“PAHIRAM AKO NG PAM-BP mo, Cairo. Mukhang sira `yong akin.”
Kaagad na iniabot ni Cai ang kanyang BP apparatus kay Wilder. Tapos naman na siya sa vital signs ng kanyang pasyente. Mabilis iyong kinuha ng binata. Dahil wala naman gaanong kailangan ang kanyang pasyente ay hindi niya maiwasan na pagmasdan si Wilder habang inaasikaso ang pasyente nito. Magkagrupo silang muli sa semestre na ito. Naging tight ang samahan ng grupo nila noong nakaraan na napagpasyahan nilang maging magkakagrupo uli. Gusto sanang humiwalay ni Cai pero ipinalista pa rin niya ang pangalan sa grupo. Naamin din niya sa kanyang sarili na talagang gusto niyang makasama si Wilder. Hindi pa siya handang pakawalan talaga ang nararamdaman. Hindi niya gustong ganap na magkahiwalay ang kanilang mga landas.
“Huwag kang tatanga-tanga, Cai. Sila pa rin ni Ginger. Wala ka pa ring pag-asa.”
Ang mga ganoong salita ang kanyang sinasabi sa halos araw-araw. Hindi gaanong umeepekto pero sige pa rin. May munting parte sa kanya ang umaasa na isang araw ay matitigil din ang kanyang kahibangan. May ibang parte rin naman sa kanya ang parang gustong patuloy na umasa. Ayaw bumitiw.
Bahagyang natauhan si Cai nang makitang palapit na uli sa kanya si Wilder. Ibinalik nito sa kanya ang kanyang BP apparatus. Tinungo nila ang nurses’ station para alamin kung maaari na nilang tingnan ang charts ng kanilang mga pasyente.
“Bakit absent si Ginger?” ang tanong ni Cai.
Bahagyang nalukot ang mukha ni Wilder. “May shooting siya ng commercial.”
“Talaga?” ang masayang bulalas ni Cai. Alam nilang lahat na gustong maging model at artista ni Ginger. May mga pagkakataon talaga katulad ngayon na uma-absent ang kaklase para sa mga shooting at audition. May mga pagkakataon na kasa-kasama pa nito si Wilder. Sa kanilang palagay ay malaki ang tsansa ni Ginger na sumikat at magkaroon ng maraming projects. Talagang maganda ang kanilang kaklase. Napakaganda ng rehistro ng mukha nito sa screen.
Sa kabila ng mga nararamdaman ni Cai para kay Wilder, wala siyang anumang ill feelings para kay Ginger. Nagseselos siya pero wala naman talaga siyang karapatan kaya pilit niyang sinusupil ang anumang hindi magagandang pakiramdam. Wala rin naman kasing ipinapakitang hindi maganda sa kanya ang dalaga. Palagi siyang nginingitian. Palaging pleasant ang pakikipag-usap sa kanya. Kaya naman gusto niyang magtagumpay ito. Gusto niya na makamit nito ang mga gusto. Alam niya na pagiging model o artista ang talagang makakapagpaligaya kay Ginger.
“Sigurado ang galing-galing niya.”
“Anong magaling doon? Crowd lang naman siya.”
Napatingin si Cai kay Wilder. Hindi niya gaanong mapaniwalaan ang inis sa tinig nito. “Uy, ba’t ganyan ka naman magsalita? Bakit ganyan ang mukha mo?” Mas umaasim yata ang mukha ng binata habang lumilipas ang bawat sandali.
“Wala. `Wag mo na lang akong pansinin.”
Naupo sila sa nurses’ station pagkatapos nilang hanapin ang chart ng kanilang mga pasyente.
“Akala ko ba ay suportado mo si Ginger sa mga gusto niyang gawin?” ang hindi napigilang itanong ni Cai. Hindi niya gustong pansinin ang parang pagbubunyi ng kanyang dibdib sa kaalaman na mukhang nagkakatampuhan sina Ginger at Wilder. Alam niyang hindi tamang makaramdam siya ng kahit na kaunting kaligayahan. Hindi dapat. Ano na lang siyang klaseng babae?
Marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Wilder. “Oo naman. Sinasamahan ko pa nga siya sa mga pila. Hindi lang ako gaanong komportable na nag-a-absent siya para lang sa isang commercial. Lalo na kung crowd lang naman siya. Magkano lang ang makukuha niya roon? Tapos magkano ang babayaran niya sa school para sa make-up ng na-miss niyang duty? Mahihirapan pa siyang makahanap ng schedule at group na sasamahan. Hindi lang `yon, na-compromise na ang grade niya.”
May punto ang mga sinabi ni Wilder. Naiintindihan naman niya ang punto nito. “Pero halos lahat naman ay nagsisimula sa ganito, `di ba? Sa mababa. Sa crowd. Tapos mapapansin siya. Magkakaroon siya ng mas maraming opportunities.”
“Oo nga. Pero sana ay hindi nako-compromise ang pag-aaral niya. Mas may kasiguruhan ang pagiging nurse. Nagagalit na nga pati mga magulang niya. Pinaghihirapan nga naman nilang itaguyod ang pag-aaral niya, tapos a-absent lang siya para maging crowd sa commercial. Kapag pinag-igihan na lang niya ang pag-aaral, mas maaga siyang makakatapos. Mas maaga ang pagpa-process ng pag-alis sa bansa.”
Tama rin naman ang lahat ng mga sinabi nito. “Pero masaya siya sa pagiging commercial model, eh. Ipagkakait mo ba iyon sa kanya?”
Muli ay nagpakawala ng marahas na buntong-hininga si Wilder. “Mahalaga sa akin ang kaligayahan niya.”
“So ang advice ko kahit na alam kong wala naman akong karapatang magbigay ay hayaan mo na muna siya. Suportahan mo na muna ang kaligayahan niya dahil alam ko naman na primary concern mo ang bagay na iyon. Pero may point ka rin naman kasi. Siguro ay kailangan mo ring sabihin sa kanya ang talagang nararamdaman mo para naman alam din niya. Sa magandang paraan. Mahinahon. Hindi galit, okay? Malay mo naman kasi, pakinggan ka niya.”
Ilang sandali na pinagmasdan lang siya ni Wilder. Kapagkuwan ay napangiti. Parang nagwawala na naman ang puso ni Cai sa loob ng kanyang dibdib. Parang hindi kakayanin ng puso niya ang kilig. Parang nanlalambot siya, natutunaw. Walang palya, ganoon palagi ang epekto sa kanya ng ngiti ni Wilder.
“Salamat, Cai.”
“Maliit na bagay. `La `yon. Gusto kong maging masaya ka. Gusto kong maging masaya kayong dalawa ni Ginger.” Hindi na gaanong pinansin ni Cai ang tinig na parang susumigaw na ang sinungaling niya.
Pinisil ni Wilder ang kanyang pisngi at pakiramdam ni Cai ay muling nahulog ang kanyang puso sa ginawa nitong iyon. Lihim na lang siyang napabuntong-hininga. Wala na yata siya talagang pag-asa.