masiguro na walang lalaki na makakahawak sa kanya. Pero paano ko gagawin iyon, kung mailap siya sa akin? Ibinigay niya ang sarili niya kapalit ng halagang ibinayad ko sa kanya.
Marami pang laman ang savings ko at kung maubos man iyon okay lang – masiguro ko lang na walang hahawak sa Bebeng ko.
Nagkulong ako maghapon sa kwarto ko. Kumukuha na lamang ako ng pagkain ko sa ibaba at saka dito ako sa loob ng kwarto kumakain. Gusto kong mapag-isa at marami akong iniisip. Ayaw kong makita ako nina Mommy sa ganitong hitsura.
Umalis ako ng bahay ng alas-sais. Nagpasabi na lang ako sa maid namin na may lakad ang tropa. Pinapayagan naman ako ng parents ko dahil alam naman nila na responsible ako. Wala silang alam na pumapasok ako sa club. Simula noong una kong makita si Bebeng sa lugar na iyon ay araw-araw na akong nagtutungo roon kahit na hindi siya pumapasok. Mahirap na kapag hindi ako pumunta ay bigla siyang pumasok. At kagabi nga ay nakita ko siya na may ka-table na.
Ginawa ko ang lahat para mabawi siya sa ka-table niya. Nagtaka lang ako dahil bigla itong humabol sa akin. Hindi ko alam kung paano siya naka-alis sa table niya ng ganoon kabilis? Binayaran ko ng malaki masiguro lang na hindi siya mailalabas at madadala sa dark room. Pero sa huli ako ang nakasama niya sa kwarto at alam niyang binayaran ko ang gabi niya.
Masakit sa loob ko ang nangyari, dahil hindi ko pinangarap na sa ganoong paraan ko siya maaangkin. Pero nangyari na at ang kailangan ko na lang ay ilayo siya sa ibang kalalakihan.
May mga speaker dito sa labas ng club at may malaking karatula na nakakabit. Big night daw ngayon. Ang alam ko kapag ganitong big night ay may mga nagsasayaw na walang suot na saplot sa katawan. Bigla akong kinabahan. Baka mamaya ay isa sa mga sasayaw si Bebeng. Hindi maaari!
Nag-park muna ako ng sasakyan ko.
“Sir, sarado pa po.” Piit sa akin ng guard nang papasok ako.
“Kakausapin ko lang po ang manager, boss. Inagahan ko po talaga para hindi ako makasabay sa pagdagsa ng tao. Ilang araw na po akong nagpupunta sa lugar na ito. Kahit po tanungin pa po ninyo ang nasa cashier.” Maayos naman ang pagka-usap ko sa kanya.
“Okay po, Sir. Tawag lang po ako sa opisina.” Paalam naman niya sa akin.
Tumango ako sa kanya. “Thank you, boss.” Alam ko naman na trabaho lang ang ginagawa niya at kailangan niyang makasiguro muna. Narinig ko pa ang pakikipag-usap niya sa manager nila.
“Pasok na po kayo, Sir.” Kinapkapan pa rin ako nito bago ako tuluyang papasukin.
Dumiretso ako kung saan ang opisina nila.
= = = = = = = = = = = = = = =
VIENNE’s POV
Nagmamadali ako sa pagpasok dahil late na talaga ako. Maraming tao at maingay ang sounds sa labas.
Nakasalubong ko pa si Madam Loi.
“Madam, pasensya na po at nahirapan po akong sumakay. Magbibihis na po ako.” Wika ko sa kanya.
“Vienne, hindi mo na kailangan pang magbihis. Pumunta ka na lang kay Manager at kakausapin ka niya.”
“Bakit ako kakausapin? May nagawa po ba ako? Tanggal na po ba ako?” Sunud-sunod kong tanong sa kanya.
“Hindi ko alam, Vienne. Basta iyon ang sinabi niya sa akin na kapag dumating ka ay papuntahin ka sa opisina niya.” Nalungkot naman ako. Kailangan kong makausap si Madam Ursula.
“Nakita po ninyo si Madam Ursula?”
“Kahit pa kasama mo si Madam Ursula ay wala siyang magagawa kapag si Manager ang nagsabi. Pumunta ka na lamang doon para malaman mo ang dahilan. Hindi rin naman niya sinabi sa akin kaya wala akong maibigay sa iyo na ibang detalye.”
Nalungkot talaga ako. Hindi ako makatingin sa mga nasasalubong ko dahil parang may alam din sila.
Kumatok muna ako bago ko pinihit ang seradura ng pinto.
“Tuloy ka, Vienne.”
Mabagal ang bawat paghakbang ko.
“Madam, pinapunta raw po ninyo ako rito. Tanggal na po ba ako?” Nangingilid na ang luha ko dahil inaasahan ko na ang kita ko rito na ipampupuno ko sa pampa-opera namin ni Mama. Tapos biglang ganito.
“Tanggal ka na rito sa club bilang entertainer, pero may offer sa iyo. Hindi ko nga siya masabing offer dahil binayaran na niya ang bawat araw mo. Hindi na kita natanong pero alam kong kailangan mong kumita. Para sa iyo rin ito. Wala naman siyang hinihinging kapalit kundi ang pupuntahan mo siya sa address na iniwan niya. Siya ang customer mo kagabi at gusto niya na malayo ka sa iba. Bata ka pa, Vienne. Marami pang oportunidad na naghihintay sa iyo sa labas. Ayaw ko rin na ako ang maging dahilan ng pagkasira ng buhay mo at ng iba pa rito. Kaya lang ay kailangan kumite ng lahat. May kita ka pa rin kaya hindi ka mawawalan ng trabaho. Malalayo ka lang sa lugar na ito.” Paliwanag ni Madam sa akin.
Ito na ba iyong sinasabi ng ka-table ko kagabi na aalisin niya ako sa lugar na ito? Iniwan ko pa man din siya kagabi. Pero may offer pa rin siya sa akin.
Si Madam na ang sumagot para sa akin.
“Kailan po ako mag-uumpisa na pumunta sa lugar na sinasabi niya?”
“Ngayong gabi. Siniguro ko naman na ligtas ka sa kanya. Nandito ang address at susi ng apartment na pupuntahan mo. Ito rin ang pauna niyang bayad sa iyo.” Magkakasamang iniabot sa akin ni Madam ang susi, maliit na papel kung saan nakasulat ang addess at sobre na pinaglalagyan ng pera.
Dahan-dahan kong inabot ito. Binasa ko pa sa isipan ko ang address. May pera naman kaya pwede akong mag-taxi.
Nagpaalam na ako kay Madam. Hindi ko pa rin nakita si Madam Ursula. Baka may customer siya. Magkikita naman kami sa palengke kapag nagawi na siya roon. At sasabihin din naman sa kanya ng manager ang nangyari.
Lumabas na ako at nag-abang ako ng taxi. Kahit kinakabahan ako ay ayaw kong ipahiya si Madam lalo na at tinanggap ko na rin ang pera.
Hindi ko rin ito magagastos kung hindi ko makaka-usap ang nagbigay nito at ang magiging trabaho ko sa kanya.
Mukhang mabait naman ang ka-table ko kagabi at hindi ko inaasahan na ngayon din niya agad tutuparin ang sinabi niya.