“HOY! ANO iyan?” pasigaw at pagalit na sita sa kanila ni Miss Vergel, ang taga-pangasiwa ng ampunan. Kungsabagay ay hindi na iyon nakakagulat pa. Mabibilang yata sa daliri na nagsalita ito nang malumanay. Kasing-natural ng pagiging malupit nito ang palaging pagalit na tinig nito. Mas madalas ay ganoon ang tono nito na may kasama pang pandidilat ng mga mata. “Komiks!” mas mataas ang naging timbre ng tinig nito sabay kumpiska sa iisang pahina ng komiks. “Kayong dalawa, wala kayong kadala-dala. Hala, bartolina kayo!”
Hinila sila nito sa kanilang T-shirt at halos pakaladkad na ipinasok sila sa kabahayan. Napatiim-bagang si Hector. Alam na niya kung saan sila dadalhin. Hindi naman iyon ang unang beses na dinala sila doon. Ang tinutukoy nitong bartolina ay isang lumang kubeta na ubod nang dilim.
“Diyan kayo hangga’t hindi ko sinasabing lumabas kayo,” sabi ni Miss Vergel bago sila pasalyang itinulak. “Ang titigas ng ulo ninyo,” dagdag pa nito habang naririnig nilang ikinakandado ang pinto ng madilim na kubeta.
“Nadamay na naman ako,” sabi ni Hector.
“Pasensya ka na.”
“Sa susunod, kahit makakita ka ng komiks, huwag mo nang papansinin,” pangaral niya kay Nate. “Alam naman natin pareho na ganito ang mangyayari. Ang dilim-dilim dito, ang hirap huminga tapos, hindi pa tayo pakakainin ng isang beses.”
Palaging ganoon ang nangyayari. Sinumang bata ang ikulong ni Miss Vergel doon ay tiyak na sasala sa pagkain. Palibhasa, pinakamaigsi nang pagkakakulong doon ay isang maghapon. Kapag mabigat ang kasalanan o dahil lamang trip ni Miss Vergel na patagalin ang parusa, inaabot din ng ilang araw ang batang minalas na makulong doon. Pero gaano man katagal na makulong doon, isang beses lang naman hindi magpapakain si Miss Vergel. Sa susunod, halimbawa ng hapunan ay magpapadala ito ng pagkain. Sabi sa kanila ni Claudio, takot din daw siguro si Miss Vergel na mamatay sila sa gutom doon dahil ito rin ang mananagot.
“Hayaan mo, iyong pagkain na ibibigay sa akin, ibibigay ko na rin sa iyo,” aniya.
“Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” malumanay na sabi ni Hector. “Gusto mo bang palaging nangyayari ito? Gusto mo bang nakakulong dito? Ako, kahit sumasakit ang likod ko at braso sa kapipiko ng lupa para gumawa ng kama ng petsay, mas gusto ko iyon kaysa nakakulong dito.”
“Kapag nakita mo akong nagbabasa ng komiks, pabayaan mo na lang ako para hindi ka madamay,” parebeldeng sagot nito.
“Gago ka pala, eh. Nagmamalasakit nga ako sa iyo kaya kita pinagsasabihan,” pagalit na sabi niya.
Napatiim-bagang siya. “Gustong-gusto ko nang makaalis sa ampunan na ito.”
“Kung gustong-gusto mong makaalis sa ampunang ito, mas lalo naman ako,” mahinagpis na sabi ni Hector. “May mga magulang ako. May mga kapatid ako. Alam kong hinahanap nila ako.” At napaiyak siya.
Dalawang taon na ang nakakaraan nang matagpuan siya ni Nathaniel sa labas ng bakuran ng ampunan. Nakahandusay daw siya sa bangketa at mataas na mataas ang lagnat. Tinawag nito si Miss Vergel. Kinalinga naman siya ng administrador. Inabot daw ng isang linggo na may sakit siya at hindi makausap nang maayos.
Nang umige ang kalagayan niya ay sinabi niyang biktima siya ng k********g. Ang natatandaan niya ay kinuha siya ng mga mamang may takip ang mukha habang naglalaro ng holen sa tapat ng kanilang bahay at isinakay sa kotse.
Hindi niya magawang idetalye ang lahat. Parang wala na siyang matandaan pa. Palagi na ay sa pag-iyak nauuwi ang pagkukuwento nito. At kagaya ngayon, kapag iniisip niya ang kanyang nakaraan ay napapaiyak siya sa sama ng loob. Hanggang ngayon, tila may diprensya ang memorya niya sapagkat hindi niya maalala ang mga bagay na dapat ay natatandaan niya. Pinipilit niyang isipin ang pangalan ng mga magulang o kahit ng mga kapatid subalit hindi niya maalala iyon. Kahit apelyido niya ay hindi niya maalala. Tanging ang pangalang Hector ang nagawa nitong tandaan.
Minsan, nag-aalala din siya na baka hindi Hector ang talagang pangalan niya.
“Tumahan ka na, Hector.” Si Nathaniel naman ang umalo sa kanya. “Pangako ko sa iyo, ito na ang huling pagkakataon na makukulong tayo dito. Hindi na ako magbabasa ng komiks para hindi ka na rin madamay.”
Naputol ang pag-uusap nila nang makarinig sila ng mga yabag. Sandaling bumukas ang pinto. Subalit bago sila makapagtanong kung palalabasin na sila doon ay mayroong ipinasok na isang binatilyo si Miss Vergel. Hindi nila ito kilala. Bagong pasok marahil sa ampunan.
Nagwawala iyon. At matapos ang mahabang sandali ng pagwawala nito ay nakilala nito sa pangalang Joaquin.
“HUWAG KA NANG lalayo, Hector. Kakain na tayo ng hapunan pagkainin nitong sinaing ko.”
“Dito lang ako sa harapan, Nanay,” sagot niya at bitbit ang holen na nakalagay sa lata ng gatas at lumabas na ng gate.
Wala pa ang mga kalaro niya. Kapag ganoong hapon ay naglisaw na sa kalye ang mga kaedad niyang kapitbahay. Maglalaro sila ng holen. Siya ang may pinakamaraming holen dahil hindi niya kailangang bumili. Kinukuha lang niya iyon sa tinda ng nanay niya sa sari-sari store nila.
Madali siyang mainip kaya nagsimula na siyang maglaro na mag-isa. Gumawa siya ng tumpok ng holen, iningatang huwag gumulong ang mga iyon. Pagkatapos ay ipinuwesto niya sa isang distansya ang isa. Tinira niya iyon papunta sa nakatumpok na holen.
Hindi niya nakitang tumama ang holeng ipinantira niya sapagkat bigla ang paghinto ng isang kotse sa tapat niya. Doon siya napalingon.
Bumaba ang isang lalaki buhat sa likuran ng kotse. Sa kanya ito nakatingin. At bigla ay parang nanigas ang panga niya. Bigla ay nakadama siya ng takot. Gusto niyang magtatakbo papasok sa loob ng bahay subalit hindi naman niya magawang tuminag.
“Halika,” sabi sa kanya ng lalaki nang makalapit.
“B-bakit po?” takot na tanong niya. Akay na siya nito at papalapit na sila sa nakabukas na pinto ng kotse.
Itinulak siya nito papasok doon…
*****
“HUWAG PO!!!”
“Hector, gising!” yugyog sa kanya ni Nate. “Gumising ka. Nananaginip ka.”
Bumalikwas siya ng bangon. Kinusot niya ang mga mata. At napansin niyang basa iyon. Umiiyak siya.
Nagising na rin sina Claudio at Pedro. Lumapit agad sa kanya si Pedro habang si Dio ay mabilis namang binuhay ang ilaw bago lumabas ng silid. Sina Joaquin at Isagani na bagong dating lang sa ampunan ay kasama nila sa kuwarto. Nagising din ang mga ito pero hindi lumapit sa kanya, kapwa nakatingin lang.
Nakabalik din agad si Dio. May dala na itong isang baso ng tubig. “O, uminom ka.”
Tinanggap niya iyon. Sa isang iglap ay nasaid niya ang tubig. “Napanaginipan kong kinidnap ako,” sabi niya pagkuwan. Limang pares na mga mata ang nakatutok sa kanya.
“Hindi ba, sabi mo nga kinidnap ka?” sabi ni Pedro.
Tumango siya. Inihilamos niya ang mga kamay sa kanyang mukha. Malamig ang pakiramdam niya. Kay lamig ng pawis na gumiti sa paligid ng kanyang noo. Naalala niyang muli ang kanyang panaginip. At hindi niya napigil ang sarili na mapaiyak na naman.
“Tumahan ka na,” sabi ni Dio.
Pero lalo siyang napaiyak. “S-sabi ng nanay ko, huwag akong lumayo. Kakain na kasi kami pagkaluto ng kanin. Hindi naman ako lumayo. Nandoon lang ako sa tapat ng bahay namin. Nandoon lang ako sa harap ng gate!”
Tinapik ni Nate ang balikat niya. “Huwag kang umiyak nang malakas. Baka magising si Miss Vergel, ibartolina ka.”
“Naglalaro lang ako ng holen,” nguyngoy niya. “Naglalaro lang ako ng holen tapos may humintong kotse sa tapat ko. Isinakay na ako ng mama.” At tahimik siyang umiyak.
Tahimik ding nakamasid sa kanya ang lima. Mayamaya ay kumilos na si Dio. Inilabas nito ang baso. Sandali lang at bumaik na din ito. “Matulog na tayo ulit. Baka magising si Miss Vergel, patay tayong pare-pareho pag nadiskubreng bukas pa ang ilaw dito.” Ito na rin ang nagpatay ng ilaw.
Nakita niyang nahiga na sina Joaquin at Isagani. Sina Dio at Pedro ay bumalik na rin sa higaan ng mga ito. Si Nate lang ang hindi umalis sa tabi niya.
“Kung ayaw mo pang matulog, di, magkuwentuhan muna tayo,” pabulong na sabi sa kanya ni Nate.
“Baka inaantok ka pa. Madaling-araw pa lang tiyak,” sagot niya dito.
“Okay lang. Kuwentuhan muna tayo,” at sumampa ito sa makitid na higaan niya. “Hindi ba, palagi nating pinag-uusapan, pagdating ng araw, makikita rin natin ang mga magulang natin?”
Tumango siya. “Paano ko sila makikita? Hindi ko nga maalala ang pangalan nila, eh. Alam mo ba, kahit sa panaginip ko, hindi ko naman maaninag ang mukha ng nanay ko. Boses lang niya.”
“Bakit ka mawawalan ng pag-asa? Ako nga, hindi ko alam kung sino ang mga magulang ko. Sabi ni Miss Vergel, ang tanging alaalang meron ako noong mapulot ako sa harap nitong ampunan ay isang lampin na may nakaburdang N Riego. Ikaw, kapag nagbalik ang alaala mo, madali na sa iyo ang lahat.”
Napatango siya. “Sana may umampon sa atin, Nate. O kaya, sana yumaman tayo. Kapag mayaman na tayo, mahahanap na natin ang pamilya natin.”
“Oo, Hector. Gagawin natin ang lahat para mahanap natin sila.”
Nagkuwentuhan pa sila ni Nate. Nang mahalata niyang panay na ang hikab nito, itinaboy na niya itong mahiga na sa higaan nito. Nahiga na rin siya. Sa pagpikit niya pilit niyang kinakapa ang anyo ng mga magulang niya. Pilit din niyang kinakapa sa isip ang mga bagay na may kaugnayan sa nakaraan niya. At gaya ng dati, wala siyang maalala.
Isang mabigat na pagbuntong-hininga ang ginawa niya. At bago siya magupo ng antok, muli ay ipinangako niya sa sariling pagdating ng araw, gagawin niya ang lahat ng paraan upang mahanap ang kanyang pamilya.