CHAPTER 2: SIYA LANG ANG AVERAGE

1471 Words
"Nak, mabuti naman at naisipan mong umuwi ngayon. Mahigit isang taon ka ring hindi nakakauwi. Masyado ka yatang naging abala mula noong na-promote ka" sabi ni Aling Lydia sa panganay nitong si Garry. Nasa hapag-kainan sila noon, katabi ni Lhiarra ang pamangkin niyang anak ng Kuya Garry niya. "Tita, I want shrimp," mahinang sambit sa kanya ni Kisha sabay turo sa buttered shrimp sa mesa. Inabot niya iyon at ipinagbalatan niya ito. "Opo, Ma. Nakapag-leave lang ho ako ng tatlong araw ngayon dahil natapos na 'yung bagong project ng company namin. Pero sa Pasko, baka hindi na ako makauwi. May importante pa akong aasikasuhin," tugon ng Kuya Garry niya bago sumubo ng paborito nitong kalderetang kambing. Ipinagluto talaga ito ng Mama nila, kahit hindi naman kumakain ng karne ng kambing ang ina. Ganoon ito, laging nag-e-effort para sa paboritong putahe ng mga kapatid niya tuwing family dinner. Samantalang siya, hindi na niya matandaan kung kailan siya huling ipinagluto. Kung alam pa nga ba ng mama nila ang paborito niyang putahe. "Iyong asawa mo, hindi yata sumama ngayon" tanong ng Mama nila. "Busy ho siya" walang ganang sagot ng Kuya niya. Napansin niyang tila kakaiba ang kinikilos nito kapag nagtatanong ang Mama nila tungkol sa hipag niya, noong nakaraang taon pa niya iyon napansin. Para bang hindi ito interesadong pag-usapan ang asawa nito. _Nag-away kaya sila?_ sa isip lamang niya iyon, wala din siyang balak tanungin ito. "Palagi na lang siyang busy, ni hindi ko na nga siya makontak" may bahid ng inis sa tono ng Mama nila. Inabot nito ang menudo at naglagay ito sa plato saka naglagay din sa plato ng Kuya niya. Napailing na lamang siya. Kung dati ay nakakaramdam siya ng pinong kirot sa puso niya tuwing inaasikaso ng Mama nila ang mga kapatid niya ,ngayon ay manhid na siya doon. "Ikaw, Dahlia. Kumusta naman ang trabaho mo ngayon bilang manager? Proud talaga ako sa'yo, 'nak. Tatlong taon mo pa lang mula noong nakapasok ka sa bangko ay na-promote ka na agad bilang Branch Manager," nakangiting baling ng Mama nila sa bunsong kapatid niya. Last month lang na-promote si Dahlia sa pinapasukan nitong bangko sa Makati, at kulang na lang ay magpa-party ang kanilang ina dahil doon. Ang Kuya Garry naman nila ay dalawang taon na mula noong huling ma-promote ito sa mataas na posisyon. Ito ang pinaka-successful sa kanila dahil isang malaking construction company sa Cebu ang pinagtatrabahuan nito. Limang taon lamang nito roon nang una itong ma-promote at two years ago nga ay naging Project Director na ito. Naghanda pa nga nang bongga ang Mama nila noon bilang selebrasyon kuno. At siyempre, hindi mawawala sa pagmamalaki nito ang hipag nilang galing sa mayamang pamilya sa Cebu. Pero sa totoong buhay naman ay walang pansin sa pamilya nila ang manugang nito. Tulad na lang ngayon, hindi na naman ito sumama. Sa iilang beses yatang pumasyal ito sa kanila ay halos nagkulong lang din naman ito sa de-aircon nilang kuwarto. Kuwarto lang din nila ang may aircon sa bahay nila. Siya naman ay tahimik lang na kumakain, kahit wala sa mga putahe ang gusto niya ay magana parin siyang sumubo dahil magaling magluto ang Mama nila, isang bagay na hindi niya namana. Actually, wala naman yata siyang nakuhang ugali at skills sa Mama nila, kung hindi nga lang niya ito kamukha ay baka isipin niyang ampon lang siya. "Okay lang ho, Ma. Carry naman ang work, kahit medyo nag-aadjust pa lang ako" sagot dito ni Dahlia habang ngumunguya ng paborito naman nitong Cordeun bleu, kahit matrabaho ay niluto parin syempre ng Mama nila. _Simpleng luto lang ang favorite ko, spicy chicken curry_ bulong niya sa kanyang isip na ikinangisi lang niya sa sarili. Ni wala ngang manok sa mga putaheng nasa mesa. "Ikaw Lia, kumusta ang trabaho mo sa hotel?" baling sa kanya ng kuya niya. Napansin niyang ni hindi sumulyap sa kanya ang ina at abala lang ito sa pagkain. "K lang Kuya. Nakakabayad pa naman ako ng rent ko" medyo pasarkastiko niyang tugon, pero sa normal paring tono. Tumango lang ito at wala na. Natapos ang hapunan nang hindi man lang siya kinumusta ng Mama nila. Bakit pa nga ba? Wala naman itong maipagmamalaki sa kanya. Isa lamang siyang suite attendant na pinagandang pangalan lang ng butler sa hotel, pero sa katotohanan ay katulong, alila, muchacha ng mayayamang guests. Kahit na nagtapos siya ng Hotel Management, hanggang doon lang ang inabot niyang trabaho. Paano, hindi naman kasi siya c*m laude gaya ng mga kapatid niya tapos wala pa siyang magandang University background. Ilang taon siyang naging sales lady at waitress lang pagkatapos grumaduate bago siya natanggap sa hotel. Hindi sa tamad siyang mag-apply noon, sadyang hindi lang siya kasing talino ng dalawa niyang kapatid. Kaya sa tatlong taon niyang pag-a-apply, tanging ang 5-star hotel lang na pinapasukan niya ngayon ang tumanggap sa kanya. At noong una ay GRO— Guest Relation Officer—siya sa hotel, bago siya na-promote bilang butler. Pero ang in-applyan niya naman talaga ay management trainee dahil iyon ang hiring noon, pero sinabihan siyang sa GRO na lang muna siya. Tinanggap niya pa rin dahil kahit papaano ay may permanente na siyang trabaho, masasabing employed siya at hindi lang sales lady sa mall at waitress sa restaurant. Saka mabuti nga at na-hire pa siya kahit weak ang resume niya. At siguro nga, salamat na rin sa mukha niya kaya siya natanggap. Kung resume lang kasi ang basehan, aminado naman siyang wala siyang laban sa mga kasabayan niyang applicants. Tahimik na nakatayo lang siya sa tabi ng bintana ng kanyang silid, nakatingin sa madilim na likuran ng kanilang bahay. Mula nang pumanaw ang kanilang ama noong trese anyos pa lamang siya ay tila wala na siyang pamilya. Hindi na niya maramdamang parte pa siya ng pamilyang Gomez. Noong high school siya, lagi siyang ikinukumpara ng Mama niya sa mga kapatid niya, lalo na tuwing reporting ng cards - laging may: di mo man lang matularan ang kuya mo, si Dahlia. Hanggang noong kolehiyo siya ay ganoon pa rin ang eksena niya sa bahay nila. Kaya nang sabihin niyang bubukod siya at mangungupahan para mas malapit sa trabaho niya sa Trinoma bilang sales lady, tutol na tutol ang Mama niya. Paano niya raw mabubuhay ang sarili niya sa kakarampot niyang sahod? Pero pinanindigan niya ang desisyon niya. Ilang buwan din yata siyang hindi pinansin ng kanyang ina noon. Lagi siyang pinariringgan tungkol sa magandang trabaho ng Kuya niya, at nadagdagan pa iyon nang pagka-graduate ng kapatid niya ay nakapasok agad ito sa bangko. At ngayon, nang makapasok siya sa hotel sa BGC bilang GRO at hanggang sa naging personal butler, hindi na siya ikinukumpara pero tila naging invisible naman siya sa bahay na iyon. Nagtataka nga rin siya minsan kung bakit pa siya tinatawagan at pinapauwi para sa family dinner kuno. At siya naman... _Bakit nga ba umuwi pa rin ako? Hindi ko pa rin mahindian si Mama kapag sinabi niyang umuwi ako para sa family dinner dahil uuwi si Kuya._ Napahinga siya nang malalim sa isiping iyon. Siguro sa kaibuturan ng puso niya ay umaasa pa rin siyang mapapansin siya ng Mama nila, na kukumustahin rin siya nito kung okay lang ba siyang mag-isa sa apartment niya. Kung hindi ba siya nahihirapan sa trabaho niya. Kung wala bang nambabastos sa kanya sa mga guests niya. Manhid na siya. Hindi na siya nakakaramdam ng kirot sa puso niya dahil doon. Kung dati ay tahimik siyang umiiyak sa silid niya, ngayon ay napapailing at minsan pa nga ay natatawa na lamang siya. Pero... may isang parte pa rin sa puso niya ang gustong umasa... na isang araw ay marinig niya rin mula sa bibig ng Mama niya ang mga salitang "proud ako sa'yo, anak." O kahit ang salitang "anak" man lang sana. Nabaling ang kanyang atensyon sa selpon niya sa kama nang tumunog iyon. Isinara niya ang bintana niya. Isang text message, galing sa guests niya sa 2103 na kaka-check in lang last week. Isa na namang guest na tinatrato siyang muchacha. Pati personal number na niya kinuha pa nito para daw hindi hassle kung tulad ngayon na wala siya sa hotel tapos idadan pa nito sa line ang request nito. Binuksan niya ang text nito at binasa iyon. [Can you come in early tomorrow, help me with my things.] At ayun nga, may ipagagawa itong hindi sakop ng trabaho niya. Noong unang araw nito inutusan siyang kumuha ng ibang luggage nito sa sasakyan nito. Gaya lang din ito noong isang naging guest niya noon na ginagawa siyang bellgirl. _Ano na naman kayang things iyon_ napabuntong hininga na lamang siya. Basta ba okay itong magbigay ng tip, sige, kahit magpaka alila siya dito hindi siya aangal. Nahiga na siya kahit alas otso pa lang ng gabi. Madaling araw siyang aalis bukas pabalik ng Taguig. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD