"GISING!!!"
Nabulabog ang tulog ko dahil sa sigaw na iyon ng Ikalawang Pazap. Halos sabay sabay kaming napabangon ng aking mga kasamahan. "Magbibilang ako ng sampu, kailangang andito na kayo. Isa!"
Mabilis kong itinupi ang damit ng Punong Pazap at itinabi.
"Dalawa!"
Agad akong bumaba sa aking higaan at sumunod sa mga nauna kong kasamahan.
"Tatlo!"
Inaayos ko pa ang magulo kong buhok habang patakbong lumapit sa ginagawang hanay ng mga naunang kabataan.
"Apat!"
Agad akong humanay sa mga babae at hinihingal na tumuwid ng tayo.
"Lima!"
Napansin kong hindi pa sumisikat ng tuluyan ang araw kaya naman puno pa ng hamog ang sulok ng kagubatan.
"Anim!"
Unti unti kaming nadadagdagan ng mga paparating pa naming kasamahan.
"Pito!"
Ang iba ay tila ngayon lang nagising sa kanina na pang sigaw ng Ikalawa.
"Walo!"
Ang iba naman ay tinatamad pang naglalakad lang.
"Siyam!"
Ang iba naman ay nagtatanggal pa ng kanilang mga muta habang humahabol sa pagtatapos ng bilang ng Ikalawang Pazap.
"Sampu!"
Kompleto kaming lahat nang matapos ang bilang. Seryosong nakatingin sa amin ang Ikalawang Pazap habang naka-krus ang kanyang mga braso.
Hinanap naman ng aking mga mata ang Pinuno ngunit wala pa siya roon. Ang ikaapat at ikalawa lang ang naroon.
Dahil siguro wala siyang tulog kagabi dahil siya ang nagbabantay sa amin.
"Simula bukas, ganitong oras ay kailangang nakatayo na kayo rito sa gitna nang hindi kayo ginigising ng kung sino sa amin maliwanag?!"
"Opo!!" sabay sabay naming tugon.
"Maghanda kayo. Maliligo kayo sa ilog ngayon at mamaya ay ipagpapatuloy niyo ang inyong ensayo! Sasamahan ang mga babae ng Ikaapat na Pazap. Ang ikalima naman ang sa mga kalalakihan. Kumilos na kayo."
Sinenyasan na nito ang kanyang mga kasamahan at iniwan kami sa mga ito.
Inutusan naman kami ng ikaapat na Pazap na kumuha na ng aming mga damit at pagkatapos ay sumunod sa kanya papasok gubat. Habang ang kalalakihan ay sumunod sa ikalimang Pazap sa kabilang bahagi ng gubat.
Madilim sa loob ng gubat sa una ngunit habang tumatagal ay nagkakaroon ng liwanag sapagkat unti unti ring umaangat ang araw.
Ilang minuto pa kaming naglakad hanggang sa makalabas kami at mabungaran ang ilog.
Agad na nagsilusong sa tubig ang mga kasamahan ko. Kaya naman sumunod narin ako.
Katulad nila ay hinubad ko ang aking pang-ibabaw na suot.
"May 15 minuto kayo upang maligo. Sige na maligo na kayo."
Paglusong ko palang sa tubig ay naramdaman ko na agad ng lamig. Dahil iyon sa ganon pa kaaga.
Pero nung makalubog ang kalahati ng katawan ko ay unti unting tinanggap ng katawan ko ang lamig. Maganda iyon sa pakiramdam lalo't kagabi pa ako nanggigitata.
Agad kong kinuskos ang sarili kong katawan gamit ang aking palad. Walang sabon at shampoo kaya naman siguradong pagbalik ko sa amin ay matigas na ang aking buhok.
Napansin ko naman na nagkakatuwaan ang mga kasamahan ko sa kubo, nagsasabuyan ang mga ito ng tubig habang nagtatawanan.
Napangiti naman akong pagmasdan sila. Nawala naman agad iyon nang biglang umirap sakin ang mga ito.
Napabuntong hininga nalang ako at tumalikod sa kanila.
Ipinagpatuloy ko nalang ang paglilinis ng katawan.
"Anong pangalan mo?" napalingon ako sa nagsalita. Isang batang babae na sa tingin ko ay mas bata sakin ng isang taon. Lahat naman yata ng mga kasamahan ko ay mas bata sakin. Dahil iyon sa pagkaantala ng ensayo ko.
Kayumanggi ang balat nito ngunit nakikita ko parin ang ganda niya sa buhok niyang hanggang balikat ang haba.
Tipid akong ngumiti. "Ako si Lham..."
"Ako si Cahya. Taga saan ka?"
"Dochula. Sa templo ng mga Tenzin."
"Wahh." manghang bulalas niya. "Mayayamang tao ang nakatira doon ah. Ako naman sa bayan ng Jakar. Ilang taon ka na?"
"Walo..."
"Ahh, sa palagay ko, ikaw ang pinakamatanda dito. Pitong taong gulang kaming lahat dito. Paanong ngayon kalang sumabak sa ensayo?"
Napabuntong hininga ako. "Naaksidente kasi ako sa pagsasanay noon at kinailangan kong magpagaling..."
"Ganon ba?" aniya saka nagpatuloy sa paghilod ng katawan. "Sino nga palang mga kasamahan mo sa kubo?"
Nilingon ko at inginuso ang mga kasamahan kong tuloy parin sa katuwaan.
"Bakit hindi ka makisaya sa kanila?"
Mapait akong ngumiti. "Halatang ayaw nila sakin eh."
"Naku, baka naiilang sayo. Ikaw kasi ang pinakamarangya ang buhay dito."
"Pero gusto ko rin naman silang maging kaibigan."
"Hayaan mo nalang sila. Kung gusto mo ng kaibigan, narito ako. Maaari mo akong maging kaibigan."
Napangiti naman ako sa tinuran niya.
"Talaga?"
"Mm, pero dahil mas matanda ka, Azhim(ate) ang itatawag ko sayo."
Napangiti naman ako. "Sige, magkaibigan na tayo simula ngayon."
"Gusto mo bang doon ka sa kubo namin matulog mamayang gabi? Maaari kang makipagpalitan sa isa naming kasama sa kubo."
"Baka naman hindi pumayag iyong isang kasama niyo sa kubo."
Tumaas nalang ang gilid ng labi niya saka nilingon ang mga kasamahan kong naroon parin at nagsasaya. May isang babae rin silang kasama at nakikipaglaro.
"Mukhang magkakaibigan ang mga iyon. Sigurado akong papayag ang babaeng yan na makipagpalit sayo."
"Siya ba ang tinutukoy mo?" tanong ko.
Nakangiti naman siyang tumango. "Ano, payag ka na? Doon ka matutulog sa kubo namin mamaya ha."
Napangiti ako at napatango. Lumapit kami sa mga ito at nakipagkasundo kaming makipagpalitan. Pumayag naman ang mga ito at pabor sa gusto naming mangyari.
Maya maya ay inutusan na kami ng ikaapat na Pazap na umahon sa tubig. Pumunta pa kami sa mga puno upang magbihis. Pagkatapos ay bumalik na muli kami sa kampo.
MULI kaming nag-ensayo sa pakikipaglaban gamit ang kamay at paa.
Suntok, sipa at iba pang martial arts.
Mas lalo iyong nagiging mabigat at masakit sa katawan.
Ngunit hindi ako naging handa sa sumunod na nangyari...
"Upang makita ko kung may natutunan kayo sa mga itinuro namin," Anunsiyo ng Ikalawang Pazap. "magkakaroon tayo ng isang pagtutuos! Ang siyang unang makakapagpatumba ang siyang panalo."
Nailapat ko nalang ang aking labi sa narinig. Hindi pa talaga ako handa roon. Hindi ko pa kayang manakit ng kapwa.
Maya maya ay pumili ng unang magkatunggali ang Ikalawang Pazap.
"Ang unang maglalaban, Dechen Wangmo at Kinley Phuentsho!"
Agad na naglakad sa gitna at nagharap ang dalawang batang lalaki.
Ang isa ay payat--ito iyong bata na tinuruan akong kumatay ng manok---at ang isa naman ay medyo mataba.
Kami naman ay napa-upo sa lupa at pinalilibutan ang sentro.
"Simulan na ang laban!" utos ng Punong Pazap.
Agad na sumugod ang matabang bata at pinagsusuntok ang kalaban. Maliksi naman iyong payat at mabilis na umiilag sa mga tira nito.
Nang makahanap ng tiyempo ay agad na sinipa ng payat ang mataba sa braso nito na muntik na nitong ikinatumba. Buti nalang mabigat ito at mukhang mahirap patumbahin.
Sumugod ang payat at pinaulanan ng suntok at sipa ang mataba. Natamaan ito ngunit agad na isinalag ang mga braso. Panay ang suntok ng kalaban. Tumigil saglit ang payat at nang makita niyang ibaba ng mataba ang mga braso nito ay agad siya tumalon patalikod at sinipa ang mukha nito.
Napasinghap ako nang tumilapon ang mataba at napahandusay sa lupa.
Napalunok ako nang makitang namula ang pisngi nito. May dugo narin sa labi nito. Halata sa mukha ng matabang bata ang sakit na natamo habang tila nahihirapang bumangon.
Lumapit dito ang Ikatlong Pazap at binilangan ito ng lima.
Hindi nakatayo ang matabang bata hanggang matapos ang bilang ng Ikatlong Pazap.
Tumawag uli ng susunod na magtutunggali ang Ikalawa.
"Ugyen Pelden laban kay Chime Karma!"
Dalawang babae naman ang naglaban. Ngunit hindi iyon nagtagal. Ramdam kong sobrang galing ni Ugyen. Seryoso lang at deretso ang tingin sa kalaban.
Mabilis niyang napatumba ang kalaban sa isang suntok lang niya sa sikmura nito dahilan para kusang sumuko ng kalaban.
Tumawag muli ng magkatungali ang Ikalawa. Tuloy tuloy lang ang laban hanggang sa umabot iyon kay Cahya.
"Cahya Yangchen at Ngawang Norbu!"
Maliksi si Cahya ngunit panay lang ang ilag niya. Nakikita sa mukha ng kalaban ang pagkairita nito sa kanya.
Muling sumugod ang kalaban ngunit agad iyong nailagan ni Cahya.
Nag-alala ako sa kanya. Marami siyang pagkakataon ngunit hindi niya ito binibigyan kahit man lang suntok.
Hinihingal na silang pareho ngunit wala man lang sa kanila ang napuruhan. Napagod lang sila sa paghahabulan.
Galit na galit na ang babae sa kanya. Bigla itong sumugod ng mabilis kay Cahya. Muntikan namang mapuruhan si Cahya kung hindi agad nakita ang suntok nito.
Ngunit tila mas naunang napagod si Cahya dahil bumabagal na ang kanyang pagkilos at pag-ilag.
Mabilis siya nitong sinuntok sa sikmura na hindi niya nailagan kaya naman napaluhod siya.
Hindi pa man siya nakakatayo ay muling sumugod ang kalaban at tinuhod ang mukha niya dahilan para dahan dahan siyang mahandusay sa lupa.
Napatayo ako at natutop ang bibig nang makitang nawalan ng malay si Cahya. Patakbo akong lumapit sa kanya.
"Cahya!"
Agad ko siya dinaluhan. Nag-aalala akong hinawakan ang kamay niya.
Napalingon ako nang may lumapit samin. Ang Punong Pazap. Seryoso man ito ay nakikitaan ko ng pag-aalala.
Hinawakan niya at marahang tinatapik ang pisngi ni Cahya.
"Hyang..." pukaw nito ngunit hindi gumigising si Cahya. "Hyang."
Bahagya naman akong napakunot noo sa tawag niya kay Cahya. Magkakilala kaya sila?
"Nawalan siya ng malay." aniya saka binuhat si Cahya. "Dadalhin ko muna siya sa kanilang kubo.."
Hindi naman niya hinintay pa ang sagot ng Ikalawa at agad niya kaming iniwan dala si Cahya patungo sa kubo nito.
"Magpapatuloy ang laban. Ikaw!" Turo niya sakin. "Bumalik ka sa pwesto mo!"
Agad naman akong tumalima. Panay ang buntong hininga ko hanggang sa pagbalik ko sa pwesto.
Nag-aalala ako kay Cahya. Ayos lang kaya siya? Masyadong malakas ang pagkakatuhod ng babae sa kanya na marahil ay naalog ang ulo niya.
Kinabahan akong maaari rin iyong mangyari sa akin.
Nakailang laban na ngunit hindi parin nakabalik ang Punong Pazap.
"Sierra Dorji laban kay Lahm Tenzin!"
Natigilan ako nang tawagin ang pangalan ko pero mas natigilan ako nang humakbang pasulong ang babaeng kasama ko sa kubo.
Tumaas naman ang kilay niya nang tumingin sakin.
Napalunok ako. Mas bata siya sakin ngunit mas malaki naman siyang bata.
Nag-aalangan man ay naglakad ako sa gitna. Panay ang tambol ng dibdib ko sa sobrang kaba.
Nagtagpo ang paningin namin ni Sierra at kitang kita ko sa kanya ang determinasyong manalo. Nasisiguro kong malakas siya kaysa sakin.
"Simulan niyo na!"
Ganoon nalang kabilis ang pagsugod sakin ng kalaban. Naisalag ko man ang aking mga braso sa kanyang mga suntok ay napuruhan parin ang aking mukha dahilan para mapaatras ako.
Naipunas ko ang braso ko sa labi kong dumugo.
Huminga ako ng malalim nang muli siyang sumugod. Ngayon ay pantay ang aming laban. Pagkatapos kong ilagan ang kanyang mga suntok at sipa ay agad ko iyong ibinabalik sa kanya.
Natamaan ko siya sa mukha. Pareho na kaming dumudugo ang mga labi.
Hinihingal kaming parehong nagpapakiramdaman sa isa't isa.
Ang pagtikom ng kanyang kamao ang siyang naging hudyat ng kanyang paglusob kaya naman agad ko siyang sinalubong at tinapatan ang kanyang mga tira.
Muli niyang napuruhan ang mukha ko. Siya naman ay napuruhan ko sa dibdib na ikinaatras niya at hinilot iyon.
Agad kong nakita sa kanya ang galit habang sapo parin ang dibdib.
Ramdam ko na agad ang pagod. Ngunit nilakasan ko parin ang aking loob. Kailangan kong manalo. Upang mapatunayan kong karapat dapat din akong maging isang Pazap.
Patuloy ang aming sagupaan. Mukhang kami ang may pinakamatagal na laban.
Parehong habol namin ang aming mga hininga. Mabigat na ang aking pag-hinga. Napasandal narin ang aking mga kamay sa aking mga tuhod habang binabantayan ang aking kalaban.
Tila pareho kaming desididong manalo dahil muli siyang sumugod at matapang akong pinaulanan ng suntok.
Panay naman ang ilag ko sa walang katapusan niyang pagsipa sa akin na minsan ay napupuruhan ang aking braso at dibdib.
Nang mapagod siya ay ako naman ang sumugod. Katulad ko ay isinalag niya ang mga braso niya upang wag matamaan ng mga suntok at sipa ko.
Nilaksan ko ang mga suntok ko sa kanya hanggang sa maalis niya ang kanyang pananggalang. Doon ako nagkaroon ng pagkakataon, agad akong tumalon sa ere at sinipa siya sa dibdib.
Nakailang hakbang siya paatras hanggang sa mapahiga sa lupa sapo ang napinsala niyang dibdib. Nakangiwi siyang hawak parin ang dibdib. Galit siyang pilit bumangon at napaupo. Nanlilisik ang mata niya sa akin.
Maya maya lang ay napatayo siya habang mahigpit na nakakuyom ang mga kamao.
Nilaksan ko muli ang aking loob at matapang na sinugod siya.
Pero hindi ko inasahan ang ginawa niya. Bigla niya akong sinabuyan ng buhangin sa mukha!
"Ahhh!!!" sigaw ko nang mapasukan ng buhangin ang mga mata ko. Agad akong napapikit dahilan para wala akong makita.
Ganon nalang ang paghiyaw ko nang suntukin niya ako sa sikmura dahilan para mapaatras ako. Agad kong pinunasan ng damit ko ang aking mga mata pero hindi parin naaalis ang mga buhangin.
Hindi ko magawang magmulat ng mata sapagkat mahapdi iyon.
Alam kong pandaraya iyon. Ang hindi ko maintindihan, bakit hinayaan iyon ng Ikalawang Pazap.
Tuloy ay hiniling ko sa sandaling iyon na bumalik na ang Punong Pazap.
Madilim ang aking paningin.
Narinig ko muli ang pagsugod ni Sierra kaya wala akong nagawa kundi ang isalag nalang ang aking mga braso sa mukha.
Ngunit sa likod niya ako sinuntok kaya naman muli akong napasigaw.
Sunod sunod ang naging pagsugod niya at ako naman ay walang nagawa kundi ang tanggapin ang lahat ng iyon kaya bugbog ang aking katawan.
Napahandusay ako sa lupa nang manghina ang aking tuhod.
Sinimulang magbilang ng Ikatlong Pazap. Ngunit hindi ko hinayaang matapos iyon ng ganon nalang.
Marahas akong napabangon at pinilit na tumayo.
"Sumuko ka nalang!" Narinig kong sigaw ni Sierra. "Mas lalo lang madadagdagan iyang pasa mo kung ipipilit mo pang lumaban."
Hindi naman ako nakasagot. Bagkos ay huminga ako ng malalim. Biglang pumasok sa isip ko ang mga itinuro ni Mommy.
'Gamitin mo ang iyong pakiramdam at pandinig. Iyan lang ang tangi mong magagamit kapag dumating ang panahon na makikipaglaban ka sa dilim.'
Inihanda ko ang aking sarili at nakiramdam sa paligid. Pinakinggan ko ang paghinga ni Sierra. Pati ang kanyang pagkilos.
Dahil sa hangin nalalaman ko kung nasaan siya. Naririnig ko ang paglakad niya palibot sa akin.
Maya maya ay narinig ko ang pagsugod niya. Bumigat ang hangin mula sa aking likuran kaya naman nasisiguro kong naroon siya kaya mabilis akong yumuko at siniko siya mula sa aking likuran.
"Ugh!!" narinig kong anas niya.
Narinig ko rin ang ugong ng boses ng mga nanunuod samin. Nagbubulungan ang mga ito at tila hindi makapaniwalang nagawa ko iyon sa sitwasyon ko.
Itinuon ko muli ang pakiramdam ko kay Sierra.
Naramdaman kong muli ang kanyang pagsugod sa aking harapan. Bago pa man dumapo sa mukha ko ang kanyang kamao ay naramdaman ko iyon sa tulong ng hangin, agad akong umiwas kasabay ng paghawak ko sa braso niya. Mabilis akong tumalikod hawak parin ang braso niya at malakas ko siyang hinila at ibinalibag sa lupa.
"Agkhh!!"
Narinig ko ang pagbilang ng Ikaapat.
"Hindi ako kailanman magpapatalo!" Rinig kong sigaw ni Sierra. Pinigilan nito ang pagbibilang ng Ikaapat.
Naramdaman ko ang marahas na pagtayo niya.
Napabuntong hininga ako. Inihanda ko nalang muli ang aking sarili.
Narinig ko ang pagtakbo ni Sierra sa gawi ko.
"Yahhh!!!"
"Tumigil ka!"
Natigilan ako at alam kong si Sierra rin. Ang Punong Pazap. Narinig ko ang papalapit na yabag niya.
"Bakit hinayaan niyo lang na makapandaya ang kalahok na ito sa isang laban?! Hindi man lang ninyo sinuway sa kanyang kamalian, bagkus ipinagpatuloy niyo ang laban kahit na ang isa'y lugi sa kanilang tunggalian!"
"Huwag kang makialam rito Punong Pazap!" galit na sigaw ng Ikalawa. "Ako ang nagsagawa ng labanang ito! At hindi ko kailanman sinabi na bawal gumamit ng buhangin sa pakikipaglaban!"
"Hindi patas ang ginawa ng iyong pamangkin, ikalawa!"
Natigilan ako.
Pamangkin ng Ikalawa si Sierra?
"Wala akong pakialam! Ipagpatuloy ang laban!"
"Kanina pa tapos ang labang ito." may diing tinig ni Pinuno. Naramdaman ko nalang na may humawak sa braso ko. "Halika na.."
Hinila niya ako at hindi ko naman alam kung saan kami papunta. Nagkakandarapa naman ako dahil hindi ko makita ang dinadaraanan ko.
"P-Pinuno.." Saglit siyang tumigil. "Wala akong makita eh.."
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya. Di ko tuloy mawari kung anong itsura niya, kung naiinis ba siya sakin.
Maya maya ay kinuha niya ang mga kamay ko at inilingkis sa kanyang leeg.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong napalunok.
Naramdaman ko ang pag-upo niya at napayuko naman ako nang hilahin niya ang mga kamay ko.
Hinawakan naman niya ang mga binti ko mula sa likuran saka tumayo.
Tuloy ay napahigpit ang yakap ko sa leeg niya at bahagyang napasubsob ang mukha ko sa batok niya.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang maramdaman ang paglingon niya dahil nasagi ng labi ko ang batok niya.
Maya maya ay naglakad na siya. Pareho kaming walang imik hanggang sa ibaba niya ako sa lugar na hindi ko alam. Iniupo niya ako sa wari ko'y katreng kawayan.
"Diyan kalang..." utos niya. Narinig ko ang pag-alis niya. Naghintay ako ng ilang segundo. Naramdaman ko naman ang pagbalik niya. "Maghilamos ka upang matanggal ang buhangin sa mga mata mo."
Kinuha niya ang mga kamay ko at inilagay iyon sa maliit na palanggana na may tubig sa harap ng dibdib ko.
Agad akong naghilamos hanggang sa unti unting mawala sa mga mata ko ang mga buhangin.
Itinabi na niya ang palanggana.
Naramdaman ko ang pagpupunas niya sa mukha ko kaya naman ay nakaramdam ako ng hiya.
Nang matapos siya ay dahan dahan akong nagmulat. Agad ko siyang nasilayan na kunot ang noong nakatitig sakin.
Naipikit ko naman ang kaliwa kong mata nang maramdaman parin doon ang buhangin.
"Bakit?" Tanong niya.
"Meron pa po..." Napanguso ako.
Napabuntong hininga siya. Lumapit siya at umupo sa tabi ko. Nakagat ko nalang ang labi ko nang hawakan niya ang mukha ko.
"Imulat mo ang mata mo at wag mong ipipikit." utos niya.
Tumango naman ako at pilit na iminulat ang kaliwa kong mata.
Inilapit niya ang mukha niya at hinipan ang mata ko.
Ganoon nalang ang biglang pag-awang ng labi ko nang mapagtanto kung gaano kalapit ang mukha niya.
Napapalunok akong hindi ko maintindihan. Hindi ko nalalaman kung anong nangyayari sakin.
Kung bakit umiinit ang pisngi ko. Kung bakit bumilis bigla ang t***k ng puso ko. Kung bakit nanginginig bigla ang katawan ko.
At alam kong naramdaman niya iyon. Tumigil siya at nagtagpo ang paningin namin.
Kunot ang noo niyang tumitig sakin. Tila hinuhulaan ang nangyayari sakin.
Ano nga bang nangyayari sakin?