Kanina pa hindi makatulog si Paris. Sa tuwing ipipikit niya ang kaniyang mga mata ay mas lalo lang na hindi siya dinadalaw ng antok. Dahan-dahan siyang gumalaw at tiningnan ang katabi niya. Tulog na tulog na si Sarah. Masuyo niyang hinaplos ang buhok nito.
Hindi siya mapakali. Parang may nagtutulak sa sarili niya na lumabas sa bahay at magpahangin. Napasilip siya sa bintana at nakita niya ang liwanag ng buwan sa buong rancho.
Marahan siyang gumalaw at sumilip sa ibabang higaan. Napansin niyang humihilik na si Grecian at tulog na rin ang katabi nitong si Henry.
Maingat niyang ginalaw ang mga paa papunta sa hagdanan. Napahinto siya sa pagbaba nang marinig niya ang malakas na hilik ni Grecian. Inakala niyang nagising ito.
Napahinga naman siya ng maluwag nang hindi nito napansin ang pagbaba niya. Madilim ang buong bahay at tanging ang buwan lang ang nagbibigay liwanag mula sa labas ng bintana.
Parang nabunutan siya ng tinik sa talampakan nang makalabas siya ng bahay.
Nagniningning ang buong kalangitan gawa ng mga bituin. Ang liwanag ng buwan na parang humahalik sa balat niya. Hindi mapigilan ni Paris ang ngumiti. Sulit ang paglabas niya para malanghap ang malamig at sariwang hangin sa rancho. Napapikit siya.
Nagtagal ng ilang segundo ang ginawa niya pero gulat na napadilat siya nang may tumawag sa pangalan ni Paris mula sa likod niya.
"Paris?!" Nagulat si Paris dahil sa malakas na pagtawag ng kaniyang pangalan. Ilang saglit pa niyang itinutok ang paningin sa tao na tumawag sa kaniya kahit na alam niyang kilala niya ang boses nito.
"G-grecian? A-anong gina–"
"Hindi. Ako dapat ang nagtatanong niyan sa 'yo. Anong ginagawa mo dito sa labas?? Malalim na ang gabi ah?" Pagkatapos nitong magsalita ay saka ito lumitaw mula sa dilim.
Napamaang siya sa sinabi nito. Nakaawang ang bibig niya na parang pino-proseso ang salitang itutugon sa tanong nito.
Nakatitig siya sa mukha nito. Sigurado siyang manipis na shorts ang suot nito dahil madali iyong gumalaw gawa ng hangin na tumatama dito.
Mas lalo niyang ipinukol ang titig sa katawan nito. Diyos ko, bakit wala man lang itong sando?! Marahas na ipinilig ni Paris ang kaniya ulo at mabilis na nag-iwas ng tingin mula dito.
Nang makabawi sa nakita ay saka lamang siya nagsalita habang nakatalikod mula dito.
"Wala, gusto ko lang magpahangin sa labas. Naninibago lang ako. Nasanay kasi ako na nasa tabing dagat lang ang bahay... Kaya 'eto, mas mabuti na rin na malaman ko kung gaano kaganda ang lugar na 'to sa gabi," paliwanag niya dito.
Ilang segundo na wala siyang narinig mula sa likod niya pero kinabahan siya nang maramdaman ang mga yapak nitong palapit sa kaniya.
"Magdadalawang araw ka na dito bukas. Masaya ako na nagugustuhan mo dito." Bakit iba ang pakiramdam ni Paris? Bakit parang napaka-seryuso nitong sabihin niyon sa kaniya?
"Oo nga eh..." Hindi sigurado si Paris kung nagmukha siyang tanga sa naging tugon niya sa sinabi nito.
Nagulat siya nang padaplis nitong itama ang kaliwang balikat sa kanang balikat niya. Napansin niyang nasa tabi na niya ito.
Itinuon niya ang atensyon sa pagtitig sa mga bituin at sa buwan. Sumabay naman si Grecian sa ginagawa niya. Sa kalagitnaan ng payapang lugar ay biglang nagsalita si Paris.
"Bakit gising ka pa?"
"Marami lang akong iniisip." Napa-buntonghininga ito. Nagtaka si Paris sa sagot nito.
"Katulad ng?" takang tanong niya dito habang nakatitig pa rin sa buwan.
"Gusto mo ba talagang malaman?" Naramdaman ni Paris na napatingin ito sa kaniya kaya hindi niya napigilan ang sarili na tingnan din ito. Hindi siya sigurado kung anong dapat na isagot sa tanong nito.
"Pwede ba?" Bahagyang namilog ang mga mata niya nang sabihin niya iyon. Hindi niya hahayaan ang sarili na bumaba ang paningin sa katawan nito.
"Iniisip ko ang nangyari sa 'ting dalawa," walang alinlangan nitong sagot sa kaniya.
Mas lalong namilog ang mga mata niya dahil sa sinabi ni Grecian at mabilis na napakurap-kurap. Marahas siyang nag-iwas ng tingin at malayang tinitigan ang lawak ng rancho.
Nagtagpo ang mga kilay ni Paris dahil sa sinabi ni Grecian. Ngayon niya pinagsisihan na tinanong niya pa ito.
"'Di ba sabi ko kalimutan mo na–"
"Palaging kasing pumapasok sa isip ko 'yon. Hindi ko din alam kung bakit ko ginusto na may mangyari sa 'tin, pero sabagay... Tama ka. Dapat kalimutan na natin 'yon. Isipin mo na lang na hindi ko ginusto ang nangyari sa 'tin. Isang malaking pagkakamali ang nagawa natin." Pagkatapos nitong magsalita ay saka ito mariin na napapikit.
Hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Paris.
Sa sandaling iyon ay hindi alam ni Paris ang mararamdaman. Pilit niyang isinisiksik sa isipan niya na magiging maayos na ang lahat dahil sa sinabi nito pero bakit nasasaktan siya sa sinabi nito? Bakit iba ang pakiramdam niya sa sinabi nito?
"T-tama ka. D-dapat kalimutan na natin 'yong nangyari." Nagdilat ito ng mga mata dahil sa sinabi niya.
Naging manining ang mga mata ni Grecian at saka ngumiti kay Paris. Naiinis si Paris kung bakit hindi niya magawang mabasa ang nararamdaman nito.
"Ilan na rin ang naging girlfriends ko at lahat sila nagkaroon ng parehong treatment bilang isang babae." Nagtaka siya sa sinabi nito.
"Bakit mo 'yan sinasabi sa 'kin?"
"Kasi hindi ko maisip na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko sa mga naging karelasyon ko, may mangyayari pala sa 'tin..." Unti-unting pumapasok sa isipan ni Paris ang mga sinabi ni Grecian.
"Teka, ang ibig mong sabihin, minamaliit mo ako?" Halos hindi na mai-proseso ni Paris ang sasabihin. Pinilit niyang intindihin ang sinabi nito sa kaniya kaya marahas siyang nagsalita dito.
"Kasalanan ko na nadala ako sa emosyon ko. Na nahalikan kita. Pero kung sa tingin mo na hindi tama ang nagawa natin, bakit pinilit mo ang sarili mo na gawin 'yon? Ako lang ba ang may kasalanan? Inisip mo man lang ba kung ano ang magiging reaksyon ko?" Nagulat si Grecian sa sinabi ni Paris.
"Hindi naman sa gano'n... 'Wag mo namang masamain 'yong paliwanag ko. Ang gusto kong sabihin ay kung bakit ko nagawa 'yong bagay na 'yon sa 'yo... Alam kong nagkamali ako at alam kong wala kang kinalaman do'n. Pasensiya na, Paris." Dahil sa naramdaman ay nagdesisyun si Paris na pumasok sa loob ng bahay.
"Matutulog na ako Grecian." Akmang tatalikuran na niya ito nang bigla nitong hawakan ang kamay niya at hatakin iyon at naging dahilan para bigla siyang tumama sa hubad nitong katawan. Nabigla siya sa ginawa nito.
Hindi akalain ni Grecian na mapapalakas ang paghatak kay Paris Dahil sa nangyari ay mabilis na itinulak ni Paris ang katawan ni Grecian.
"Ano bang problema mo?" Hindi malakas ang pagkakasabi ni Paris pero tama lang para marinig iyon ni Grecian. Napa-buntonghininga ito nang makalayo na siya sa katawan nito.
"Gusto ko lang humingi ng pasensiya sa lahat ng ginawa ko sa 'yo."
"Sige na, oo na. Mauuna na ako matulog." Mabilis siyang nag-iwas ng tingin mula dito at agad na umalis.
Hindi siya nag-abala na lungunin ito. Napahawak si Paris sa dibdib niya. Ramdama niya ang lakas ng t***k ng puso niya. Nakakainis!
"Paris, sandali." Napatigil si Paris nang magsalita ito. Nabigla siya nang maramdaman ang pagyakap nito mula sa likod niya.
Malamig na pero ramdam niya pa rin ang init mula sa katawan nito. Parang gusto niyang ikulong ang sarili sa mahigpit na yakap nito. Tumigil ka Paris! Tumigil ka! Mariin siyang napapikit at saka marahas na tinanggal ang braso nito.
"Grecian, ano na naman ba 'to? Akala ko, kakalimutan na natin 'yong nangyari?" Naiirita na siya sa ginagawa ni Grecian. Hindi niya alam kung sinasadya nitong gawin ang mga bagay na alam niyang hindi niya magawang hindi bigyan ng pansin. Nakatalikod pa rin siya mula dito. Hindi siya mag-aabala na lingunin ito dahil alam niya kung saan unang tatama ang makasalanan niyang nga mata.
"Gusto ko lang magpasalamat sa pagsama mo dito sa Alegria–"
"Oo na." Magkasing lamig ang boses ni Paris sa hangin na bumabalot sa buong paligid.
"Pasensiya na."
"Hanggang kailan ka hihingi ng pasensiya?" Ilang segundong wala siyang narinig mula dito. Binalak niyang magsalita ulit ngunit naunahan siya nito.
"Sige. Magpahinga na tayo." Nauna itong maglakad papasok ng bahay. Inis na sinundan niya ito.
****
Kakatapos lang mag-agahan ni Paris kasabay ng mga bata. Muli siyang napatingin sa tulog na katawan ni Grecian. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakatalikod ito. Simula sa buhok ay bumaba papunta sa pwet nito ang paningin ni Paris.
"Kuya Paris, hindi ba natin gigisingin si kuya Grecian?" Biglang naglaho ang iniisip ni Paris nang magsalita si Henry. Napatingin siya dito.
"Napuyat si kuya Grecian niyo... 'Wag muna natin siyang istorbohin." Muli niya itong tiningnan.
"Sige, kuya Paris," tugon ni Henry.
Nang matapos si Paris ay nagpaalam siya sa dalawa para lumabas at tingnan ulit ang buong Alegria. Nang makalabas siya ay naagaw ang paningin niya nang mapansing may palapit sa kinaroroonan niya.
Ang ama ni Grecian.
"Paris..." Hindi pa sila nagkakalapit ay nagsalita na ito. Agad siyang ngumiti sa matanda.
"Naku, Señor Raphael, good morning po–" Babatiin pa lang sana si Paris nang bigla naman itong nagsalita.
"Tito na lang ang itawag mo sa akin, Paris." Napangiti ito.
Hindi alam ni Paris kung anong sadya nito kaya naisip niyang baka si Grecian ang ipinunta nito sa bunk house.
"Aah, sige ho. Gigisingin ko lang po si Grecian, sandali lang po–" akmang aalis na siya sa kinatatayuan nang bigla naman nitong hawakan ang kamay niya.
"Paris, ikaw ang sadya ko dito." Natuon ang atensyon niya dito. Nakinig siya hanggang sa magsalita ulit ito.
"Gusto ko lang magpasalamat sa 'yo. Alam naman natin pareho na hindi papayag na umuwi si Grecian dito sa Alegria pero nang dahil sa 'yo, nagawa niyang umuwi dito. Matigas ang ulo ng anak ko pero sa tingin ko, hindi iyon uubra sa 'yo..."
Naramdaman ni Paris na unti-unti siyang napapangiti sa sinabi nito.
"Kahit na ano po ang mangyari, kayo pa rin po ang ama ng anak niyo. Napaka swerte niya po kasi nandiyan pa rin kayo para sa kaniya." Tuwa ang nararamdaman ni Paris sa sandaling kausap niya ito.
"Alam mo, tuwing makikita ko si Grecian na kasama ka, parang ngayon ko lang siya nakita ulit na gano'n kasaya at alam kong dahil 'yon sa 'yo." Tila nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Paris nang sabihin iyon ng matanda. Hindi niya alam kung saan ito nanggagaling at kung ano ang gusto nitong ipunto. Kinakabahan siya.
"Naku tito, pasaway talaga 'yang si Grecian pero sa kabila ng lahat ng pagiging matigas at pasaway niya ay naiintindihan ko naman po siya at may kagandahang loob po ang anak niyo." Ngumiti ito sa sinabi niya pero agad din namang naging seryuso ang mukha nito.
"Paris, may pabor lang sana ako sa 'yo..." Pinakawalan nito ang pagkakahawak sa kamay niya.
"Sige po tito, ano ho ba 'yon?"
"Kahit na anong mangyari, sana lagi mo siyang papakinggan ha? At sana intindihin mo na lang..." Kumunot ang noo nito.
"'Wag kayong mag-alala tito, ako na po bahala sa kaniya." Sa sandaling iyon ay doon lang niya nakita kung gaano kabuti ang loob ng ama ni Grecian.
Bigla siyang napatingin nang may tumili palapit sa kinaroroonan nila.
"Señorito Chaaaaaaan!" Isang babae. Napansin niya ang suot nito. Naka off shoulder at isang palda na hanggang tuhod nito ang suot. Agad niyang sinundan ang paningin ng babae. Napalingon siya at sa hindi inaasahan ay napansin niyang kanina pa nakatingin sa kaniya si Grecian. May suot na rin itong pang-itaas na damit.
"Siya nga pala iho, 'yan si Maribel anak siya ni Pedro at Senyang. Isa sa mga nagtatrabaho dito sa rancho." Nakikinig lamang siya sa matanda habang nalipat ang paningin niya sa babae. Hindi niya maitatangging, maganda ito at halata ang pagiging inosente nito base sa kilos.
Nagulat siya ng biglang naglandas at lumingkis ang mga kamay ng babae sa leeg ni Grecian. Nag-iwas siya ng tingin nang mapansin na patuloy pa rin siyang tinititigan ni Grecian. Muli niyang itinuon ang pansin sa matanda.
"Gising na po pa la si Grecian... Kakausapin mo po siya?" Pinilit niyang kalmahin ang sarili. Pinilit niyang alisin ang bumabagabag sa isipan niya.
"Hindi na. Paalis na rin naman ako. Pupunta ako ng San Agustin. Pa'no iho, aalis na ako ha?"
"Sige po, tito..." Ngumiti ito at saka nagsimulang umalis.
Napalingon siya sa kinaroroonan ni Grecian. Nandoon pa rin ang dalawa at nagtatawanan habang nag-uusap. Nakaramdam siya ng inis. Mabilis siyang naglakad palapit sa dalawa.
"Grecian–" Hindi pa natatapos si Paris sa pagbanggit ng pangalan ni Grecian nang agad naman itong umakbay sa babae at parang hindi siya nakita.
Nilampasan siya nito kasama ang babae. Nakita niya pang ngumiti ang babae sa kaniya pero hindi man lang nag-abala si Grecian na pansinin siya. Mas lalong nadagdagan ang inis na nararamdaman ni Paris. Nakakita lang ng babae, hindi na namansin?! Nagtagpo ang dalawang kilay ni Paris.