HINDI rin ako masiyadong nakatulog kanina. Parang idlip nga lang yata ang nangyari dahil nang tingnan ko ang oras sa aking relo ay limang minuto pa lang ang nakararaan buhat nang makarating kami rito. Siguro ay dahil hindi lang ako sanay na matulog sa ibang bahay kaya’t namamahay ako. Akala ko pa naman ay magiging masarap ang pagtulog ko, ngunit akala ko lang pala ’yon. Marahan akong bumangon mula sa kama. Inayos ko ang aking mahabang buhok. Sinuklay gamit ang aking mga daliri saka itinali sa paraan ng messy bun bago tumayo para tunguhin ang pinto. Agad kong pinihit pabukas ang seradura. Bahagyang binuksan ang pinto saka sumilip sa awang nito. May naririnig akong ingay na nagmumula sa bandang kusina. Sigurado akong si Jacob iyon dahil nagpresinta siyang ipagluluto ako ng sinigang kanina.

