"Anak, salamat naman at napasyal ka." Hindi matatawaran ang saya sa mukha ni Tiya Pura nang dumating si Lianne sa tinitirhan nito. Niyakap siya nito nang buong higpit matapos niyang mailapag sa ibabaw ng mesita ang groceries na pinamili niya. "Tiya Pura, kumusta na po kayo?" saad ni Lianne nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya. "Pasensiya na po kung ngayon lang ako nakadalaw." "Naku, anak, huwag mo akong problemahin. Maayos ako. Maayos na maayos." Pinaupo siya nito sa sopa. Ngumiti lang siya sa sinabi ni Tiya Pura at kahit nababanaag niya ang lungkot sa mga mata nito ay hindi na siya nag-usisa pa. Kilala niya ang ugali nito. Ayaw na ayaw nito na nakakaistorbo sa iba. Kahit may iniinda ito na sakit ay pilit nitong itinatago nang sa gano'n ay hindi ito kaawaan ng iba. "Teka lang, a

