Chapter- 1

2246 Words
Lyndel Charina.  First year college pa lang ako at kasalukuyang bakasyon. Excited akong sumama sa mga kaibigan ko. Napagkasunduan naming lima na habang wala pang klase, sasamantalahin muna namin ang bakasyon. Pero alam kong hindi agad ako papayagan ni Mama. Kaya nag-isip ako ng pinakamagandang dahilan para hindi niya ako matanggihan. “Anak, alam mo namang doble ang pagtitipid natin para sa nalalapit na pasukan,” malumanay na sabi ni Mama. “Baka naman puwedeng huwag ka na lang sumama sa mga kaibigan mo?” Ramdam ko ang pag-aalala sa boses niya. Pero ngayon lang ako magkakaroon ng pagkakataong makarating sa Baguio City. Matagal ko nang pangarap na makarating sa lugar na ‘yon. Ang pinakamalamig na parte ng Pilipinas. “Hindi naman po ako gagastos, Ma,” nakangiti kong sagot. “Libre po ako ng mga kaibigan ko.” “Sigurado ka bang libre ka nila?” muli niyang tanong. Parang hindi talaga siya naniniwala. “Opo,” mabilis kong sagot. “Nangako sila na wala akong babayaran kahit singko.” Napabuntong-hininga si Mama bago siya tumango. “Okay, kung totoo ang sinasabi mo, mag-ingat ka. At bumalik ka sa araw na ipinangako mo nang hindi ako nag-aalala.” “Salamat po, Mama.” Mahigpit ko siyang niyakap. Pero habang yakap ko siya, lalo lang akong kinain ng konsensya. Dahil ang totoo… hindi libre ang biyahe ko. Ang gagamitin kong pera ay ang inipon ko mula sa baon ko araw-araw noong may pasok pa kami. Pilít kong inalis sa isip ko ang guilt na nararamdaman ko. Ayokong masira ang excitement ko. “Maiwan ko na po kayo, Mama,” sabi ko. “Maghahanda na po ako ng mga gamit ko.” “Kailan ba ang alis ninyo, anak?” “Mamayang madaling-araw po. First trip ng bus. Doon po kami magkikita-kita sa bus station.” “Okay,” sabi niya. “Pagkatapos mong maghanda, bumalik ka rito.” “Opo, Mama.” Tumalikod na ako at pumasok sa kwarto. Wala naman akong ibang bag, kaya ang backpack ko na ginagamit sa school ang kinuha ko. Isa-isa kong inilabas ang mga damit ko habang hindi mapigilan ang excitement na nararamdaman ko. Kagaya ng bilin ni Mama, nang matapos akong maghanda ng mga gamit ay bumalik ako sa kinaroroonan niya. “Mama, narito na po ako,” masaya kong pahayag. Nakatalikod siya at abala sa pagtatapos ng labada na ihahatid niya mamaya sa malaking bahay sa kabayanan. Iyon ang trabaho ng aking ina. Maaga pa lang ay umaalis na siya ng bahay upang kunin ang mga labahan at dito iyon nilalabhan sa amin. Ang gamit niya ay trisikad, at hindi naman kalayuan ang pinupuntahan niya… mga fifteen minutes lang ang biyahe. Tumigil siya sa paglalaba at humarap sa akin. Pagkatapos ay may dinukot siya mula sa bulsa ng kanyang damit. “Heto, para may pocket money ka. Huwag mo iyang gagastusin hangga’t hindi kailangan. Mahirap ang walang pera, baka biglang magkaroon ng emergency.” “Mama, huwag na po, ayos lang ako…” “Anak, mas lalo akong mag-aalala kung kahit singko ay walang laman ang bulsa mo,” sabi niya bago mabilis na isinuksok sa bulsa ko ang isang libo. Hindi ako agad nakapagsalita. Parang may kumurot sa puso ko. At naroon na naman ang konsensya ko. Kaya dinaan ko na lang sa pagyakap sa kanya para hindi niya makita ang mga mata kong nagsisimula nang mamasa. “Mag-ingat ka roon, anak ko. Alam mo namang ikaw lang ang pag-asa ko. Kaya kailangan mong makapagtapos ng pag-aaral.” “Opo, lagi ko pong tatandaan ang mga bilin mo. At huwag kang mag-alala, tutuparin ko ang pangarap nating dalawa,” pangako ko kay Mama. “Sige na, baka magkaiyakan pa tayo. Magluto ka na nang makakain ka bago dumilim. Sabi mo first trip ang alis ninyo, kaya dapat matulog ka nang maaga.” “Opo, Mama.” Bumitaw na ako sa kanya at tinungo ang maliit naming kusina. Nagsimula akong magluto. Ilang pirasong pork slices at maraming gulay para magkasya hanggang kinabukasan. Ganito kami araw-araw. Lahat ng paraan ng pagtitipid ay ginagawa namin ni Mama, basta masuportahan lang niya ang pag-aaral ko. Habang nakasalang ang niluluto ko, ang isip ko ay nasa pupuntahan namin. Marami na akong nakalistang lugar na gusto kong puntahan, nakasulat sa maliit kong booklet. At isa na roon ang gulayan sa Baguio City. Balak kong bumili ng maraming gulay dahil sabi nila ay mura raw doon. Hindi ko namalayan na nasa likuran ko na pala si Mama. Nagulat pa ako nang pitikin niya ang dulo ng ilong ko. “Masusunog na ang niluluto mo. Ano ba kasing tumatakbo sa isip mo?” “Sorry po, Mama. Iniisip ko lang ang mga bibilhin kong gulay. Alam ko namang gusto mo ‘yon.” “Gulay?” natatawang tanong niya. “Akala ko ba sa Baguio City ang punta ninyo? Bakit gulay agad ang nasa isip mo?” Tumawa ako at kumapit sa isa niyang braso. “Ibig kong sabihin, pagbalik namin dito, bibili ako ng gulay. Mura raw kasi doon.” “Wow, talaga ba, anak?” “Opo. Kaya itong binigay mong isang libo, titipirin ko.” “Unahin mo ang mahalaga. Ayaw kong magutom ka roon,” sabi pa ni Mama. “Syempre naman hindi. Sabi ko nga libre ako ng mga kaibigan ko.” “Okay, halika na. Kumain na tayo.” “Opo, Mama.” Agad kong inihanda ang pagkain sa ibabaw ng maliit naming lamesa. Pagkaupo ko sa harap niya, agad siyang nagsimulang magdasal. Pumikit ako at tahimik na sinundan ang bawat panalangin niya. At nang matapos iyon, sabay na kaming kumain. “Mama, kapag nakatapos na po ako ng pag-aaral, mag-a-apply agad ako sa magandang kumpanya. Kapag natanggap ako, pagbubutihin ko ang trabaho ko para agad akong ma-promote. Tapos kapag lumaki na ang sweldo ko, hindi ka na maglalaba. Lilipat tayo sa malaking bahay para maging komportable ka.” Ngumiti ako habang sinasabi iyon, pero si Mama ay mas lalo lang tumahimik. “‘Wag mo akong isipin, anak. Ang makatapos ka lang ay sapat na sa akin. Matalino ka, at alam kong higit pa sa inaasahan ko ang mararating mo sa buhay. Basta ang pakiusap ko lang, huwag ka munang magpapaligaw para hindi masira ang focus mo.” “Pangako po. Saka na ako tatanggap ng manliligaw kapag stable na ang buhay natin. Kaya ikaw rin, ingatan mo ang sarili mo, Mama. Kapag pagod ka, huwag ka nang maligo agad. Ayaw kong magkasakit ka.” “Lagi akong nag-iingat, anak. Hindi lang para sa sarili ko…” Huminto siya at marahang ngumiti. “Higit sa lahat, para sa’yo.” Hindi ako sumagot, baka maiyak pa ako. Tumayo ako at lumapit kay Mama saka siya niyakap mula sa likuran. Ipinatong ko ang baba ko sa kanyang balikat. “I love you, Mama. Konting tiis na lang po at giginhawa rin ang buhay nating dalawa,” mahina kong sabi. Hinaplos muna niya ang buhok ko bago siya muling nagsalita. “Mahal na mahal din kita, anak. Lagi mo sanang tatandaan ‘yon.” “Opo. Kahit hindi mo sabihin, damang-dama ko po simula pa noong magkaisip ako… higit sa lahat noong iniwan tayo ni Papa…” “Kalimutan mo na ang iyong ama. Walang mabuting maidudulot kung patuloy mo siyang iisipin,” wika ni Mama. Biglang sumeryoso ang boses niya kaya hindi na ako sumagot pa. Simula nang iwanan kami ni Papa at ipagpalit sa ibang babae, sobrang hirap ng naranasan namin ni Mama. Pero tiniis namin ang lahat. At ngayon, konting panahon na lang at makakapagtapos na ako ng pag-aaral. Mas lalo akong magsisikap na umasenso sa buhay. Para kung sakaling muli kaming magkita ni Papa, maipagmamalaki ko na ang pag-iwan niya sa amin ang naging dahilan para marating ko ang tagumpay. - Kinabukasan, alas-tres pa lang ng madaling-araw ay sakay na ako ng jeep papuntang bus terminal. Sobrang saya ng pakiramdam ko kaya hindi ko na napansin ang paglipas ng bawat minuto. “Miss, wala ka bang planong bumaba?” Napalingon ako sa jeepney driver. Saka ko lang napansin na nakahinto na pala ang jeep sa tapat ng bus terminal. Mabilis akong bumaba at hinanap ang mga kaibigan ko. Malayo pa lang ay nakita ko na silang kumakaway sa akin. Tumakbo agad ako palapit sa kanila. Grabe. Ang mga suot nila, pati mga dala nilang bag at maleta, mukhang mamahalin at bago. Huminga ako nang malalim bago umupo sa tabi nila. “Ano ba naman ‘yan, Charina,” taas-kilay na sabi ni Marla. “Wala ka bang ibang bag? Backpack mo pa sa school ang dala mo?” Ngumiti ako bago sumagot. “Parang may pambili ako. Kayo lang naman ang may kakayahang bumili ng mga bagong gamit.” Nakasmile pa rin ako kahit ang totoo, nahihiya na ako. Ayoko lang ipahalata. “Halika na nga, Marla,” sabat ni Liza. “Wala namang kinalaman ang bag sa pupuntahan natin. Kahit bago o luma ‘yan, ang mahalaga makarating tayo sa Baguio at maging masaya.” “Sorry,” sabi ni Marla. “Ayoko lang na may masabi ang mga taong nakakita sa atin.” “Ano ka ba, wala sa akin ‘yon,” sagot ko sabay tapik sa balikat niya. “Masaya ako kasi kasama ko kayo at mararating ko na rin ang lugar na matagal ko nang pangarap.” “Pagdating natin sa Baguio, bibilhan kita ng bagong bag para may magamit ka sa mga susunod pa nating pupuntahan,” sabi ni Marla. “‘Wag na. Hindi big deal sa akin ang mga ganyan. Ang mahalaga, masaya tayo.” dagdag ko pa. Pinauna ko silang apat sa pagsakay at ako ang huling umakyat ng bus. Pero nang makaupo na sila, wala nang bakanteng upuan malapit sa kanila. Kaya napilitan akong umupo sa isang bakanteng upuan na malayo sa kanilang apat. Nang umandar ang bus, lumingon ako sa kanila at kumaway. Kumaway rin sila pabalik bago muling nag-usap-usap. Umayos na ako ng upo. Pero hindi pa man nakakalayo ang bus sa terminal ay bigla itong huminto. Madilim pa sa loob ng bus, pero aninag ko ang lalaking sumakay. At sa tabi ko pa talaga siya umupo. Bahagya akong umurong palapit sa bintana para hindi magkadikit ang mga braso namin. Pero grabe ang bango niya. Nakasoot siya ng cap at face mask kaya hindi ko makita nang maayos ang mukha niya. Maya-maya ay nagsalita siya. “Miss, okay lang ba kung may favor akong hihilingin mula sayo?” Napakurap ako. Ang ganda ng boses niya. Parang DJ sa paborito kong radio station. “Ano po ang gusto mong ipakiusap?” tanong ko. “May tinatakasan kasi ako… isang makulit na babae. At alam kong maya-maya lang, hihinto ulit ang bus at sasakay siya. Nasa likuran lang ang sasakyan niya hinahabol ng bus.” “Tapos po? Ano ang gagawin ko?” “Kapag nandito na siya, puwede bang yakapin kita at sabihin na ikaw ang babaeng pakakasalan ko?” “Naku, baka po sampalin ako ng babaeng tinatakasan mo.” “Hindi. Ang gusto lang niya ay makakita ang babaeng karelasyon ko para tigilan na niya ako.” “Sorry po, pero sa iba ka na lang humingi ng ganyang favor. Wala po akong alam sa mga ganyan dahil hindi pa ako nagkakaroon ng boyfriend.” “Isang milyon.” Napatingin ako sa kanya. “Babayaran kita ng isang milyon basta pumayag ka lang.” Napataas ang kilay ko. Nagbibiro ba siya? “Here.” Inabot niya sa akin ang isang debit card. “May laman na dalawang milyon ‘yan. Kapag pumayag ka, sa’yo na ang kalahati. Puwede mo ‘yang i-withdraw mamaya pagdating natin sa Baguio.” Hindi ako agad nakapagsalita. Kung mayaman siya, bakit bus ang sinasakyan niya? Akmang magsasalita pa sana ako nang biglang huminto ang bus. “Oh, s**t,” mabilis niyang sabi. “Nandiyan na siya. Hawakan mong mabuti ang card.” At bago pa ako makareact, mabilis niyang hinawakan ang magkabila kong pisngi at siniil ako ng halik. Nanglaki ang mga mata ko. Lalo na nang makita kong may babaeng nakatayo sa tabi namin. Madilim pero aninag ko ang maputi nitong balat at maikli niyang buhok. “James! Anong kalokohan ito? Sino ang babaeng ‘yan?” galit na sigaw nito. Mataray na tanong ng babae, at binitawan naman ako ng lalaking tinawag na James. “Fiancée ko,” sagot pa ng lalaki bago bumaling sa akin. “‘Di ba, sweetheart?” “U-Umm… o-oo,” mahina kong sagot bago mabilis na yumuko. “Gago ka!” singhal ng babae bago tumalikod at bumaba ng bus. Pagkababa niya, muling inayos ng lalaki ang cap at face mask niya na para bang walang nangyari. Samantalang ako… nanatiling tulala. Ngunit ng maisip ko ang nasa kamay ko. Ang debit card… mabilis kong isiniksik sa pinakaloob ng backpack ko. Bahala siya. Sana lang may laman nga ang card. Aba, first kiss ko ‘yon. Nang halos kalahating oras nang bumibiyahe ang bus, sumilip ako sa katabi ko. Tulog na siya. Nalalaglag na rin ang cap niya pero hindi ko pa rin maaninag nang maayos ang mukha niya dahil madilim pa rin sa loob. Kaya ang ginawa ko ay pumikit na lang din. Alas-kuwatro y medya pa lang naman ng umaga. Sayang ang oras kung hindi ako matutulog. Baka makasingit pa ako ng kahit dalawang oras na pahinga bago tuluyang sumikat ang araw. === To be continue… A Tragic Incident.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD