Kabanata 5

1074 Words
HINDI inaasahan nina Cheron at Eveleen na ngayon na pala ang susunod nilang pagkikita matapos ang ilang buwan na pag-uusap nila. Sa puntong iyon na nagtagpo ang kanilang paningin, gusto nilang kalimutan kung anuman ang pinangako nila sa isa’t isa at mgyakap. Na-miss nila ang isa’t isa at hindi iyon maitatanggi. Ngunit pagkatapos ng ilang segundong pagtititigan nilang dalawa ay unang umiwas ng tingin si Cherone. Pumayat ito at nagpagupit ng buhok. Nang maglakad ang dalaga patungo sa isang mesa malayo sa kanila, saka naman nila narinig ang pagtunog ng bell. Mabuti na lang at naubos nila ang kinakain bago tumayo. Hindi na siya nakapagpaalam sa tiyuhin dahil sa pagmamadaling lumabas ng kainan. Nagkabungguan pa nga sila ni Janus sa braso nang mahawakan niya ang handle ng sliding door. “Sorry…” saad nito ngunit hindi siya nito tiningnan. Nauna silang lumabas ni Tiffany at nagmamadali na pumasok sa loob ng academy bago pa man sila maabutan ng sunod na professor. Hindi niya maiwasan ang mapangiti kanina nang makaupo sa upuan. Hindi niya akalain na ganoon kalalim ang boses ng lalaki sa edad nila. Napakagwapo noon sa pandinig niya at sa tinig pa lang na ‘yon ay kaya na siya nitong ipaglaban sa mga nang-bu-bully sa kanya. “Aba, bakit ka nakangiti?” pag-aasar sa kanya ni Tiffany. “A-ano…wala lang. Masarap lang kasi ‘yong in-order natin kanina. Nabusog ako,” paluso niya. “Hala. Nakalimutan nating magbayad.” Napahawak pa sa magkabilang pisngi ang kanyang kaklase na tila ba nagpapa-cute. “Hayaan mo na. Pupunta rin naman ako roon mamaya. Sabi ko, treat ko, ‘di ba?” “Thank you. Hayaan mo, next time ako naman ang mag-te-treat sa ‘yo.” “Naku, huwag na. Nakakahiya.” Nahinto siya sa pagngiti nang maalala niyang muli si Cherone. Ganoon na ganoon silang dalawa mula noong una silang magkakilala. Sariwa pa ‘yon sa kanyang alaala tulad ng mga malulungkot na alaala nila na kailangan niyang balik-balikan. “Cherone…” Humagahulgol si Eveleen nang makarating sa ospital si Cherone upang sundan sa emergency room kung saan dinala si Harry matapos nitong malaglag sa building ng Sta. Cecilla. Nanginginig na hinawakan ni Eveleen ang dalawang kamay ng kaibigan at dahan-dahang lumuhod sa karapan nito. “I….I am sorry. Hindi…hindi ko nagawa ang ipinangako ko sa ‘yo. Hindi ko naprotektahan si Harry. Hindi ko alam na mangyayari ‘to. Hindi ko alam na…” Hindi na siya nagsalita at ibinuhos na lang ang lahat ng sakit at lungkot sa pag-iyak. Nakahanda siya sa kung anuman ang sasabihin nito ngunit walang imik si Cherone hanggang sa lumuhod rin ito at niyakap siya. “Wala kang kasalanan, Eve. Hindi kita sinisisi sa nangyari.” Niyakap siya nito nang mahigpit. Damang-dama niya ang concern ng dalaga sa kanya noong mga panahong iyon—may kakampi siya. Si Cherone ang isa sa mga kaibigan niyang hindi siya iniwan. “K-kasalanan ko dahil mahirap ako…kasalanan ko dahil nakihalubilo ako sa inyo. Dapat nandoon lang ako sa mga kagaya ko. Nandoon lang dapat ako sa mga kalebel ko sa buhay. Sorry, Cherone. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa nangyari kay Harry, isinusumpa ko ‘yan sa iyo.” Pinunasan ng dalaga ang luha na tumulo sa kanyang pisngi at payak na ngumiti. “Kagustuhan ni Harry ‘yon. Kagustuhan niyang tulungan ka hanggang sa huli. Kahit anong pilit nating awatin siya, gagawin niya ang gusto niya para sa ‘yo, Eve. Alam kong kung nabubuhay siya, iyon din ang sasabihin niya sa’yo. Tumahan ka na.” Inalalayan siya nito paupo sa isang bench at inakbayan. Tiningnan niya ang mga kamay niyang kaya sanang abutin si Harry. “Abot-kamay ko na siya, Cherone. Kaya ko siyang iligtas, eh. Pero bakit naman ganoon?” Napalingon sila nang makita ang nagmamadaling paglakad ng mga magulang ni Harry patungo sa kanila. “A-ano’ng nangyari, Eveleen? Cherone?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Leticia na ina ng binata. Hindi silang dalawa makapagsalita dahil sa pag-iyak kaya katulad ng ginawa ni Eveleen kanina nang dumating si Cherone, lumuhod ito sa harapan ng dalawa habang nakatukod ang dalawang palad sa malamig na sahig. “I am sorry, Tita…” Patuloy siya sa paghagulgol. “I-I am sorry, Tito.” Tumutulo na ang luha niya sa sahig. Naramdaman niya ang paghawak ni Cherone sa kanyang balikat upang pahintuin siya sa ginagawa. “A-ano bang sinasabi mo?” Dinaanan siya ng ginang habang si Ernesto naman ay tinayo siya. “Ano bang nangyari?” “A-aksidente pong nalaglag si Harry sa school building.” Binitiwan siya ng lalaki at sumuod sa asawang maririnig ang paghihinagpis mula sa kinatatayuan nila. Parang gusto nang sumunod ng katawan niya sa binata. Hinang-hina siya kaiiyak. Naawa rin si Cherone sa sitwasyon ni Eveleen. Hindi niya nakaramdam ng galit sa kaibigan dahil sa nangyari sa binatang napupusuan niya kundi sa Big Five pero alam niyang nagtatago na ang mga ito. Galit na galit siya sa mga katiwaliang ginagawa ng mga ito hindi lang sa mga estudyanteng katulad ni Eveleen kundi sa mga gurong napag-ti-tripan nila. “Gagawa tayo ng paraan para magbayad sila, Eveleen.” Muli niyang tinulungan si Eveleen na maupo. Hinahapo na ito sa kaiiyak at pawis na pawis na kahit malamig ang lugar. “Imposible ‘yang sinasabi mo dahil lahat sila ay anak ng government official. Wala tayong magagawa sa ngayon pero kailangan natin ng hustisya para kay Harry. Hinding-hindi ko sila mapapatawad sa ginawa nila.” “Eveleen, walang magagawa ang paghihiganti. The law will take its own course. Naniniwala ako sa kasabihan na ‘yan. Hindi sila palaging nasa itaas at hindi tayo palaging nasa ibaba.” Nagulat si Cherone nang biglang hawakan ni Eveleen ang mga kamay niya. “Cherone, please. Isa lang ang pakiusap ko sa ‘yo pagkatapos ng lahat ng ito…” “A-ano ‘yon?” kinakabahang tanong ng dalaga. “Kalimutan mo ako. Isipin mong hindi nagtagpo ang landas nating dalawa. Ako ang may kasalanan kung bakit nangyari ‘yon kay Harry at hindi ako magsasawang sabihin ‘yon dahil iyon ang katotohanan. Nakikiusap ako sa ‘yo. Kahit na magkita tayo sa susunod na taon sa St. Montecarlo kung papalarin ako, ituring mo akong isang taong hindi mo kilala.” “H-hindi ko kayang gawin ‘yon, Eveleen!” pagtanggi nito. “Kaya mo ‘yan. Para sa pagkakaibigan natin…kakayanin mo at…” Napalunok siya. “…kakayanin ko.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD