NAKARAMDAM ako ng pagod sa ilang oras na pagmamaneho. Medyo tirik na rin ang araw. Hindi ko alam kung saang lupalop na ako ng bansa naroroon ngayon. Basta ang gusto ko lang kanina ay lumayo nang lumayo mula sa pamilya kong walang alam sa nararamdaman ko. Mga insensitive! Manipulative people!
Ramdam ko na ang antok at gutom dahil hindi pa ako nag-aagahan at wala pa akong tulog. Teka, anong oras na ba?
Tumingin ako sa dashboard kung nasaan ang digital clock. Labing limang minuto na lamang pala ay papatak na sa alas-diyes ang oras. Kaya naman pala nagwawala na ang mga halimaw sa tiyan ko, eh.
Tumingin-tingin ako sa mga nadadaanan ko para humanap ng kainan. Hindi naman ako mapili, eh. Okay nga lang maski sa turo-turo. Kahit naman kasi lumaki ako nang may gintong kutsara sa bibig, hindi ko sinanay ang sarili ko sa mga bagay na puro lang karangyaan.
Ang pera kasi isang bagay na puwedeng maubos. Puwedeng mawala. Pero iyong mga bagay na nakasanayan mo na, hanggang pagtanda dala-dala mo na iyan. Kaya ano lang naman ba iyong matuto tayo sa simpleng buhay ’di ba?
’Yan ang natutunan ko sa mga bata sa ampunan na tinutulungan namin ni Matet. Walang permanente sa mundo. Mawawala rin ang mga iyan at hindi madadala sa kamatayan. Mapabagay man iyan o feelings ng tao. Parang feelings niya sa akin, bigla na lamang naglaho.
Pakingshet Zeke!
Nang makita ko ang isang sikat na fast food house ay agad akong nag-park sa parking lot na nakalaan para sa mga customer nito. Napangiti ako nang makitang iisa lang ang nakapila sa bandang dulo kaya binilisan ko ang paglapit at baka maunahan pa ako ng iba.
Isang matandang lalaki na halos puti na lahat ang buhok ang nasa harapan ko. Priority lane pala itong pinilahan ko. Bigla tuloy akong nahiya. Pero nandito na ako. Bakit pa ako lilipat?
“Dagdagan mo pa ng isang pan ng sphagetti, hija. Paborito kasi ng asawa ko ’yan,” masayang wika pa nito. Mababakas sa boses niya ang excitement. Napangiti tuloy ako dahil kay tatay. Ang gaan kasi ng awra niya.
Nang matapos niyang ma-order ang lahat ay naglabas siya ng pambayad mula sa bulsa ng kaniyang pantalon na kupasin. Sa hitsura ng pantalon niya ay papasa nang pamunas dahil sa kalumaan nito. Malinis naman ngunit punit-punit na. Ngayon ko lang din napansin ang nakaipit sa kili-kili niyang saklay. Gawa iyon sa kahoy na halatang napaglumaan na rin ng panahon. Wala palang isang paa si tatay. Putol ang kaliwa.
“Ikaw na ang bahalang magbilang, hija. Pasensiya ka na at puro barya iyan.” Nagkamot pa ito ng ulo na tila nahihiya.
Nang tumingin ako sa perang pambayad ng matanda ay puro barya nga ang mga iyon na nakalagay sa isang supot na transparent. Iyong plastik na panggawa ng yelo.
Bubuksan na sana ng babae para bilangin ang pinambayad ng matanda nang maisipan kong bayaran na lang ang binili nito at ipabalik ang bayad niya. Laking tuwa ng matanda dahil doon. Ayon sa kaniya ay galing pa sa pinagbentahan niya ng kalakal na inipon ang ipambabayad sa mga order niya. Birthday raw kasi ng asawa niya ngayon kaya pinilit niyang makapag-ipon kahit pakonti-konti lang.
“Tatay, wait lang po, umupo muna po kayo doon sa may bakanteng upuan. Dagdagan pa po natin iyan. Regalo ko po para sa asawa niyo,” ani ko sa matanda.
“Naku, hija, sobra-sobra naman na yata ito. Binayaran mo na nga ang in-order ko tapos ngayon ay may dagdag pa,” nahihiyang wika ni tatay.
“Ayos lang po iyon ’tay, maliit na bagay lang po ito para sa mapagmahal na asawang katulad niyo. Sana all kagaya niyo po.”
Dahil mapilit at makulit ako, walang nagawa si tatay at kinuha na lang ang mga pagkain na in-order ko para sa kaniya.
Dinagdagan ko ng isang bucket ng chicken at limang order ng burger with fries para sa mga apo niya. Paulit-ulit itong nagpasalamat hanggang sa magpaalam na siya sa akin.
May kung anong bahagi sa puso ko ang nahaplos ng kalagayan ni tatay. Sa kabila ng kapansanan nito ay nananaig pa rin sa kaniya na mapaligaya ang asawa. A true love indeed. Isang dalisay na pag-ibig na kahit sa paglipas ng panahon, sa kabila ng kakulangan at kasalatan, nakagagawa pa rin ng paraan para mapasaya ang taong minamahal.
Gano’n dapat! May sinumpuan ang mag-asawa sa harap ng altar, eh. Sa harap ng mga taong saksi at sa Diyos. For richer or for poorer. ’Til death do us part. Kaya dapat hindi lang sa salita ang mga katagang iyon, dapat isinasagawa rin.
Sabi nila, hindi ka mapapakain ng pagmamahal. Hindi ka mabubuhay ng puro pagmamahal lang. Pero para sa akin, mali iyon. Dahil kung nagmamahalan ang dalawang tao, wala mang marangya at maalwan na pamumuhay, kung may pagmamahal at pagkakaintindihan naman, lahat magagawan ng paraan. Para sa akin, sila na ang pinakamayaman sa lahat. Ang pera at yaman, nawawala ’yan, pero ang dalisay na pagmamahal, binabaon hanggang sa kabilang buhay.
Sana all ’di ba?
Pero hindi, eh. Maraming kagaya ko ang minalas sa buhay pag-ibig. Iyong tipong ibinigay mo naman ang lahat-lahat, pero hindi ka pa pala sapat. Punyemas na Zeke iyon! Gago siya! Gago! Wala siyang bayag!
Basta-basta na lang niya akong ipinagpalit sa babaeng nagpatikim sa kaniya ng tahong. Maghihiwalay rin sila! At iyong si hellboy? Bahala siya sa buhay niya. Mga anak sila ng ina nila!
Pinanggigilan ko ang paa ng manok dahil sa sobrang inis. Linapi-lapirot ko ang balat hanggang sa magula-gulanit ito saka ko isinubo ang natitirang laman.
“Nakakainis! Kung hindi dahil sa dalawang lalaking iyon, wala sana ako sa sitwasyong ito ngayon. Daig ko pa ang kriminal sa pagtatago, eh!” bulong ko habang nilalantakan naman ang palabok.
Nang maubos ko lahat ang pagkaing in-order ko, muli akong nag-drive nang walang patutungahan. Bahala na kung saan ako abutan ng dilim mamaya. Pero sa ngayon, kailangan ko munang maligo dahil ang lagkit na ng katawan ko.
Nilingap ko ang paligid ngunit wala na palang kabahayan at establisyimento ang bahaging ito. Puro talahiban at mga puno na ang nakapaligid sa bahaging ito.
Alas-dose na rin ng tanghali. Halos dalawang oras na rin pala akong nag-drive. Hanggang saan kaya ako dadalhin ng joyride na ito?
“Haaaayyy buhay! I love my fvcking life!” sigaw ko sabay abot ng cellphone na nasa passenger’s seat.
Wala lang. Gusto ko lang i-check kung may message galing sa pamilya ko. Baka sakaling nagbago na ang isip nila at iurong ang engagement namin ni hellboy.
Pero na-disappoint lang ako nang makitang wala man lang isang text! Grabe, wala talaga silang pakialam maski maglayas ako? Ngayon ko mas naramdaman ang pagiging outcast ko sa pamilya. Siguro kung si Ate Trina ang nawawala, kanina pa sila nagkakagulo sa bahay.
That’s the saddest part of being Luisiana Elizalde. Nakikita lang nila ako kapag may kapalpakan o kamaliang nagawa.
Muli kong ibinalik ang cellphone sa upuan. Pero pagkabalik ko ng tingin ko sa daan, may lalaking nakahandusay kaya mabilis pa sa alas-kuwatro akong nagpreno.
“Oh my God!” bulalas ko habang sapo-sapo ang aking dibdib. Tila na-hit and run yata ang mama na nasa daan.
Nang mahimasmasan ako sa pagkabigla ay agad akong bumaba para i-check ang mama. Baka sakaling buhay pa at nang maisugod ko siya sa ospital.
Nangangatog ang tuhod ko habang mahinay na lumalapit sa lalaki. Natatakot ako pero kailangan ko siyang tulungan. Kawawa naman ang pamilya niya kung sakali.
Marahan akong yumukod para i-check ang pulso niya. Pero biglang may tumusok sa likod ko.
“Miss, holdap ’to!” matigas na wika ng kung sino sa likuran ko. Punyemas! Ano na naman ’to?
“Kuya, hindi po masamang biro ’yan,” ani ko sabay tayo ngunit pinigilan ako ng isa pang lalaki.
Napalunok ako nang mariin nang biglang may tatlo pang lalaki ang lumabas mula sa talahiban. Tapos ang lalaking nakahiga kanina biglang tumayo!
“Mga kuya, baka naman po puwede nating pag-usapan ’to—”
“Hindi namin kailangan ang katawan mo, Miss! Hindi mo kami makukuha sa ganiyan,” sita ng isang lalaking may dilaw na ngipin. Hindi yata uso ang toothpaste at sipilyo sa lalaking ’to. Kulay chesa na ang ngipin!
“Anong katawan ang pinagsasabi mo? Hoy! Mr. yellow teeth, wala akong balak ’no!” bulyaw ko sa may dilaw na ngipin.
“Aba’y matapang ang isang ’to. Gusto ko ’yang ganiyang babae—palaban,” wika ng isa pa saka sila nagtawanan.
Nakaramdam na ako ng matinding takot. Hindi lang mga pangit ang mga ’to, ang babaho pa! Never kong isusuko ang pagiging birhen ko sa mga taong hindi nasasayaran ng tubig at sabon!
“Tulong!” sigaw ko nang lumapit ang isang lalaki sa akin na amoy putok. Pucha! Hindi uso ang deodorant sa isang ’to!
“Kahit magsisisigaw ka pa, walang makakarinig sa ’yo rito.”
Diyos ko! Hindi ako mamamatay sa takot, mamamatay ako sa baho ng mga hinayupak na ’to.
Naramdaman ko ang paghawak ng isa sa puwitan ko. Bahagya pa niyang hinimas na parang monay. Nag-init ang ulo ko dahil sa ginawa niya kaya mabilis akong umikot para bigyan siya ng sampal. Pinagtutulak ko sila at saka tumakbo ngunit agad din nila akong nahawakan.
“Please Lord! Kung sino ang magliligtas sa akin mula sa mga dugyot na ’to, promise! Siya na ang pakakasalan ko,” usal ko ng panalangin sa aking isipan.
Gusto ko nang umiyak dahil wala talagang sasakyan ang dumadaan. Napapikit na lamang ako dahil dalawa ang nakahawak sa magkabila kong kamay. Napaka-hopeless ko! Hanggang dito na lang yata ako. Sa mga dugyot na nilalang lang pala bababa ang wagayway ng aking bandila. Tanginang buhay naman, oh!
Ngunit tila dininig ng Diyos ang panalangin ko nang may marinig akong bumisina. Napangiti ako dahil sa tuwa saka idinilat ang aking mga mata.
“Let go of her!”
Halos malaglag ang panga ko nang mapagsino ang lalaking dumating.
“Lord, puwede pa bang bawiin iyong sinabi ko?” mahina kong usal nang makitang si hellboy ang dumating.