RAELLE
“GOOD MORNING, RAELLE! KUMAIN KA NA, MAY DALA AKO,” saad ni Manang Luz na may dala-dalang isang tray ng pagkain pagkapasok sa kwarto.
Nanlaki naman ang mga mata ko at napatayo saka lumapit sa kaniya. Nakagat ko ang aking ibabang labi nang makita ang dala niyang pagkain. Hindi ako pamilyar dito kaya hindi ko alam ang lasa pero sa tingin ko ay masarap. Napalunok ako ng laway ay sumunod kay Manang Luz na inilagay sa sirang mesa ang bitbit.
“Wow! Manang, ano 'yan? Mukhang masarap!” wika ko at napakagat sa aking daliri.
“Cake. Chocolate cake ang tawag dito, Rae,” sagot niya sa akin at tinitigan ako. “Ikaw, mag-bra ka nga! Hindi ka na bata, Raelle. Naka-puting bestida ka pa.”
“Manang Luz, wala namang problema sa sout ko—”
“Raelle, dalaga ka na. Nireregla ka na kaya kaya dapat mag-bra ka pa rin. Paano na lang kung pumasok dito si Francis? Bawal na bawal kang makita ng ganiyang ayos ng kahit na sinong lalaki.” aniya na ang tinutukoy ay ang lalaking isa sa mga anak ni Madam.
”Opo, Manang.”
Tumango na lamang ako at pinanood siyang naglagay ng pagkain sa aking plato. Nang akmang kakamayin ko 'yon ay pinigilan ni Manang Luz ang pulupusuhan ko kaya napatingin ako sa kaniya na nagtataka.
“Gamitan mo nito,” aniya at binigay sa akin ang isang tinidor.
“Salamat po,” saad ko at nagsimulang kumain.
Unang kagat pa lang ay napapikit ako sa sarap. Para akong nakakita ng bituin kahit hindi pa ako nakakakita sa personal niyon. Sobrang sarap pala ng pagkaing 'to, ibang-iba sa itlog, kanin, kamote, mais na lagi kong kinakain. Tuwang-tuwa ako at nagpatuloy nang biglang marinig ko ang hikbi ni Manang Luz.
“Bakit po kayo umiiyak?” tanong ko.
“Wala, Rae. Sige na, kumain ka lang,” aniya kaya nagpatuloy ako.
“Manang Luz, saan galing ito?”
“Basta, kumain ka na lang,” aniya at ngumiti.
Matapos kong kumain ay umalis na rin si Manang Luz kaya naiwan akong mag-isa sa loob ng apat na sulok ng lugar na ito. Walang bintana, maliban sa maliit na siwang sa itaas na hindi ko rin naman maabot. Doon din nangagaling ang sikat ng araw kaya kahit papaano ay alam ko kung umaga na ba o gabi.
Naglinis lang ako ng sarili ko at naupo sa manipis kong kutson saka inilabas mula sa ilalim ng unan ang isang libro tungkol sa prinsesang kinulong sa isang gusali saka binuklat iyon. Sa gitna ay kinuha ko ang isang litrato na pinakatago-tago ko mula sa mga taong nasa taas. Si Manang Luz ang nagbigay sa akin ng isang magasin at nakita ko lamang ang mukha nito sa loob niyon.
“Totoong tao ka kaya?” tanong ko sa litrato at marahan iyong hinaplos.
Hindi ko mapigilan ang mapabuntong-hininga. Sa loob ng halos labing-limang taon ay narito lang ako sa kwartong ito. Gustuhin ko mang lumabas ay hindi ko magawa dahil tiyak na bugbog, sabunot at sampal lang ang aabutin ko sa mga tao sa itaas.
Hindi ko pa nga tinatangka na tumakas, ay lagi na akong sinasaktan at ayoko rin umalis dahil hindi ko alam kung gaano mas masama ang mundo, tulad ng sabi nila Freya. Mabuti na lang at halos isang linggo na akong hindi binugbog nila Madam kasi mukhang maganda ang pag-iisip nila kaya pagaling na rin ang mga pasa sa katawan ko.
Punching bag...
Iyon ang salitang tumatak sa isip ko dahil ganoon daw ako sabi ni Freya sa tuwing bumababa siya dito para mag-alis ng sama ng loob gamit ang pananakit sa akin. Binalewala ko na lamang dahil mukhang ganoon talaga ang dahilan bakit ako nabubuhay.
Muli akong napabuntong hininga at napahawak sa aking kwintas na may singsing na pendant. Itong kwintas na lamang ang nag-iisang bagay na maaaring maging paraan para malaman ko kung ano ang nangyari sa akin. Wala akong maalala na kahit anong bagay sa pagkatao ko. Ang huling naaalala ko lamang ay paggising ko lugar na ito, habang may mga nakakabit na karayom sa aking braso.
”Raelle!”
Napabalikwas ako at mabilis na tinago ang litrato ng lalaki sa ilalim ng aking unan saka tumayo at sumilip mula sa kurtinang tanging humahati sa aking kwarto. Nakagat ko ang labi ko at mariing napahawak sa kurtina nang makita si Madam Faye na nakataas ang kilay. Nasa likod niya si Freya at Manang Luz na bakas sa pisngi nag pamumula.
“M-Manang Luz!” sigaw ko at akmang lalapitan siya nang harangin ako ni Madam Faye na nakataas pa rin ang kilay.
“Bakit mo kinain ang cake?!” sigaw nito. “Ilabas mo!”
“Po—”
“Madam, ako po ang nagbigay sa kaniya—”
“Manahimik ka Luz!” aniya at lumapit sa akin at sinabunutan ako patingala.
“A-Aray, Madam—”
“Alam mo bang last slice na iyon at galing pa sa Napoleon's Bakery?! How dare you—”
“Ma, that's enough,” pigil ni Freya na walang emosyon ang mukha.
“Freya, darling. That was your cake—”
“It's okay. I don't like anything that Raelle already touch,” anito sa wikang ingles.
“Oh, okay,” saad ni Madam at marahas akong binitawan. “Ikaw babae, don't you ever make a sound. May bisita ako ngayon kaya umayos ka kung ayaw mong tatlong araw kitang hindi pakainin ulit.”
Napalunok ako at tumango. “O-Opo—”
“Ma! Apollo is here!” sigaw ng lalaking kapatid ni Freya mula sa itaas ng hagdan na kumukonekta sa itaas na parte ng bahay na ito.
Tila kumislap naman ang mga mata ng mag-ina at napapahagikhik na lumabas. Naiwan naman si Manang Luz na agad lumapit sa akin. Naiiyak naman akong hinawakan ang kaniyang pisngi na bahagyang namumula.
“Manang Luz, pasensya na—”
“Raelle, huwag mo akong intindihin. Okay lang ako. Oh, siya. Aakyat na ako at kailangan kong asikasuhin ang bisita nila Madam,” aniya na ngumiti at naglakad palabas.
Napabuntong-hininga na lamang ako at tumalikod na saka bumalik sa manipis na kutson na hinihigaan ko. Umupo ako at muling kinuha ang litrato sa ilalim ng aking unan at pinakatitigan itong muli. Marahan ko ring hinaplos ang mukha ng lalaki at ngumiti.
Agad kong kinuha ang maliit na radyo na bigay pa sa akin ni Madam Luz at binuksan iyon saka naghanap ng tugtog. Nang may mahanap na ay bahagya kong nilakasan dahil wala namang ibang makakarinig sa akin dito. Tumayo rin ako at sumayaw habang hawak ang litrato.
Now I know I have met an angel in person, and she looks perfect tonight..
Nakapikit ako at pinapakinggan ang kanta habang nangangarap ng buhay sa labas ng apat na sulok ng kwartong ito ay hindi ko maiwasan ang mapangiti. Ngunit bigla na lang akong napaigtad nang makarinig ako ng tila may nahulog na bagay sa aking likuran kaya agad kong pinatay ang radyo at kumakabog ang dibdib na dali-daling hinawi ang kurtinang humahati sa aking higaan at kainan.
Sa paghawi ko ay tumambad sa akin ang isang lalaking nakatayo habang may basag na tasa ng kape sa lapag. Gumala ang tingin nito sa paligid at nang huminto sa aking direksyon ay nanlaki ang kaniyang mga mata at bahagyang napaatras, na tila ba nakakita ng bagay na kakaiba sa kaniya.
“What the f**k?!” bulalas niya.
Napaatras naman ako at nakaramdam ng takot dahil sa lakas ng kaniyang boses.
Nakatitig rin ako sa kaniya dahil sa loob ng labinlimang taon ay ngayon lang ako nakakita ng ibang tao maliban sa mga tao sa itaas. Nanlaki din ang aking mga mata nang mapagtanto ko na ang taong ito at ang tao sa litratong hawak ko ay magkamukha.
Kung ganoon, iisa lang ba sila?
“T-Totoong tao ka?”