|| JIAN LOUIS MADRIGAL POV ||
Isang linggo mahigit na pero ang usapan tungkol sa nahuling magnanakaw na matagal nang pinagkakamalang multo sa likod ng College of Engineering ay di parin humuhupa.
Hanggang ngayon tuwing dadaan ako sa hallway naririnig ko parin ang usapan tungkol doon at dahil rin sa insidenteng iyon ay mas dumami pa ang nakakakilala sa akin pati na rin kay Ellie at mas lalo naman na sa mag-pinsan. Noong dumating sila lagi silang laman ng usapan dahil nga sa mga gwapo naman talaga sila.
Napag-alaman namin na dati palang nagta-trabaho rito sa loob ng School yung magnanakaw, dati syang Night Shift Security guard pero laging nahuhuling natutulog sa likod ng parehong Building. Natanggal sya sa trabaho at di na tinanggap sa ibang agency ng mga Security guard dahil sa bad record nya.
Bilang padre de pamilia ay napilitan syang gawin ang bagay na hindi dapat. Malaki ang galit nya sa School kung kaya't nang maisip nyang pasukin ang pag-nanakaw ay dito nya naisip na pumasok. Bilang nagtrabaho naman na sya dito ay alam nya na ang pasikot-sikot, oras ng may tao, kung saan dadaan at yun nga sa likuran ng College of Engineering.
Minsan na raw na may nakakita sa kanya pero nagtatakbo lang daw ito at inakalang multo sya kaya ginamit rin nya ang pagkakataon na iyon para mas mapadali ang ginagawa nyang mali. Nasabi rin nya na tuwing alas-syete ng gabi lamang sya umaakyat ng bakod at pansamantalang magtatago sa mga puno hanggang sa magsipasok na ang mga estudyante.
Naging malaking katanungan sa akin ang sinabi nya. Kung tuwing alas-syete lang ng gabi sya nagsisimulang pumasok dito, sino naman yung minsang nag-pa-sitsit sa akin pati na rin yung nahulog na sanga ng puno.
Ilang gabi ko ring iniisip yun, posibleng nagsisinungaling lang sya o kaya naman meron talagang nagmumulto. Mapapalampas ko pa ang nahulog na sanga ng puno dahil maaaring nagkataon lang pero ang pag-sitsit, malinaw ko pa yung narinig.
Lahat ng iyon naman ay isinatabi ko na lang, iniisip ko ngayon ay ang kalagayan ni Jarent. Ilang araw na kasi syang di pumapasok simula no'ng nangyari yung insidenteng iyon. Ang sabi ni Samuel pina-ayos daw nya yung hinliliit nyang daliri dahil na-dislocate daw ito sa lakas ng pagsuntok nya.
Nakokonsensya ako at di ko mapigilang sisihin ang sarili ko dahil di naman kasi sya magkakaganun kung di rin dahil sa akin at sa kagustuhan kong malaman ang totoo. Nahihiya tuloy ako lalo, lagi na lang akong nalalagay sa pahamak tapos sya yung sumasalo.
Ngayon ko lang din napansin yun, nagkakilala kami sa Club non dahil sa aksidenteng pagkakabanggaan namin, tapos nalaglag ako sa hagdan sya ang sumalo ng gawain, noong hinatak ko sya noon sa Gym at muntik na akong mabagsakan ng Staircase niligtas rin nya ako tapos ngayon naman dumagdag pa itong pagkaka-dislocate ng daliri nya dahil sa pagsapak nya sa magnanakaw na sumakal sakin. Tsk! Naku naman, mukhang habang buhay na yata nya akong aalilain at bu-bwesitin.
Pasimple akong lumingon sa bakanteng upuan sa likuran ng inuupuan ko. Katulad kahapon at noong mga nagdaang araw wala parin sya. Nagpapasalamat din ako dahil kahit papa-ano ay natatahimik ako at wala munang nang-gugulo sa akin pero di parin syempre nawawala yung konsensya, hehe.
Medyo maaga pa naman kaya iilan pa lang kaming nandidito. Tahimik lang akong nakaupo, payapa ang buhay, walang Jarent na nambu-bwesit at wala pa namang Ellie na sisira ng magandang umaga.
Inilabas ko ang ilang notes ko para magbasa-basa nang biglang may sumigaw ng malakas.
"BESSHH!!"
Anak ng tinapa! Kasasabi ko pa lang na payapa ang buhay ko ngayon mukhang masisira na agad. Juskes!
Wala na yatang pagbabago sa babaeng 'to, tuwing papasok laging sumisigaw tapos humahangos. Habang tumatagal palala na sya ng palala, kinakabahan na ako.
"Ano na naman bang problema mo? Di mo parin ba tinitigil yang bisyo mo!?" kunot noo kong bungad sa kanya. Katulad dati hihila na naman sya ng upuan at pabagsak na uupo.
"Ano ka ba Besh, mamaya may makarinig sayo dyan maniwala pa sila. Alam mo naman na mabilis kumalat ang chismis. Hay naku, buhay nga naman." litanya nya pa habang nag-aayos ng buhok nyang gulo marahil dahil sa pagtakbo nya.
"Eh bakit kasi kung makasigaw ka dyan parang walang bukas? Kala mo lagi kang hinahabol ng tokhang." natawa na lang sya sa sinabi ko kaya pati ako natawa na rin. Baliw talaga.
Matapos syang magbilang ng hibla ng buhok nya sumimple rin sya ng tingin sa likuran ko bago tumingin sa akin.
"Wala parin pala si 'Jowa' mo?" nakangisi nyang tanong. Isang malakas na kutos kaagad ang inabot nya sa akin.
"Aww!! Ang aga-aga kutos agad!?" re-reklamo pa sya, baka gusto nyang dagdagan ko pa.
"Dagdagan ko pa gusto mo? Ayos lang sa akin wala naman akong ginagawa." seryoso kong sabi pero ang Lokaret nag-pout pa. Tsk! Ayan na naman.
"Eyy kasi naman eh. Kasasabi ko lang deeeba, mabilis kumalat ang Chismis. Ayan, kahapon ko pa naririnig na mag-jowa raw kayo ni Jarent, actually, ang dami na ngang huma-hunting sayo eh."
Isa pa ito sa ikinaiinis ko eh. Dahil sa nangyari noong gabing iyon pinag-isipan kami na mag-jowa kami. Luh sila diba. Jowa agad, hindi ba pwedeng friends muna? Naku, kung alam lang nila na halos patayin na ako ng bwesit na yun. Medyo dumadalang na nga lang noon pero umaambon parin ng pambubwesit.
"Kaya nga tigil-tigilan mo yang pagtawag sa amin na mag-jowa. Lagi tayong magkasama kaya pag may nakarinig sayo baka paniwalaan ka nila kahit loka-loka ka." utos ko sa kanya.
"Hala? Grabe sya oh! Defensive ng Lola ko-- ARAY!"
Kamot ulo syang humimas sa kinutos ko, mahina lang naman yun pero kung maka-nguso kala mo sinipsip na ng kung sino ang labi.
Habang naka-upo kami ni Ellie at nagkukwentuhan ay syang pagsulpot ng isang kaklase namin, si Tin. Isa sya sa kinaiinisan ko dito dahil may pagkamataray sya at masyadong nagmamaganda pero pag-recitation na nganga na ang bisugo.
"HOY! Baklita! Ano 'tong naririnig kong mag-jowa daw kayo ni Jarent? Totoo ba yun!?"
Aba! Anlakas ng loob ng babaeng bisugo na 'to na kalampagin ang desk ko at sigawan ako. Naku pigilan nyo ako ma-aahit ko ang kilay ng bisugo na 'to. Kulang na lang i-angat nya hanggang noo yung kilay nya sa taas eh.
Sasagot na sana ako sa tanong nya nang may humawak sa balikat ko. Nang lingunin ko, nakita ko si Ellie na nakangiti sa akin. Bigla akong nakaramdam ng nag-uumapaw na saya at parang gusto kong tumawa. Mukhang mapapalaban ang Bisugo sa Pabebeng s**o.
"HOOOOOY! BABAE. ANONG KARAPATAN MONG TAWAGIN SYANG BAKLITA AT SIGAWAN SYA!!? MAY PATUNAY KA BA HUH?!!" sigaw din pabalik ni Ellie at tumayo pa talaga sya at nagpamewang pa. Pero mukhang di papatalo ang Bisugo, nagpamewang din sya. Ngayon pa lang di ko na mapigilang ngumiti sa salpukan nilang dalawa, HAHAHA!
"Na alin? Na mag-jowa sila!?" nagmamataray na tanong ni Tin the Bisugo. Pansin ko na nakatingin sa amin lahat ng kaklase namin. Bumaling agad ako kay Ellie dahil alam kong sasagot sya.
"Hindi! Na bakla sya. May Ebidensya ka ba huh!?" sagot ni Ellie sabay turo sa akin.
Sabay-sabay na tawanan ang narinig ko dahil sa sinabi ni Ellie, kung kanina nag-uumapaw ang ligaya ko ngayon naman nag-uumapaw na pang-gigigil ang nararamdaman ko. Naku!! Nag-ngingit-ngit na ang mga ngipin ko!! Walang hiyang Ellie ito kala ko kakampi ko sya.
"TUMIGIL NGA KAYONG DALAWA!" sigaw ko sabay balibag sa kanilang dalawa. Nang-gigigil na ako eh. Ang payapa ko kanina diba!? Nabasa nyo naman, tapos sisirain ng Bisugo at ng Pabebeng s**o na ito ang umaga ko.
"Para sa kaalaman mo Tin at sa inyo na rin, walang katotohanan ang mga naririnig nyo. Walang kami. Di kami mag-jowa naintindihan nyo!? Ni hindi nga kami magkaibigan eh at mas lalong HINDI KAMI MAG-JOWA NI JARENT!!" naisigaw ko na sa sobrang pang-gigigil ko sa kanila.
Sa sobrang kumukulo ang dugo ko di ko namalayan na nakabukas na pala ang pinto ng AVR at nandoon nakatayo si Sir Dann kasama si Samuel.
"Hindi nga ba?" tanong din ni Sir sabay lingon sa likuran, kay Samuel.
"Ay di ko lang din alam. Hindi nga ba?" tanong din ni Samuel sabay lingon nila sa likuran nila.
Sa puntong iyon parang gusto ko na lang na lamunin ako ng lupa nang makita ko kung sino yung nasa likuran nila. Nagbago ang itsura nya dahil sa gupit ng buhok nya at sa porma nya pero sya parin iyon-- Ang parehong Jarenth na hobby ang bwesitin ako.
"Tsk! Parang lugi na lugi ka kung makasigaw ka ah. Rinig na rinig na ng lahat." seryoso syang nakatingin sa akin habang sinasabi iyon. Halos umakyat na lahat ng dugo ko sa mukha ko dahil sa kahihiyan at alam kong pinamumulahan na ako ngayon pa lang.
Umiwas kaagad ako ng tingin at mabilis na umupo na parang walang nangyari. Sila Ellie at Tin naman tumayo na sa pagkaka-sulampak habang nagpupunas ng dugo sa ulo. (char!)
Narinig kong nagsi-kilos na yung mga kaklase ko at rinig ko rin ang mahinang pagtawa dahil sa nangyari. Nanatili na lang akong nakayuko at simpleng kumuha ng libro dahil sa kahihiyan habang kagat-kagat ang labi ko. Kung aabutin ka ba naman ng kamalasan ngayon pa, kung kailan may lakas loob na akong magsalita tyaka pa sya darating.
"Ok class, mukhang tapos na ang chismiss at napatunayan na ang katotohanan." biglang sabi ni Sir Dann kaya nagtawanan ulit silang lahat. Gusto kong sumigaw sa kahihiyan. Nakakainis talaga. Akala ko perfect na eh. Wala pa man din syang ginagawa na bwesit na nya kaagad ako.
Kasabay ng tawanan ay ang paglapit sa akin ni Jarent, sandali syang tumigil sa tabi ko pero di ko na sya nilingon at nagkunwaring nagbabasa na lang. Di naman na sya nagtagal at pumesto na ulit sya sa likuran ko.
Katulad ng nakasanayan nyang gawin, isang mahinang sipa na naman sa upuan ko ang ginawa nya pero di ko pa rin sya pinansin. Hindi naman na nya inulit pero nagulat na lang ako ng makipag-palit sya ng upuan kay Jordan.
Napatingin ako kay Jordan at nagmamaka-awa pero parang wala rin syang magawa. Sandali rin akong napatingin sa kanya at parang nag-iba bigla ang tingin ko sa kanya. Hindi ko alam, siguro dahil sa bagong gupit sya na mas bumagay sa kanya ng sampong beses.. Tsk, bakit ko ba to iniisip!? Erase! Erase!
Nang maka-upo sya ay bumalik na lang ako sa busi-busihan na kakemehan ko para pumatay malisya. Kinuha ko yung notes ko at nagbasa pero walang pumapasok sa isipan ko.
"Sandali lang akong nawala Jowa na pala kita. Sino kayang nagpakalat ng balitang iyon? Tapos kung makasigaw ka parang luging-lugi ka ha." rinig kong sabi nya. Kahit ayoko ay nilingon ko na rin sya pero parang na wrong move ako dahil halos maglapit na pala ang mukha namin.
"AYYEEE!!!" malakas na tilian ang narinig ko at salamat doon nakaiwas ako ng tingin. Di ko alam na kanina pa pala kami pinapanood ng mga kaklase ko pati ni Sir. Hindi ko na alam ang gagawin ko, baon na baon na ako sa kahihiyan. Nakakainis talaga.
Akmang tatayo na sana ako para lumabas dahil sa labis na pagkakapahiya nang pasimple akong hawakan ni Jarent sa kaliwang braso. Nasa pinakadulo naman kami ng room kaya di makita kung hawak nya ako.
Nagtatakang tinignan ko sya pero may bahid ng pagkainis ang mga mata ko.
"Ano na naman ba? Pipigilan mo akong lumabas para mas mag-enjoy kang makita akong nalulubog sa kahihiyan?" may kahinaan kong tanong sa kanya, nagpipigil na sumigaw. Nakaramdam na lang ako ng biglang pagbigat sa aking dibdib, maging paghinga ko parang hinahabol ko na rin.
Napansin kong napakunot ang noo nya, siguro napapansin nya na ang palapit na paglabas ng mga luha ko. Siguro itong gusto nya, makita akong umiyak.
Hindi pa man nagtatagal ay binitawan rin nya ako at bumaling sa harapan. Wala naman na sa amin ang atensyon ng iba dahil nagsusulat na si Sir sa White board.
"Kung magpapadala ka sa sinasabi nila talo ka. Kung hindi naman totoo at wala kang pakielam wag ka na lang papa-apekto." may kahinaan nyang sabi bago tumayo at muling nakipagpalit ng pwesto kay Jordan.
•••••
Dalawang oras ang lumipas at natapos na rin ang klase. Wala na sa discussion ang isip ko dahil sa para na akong masisiraan. Kanina halos lumuwa ang puso ko sa saya tapos napalitan ng pagkahiya at ngayon naman lungkot. Ewan ko kung bakit ako nalulungkot.
"Okay. Next week ay umpisa na ng Prelim exam ninyo. Kailangan ngayon pa lang magbasa-basa na kayo ng mga na-take down notes nyo." sabi ni Sir Dann. Oo nga pala, next week umpisa na ng mga exam, doon ko na lang muna itutuon ang atensyon at oras ko. Ayokong bumagsak, ayokong ipahiya sila Nanay at Tatay.
Nabalik kaagad sa klase ang atensyon ko ng tawagin ako ni Sir. Tumingin ako sa kanya at hinintay syang magsalita.
"Since nagkasama na kayo ni Jarent sa naganap na Pairing noon. Ikaw na ang bahalang magbigay sa kanya ng notes o kaya ituro mo na rin sa kanya. Alam mo naman na one week syang nawala. Ayos lang ba?" tanong nya pa.
Nang mabanggit ang pangalan ni Jarent at ang pangalan ko nagsimula na naman silang mangasar. Tsk, bahala na nga sila. Pakamatay pa sila kaaasar wala na akong pakialam, wala na ako sa mood makipag-talo at maging defensive.
Walang lingon-lingon at sali-salita, tumango na lang ako bilang pagsang-ayon. Ano pa nga bang magagawa ko, wala naman akong choice diba?. Kung aayaw ako may masasabi pa si Jarent at baka kung ano na naman gawin nya kapag pinasok na naman ng hangin ang utak nya kaya kesa maubos ang lakas at oras ko sa pakikipagtalo sa kanya hanggat kaya ko pa tiis-tiis na muna. Kapag na-expire na yung date na tinulungan nya ako noong gabing may magnanakaw babawi ako sa kanya, MARK MY WORDS!
Matapos magbilin pa ng ilang gagawin ay iniwan na kami ni Sir, may susunod pa kasi kaming klase at dito lang din kaya di na kami lumabas maliban sa mangilan-ngilan na lumalabas para bumili o mag-cr at kasama sa mga lumabas si Jarent. Mabuti naman.
Tahimik na naupo na lang ako at di na pinansin ang nangyari kanina, ang hirap maging malungkot baka maiuwe ko sa bahay mapansin pa nila Nanay.
At parang pitik nga lang ay dumating na si Ellie. Sa ganitong sitwasyon o panahon ko sya mas naaasahan.
"Anong kadramahan na naman yan!? Di bagay sayo Besh, burahin mo yan." nababaliw na naman nyang sabi bago nilamutak ng kamay ang mukha ko.
"Aray ko naman.. Ano ba yan!" singhal ko sa kanya. Paano ba naman kasi halos mapunit na mukha ko sa kakalamukos nya.
"Parang di parin nabubura yung malungkot na painting. Burahin ko ulit." sabi na naman nya at akmang ilalapit na naman nya ang kamay nya ng pigilan ko na sya.
"Tama na Ellie. Ako na lang." nakisabay na rin ako sa trip nya. Ako na kusang loob na luma-mutak ng mukha ko at simpleng ngumiti sa kabaliwan namin.
"AYAAN! PERFECT! mas bagay sayong ganyan. Ang drama-drama." komento nya pa sabay tabi sa akin.
"Thank you Ellie ha, kahit kailan talaga yang pagka-lokaret mo talaga ang nakakabura ng Sad Painting sa mukha ko."
Minsan talaga kailangan natin ng kaibigang takas sa mental para mapagaan ang kalooban natin kapag malungkot tayo at nagpapasalamat ako na may isang kaibigan akong takas na kahit pinaghahanap na ei di ko parin sinusuko at di ko isusuko kahit kelan. Hehe.
"Maliit na bagay. Masyado tayong maganda para maglungkot-lungkutan. Pero..." seryoso syang nagsalita kanina tapos bigla na lang nag-pout. Ano na naman problema neto?
"Pero ano?" tanong ko sa sinimulan nya. Parang naluluha pa syang humarap sa akin kaya medyo napaseryoso na ako.
"Ano bang problema? Ano ba yun Ellie?" pangungulit ko na. Parang seryoso na kasi talaga sya.
"Exam na kasi Next week. Wala ng tugs tugs party party." Nakapout nyang sabi at parang nalugi pa ang itsura. Napa-ehh? Nalang ako. Tsk, pagpasensyahan nyo na nga lang.
Ilang sandali rin kaming nag-kwentuhan ni Ellie hanggang sa magsipasok na ang mga kaklase namin at ang ibig sabihin lang non ay nandyan na ang next prof namin.
Naging maayos naman na ang pakiramdam ko bago matapos ang buong maghapon sa klase. Nakakapanibagong di muna ako bwenisit ni Jarent na tahimik lang sa likuran ko buong maghapon.
"Besh, tara na!" tawag sa akin ni Ellie pagkalabas ng huling prof namin ngayon araw. Minadali ko ng ayusin ang gamit ko at nakisabay na rin sa mga lalabas palapit kay Ellie ng may tumawag sa akin sa likuran. Di ko na kailangan hulaan kung sino, and im sure kayo din.
"Ano?" walang kagana-gana kong tanong, para naman malaman nya na wala ako sa mood. May ini-aabot sya sa akin at ng tignan ko yun isa pala yun sa marker ko. Nalaglag siguro.
"Kung ayaw mo akong turuan para sa Exam next week ayos lang, kay Sam nalang ako magpapaturo." seryoso nyang sabi bago ako nilampasan. Wala pa sigurong ilang hakbang nilingon ko sya kaagad at tinawag, huminto naman sya at lumingon rin pabalik.
"Ayos lang. Naka-oo na ako kay Sir kaya gagawin ko. Isa pa.. isipin mo na lang na bayad ko ito sa pagligtas mo sa akin." pigil ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ko pa sya tinawag at sinalungat ang sinabi nya. Ayos lang naman daw kahit di ko sya turuan. Siguro dahil may utang na loob ako sa kanya at tama, nakapag-oo na ako kay Sir, tama yun na yun.
"Hindi pa kita sinisingil ah. Kung gusto mo talaga ako turuan walang bayad-bayad yun, wag mong gamitin yung pagligtas ko sayo, ako ang maniningil non." sabi nya bago ako tinalikuran at lumabas ng Classroom.
Nakakainis talaga. Yung pagtulong nga dapat walang hinihinge o hinihintay na kapalit diba? Dapat bukal sa kalooban, ako na nga itong nagkusa na pumayag ei. Tsk! Bahala nga sya.
"Uyy!! Besh! Ano pang hini-hintay mo dyan, Forever? Nakalabas na rin sya ahh." tawag sa akin ni Ellie. Di na naman nakaligtas sa akin yung sinabi nya kaya no'ng makalapit ako sa kanya..
"AAHH!! Aray naman Besh eh, pati ba naman sa pag-uwe kutos parin?" nagrereklamo na naman sya. Pauwe na nga lang din mang-aasar pa eh, alam naman nyang apaw-apaw pa ang kabwesitan ko dadagdag pa sya.
"Forever-Forever. Eh kung kutusan kaya kita Forever want mo?! Doon may Forever." nanlalaking mata kong banta sa kanya. Mabilis naman syang umiling at nag-peace sign. Baliw talaga.
Sabay kaming naglalakad ni Ellie palabas ng Campus nang may humarang sa daan namin, tatlong babae na mula sa ibang College at ang sama makatingin.
"Yes?" mataray na tanong sa kanila ni Ellie. Sandaling tinapunan lang sya ng tingin ng tatlo bago muling tumingin sa akin.
"So, ikaw nga yung Jian?" sabi ng babaeng nasa gitna, napakunot ang noo ko dahil sa ginagawa nyang pagtitig sa akin mula ulo hanggang paa. Nakakainsulto.
"Anong problema nyo? Kung may kailangan kayo sa akin sabihin nyo na lang agad para makauwi na ako." bored kong response pero mabigat rin ang titig ko sa kanila. Hindi ko kailangang matakot sa presensya nila. Habang pinagmamasdan ko nga sila at kung paano nila ako pagmasdan ay parang alam ko na ang nais nila at kung bakit sila ganito umasta sa harapan ko.
"Well, nandito lang naman ako sa harapan mo para malaman mula sayo kung kay--"
"Hindi." madiing putol ko sa sasabihin nya. Nagulat pa sya at ang dalawang kasama nya. Sabi ko nga alam ko na ang nais nilang malaman.
"Hindi ko boyfriend si Jarenth Borromeo. Bully pwede pa pero Boyfriend hindi kaya kung nandito kayo sa harapan ko para pagbantaan ako na lubayan si Jarenth, no need for that. Isaksak nyo sa baga nyo ang Hari ng mga Bwesit na yun kung gusto nyo. Wala. Akong. Pakialam."
Wala sa kanila ang nakapag salita kaya naman dumaan na lang ako sa gitna nila para makaalis na. Fortunately, hindi na sila sumunod sa amin. Just like what i said, hindi ako natatakot sa presensya nila kasi nga kilala nyo na ang Idol ko diba! Si Lily Cruz kaya sinasabuhay ko lang sya. Fierce and palaban. Hehe.
"I love that attitude, Besh!" nakangising compliment ni Ellie sa ginawa ko.
"I know right. Number one fan yata ito ni Lily Cruz!" and on queue sabay kaming nagsalita.
"WAG AKO!" sigaw namin na sinundan ng pagtawa. Wala na, kinain na kami ng Wildflower fever. Hehe.
"Tyaka ang cliché na masyado no'ng scene kanina. Yung may haharang sayong mga bratty girls tapos pagbabantaan ka na lubayan yung isang lalake na akala nila nilalandi mo!? Nah! Wag ako kasi hindi pwede sa akin yun. Tyaka isaksak nila sa baga nila si Jarenth Borromeo na yan na Hari naman ng mga Bwesit! Akala mo kung sinong gwapo lagi namang nakalukot ang mukha na parang papel."
Inis na inis talaga ako, inilalabas ko lang ang saloobin ko pero itong si Ellie kalabit ng kalabit. Bigla itong tumuro sa gilid namin at nang tignan ko ay nakita ko si Samuel. Namula ang mukha ko dahil sa tabi nya nakatayo si Jarenth na parang papatay na.
"Jian Louis Madrigal." madiing tawag nya sa akin. Nangilabot ako kaya mabilis kong hinawakan si Ellie at hinila palabas.
"ANG PANGET MO, JARENTH BORROMEO!" sigaw ko na sinundan ng malalakas na pagtawa namin ni Ellie.
Ano bang nangyayari sa akin!? Hay, bahala na kung anong mangyari bukas! Basta masaya na akong uuwi dahil nakaisa ako ngayon sa Bwesit na yun. Hehe.