MATAPOS makapagpakilala ng lahat ay nagkaroon ng class officers election. Inumpisahan sa class president. Ang nanalo sa botohan ay si Frederick o mas kilala bilang Rick. Si Hugo ang Vice president. Ang napiling secretary naman ay ang kaibigan niyang si Tricia. Ngayon naman ay ang nominasyon para sa Muse.
"I respectfully nominate Natasha for muse," anang isa nilang ka-klase. Isinulat ang pangalan nito sa board.
"Anyone?" tanong ng guro.
"I want to nominate Lily," biglang sabi ng katabi niya. Para siyang nabingi. Wala nang naidagdag pa sa listahan kung kaya't sila lang ni Natasha ang pinagpilian. Dikit ang laban nila. Parehong Seventeen ang boto nila. Out of thirty-five students. May kulang pang isa. Nahuling magtaas ng kamay si Hugo. Ang boto nito ay sa kanya kaya siya ang itinanghal na muse. Nang magbobotohan na para sa escort ay muling na sali sa listahan ang pangalan ni Hugo. H'wag ka sanang manalo! Piping dasal niya. Iba ang ibinoto niya. Ayaw niyang manalo ito dahil tiyak niyang tuksuhan na naman. Natapos ang botohan at halos pagbagsakan siya ng langit at lupa nang ito ang tanghaling escort niya. Kumindat pa ito sa kanya. Dudukutin ko na talaga 'yang mata mong bakulaw ka! Sigaw niya sa isip.
Pinapunta sa harap ng klase ang mga nanalo. Nang tawagin ang pangalan niya at ni Hugo ay agad siyang pumunta sa harapan. Sumunod naman ito. Sinigurado niyang sa ibang dereksyon siya nakatingin. Nakakaramdam siya ng kilig at inis sa presensiya nito.
Muli na namang narinig ang sipulan at mga kinikilig na hiyawan.
"Okay, you may now kiss your crush!" pang aasar ng kanilang guro. Nagtawanan ang buong klase. Nahiling niyang sana ay bumuka na ang lupa at mahulog na siya. Nagulat siya nang hawakan nito ang braso niya. Bigla siyang napatingin sa mukha nito. Dahan-dahang lumalapit ang mukha nito. Hahalikan na ba niya ako? Sa takot ay naitulak niya ito. Bahagya itong natinag.
"Tama na nga!" sigaw niya. Naiinis na siya dahil unang araw ng klase ay naging tampulan pa siya ng tukso.
"You're not my crush!" bigla na lang lumabas sa bibig niya. Huli na para ma-realize niya. May mga ugong na naman sa klase. May nag boo... Wala na siyang pakialam. Nakasimangot na tinungo niya ang upuan. Napipikon na talaga siya. Tila lahat sa klase ay pinagkakaisahan siya at nag-e-enjoy naman ang guwapong bakulaw.
Hanggang sa matapos ang klase ay hindi maganda ang mood niya. Hindi siya sumabay kay Tricia dahil nagtatampo siya dito. Nakikisali pa kasi ito sa mga nang aasar sa kaniya sa klase. Kinse minutos ang itatagal kung lalakarin niya ang daan pauwi. Binagalan lang niya ang lakad dahil wala siyang gana. Ilang minuto na siyang naglalakad nang pakiramdam niya ay may sumusunod sa kanya sa likuran. Nang lingunin niya ay nagulat siya. Natigilan din ito nang harapin niya.
"Sinusundan mo ako noh?!" mataray na sita niya dito habang nakapamaywang.
"No. This is my way home," sagot naman nito. Tila naman siya nakaramdam ng hiya. Assuming ka kasi 'yan! singit ng malditang bahagi ng isip niya. Tinalikuran niya ito at nag martsa pasulong. Ilang minuto na ang lumipas ay natatanaw na niya ang bahay nila ni Tricia. Nang lumingon siya ay nakasunod pa rin ito sa kanya. Ngayon ay nasisiguro niyang sinusundan nga siya nito. Muli na naman niya itong hinarap.
"Sinasabi ko na nga ba. Stalker ka!" akusa niya dito. Nagulat naman ito sa sinabi niya.
"No. This is my way home," tila aliw na aliw pa ito sa kanya. Hindi man lang nalulukot ang mukha nito.
"Alam mo luma na 'yang style mo," sabi niya sabay duro sa dibdib nito. Uy! Tsansing! Infairness matigas ang dibdib niya! singit ng malanding isip niya.
"Ang bahay na lang namin ni Tricia ang nakatayo dito," dagdag pa niya. Hinuli naman nito ang nakataas niyang kamay. Tila may mga boltahe ng kuryente ang mabilis na dumaloy nang magkadikit ang kanilang mga balat. Napalunok siya nang magtama ang mga mata nito.
"You know what? I'm starting to like you even more," nakangiting sabi nito. Tila hindi pa rumirehistro sa utak niya ang sinabi nito. Ah ano daw? He likes you daw! singit ng munting tinig sa isip niya.
Nakatulala pa rin siya. Namalayan na lamang niyang nauna na itong lumakad. Nang sundan niya ito ng tingin ay nakita niyang pumasok ito sa Entrance gate ng mansyon na katapat lamang ng bahay nila ni Tricia. Nagsasabi nga ito ng totoo. Nasapo niya ang noo sa pagkapahiya. Ito pala ang bago nilang kapitbahay.
Naaliw niyang pinagmasdan ang alaga niyang goldfish. Pinangalanan niya itong 'Angel' pakiramdam niya ay isa itong anghel na nagtatanggal ng stress niya.
"Alam mo Angel, tinutukso nila ako sa school dun sa bakulaw na Hugo na iyon," tila siya batang nagsusumbong dito.
"Oo. Inaamin ko naman na ang guwapo niya. Kaya lang naiinis ako sa ugali niya," dagdag pa niya.
"Nunca na magkakagusto ako dun. Siguro crush ko siya pero never niyang malalaman yun. Secret natin 'yan," kausap niya dito tila tao ang kausap.
Alas Syete na ng gabi nang umupo siya sa bakanteng silya sa terrace. Napatingin siya sa katapat na mansyon. Hindi niya lubos maisip na iyong bakulaw na iyon ang nakatira doon. Nagliwanag ang isa sa mga kuwarto at bumukas ang bintana. Bumungad ang pamilyar na mukha. Si Hugo na walang suot na pang itaas. Hindi nga siya nagkamali ng iniisip kanina. Malalapad ang balikat at nahantad ang matipunong dibdib nito. Ni hindi niya maikurap ang mga mata. Pakiramdam niya ay napaka-makasalanan na ng kanyang mata. Ang ganda kasi ng view!
Tila siya natauhan nang ngumiti ito sa kanya. Lalo pa nitong pinapakita ang mga muscles nito sa braso. Ang walang hiya! Willing na magpamanyak!
"These are for your eyes only!" narinig niyang sigaw nito. Agad bumulusok ang init sa magkabila niyang pisngi.
Shit ka, inaakit mo pa ako sa mga muscles mo!
Binigyan niya ito ng isang malutong na irap at nagdadabog na tinungo ang silid. Narinig niya pa ang tawa nito.