“f**k!” daing ni Sandrick nang hindi niya magawang kumain nang maayos. Hindi kasi niya makagat kahit tinapay man lang.
Napatingin naman siya sa kaibigan na halatang nagpipigil ng tawa kahit na busy na naman ito sa harap ng Manga Studio nito sa laptop. Sa inis niya ay binato niya rito ang tinapay.
“Hayop ka! Hindi mo sinabi sa akin na ganito pala kasakit ang magpakabit ng braces!”
“Sino ba kasing nagbaba ng phone kagabi? Sasabihin ko pa nga lang sa ‘yo pero pinatayan mo na ako kaya magdusa ka riyan.”
“Ah! s**t! s**t! s**t!” hiyaw niya nang magtama ang mga ngipin niya sa taas at ibaba ng harapan niyang ngipin nang akmang sasagutin niya ang kaibigan.
“First week lang naman masakit ‘yan pero kapag tumagal na mawawala rin ang sakit kaya tiis-tiis ka muna,” gatong pa nito na hindi na niya pinansin.
“Pero dahil sa ginawa mo tatanda ka talagang lalaki niyan.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. “Anong pinagsasasabi mo?”
“Bukod kasi sa puso mo, pati ngipin mo binakuran mo na rin,” anito saka humalakhak.
“Nakakatawa ‘yon?!” aniya saka ito inirapan.
Tumigil ito sa ginagawa saka tumabi sa kaniya. “Type mo ‘no?” bulong nito.
“Sino?”
“Sino pa ba? E, ’di si doktora.”
“Saan mo naman nakuha ang maling balita na ‘yan?”
Kumuha muna ito ng tinapay saka siya sinagot. “Hindi ba‘t ang sabi mo, hindi ka gagastos sa babaeng hindi mo naman seseryosohin sa huli?”
Hindi naman niya itatanggi na sinabi nga niya ‘yon pero isa lang naman ang rason kung bakit nakiuso siya kay Nicholai.
Inihagis niya sa ere ang chips saka sinalo ng kaniyang bibig. Alam niyang bawal iyon sa kaniya pero hindi niya kayang pigilan ang cravings niya kaya ang ginawa niya ay tinunaw muna niya iyon sa kaniyang dila saka kinagat nang malambot na ito.
“Hindi naman porque nagpakabit ako ng braces ay pareho na tayo ng dahilan,” litaniya niya nang tuluyang malunok ang chips.
“Kung ganoon, ano ang dahilan mo?”
“Gusto ko lang talaga siyang inisin para makabawi naman ako sa ginawa niyang pagbasag sa mukha ko. Kundi dahil sa ginawa niya hindi naman ako magdurusa ng ganito.”
Nanlaki ang mga mata nito sa narinig. “You mean, Doctor Fortaleza is the woman you suddenly kissed and the one who punched you at the Mall?”
Hindi na siya tumanggi pa at tumango na lang dito.
Tumabi ito sa kaniya. “Grabe! Tignan mo nga naman maglaro ang tadhana.” Bahagya siya nitong tinulak sa balikat niya gamit din ang balikat nito. “Naniniwala na talaga ako sa destiny.”
Binawian naman niya ito ng tulak sa braso gamit din ang braso niya. “Destiny ka riyan! Ganiyan na ba mag-isip ang Manga artist and writer ngayon?”
“Tignan mo, ‘to! Dinamay na naman ang passion ko.”
“Paano lagi na lang ako ang trip mo!” bato niya.
“Oo na! Wala na akong sinabi.” Saka ito bumalik sa ginagawa. Napailing na lang tuloy siya.
MAKALIPAS ang tatlong linggo ay nagulat na lang si Princess sa biglaang pagsulpot muli ni Sandrick sa kaniyang clinic. Ayaw man niya ito makita ay wala naman siyang magagawa. Pero ang hindi niya talaga maiwasan ay ang pagmasdan ito mula ulo hanggang paa. Napakalakas kasi talaga ng dating nito kahit na simpleng t-shirt, short at sandals lang ang suot nito.
“Mr. Ramal? W-what are you doing here? Parang wala pa yatang isang buwan ay naririto ka na?” takang tanong niya.
“Natanggalan kasi ako ng bracket sa bagang, Dok. Muntik ko pa ngang malunok, e,” anito na kinailing niya.
Hindi naman na bago sa kaniya ‘yon dahil iyon naman ang isa sa mga cases na nangyayari sa mga pasyente niyang nagpapakabit ng braces.
“Ano ba kasing kinain mo?”
Napakamot ito sa ulo. “Fried chicken lang naman, Dok. Wala naman 'yon sa pinagbawal mo ‘di ba? Hindi rin naman iyon matigas, sadyang hindi ko lang napansin na may nasama pa lang buto sa nakagat ko kaya natanggal.”
“O siya sige, mahiga ka na para mapalitan na natin iyan ng bracket at para na rin malagyan ko nang lock sa dulo,” aniya saka sinimulan ang kaniyang trabaho.
Ang payo niya sa ibang pasyente niya na may mabibigat na cases ay every month adjustment pero sa case nito ay pwede ito magpa-adjust kahit every two months kaya lang hindi na niya sinabi dahil alam niyang mas matagal niya itong makikita. Mas mabuti na ang one month para mabilis lang nito matapos ang isang taon.
“Pero may extra charges every bracket na matatanggal,” pahayag nito.
“Magkano naman ang aabutin, dok?”
“Five hundred pesos each bracket na matatanggal.”
“Okay!”
Samantalang habang kinakabitan si Sandrick ng lock sa ngipin niya ay hindi niya maiwasang mapangiti sa isip niya. Hindi niya alam pero masaya siya na makitang muli ang dentista. Napakalakas talaga ng epekto nito sa kaniya dahil may mga gabi na napapaginipan na niya ito. Minsan pa nga bigla-bigla na lang itong pumapasok sa isip niya lalo na ang ginawa niyang agaw halik dito noon sa Mall. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniya pero gusto niya kung ano man ang nararamdaman niya ulit ngayon.
“Okay na. Tinaasan ko na rin ang bite mo para hindi ka na matanggalan ng bracket ulit.” Tumango si Sandrick sa sinabing iyon ng dalaga dahil nagsisimula na naman siyang humanga sa kaperpektuhan ng mukha nito.
Nagtungo na ulit sila sa table nito at pumirma sa monitoring sheet niya nang may mapansin siya sa gilid ng lamesa. Isang litrato nito na may kasamang pamilyar na lalaki kung saan nakangiting nakayakap mula sa likuran ng dalaga.
Naikuyom niya ng wala sa oras ang kaniyang mga kamay dahil hindi niya gusto ang nakikita niya. Nabalik lang siya sa kaniyang sarili nang magsalita ang dalaga.
“May problema ba, Mr. Ramal?” takang tanong nito nang mapansin nito ang tinitignan niya.
“B-boyfriend mo?” deretsang tanong niya rito.
“Hindi.” Nakahinga siya nang maluwag sa narinig dahil baka kapatid lang nito iyon ngunit naglaho rin iyon kaagad nang muli itong magsalita.
“He's my fiance,” imporma nito na kinagulat niya.
Sa sinabi nito ay muli na namang may nabuhay na pakiramdam sa dibdib niya na matagal na niyang binaon sa limot.
“C-congratulations. Kailan ang kasal?” tanong niya na hindi niya inaasahan na lalabas sa kaniyang bibig.
“Next month,” nakangiting sabi nito habang nakatingin sa litrato.
Napaiwas siya ng tingin nang hindi niya nagustuhan ang ngiting iyon ng dalaga lalo na't hindi para sa kaniya. Bigla ring parang may kumirot sa puso niya.
“A, Dok! Si Sir William po,” singit ni Viodeza habang inaabot dito ang cellphone nito.
“Excuse me,” paumanhin ng dalaga saka sinagot ang tawag sa harap niya.
“Yes, Hon? Nasa clinic pa. A, I miss you too,” kausap nito sa kabilang linya.
Sa inis niya ay bigla na lang siyang umalis sa clinic nito matapos iwan ang bayad at walang sabi-sabing nilisan ang lugar. Hindi niya kinaya ang mga matatamis na salita nito sa lalaki at ayaw niya ng ganoong pakiramdam.
“OH! BAKIT sa tuwing pupunta ka rito palagi nalang nakakunot ‘yang noo mo? Problema mo na naman?” bungad sa kaniya ni Nicholai.
“Isa ka pa! Kung bakit ba naman kasi halos ayaw mo na lumabas ng hawla mo. Hindi ka ba nababagot dito sa apat na sulok ng kwarto mo?” balik tanong niya rito.
“At bakit naman ako mababagot kung may pinagkakaabalahan naman ako? At saka hindi biro itong ginagawa ko. Hindi lang basta scenes ang ginagawa ko. Ang hirap din kaya mag-isip ng drawing.”
Humalukipkip siya. Hnaggang ngayon kasi ay naiinis pa rin siya sa kaalamnag si William pala ang fiance ng hinahangaan niyang dentista.
“Umamin ka nga, ano ba talaga ang problema mo ngayon?” tanong nito saka siya inbautan ng pepsi na nasa lata.
“May nalaman ako tungkol kay William.”
Napaubo naman si Nicholai sa narinig. “Iyong dati mong kaibigan na umahas sa crush mo noon?”
“Tsk! Kailangan pa talaga ipaalala?”
“E, ikaw itong nagbanggit, e. Nilinaw ko lang baka kasi ibang William ‘yang tinutukoy mo.” Napailing na lang siya saka nilagok ang soda.
“Ano naman ang nalaman mo? Na ikakasal na siya doon sa crush mo? Grabe ka din, ano? Hindi ka pa rin pala nakamove-on sa crush mo na iyon. Naniniwala na tuloy ako sa first love,” dagdag pa nito.
“Oo ikakasal na siya pero hindi sa first love ko.”
“Kung ganoon kanino siya ikakasal para maging ganiyan ang mood mo?”
“Kay Dok Princess,” deretsang sabi niya dahilan para maibuga ni Nicholai ang iniinom nitong soda sa mismong mukha niya.
Napapikit siya sa ginawa ng kaibigan. Sino ba naman kasi ang hindi magugulat? Maging siya ay nabigla din sa nalaman.
Pinunasan niya ang mukha niya gamit ang tissue na agad na iniabot sa kaniya ni Nicolas.
“Sorry, dude! Hindi ko sinasadiya.”
“Hindi ko naman din alam na iyong William na fiance ni Dok at ang dati mong kaibigan na si William ay iisa.”
“Bawasan mo nga ‘yang pagkakape mo!” aniya habang pinupunasan ang damit niyang namantsahan nito ng soda.
“Tignan mo ‘to! Pati pagkakape ko pinupuna mo na rin.”
“E, kung bigwasan kaya kita diyan!” gigil na banta niya.
“Grabe ka talaga sa akin. Parang hindi ka papahiramin ng damit, ah?!”
“Sige na! Ikuha mo na ako ng pamalit. Iyong branded, huh?”
“Oo na!” kumakamot sa ulong sabi nito saka nagmartsa sa loob ng kwarto nito.
Iyon ang isa sa mga gusto niya rito. Palagi siyang nakakaarbor ng mga branded nitong mga damit. Hindi naman sa hindi niya kayang bumili ng branded. Ang kaniya lang, laking tipid iyon.
Nang sandaling nawala sa paningin niya ang kaibigan ay muling bumalik sa isipan niya si William. Parang nauulit lang kasi iyong nangyari sa kanilang dalawa. Ang pinagkaiba lang, nauna ngayon si William sa dentista kaysa sa kaniya.
“WHERE are we?” tanong ni Princess kay William nang ihinto nito ang sasakyan sa harap ng dalawang palapag na bahay sa isang subdivision. Sinundo kasi siya nito sa clinic at sinabing may espesyal raw silang pupuntahan.
“This is the house where we will live after the wedding,” sagot nito habang pinagmamasdan ang bahay mula sa labas ng gate.
Maluha-luhang napangiti siya. Hindi niya lubos maisip na mayroon na rin pala itong naipatayong bahay para sa kanila. Ang bahay kung saan bubuo sila ng pamilya.
“H-hindi ba masyado itong malaki para sa ating dalawa?” tanong niya kapagkuwan.
Yumakap ito sa mula likod niya. “Isang buong basketball team kasi ang magiging anak natin kaya ganiyan kalaking bahay ang binili ko para sa atin..”
Bahagya siyang natawa sa sinabi nito. “Ano’ng tingin mo sa akin, palahiang baboy? Doseng anak talaga?”
Humigpit ang yakap nito sa kaniya. “Biro lang, Hon. Okay na sa akin ang tatlo o limang anak.”
Muli ay napangiti siya. Nakikinita na kasi niya na magiging isang masayang pamilya sila. Na magiging mabuti silang mga magulang sa mga magiging anak nila. At kapag nangyari iyon, bubusugin nila ang mga ito ng pagmamahal.
“Pasok tayo?” aya nito na agad niyang tinanguan.
Binuksan nila nag malaking gate na gawa sa kahoy na may lining at design na mga bakal. Pagpasok nila ay bumungad sa kanila ang malawak na hardin kung saan may maliit na fountain. Pagbukas nila ng main door ay agad bumungad sa kaniya ang malawak na living room kaharap ang dinning area. Sa kabilang banda naman ay ang kitchen, dirty kitchen sa gilid at ang laundry area. May isang guest room at maid’s quarter din na nasa mismong gilid ng garahe. Pag-akyat nila sa pangalawang palapag ay bumungad naman sa kaniya ang malaking chandelier at family hall. May tatlong kwarto rin doon kasama na ang master’s bedroom.
Una nilang pinuntahan ang dalawang kwarto sa taas na siyang may tigda-dalawang kama.
“Ang sabi mo noon, kapag nagkaanak tayo gusto mo na magkakasundo-sundo sila kaya ito ang naisip ko para mas maging close sila sa isa’t isa. Dito ang boy’s room at sa katapat naman ang girl’s room,” paliwanag ni William.
Punong-puno ng kagalakan ang kaniyang puso ng mga oras na iyon. Nakikinita rin kasi niya na hindi lang ito magiging mabuting asawa sa kaniya kundi magiging mabuti rin itong ama sa magiging anak nila. Na hindi siya nagkamali na ito ang lalaking napili niya na makasama habambuhay.
“Hey! What’s wrong? Why are you crying? May hindi ka ba nagustuhan? Tell me, pwede ko pa naman ipaayos o ipabago ang interior ng bahay kung iyon ang gusto mo,” tarantang wika nito.
Hindi niya namalayan na sa sobrang kagalakan niya ay napaluha na siya.
Mabilis siyang umiling saka ito hinawakan sa magkabilang braso. “Hon, relax. Hindi ito katulad ng iniisip mo. Everything here is perfect. I really love this house that’s why I am very happy, knowing that you will be a good husband to me and a father to our children. And I can't wait for that to happen.”
Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi saka pinunasan ang kaniyang mga luha. “Me too, hon. I know that you will be a good wife and a mother. I love you, hon. Now and forever,” anito saka hinalikan ang kaniyang noo.
“I love you too, hon. I have nothing more to ask for.”
Matapos iyon ay inaya naman siya nito sa terrace ng master’s bedroom. At mula roon ay tanaw nila ang malaking swimming pool at landscape ng hardin.
“Gusto mo na bang maglipat ng mga gamit para handa na ang lahat pagkagaling natin ng reception?”
Tumango siya. “Pwede naman.”
Alam niya ng mga oras na iyon ay pareho sila ng nararamdaman. Nakikita kasi niya sa mukha nito ang excitement. Ang mga ngiting iyon ang hinding-hindi niya pagsasawaan kailan man.