2

1325 Words
DIANE’s POV Ilang araw na rin akong puyat dahil intern ako sa isang hospital dito sa bayan ng Santa Monica. Nursing student ako at malapit na rin akong grumadweyt. Internship na lang ang naiwan kong subject. Maluwag na ang schedule ko kung tutuusin. Kaya ngayong maluwag na ang schedule ko at wala nang subjects na dapat attend-an sa school ay nagprisinta na ako kay Mommy na maging kapalitan niya sa araw ng Sabado at Linggo. Hindi ako nag-aral para magtinda sa palengke. Pansamantala lamang ito. Marami pa akong plano, pagka-graduate ko ay magre-review ako para sa pagkuha ko ng Nursing Licensure Examination. Importante ito dahil kapag naging registered nurse ako madali na lang para sa akin ang mag-apply papuntang ibang bansa. Plano kong mag-abroad para makatulong din kanila Mommy at Daddy. ‘Yung ma-enjoy naman nila ang buhay nila. Simula pagkabata ko, busy na sila sa paghahanapbuhay. Hindi madali ang may pwesto sa palengke dahil kailangan mong gumising ng madaling araw dahil madaling araw ang bagsak ng mga paninda. May mga costumer din na gusto maagang mamili para hindi mainit at hindi pa matao. Kaya si Mommy, halos sa palengke na nakatira. Kaya gusto ko magkaroon ako ng magandang trabaho para makapagpahinga na siya. At syempre para mas magkaroon ng maraming oras para sa pamilya. Ganito ang pananaw ko kasi ganito ang pamilya namin. Uuwi si Mommy ng gabi at pagkatapos kumain ay magpapahinga na sila ni Daddy. Nagkakausap-usap lang kami kapag nagkakasabay-sabay sa hapunan. Imposibleng makasabay namin sila sa umaga dahil madaling araw pa lang ay umaalis na sila. Kaya ako, ang pangarap ko, maka-ipon at magkaroon ng negosyo pero hindi na sa palengke. 'Yung negosyo na hindi time consuming. Pwede kong ipagkatiwala sa mga staff ko. Bibisita lang ako. Para kapag nagkaroon ako ng pamilya, marami akong igugugol na oras. May isang katulong kami rito sa bahay si Ate Myra, siya ang nagluluto at naglilinis ng bahay. Lahat kami ay nag-aaral kaya walang gagawa rin sa bahay. Dumadaan ako minsan sa palengke para humingi ng baon. Minsan nakakalimutan ni Mommy na iwanan ang pera. Maraming nagpapapansin sa akin sa palengke. May iba na anak din ng may pwesto. Nirereto sa akin. May ilan naman na mga trabahador sa palengke. Wala naman akong matipuhan sa kanila. Mayroon din sa school pero hindi ko priority ang magkaroon ng boyfriend. Ang pangarap ko, kapag nagkaroon ako ng boyfriend siya na rin ang mapapangasawa ko. Ayaw kong magpa-iba-iba. Isa lang dapat. Gusto ko matangkad, kahit anong kulay okay lang, at mabait. Iyon lang ang gusto ko. Pero marami na rin akong nakita base sa ideal man ko pero wala naman akong maramdaman na kakaiba para sa kanila. May bukod na natatangi. Kaya lang ay parang may pagka-suplado ito. Hindi naman niya ako kinakausap. Ang kinakausap niya lagi ay ang mga tauhan namin. Sila-sila ang nag-uusap kapag naghahatid ito ng mga gulay kapag ako ang bantay. Si Manong kung tawagin nila. Kaya Manong din ang tawag ko sa kanya. Ewan kung bakit naman Manong. Kung umasta siguro at manamit. Naka-jacket pa siya at sombrero. Hindi kaya amoy pawis na siya? Baka mamaya amoy anghit pa siya dahil balot na balot siya. Samantalang ang ibang nagbubuhat ay mga nakahubad na. Pero mas okay sa akin ang may damit dahil maruming tingnan naman kapag nakahubad tapos pawis pawis at ang binubuhat ay mga kakainin. Doon na ako sa nakadamit, huwag lang siya maghuhubad at baka umalingasaw ang mabaho niyang amoy. Minsan nahiling ko na sana kapag nagdeliver siya ng gulay ay matapat na ako lang ang tao para kausapin niya rin ako. Nagpaalam si Mae at Ate Zel na bibili ng kape. Dahil antok pa ako ay nakisuyo rin ako. Nakatulog pala ako. Nagulat na lang ako dahil may bumili at napabalikwas ako. Ewan naman kung bakit nandito si Manong? Nagtama ang mga labi namin. Hindi kaagad ako nakapag-react dahil nagulat ako. Si Manong ang nakakuha ng una kong halik. Paano kung may girlfriend na siya? Nang ma-proseso ko na ang nangyari ay sinigawan ko ito at pinagbintangan na hinalikan ako. Bakit naman niya ako hahalikan? Sabi niya may ipis na nasa malapit sa akin. Kahit ako ay nangilabot na maisip na dadampi sa balat ko ang insektong iyon. Pero pagalit ko pa rin itong hinarap kaya lang ay may gumitna sa aming dalawa. Tumestigo na hindi sadya ang paghalik sa akin. Sa inis ko kahit may kasama na ako ay umalis ako sa pwesto. Nagkamali ako, hindi siya mabaho. Sobrang bango pa niya. Pero syempre hindi ko inamin. Umalis ako na galit ako kay Manong kunwari at nababahuan sa kanya. Gusto kong humanap ng lugar kung saan pwede kong i-release ang aking kilig na medyo alanganin. Paano nga kung hindi na siya available? Hindi ko na mabibigyan katuparan ang pangarap kong ang magiging boyfriend ko at magiging asawa ang pagbibigyan ko ng aking first lahat pagdating sa relasyon. Siguro naman ay aalis na iyon. Mahirap bumalik at makita niya na namumula ang aking mukha. Hindi ko na tuloy alam kung kikiligin ba ako o malulungkot kapag hindi na siya single. May edad na siya kaya posibleng marami na siyang naka-relasyon. Ayaw ko pa naman na maraming ex dahil baka pag-awayan lang namin iyon dahil alam ko ay selosa ako. Gusto ko ako lang. Kahit hindi ka-gwapuhan basta ako lang dapat. Nagpasya na akong bumalik sa pwesto. “Saan ka galing DJ?” tanong sa akin ni Ate Zel. “Sa may restroom po.” Sagot ko rito at diretso na akong pumasok papunta sa table. Nakita ko ang kape na sana ay panggising sa akin. Hindi ko na kailangan pa ng kape dahil gising na ako. Nagising ako dahil sa halik na ibinigay ni Manong. Ay hindi pala ibinigay dahil ayon nga. pala sa witness ay nagtama lang. Hindi sadya. Kaya kapag naaalala ko iyon ay medyo malungkot. Pero nagdikit pa rin. “Ano ‘yan?” narinig kong tanong ni Mae. “Kape at tinapay. May nagpapabigay lang para sa inyo. Kay Aling Donielyn. na pwesto ito, di ba?” tanong pa ng lalaki. “Oo ito nga ang pwesto ni Nanay Donielyn.” Naiiritang sambit ni Mae. Hindi dahil sa pangalan ng store kundi sa lalaking may bitbit ng sinasabi nitong kape at tinapay. “Kaya nga, tama ang pinuntahan ko. Kunin na ninyo at nangangalay ako.” Rekalamo pa ng lalaki kaya kinuha na rin nung dalawa. “Okay po, salamat po sa nagpabigay. Sana sa susunod may pangalan na kung kanino galing ito.” Wika pa ni Ate Zel na tama naman. Mamaya ay may lason pa ang kapeng ibinigay sa amin. Pero sino naman kaya ang nagpapabigay? Ngayon lang ito nangyari. Minsan may naghahatid ng pagkain dito pero order namin iyon sa kainan sa may taas ng palengke. Nandito kami sa ibaba. Mga dry goods ang nasa itaas pati na rin ang mga kainan. Maloko rin ang dalawa. Kumuha ng baso at sinalinan ng kaunting kape mula sa tatlong cup at kumuha pa ng tinapay at sabay tumawag ng dumadaan na kargador at ito ang ginawang tester. Tuwang-tuwa pa si Kuya. Mukhang type nito si Mae na siyang nag-abot dito ng kape at tinapay. "Thank you, Miss Beautiful." parang kinilig pa talaga si Kuya. Kantyaw mamaya itong si Mae sa amin ni Ate Zel. Wala naman nangyari sa lalaki kaya safe na kainin at inumin ang ipinabigay sa amin. Kakaiba rin ang katalinuhan ng dalawang ito. Makukulit kaya masayang kasama rito. Mamaya ko na lamang sila tatanungin tungkol kay Manong. Wala naman si Mommy kaya hindi niya maririnig na may lalaki akong kinikilala. Isa pa iyon sa dahilan kaya wala akong boyfriend dahil ayaw ni Mommy. Kailangan ko munang magtapos. Kaya kapag may inirereto sa akin at anak ng kumare niya rito sa palengke, tumatawa lang siya pero kapag kaming dalawa na lang saka niya ako sinasabihan. Bawal pa! Paano kaya kapag nalaman ni Mommy na kinuha na ni Manong ang first kiss ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD