"Sorry, Juliana... iche-check ko lang nang niluluto kong pakbet!" mahinahong sabi ni Robert.
Pumiglas si Juliana sa pagkakayakap kay Robert at pinunasan niya ang luha sa kanyang mga mata at naupo. Samantalang chineck naman ni Robert ang kanyang nilulutong pinakbet. Pagbukas niya ng takip ng maliit na kaldero, naamoy niya kaagad ang amoy ng pinakbet na napakabango dahil na rin sa bagoong.
Lumapit si Juliana kay Robert at pinatikim nito ang kanyang pinakbet na niluto.
"Infairness, ang galing mong mag luto, Robert! Puwedeng puwede ka nang magtayo ng sarili mong restaurant!" pagpupuri ni Juliana.
"Sige, mas maganda pa na dalhan mo na kaagad ang lola mo niyan para magbati na kayong dalawa. Mahirap patagalin ang tampuhan, and wag mo kalimutan samahan ng lambing.
"Nako, nakakahiya naman sayo, magdadala lang ako ng isang mangkok ng pinakbet sa kanya. Ulamin mo na lang ang matitira, Robert. Since ikaw naman talaga ang nag effort na magluto eh, etchapwera lang ako!"
"No, tumulong ka namang maghiwa eh, malaking bagay na 'yun so kailangan kumain ka rin," kumuha ng dalawang mangkok si Robert at pinuno niya ito ng pinakbet at ibinigay kay Juliana. "Saluhan mo ang lola mo sa pagkain!"
Kinuha naman ni Juliana ang dalawang mangkok. "Maraming salamat, ang sweet sweet mo talaga tapos thoughtful pa!"
"Salamat din, gusto ko talaga ang mga ngiti mo. Para kang anghel na bumaba sa langit!"
"Oh siya, baka masyado na akong nakakaabala sayo. Mauuna na ako Robert, kita tayo ulit bukas!"
Tiningnan ni Robert si Juliana ng malagkit, halatang mayroon siyang interes na makasamang muli si Juliana. "Sure, anytime naman!"
Lumabas na si Juliana bitbit ang dalawang mangkok, tiniis niya ang init nito hanggang sa makarating siya sa kanilang bahay. Inilapag niya sa lamesa ang dalawang mangkok at tinawag an kanyang Lola Lily.
"Lola, kain po tayo? May dala po ako para sa inyo!"
Hindi sumagot si Lily kaya pinuntahan siya ni Juliana sa kanyang kwarto at nakita niya ang kanyang lola na nagtatahi ng damit at halatang malungkot ang matanda. Lumapit siya rito para yakapin at lambingin.
"Lola, kain na po tayo... sorry na kung nagagalit kayo sa akin!"
Binitawan ni Lily ang kanyang tinatahing damit at tinanggal ang kamay ni Juliana. "Che, sumama ka doon sa kup*l na Robert na yan. Tutal sa kanyan na naman umiikot ang mundo mo eh!" nagtatampong sabi ni Lily.
"Lola, sana wag na po tayong magtalo tungkol sa bagay na iyan. Kahit sino pa po ang dumating sa buhay ko, kayo pa rin po ang number one sa puso ko... kain na po tayo sa labas, may pakbet po akong binili, mainit init pa po!"
"Sigurado ka bang binili mo yan? Hindi ko 'yan kakainin kung galing 'yan doon sa bago nating kapitbahay!"
"Pramis, binili ko po talaga ang pinakbet para sa inyo. Kaya tara na Lola, tigilan na natin mag away. Dalawa na nga lang tayong magkamag anak eh!"
"Sige, susunod ako. Aayusin ko lang ang tinatahi kong damit!"
"Sure yan Lola ha? Baka mamaya, pinagtitripan mo lang ako!"
"Pasaway ka talagang bata ka eh!"
"Ay sorry," sambit ni Juliana na lumabas kaagad. Kumuha siya ng kutsara at inilagay sa dalawang mangkok. Maya maya pa ay dumating ang kanyang lola at umupo sa kanyang tabi at natakam sa pinakbet na kanyang inihain.
"Mukhang masarap ito ah? Mabango ang pinakbet!" Tinikman ito ni Lily at siya ay nasarapan. "Saan mo ito nabili, Juliana? Sobrang sarap eh!"
"Sa palengke po, may naglalako po kasi kaya napabili ako!" sagot ni Juliana na nakatingin lang sa kanyang lola.
"Magkano naman ito? Bili ka ng bili alam mong wala na nga tayong pera eh!"
"Wag niyo na pong intindihin pa ang bagay na 'yan... pagkain naman ang binili ko eh!"
"Si Robert? Sinisilipan mo pa rin ba?"
"Hay nako, ikaw talaga lola. Wala na pong silipang nangyayari, pramis ko sayo na susundin ko na ang mga payo mo sa akin!"
"Sus... baka nga kapag nakita mo siya ulit, magkaroon ka ng amnesia at sumama ka sa kanya bigla!"
Namutla si Juliana na naiimagine ang mga ngiti ni Robert habang silang dalawa ay magkaholding hands.
Nahalata naman ni Lily ang mapupulang pisgni ni Juliana at kumikinang ang mga mata nito sa kilig. "Oh kita mo na, ako na ang nagsasabi sayo Juliana wala kang isang salita, baka nga makipagtanan ka na lang bigla sa hinayupak na 'yun tapos mapagtatanto mo na ako ang tama at ikaw ang mali!"
"Wag na natin itong pagtalunan lola, mas maigi pa na wag na lang po nating pag usapan si Robert. Kawawa naman 'yung tao. Wala siyang kamalay malay na may isang matanda ang gigil na gigil sa kanya!"
"Talagang gigil na gigil ako sa kanya, mas mabuti pa sa akin kung may ibang lalaking magkakagusto sayo at liligawan ka. Kahit maraming tattoo sa katawan at mukhang barumbado, basta't malinis ang intensyon sayo. Masaya na ako, at least bago naman ako mawala sa mundo, nakita kitang masaya sa piling ng taong 'yun!"
"Sa hitsura ko po bang ito, mayroong magkakagusto sa akin? Eh ang pangit pangit ko po kaya, sa inyo kasi ako nagmana!"
Sumangayon naman dito si Lily at nagbigay ng munting payo sa kanyang apo. "Alam kong pangit ka, Juliana. Bawiin mo na lang sa ugali... at tsaka subukan mo ang mga ibang lahi, gusto nila ng mga kakaibang hitsura kagaya ng sayo. Siyempre piliin mo ang mayaman na mamamatay na!"
"Hindi na po lola, sa inyo ko na lang po siya ibibigay!"
"Oh bakit ako? Masyado na akong matanda para sa mga ganyang mga bagay, mas masaya ako kung makatagpo ka ng ganyan ng makaranas naman tayo kumain ng mga masasarap. Malay mo, makapag abroad din tayo!"
"Advance talaga kayo mag isip, paano naman ako magkakaroon ng love life kung hindi po ako lalabas?"
Napatigil sa pagkain si Lily dahil sa tanong ni Juliana."Ay oo nga ano? Pati ba naman itong lugar natin na dating tahimik, pinapasok na ng mga diyablong halang ang bituka!"
"Mga mayayaman naman po ang tinatarget nila, nakatitiyak naman po ako na hindi sila magkakaroon ng interes na pasukin itong bahay natin kasi wala naman silang mapapala!"
"Kahit na, Juliana! Paano kung mapagtripan ka nila? Paano kung gusto lang nilang pumatay ng tao dahil doon sila sasaya? Alam mo namang marami na ang baliw na mga tao ngayon eh!"
"Wag niyo sabihin sa akin na idadawit niyo na naman ang pangalan ni Robert?"