Chapter 3

1441 Words
Chapter 3   Hindi maintindihan ni Lucy ang mga nangyayari. Kinakausap siya ngayon ng nagpakilalang mga magulang niya. “Doc, hindi niya kami nakikilala. Tinanong niya kami kanina kung sino raw kami. Hindi na ako naaalala ng baby ko.” Sabi ng babae. Narinig niya ang pag-iyak ng babae at napatingin lamang siya dito. Sinasabi nito na ito ang kaniyang ina. Maganda ito at mukhang wala pang anak sa itsura. “Maaaring mayroon siyang amnesia, para makasigurado ay titingnan namin ulit siya at magsasagawa ng mga tests sa kaniya.” Sabi naman ng lalakeng nakasuot ng kulay puti. Nang igalaw ni Lucy ang kaniyang kanang kamay ay napansin niya ang balat na korteng krus  doon. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Imposibleng may balat na korteng krus din ang katawan na ito kung nasaan ang kaluluwa niya? “M-May itatanong po sana ako?” sabi niya. Kaagad na lumapit ang kaniyang nagpakilalang ina, “A-Ano iyon, baby ko? Ano ang itatanong mo?” Iniangat niya ng dahan-dahan ang kanang kamay at ipinakita ang palad dito. “Narito na po ba ang balat na ito?” tanong niya. Hindi naman iyon kalakihan ngunit makikita na korteng krus iyon. “N-Ngayon ko lang iyan nakita. Dati naman ay wala iyan.” Sabi ng ginang. Nang tumango siya ay itinago na niyang muli ang kanang kamay. Hindi niya maintindihan kung bakit narito siya sa mundong ito at nasa katawan ng ibang tao. Kung nasa katawan siya ng taong nagngangalang Gris, nasaan na ito ngayon? Hindi kaya ito ang nasa katawan niya ngayon at nagkapalit sila? Hindi ko nais na ibang tao ang maghirap dahil nalipat sa katawan ko. Sana ay paggising ko kinabukasan ay nakabalik na ako sa aking katawan. “A-Ano ba ang gusto mong kainin, Gris anak? Iyong sa favorite restaurant mo ba? Iyong steak? How about sa drinks?” tanong ng ginang. “Hon, bawal pa sa kaniya ang mga ganoong pagkain, kapag gumaling na siya ay maaari na.” Sabi naman ng lalake sa na nakaupo sa sofa na may taban na libro. Mukhang mababait ang mga ito, nakikita niya rin ang sobrang pag-aalala ng mga ito sa kaniya. Maswerte si Gris sa mga magulang. Iyon lamang ang kaniyang masasabi. Ang naintindihan lamang ni Lucy sa tanong nito ay kung ano ang gusto niyang kainin. “Hindi pa  naman po ako nagugutom.” Sabi niya. “But you were unconcious for how many weeks. I am so worried, anak.” Sabi nito. Napakunot ang kaniyang noo, hindi niya maintindihan ang sinabi ng ginang. Parang ibang lenggwahe iyon. “Hayaan mo na muna siyang magpahinga, hon,” sabing muli ng lalake. Naglakad ang ginang papunta sa asawa nito at naupo sa tabi nito. Nakita ni Lucy na lumuluha ang ginang. “Nag-aalala lang ako sa ating nag-iisang anak, Marcus, napakasakit sa akin bilang ina na nagluwal sa kaniya na makita siya na naliligo sa sarili niyang dugo. Kailangan magbayad ang taong gumawa nito sa kaniya.” Sabi ng ginang. Bigla ay nakaramdam siya ng awa rito. Paano kaya kapag nalaman nito na hindi siya ang tunay nitong anak at ibang kaluluwa na ang nasa katawan ng anak nito? Maniniwala kaya ito? Kanina ay sinabi nito sa kaniya na maaring nawala lamang ang kaniyang ala-ala pero alam niyang hindi. Alam niyang nasa ibang katawan at katauhan siya. Walang ganitong silid sa kanilang mundo, marami siyang nakikitang bagay na hindi makikita sa Fhyroz o sa kahit anong nayon sa Reyven World. Nang lumipas ang isang linggo ay nakalabas na sila ng tinatawag na hospital. Mabilis na naghilom ang kaniyang mga sugat at hindi iyon maipaliwanag ng mga naroon sa hospital. Masayang-masaya naman ang ginang dahil doon. Ang mahalaga raw ay mabuti na ang kaniyang kalagayan. Nang makarating sila sa  isang lugar ay namangha siya sa laki ng kanilang tahanan. “Dito po kayo nakatira?” tanong niya. Umiling ang ginang, “Hindi lamang kami ang nakatira dito, pati rin ikaw. Ito ang tahanan natin, Gris.” Hindi naman po ako si Gris. Nais niyang sabihin iyon ngunit alam niyang hindi siya paniniwalaan ng mga ito. Nang ihatid siya ng kaniyang ina sa sinasabi nitong silid niya ay naupo ito sa kama katabi niya. “Ano po ba ang nangyari sa akin?” tanong niya. “Natagpuan ka sa isang pedestrian bridge na puno ng saksak. May isang nakakita ng pangyayari. Hindi ko alam kung bakit ka nasaksak, hindi naman kinuha ang pera mo o cellphone mo para sabihing panghoholdap. Iniimbesitagahan pa ng mga otoridad  ang nangyari.” Sabi ng ginang. Kung ganoon ay parehas kaming nasaksak? At sa tingin ko ay sa magkatulad din na oras. “Anim na saksak sa magkakaibang parte ng katawan ang natamo mo, akala ko ay hindi ka na mabubuhay pa, hindi ko inaasahan na magkakaroon pa ng himala at nagpapasalamat ako sa Diyos. Ikaw lang ang mayroon kami, Gricia, nang malaman ko ang nangyari ay nawalan ako ng malay, hindi ko kinaya  ang itsura mo nang gabing natagpuan ka.” Sabi ng ginang. Hinagod niya ang likod ng ginang nang marinig ang pag-iyak nito. Ngunit anim na saksak? Ibig sabihin ay hindi pa dapat iyon maghihilom kung halos tatlong linggo pa lang siyang namamalagi doon sa ospital. “Kaya’t noong nais na magsagawa muli ng test sa iyo ang mga doktor dahil sa mabilis na paghihilom ng sugat mo ay hindi na ako pumayag. Ayokong pageksperimentuhan ka nila dahil lamang mabilis na gumaling ang mga natamo mong saksak.” Sabi ng ginang. Hindi normal na maghilom kaagad ang saksak ng ganoon kabilis. Ano ang nangyari? “Sige na, anak, magpahinga ka na. Kung may kailangan kay ay sabihan mo lang ako.” Sabi ng ginang. Tumango siya at nang makaalis ito ay tumingin siya sa  labas ng bintana ng silid  na  iyon. Kailangan niyang masigurado kung nasaang  mundo siya at hindi niya iyon malalaman kung nasa loob lamang siya ng silid na iyon. Gumawa ng paraan si Lucy para  makalabas ng malaking bahay. Dahil sanay na sanay na siyang umakyat at  baba sa matataas na puno noon sa fhyroz ay baliwala lamang sa kaniya ang ikalawang palapag ng silid na iyon. Maayos siyang nakababa sa  tulong ng puno na malapit sa silid ni Gris. Nang makalabas siya ng gate ng mansyon ay mabilis ang lakad na ginawa niya. Narating ni Lucy ang lugar kung saan maraming tao. Nalulula siya sa taas ng mga bahay sa lugar na iyon. Sa tingin niya ay hindi na ang mga iyon bahay. Iba na ang tawag doon. Nang muling ibalik ni Lucy ang tingin sa mga tao ay napakurap ang kaniyang mga mata. “Ano iyong nasa dibdib nila?” Tinitigan muli ni Lucy ang mga tao at nakita niya ang kulay bughaw na apoy na nasa dibdib ng mga ito. Mayroong mahihina na ang apoy at mayroon namang malakas pa ang apoy. Ang ibang mga tao naman ay walang apoy sa dibdib ng mga ito. “Apoy? Bughaw na apoy? B-bakit mayroon— Natutop ni Lucy ang bibig nang makita niya ang isang pamilyar na nilalang sa Fhyroz. “H-Hindi... pati rito?” sabi niya habang nakatingin sa isang itim na ispiritu. Ngunit ang isa pang ikinagulat ni Lucy ay nang  biglang bumukas ang bibig ng itim na ispiritu at kainin nito ang taong may mahinang apoy sa dibdib. “A-Anong...” Napaatras si Lucy, tiningnan niya ang kaniyang paligid at wala manlang nakapansin sa pangyayaring iyon. Ang lahat ay patuloy pa rin na naglalakad habang ang tao na kinain ng itim na isipiritu ay bigla na lang naglaho. Dahil sa takot ay aalis na sana siya sa lugar na iyon nang biglang tumigil sa paglalakad ang mga tao sa paligid. Pati na ang bata na may hawak na ice cream na madadapa sana ay napatigil sa ere. Parang tumigil ang oras. Nang mapatingin si Lucy sa itim na ispiritu ay gumagalaw pa rin ito at mukhang may hinahanap. Nang makita niya na may apat na nilalang na dumating ay nagtago siya sa likod ng isang sasakyan. Ang mga nilalang na dumating ay nakasuot ng itim na damit at mayroong mga kapangyarihan. Hindi maikurap ni Lucy ang kaniyang mga mata nang makita niyang nilalabanan ng apat ang itim na ispiritu gamit ang kapangyarihan ng mga ito. Hindi siya makapaniwala na ang itim na ispiritu ay nagpapakawala ng itim na kapangyarihan na kayang sumugat sa mga kumakalaban dito. Matapos ng pangyayaring iyon at  nang mapaslang ang itim na ispiritu ay tumingin siyang muli sa apat na nakaitim. Ngunit hindi niya inaasahan ang sumunod na nakita, nagulat siya nang ang isang lalake ay nakatingin na din sa gawi niya. Huling-huli siya nito!          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD