NAIBAGSAK ni Lauren ang bitbit na kahon ng cake ngunit hindi niya inalis ang pagkakahinang ng kanyang mata sa lalaki. Nagsimulang maglandas ang luha niya nang muling masilayan ang mukha ng lalaking hinanap ng puso niya. Hindi niya naisip sa loob ng mahabang panahon na iisa si Finn Burnham at si Daddy Sam. Lumapit ito sa kanya. Mas malinaw niya itong pinasadahan ng tingin. Ganoon pa rin ang hitsura ng lalaki, parang kahapon lang sila huling nagkita. Malamlam ang mata nito na malalim na nakatingin sa kanya. Nakasuot ito ng gray na three-piece suit. Maayos na naka-brush up ang buhok. “I got you…” tinig ng lalaki. Hinaplos nito ang kanyang pisngi, binaba ang mukha at saka siya binigyan ng halik. God! How much she missed his kisses? Napapikit na lang siya at saka ninamnam ang mga labi n

