TWO WEEKS LATER
Puting kisame ang bumungad kay Criselda pagdilat ng kaniyang mga mata. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatitig dito. Sa paggalaw ng kaniyang mga mata ay dahan-dahan ding gumalaw ang kaniyang katawan upang bumaling. Sa pagbaling niya ay may nakita siyang isang lalaking nakatayo at nakasuot ng puti habang nakatingin sa kaniya. Maya-maya ay may gumalaw sa likuran ng lalaki. Bumungad ang isa pang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt at pantalon. Maputi at singkit ang lalaki at mahahalata kaagad na hindi ito pinoy.
"S-sino k-kayo?" lakas-loob na tanong ni Criselda habang pinipilit na maibangon nang bahagya ang sarili mula sa pagkakahiga. Pakiramdam niya ay napakatagal niya ng nakahiga roon dahil sa naramdamang pananakit ng katawan.
Nagkatinginan naman ang dalawang lalaki na nasa harapan niya. Bahagyang humakbang ang lalaking nakaputi palapit sa kinahihigaan ni Criselda.
"Huwag mo munang pwersahin ng sarili mo. Mag-dadalawang linggo ka ng nandito sa ospital," ang wika ng lalaking nakaputi.
Doon napagtanto ni Criselda na doktor ang lalaking nakasuot ng puti. Napalingon siya sa lalaking nakaitim. Pagkuwa'y tila biglang sumakit ang ulo niya kaya naman napahiga siyang muli mula sa bahagyang pagkakabangon.
"A-anong nangyari?" habol hiningang tanong muli ni Criselda na nakatitig muli sa puting kisame. "S-sino a-ako?"
Narinig ni Criselda ang pagbuntunghininga ng doktor.
"Ikaw si Criselda De Vera at ako naman si Dr. Javier De Vera," pagsagot ng doktor.
Napakunot-noo si Criselda at muling napalingon sa doktor. Nagtatanong ang kaniyang mga mata na pakiramdam niya anumang sandali ay pipikit na.
"Magkapatid tayo, Criselda."
Tuluyan ng napahawak si Criselda sa kaniyang ulo habang mariing napapikit. Parang binibiyak ang ulo niya at hindi niya maalala ang kahit na ano tungkol sa sinasabi ng doktor na kapatid niya ito.
"Anong nangyari sa akin?" hindi nagbabago ang pwestong tanong ni Criselda.
"Criselda, narito rin ang boyfriend mo..."
Doon siya muling napamulat. At napatingin sa lalaking kasama pa nila sa kuwartong iyon. Nakatingin din ito sa kaniya ngunit wala siyang makitang emosyon mula sa lalaki. Nilingon niyang muli si Dr. Javier. Bahagya namang tumango si Dr. Javier sa kaniya. Hanggang sa naramdaman na lang niya ang paglapit ng lalaking nakaitim sa kaniya.
"K-kumusta ka?" ang sambit ng lalaki.
Nang lingunin ni Criselda ang lalaki ay tila lumalabo ang paningin niya rito. Pilit niyang inaalala ang lalaki na naging sanhi ng pagsakit lang lalo ng kaniyang ulo.
"Criselda, naaksidente ang bus na sinasakyan ninyo," dinig ni Criselda na wika ni Dr. Javier kaya naman napalingon siyang muli rito.
"N-namin?"
"Kailangan ko itong sabihin sa 'yo... Nakaligtas ka sa aksidenteng iyon ngunit... Nasawi ang mga magulang mo... At dalawang linggo na ang nakakalipas. Dalawang linggo kang walang malay, Criselda," ang malungkot na turan ni Dr. Javier.
Doon na mas lalong hindi kinaya ni Criselda ang mga naririnig. Pakiramdam niya ay sasabog ang kaniyang ulo sa sobrang sakit. Hindi na masyadong maintindihan ni Criselda ang mga sinasabi ni Dr. Javier dahil muli na naman siyang hinila ng kadiliman...
*************
Tahimik na lumabas sina Dr. Javier at ang lalaking kasama nito sa kuwartong kinaroroonan ni Criselda.
"She's suffering from traumatic amnesia. This will be hard for us, Namkyun..." buntonghiningang saad ni Dr. Javier.
"Jeon igeo mot hal geot gatta," sagot naman ni Namkyun. Na ang ibig sabihin sa Ingles ay 'I don't think I can do this'. Nakakaintindi naman siya ng Tagalog ngunit hindi lang siya ganoon karunong sa pagsasalita. Mas natuto rin siya sa paggamit ng wikang Ingles.
"We already told her, Namkyun," may pag-aalalang sabi ni Dr. Javier sa tila pagbabago ng isip ni Namkyun.
"What happens when her memories—"
"Let's not discuss that today. Remember that I am just helping you. So if you think I'm not a good brother, you can go back to Korea now and forget that I promised to help you," ang hindi maipintang mukha na sagot ni Dr. Javier.
"I'm sorry..." anas ni Namkyun.
"Bumalik ka na sa loob. Mas makakabuti kung ikaw ang masisilayan niya kapag nagising na ulit siya," mababa na ang tonong wika ni Dr. Javier.
"I'll just go outside. I need to breathe," paalam ni Namkyun at hindi na nito hinintay na magsalita si Dr. Javier.
Sinundan na lamang naman ni Dr. Javier ng tingin ang papalayong si Namkyun.
Nang tuluyang makalabas sa ospital si Namkyun ay napatingala ito at napapikit. Tuwing Linggo nang gabi ay kasabay niya si Dr. Javier na nagpupunta sa ospital. Sa loob ng mahigit isang linggo ay halos memoryado niya na ang hugis pusong mukha ni Criselda. Ang bilugan nitong mga labi, matangos na ilong, at magandang pares ng mga mata. Ngayon nga ay tuluyan niya nang nasilayan ang pagdilat ng mga mata ni Criselda. Aaminin niya sa sarili, nakaramdam siya ng guilt nang ipakilala na siya ni Dr. Javier bilang boyfriend nito. Gusto niya sanang tumutol. Sabihing hindi iyon totoo kahit na siya naman talaga ang dahilan ng pagsisinungaling ni Dr. Javier. Ngunit paano niya iyon sasabihin sa harapan ng isang babaeng nakalimot sa kaniyang nakaraan? Paano niya sasabihing nagsisingaling lang sila ng kapatid nitong si Dr. Javier?
Inalala ni Namkyun ang naging pag-uusap nila ni Dr. Javier may isang linggo na ang nakakalipas...
"I need a Filipino citizenship. You know that I can't stay longer here in Philippines without that," hindi mapakali at kabadong-kabadong saad ni Namkyun. Pabalik-balik ito sa paglalakad sa harapan ni Javier.
Pakiramdam niya ay nanginginig ang buong katawan niya dahil sa takot.
"Stay calm, Namkyun. Hindi rin ako makakapag isip nang ayos kung ganyan ang ipapakita mong emosyon sa akin," niluwagan ni Javier ang necktie nito dahil din sa tensiyon na nararamdaman.
"Tell me. How can I get one?" Umupo si Namkyun sa katapat na upuan ni Javier. Umaasa siyang may maisasagot sa kaniya ang lalaki.
Kasalukuyan silang nasa garden sa labas ng bahay ni Javier ng mga sandaling iyon. Sa loob naman ng bahay ay naroong nakatayo at nakatanaw sa kanila ang ina ni Javier. Maluwang at malaki ang bahay. Mataas ang bakod na nakapalibot sa bahay at kahit sinong nasa labas ay hindi masisilip man lang ang loob niyon. Ultimo ang mga matataas na halaman sa loob ay hindi matatanaw.
"You need to marry..." mahinang saad ni Javier.
"What?" nagulat naman si Namkyun sa sagot na iyon ni Javier.
"Yes, you need to marry. At alam ko na kung paano mo iyon magagawa..." wala sa sariling sambit ni Javier...
Ngayon ay kailangan niyang harapin ang hininging tulong sa kaibigan—kay Dr. Javier. Hindi niya alam kung paano aayon ang lahat pero isa lang ang sigurado niya, isang malaking kasalanan ang kahaharapin niya sa pag-iwas sa isa pang mas malaking kasalanan...