Chapter Three: Fire

1876 Words
Angelo's Point of View           Sumapit ang hapon, gamit ang T-shirt na regalo ni Nick ay nagtungo ako sa mall upang makipagkita sa ilang customer. Kasulukuyang nasa food court ako at hinihintay ang panghuling tao. Nakaka-inip maghintay. Wala naman akong ibang magawa kundi panoorin ang mga tao sa paligid ko. Natigilan ako at napalingon nang may pumitik sa aking balikat.           “Kathleen!” ang reaksyon ko nang makita kung sino. “Narito ka.”           “Hindi, besh! Picture ko lang ‘to,” ang sarkastiko naman niyang tugon. Napa-ikot naman ako ng mga mata. “Anong ginagawa mo rito?”           “May hinihintay na customer,” ang tugon ko naman. “Ikaw?”           “Ah, maglalakad-lakad kasama si Shine,” ang tugon naman niya. “Hinihintay ko rin siya. Sumama ka na rin sa amin pagkatapos mong makipagkita dun sa customer mo. Kamusta naman pala ang business mo?”           “Heto, nakakabenta naman kaahit paano,” ang tugon ko.           “Excuse me,” ang singit ng isang boses. Kapwa naman kami natigilan at napalingon. ‘Ikaw po ba yung seller ng skincare?”           “Oo, ako nga,” ang pagkumpirma ko naman. “Yung whitening serum at toner ang kinuha mo sa akin, hindi ba?”           “Opo,” ang tugon naman niya. “Sure po kayong aunthentic ang mga ito, ha?”           “Opo naman po, galing mismo sa Korea ang mga ito,” ang tugon ko naman bago inabot sa kanya ang mga item.           “Mahilig ka rin pala sa Le Fleur,” ang komento niya.           “Le F- ano?” ang naguguluhan kong tanong.           “Le Fleur,” ang pag-uulit niya sabay turo ng suot kong T-shirt.             “Binigay sa akin to,” ang paglilinaw ko naman. “Ng asawa ko.”           “Ang galante naman ng asawa mo,” ang muli niyang komento. “Ang mahal kaya ng pabangong yan. Nakakatuwa nga, eh, kasi may limited edition na T-shirt silang binibigay kapag bibili ka.”           Hindi ako makasalita sa mga naririnig ko.           “Saan banda mabibili?” ang tanong ko naman.           “Sa third floor,” ang tugon naman niya. “Anyway, maraming salamat. Kung effective sa akin, bibili ulit ako sa’yo.”           Tumango naman ako at pinanood siyang umalis.           “Hulaan ko,” si Kathleen. “Si Nick ang nagbigay niyan, ‘no?”           Tumango naman ako.           “Besh, sinasabi naman namin sa’yo na talagang may masamang tinapay ang lalakeng yan,” ang komento naman ni Kathleen. Napabuntong-hininga naman ako. “Besh, libre maging tanga pero hindi ibig sabihin nun ay aaraw-arawin mo na.”           “Baka naman naduling lang si ate,” ang komento ko. “Baka kamukha lang nung suot ko ang tinutukoy niya. Imposible namang bibigyan ako ni Nick ng isang freebie.”           Napatiklop naman si Kathleen ng kanyang mga kamay at napataas ng kilay bago napa-iling.           “Malalaman natin kapag nakarating tayo sa third floor,” ang tugon niya. “Nasaan na ba si Sunshine? Ayan na pala siya.”           Napatingin naman ako sa direksyon ng tinitignan niya. Parating na nga si Sunshine. Ipinaliwanag naman ni Kathleen ang aming hindi sinasadyang pagkikita. Tulad nga ng sinabi ni Kathleen ay nagtungo kami sa third floor ng mall para tignan nga ang tinutukoy ng customer kong brand ng pabango. Malayo pa lang ay Nakita ko na ang naka-display na mga T-shirt. Totoo nga. Na-freebie ang T-shirt.           “Sa totoo lang, walang kaso sa akin ito. Mahalaga ay galing sa puso,” ang komento ko habang nakamasid sa mga T-shirt.           “Besh, libre maging tanga,” ang tugon naman ni Shine; palaging ito ang paalala nila sa akin. “Pero hindi ibig sabihin nun ay aaraw-arawin mo na.”           “Alam niyo, manood na lang tayo,” ang singit naman ni Kathleen. “Hamak din lang na malapit na tayo sa sinehan.”           “Huwag na,” ang pagtanggi ko naman. “Nagtitipid ako.”           “Angelo, hindi masamang bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataong mag-enjoy,” ang komento ni Shine na sinang-ayunan naman ni Kathleen. Mukhang wala naman akong magagawa kaya pumayag na rin ako. Nagsimula kaming maglakad patungo sa sinehan. Nang makabili ng movie tickets at pagkain ay dumeretso kami sa loob. Kaagad naming hinanap ang aming mga upuan. Ngunit hindi pa man kami nakakatagal sa aming mga upuan nang bumungad sa akin ang isang pamilyar na disenyo ng damit. Ito ang suot ni Nick kaninang umaga. Napanganga ako nang makita siya… na may ibang kahawak-kamay. Isang babae. Paakyat na sila nang hinarang ko ang aking bag upang hindi niya ako makita. Hindi pa rin pumapasok sa aking sistema ang aking nakita. Ang nasa isip ko ay nasa ospital siya. Sinilip ko sila. Hindi ko alam kung sadyang mapaglaro ang tadhana; naupo sila sa tapat namin. Tinanggal ko ang harang mula sa aking mukha upang mas malinaw ko silang makita. Hindi ako nagkakamali; si Nick nga ngunit hindi ko kilala ang haliparot na babae. Gusto kong umalis pero pinili kong manatili. Nagsimulang tumulo ang aking mga luha nang masaksihan ang kanilang paglalambingan sa loob ng sinehan. Lumuluha ako sa pelikulang comedy. Hindi ko na kinaya nang dumampi ang kanilang mga labi sa isa’t-isa. Napatayo ako bigla at tumakbo palabas ng sinehan. Dumeretso ako sa isang cubicle sa loob ng isang banyo at tahimik na lumuha. Ilang minuto rin akong nagtagal dun. Nang mapagod ay kaagad din akong lumabas. Hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang mga matang napapatingin sa akin dahil sa mga namumugto kong mga mata. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan ako pupunta. Bumalik na lang ako ng apartment at pinagpatuloy ang aking pagluha. Hindi ako makapaniwala na magagawa sa akin ni Nick ito. Dahil sa sama ng loob at unli kong pag-iyak ay hindi ko namalayan na nakatulog ako na nakapatong ang aking ulo sa sofa habang naka-upo ako sa sahig. Nagising na lamang ako nang magbukas ang pinto kasunod nang pagpasok ni Nick.           “Saan ka galing?” ang tanong ko nang makita siya. Kaagad naman akong tumayo.           “Sa ospital,” ang tugon naman niya.           “Sa ospital? Kailan pa nagkaroon ng ospital sa loob ng mall, Nick?” ang galit kong tanong sa kanya.           “Nakita mo ako?” ang tanong niyang walang bahid ng pagkagulat o kung ano pa man sa kanyang boses. “Hindi ko inakala na kaagad mo akong mahuhuli.”           “A-ano?” ang naguguluhan kong tanong.           “Nambabae ako,” ang kaagad niyang tugon. “Yun ba ang gusto mong marinig mula sa akin? Oo, Angelo. Nambabae ako. Matagal na.”           “B-bakit?” ang tanong ko na naging hudyat upang muling magsilabasan ang aking mga luha.           “Angelo, anong bakit?” ang tanong niya pabalik. “Tignan mo nga yang sarili mo. Magpasalamat ka pa nga kasi pinatulan kita. Hindi ka nga marunong mag-ayos. Nakaranas ka kahit paano magkaroon ng boyfriend na guwapo.”           “Matapos lahat ng ginawa ko para sa’yo,” ang sabi ko sa aking sarili ngunit narinig naman niya ito.           “Angelo, pinagsawaan na kita. Ang boring mo,” ang dagdag niya. “Isa pa, aalis na rin naman ako. Nag-audition ako sa isang modeling agency at kinuha nila ako. Kailangan kong pumunta sa ibang lugar para mag-training kaya mas makakabuti na rin sa’yo ang maghiwalay tayo.”           Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Nakatayo lang ako dun; hindi makagalaw sa sobrang sama ng loob.           “Naghihintay ang girlfriend ko sa baba,” ang sabi niya sabay labas ng apartment. Hindi ako makahinga sa pagkasiphayo. Sa lungkot? Hindi. Sa galit. Dalawang taon kong ginugol ang sarili ko sa trabaho para sa kanya at sa kanyang mga bisyo. Pagkatapos ng mga sakripisyo ko at ang pagpili ko sa kanya kaysa sa pamilya ko, ito pa talaga ang gagawin niya?           “Lintik lang ang walang ganti,” ang sabi ko sa pagitan ng aking mga ngipin. Mabilis ko namang inipon ang mga gamit na pinamili ko para sa kanya. Linagay ko ang mga yun sa veranda. Kumuha ako ng metal na lalagyan. Sumapit ang oras ng pagbabalik niya. Nadatnan niya ako sa veranda. Nakaupo at nakamasid sa malayo.           “Angelo, kahit na magpaawa ka pa,” ang pagsisimula naman niya. “Hindi na kita babalikan pa.”           Tinapunan ko naman siya ng masamang tingin kaya napahakbang siya palikod. Natigilan siya nang makita ang mga gamit niya sa sahig.           “B-bakit, andito ang mga gamit ko?” ang tanong niya, ramdam ko ang inis sa boses niya.           “Gamit mo na galing sa akin,” ang pagpapatuloy ko. Kinuha ko ang posporo at sinindihan ito bago tinapon sa metal na drum na linagyan ko kani-kanina lang ng kerosine. Kaagad namang umapoy ang loob. “Wala kang pagmamay-ari sa mga yan.”           Tumayo naman ako at pinulot ang isang polo.           “Ako ang bumili nito, hindi ba?” ang tanong ko. Hindi ko naman siya binigyan ng pagkakataong magsalita. Tinapon ko naman yun sa loob ng drum na naging dahilan upang lumaki ang apoy. Mas naging malinaw sa aking paningin ang mukha niya. “Itong bag na to, at itong pantalon. Putcha, pati underwear mo, ako ang bumili.”           Sa bawat pagpulot ko ay siya ko namang paglagay ng bawat bagay sa loob ng drum.           “Angelo, hindi mo kailangang gawin to,” ang paki-usap niya.           “Hindi mo rin kailangang lokohin ako! Ang kapal ng mukha mo!” ang sigaw ko naman. “Ang kapal ng mukha mong gamitin ako, at ipagpalit sa iba. Matapos ng lahat ng mga ginawa ko para sa’yo! Demonyo kang hayop ka!           Kinuha ko naman ang mga natirang damit sa sahig at binato sa kanya. Dahil sa lakas ng pagkakabato ko ay natumba siya.           “Sinusumpa ko, itatak mo to sa bato, Nikolaos Fuente,” ang galit kong sinabi. “Pagsisisihan mong sinaktan mo ako.”           Imbes na matakot sa aking pagbabanta ay tinawanan niya lang ako.           “Hindi mangyayari yun,” ang tugon naman niya habang nakahiga pa rin sa sahig. “Magpasalamat ka na lang dahil sa susunod, kapag sumikat na ako; mapagmamalaki mong naging ex mo ako.”           “Nahihibang ka na talaga,” ang tugon ko sabay lakad papuntang sala kung nasaan ang aking maleta. Hinila ko naman yun palabas ng apartment. Bitbit ko rin sa isa kong bag ang pinaka-iingatan niyang gamit na ako ulit ang bumili. Ang game console niya.           Sa pagpasok ko ng taxi ay ang pagkarinig ko ng aking pangalan.           “Manong, tara na,” ang bilin ko sa taxi driver bago nagsimulang magmaneho palayo. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD