4: FIRST ONE

2203 Words
4: FIRST ONE                   Ilang sandali pa ay sumigaw si Madeline. Tinatakpan nya ang kanyang tenga. Bumangon ito at nanakbo papunta sa itaas na parang may humahabol.               “Huwag kang lalapit. Huwag mo kong lalapitan para mo ng awa. Huwag.” Tila may kausap si Madeline.               May nakikita syang isang babae na papalapit sa kanya. Nakayuko ito at natatakpan ng kanyang matitigas na buhok ang kanyang mukha at kumakanta ito ng               “Magtago ka na. Dahil mahahanap kita. Saan ka man magpunta,magiging akin ka!”                 “Hindi. Hindi mo ko makukuha!” Napaupo si Madeline sa tagiliran ng hagdanan at iyak sya ng iyak. “Ayoko na. Tumigil ka na.” Parang hirap na hirap na si Madeline sa tono ng kanyang pagsasalita.               Nagtataka ang lahat sa nangyayari sa kanya. Wala naman silang naririnig o nakikita na kinakausap ni Madeline.               “Madeline anong problema?” sigaw ni Katarina na dahan-dahang umaakyat sa hagdanan para lapitan ang kaibigan.               Tumingin si Madeline sa kaibigan na nanlilisik ang mga mata. “Huwag kang lalapit!” sigaw nito kay Katarina na parang nag-iiba na yung boses.               “Anong nangyayari Cole?” tanong ni Quinn habang nakakapit sa kapatid at naririnig lang ang boses ni Madeline.               Sigaw ng sigaw si Madeline at hindi nila maintindihan ang dahilan. Lahat sila ay nakatingin lamang sa kanya.               Naglakas loob lumapit si Katarina sa kanya at hinawakan sya sa balikat.               “Madeline! Madeline tumigil ka na!” mahigpit ang pagkakahawak nito sa balikat ng kaibigan ngunit parang walang naririnig si Madeline at patuloy pa din ang kanyang pagsigaw.               “Sinabi kong tumigil ka na!!!” sinampal ng malakas ni Katarina ang kaibigan. Parang nagulat naman si Madeline at tumigil ito sa pagsigaw. Lumingon ito sa paligid at tsaka muling humarap kay Katarina.               “Katarina.” Umiiyak nitong sabi sabay yakap sa kaibigan. “Natatakot ako. Umalis na tayo dito.” Patuloy lang sya sa pag-iyak habang hinahaplos ng kaibigan ang kanyang likuran.               “Wag ka ng matakot. Nandito lang kami Madz.” Inalalayan nyang tumayo ang kaibigan. “Ikwento mo sa’min ang lahat.”               Parang may trauma pa din si Madeline. Kakaiba ang tingin nya sa mga kasama nyang nandun na takot na takot din.               “Magpahinga na muna tayong lahat. Bukas na bukas din aalis na tayo dito. Magsibalik na tayo sa mga kwarto natin.” Utos ni Katarina na mahigpit ang pag-alalay sa kaibigan.               Ang lahat naman ay sumunod sa sinabi nya. Bakas sa mukha ng lahat ang pagkabalisa matapos masaksihan ang biglaang pagsara ng mga pintuan. Unang pumasok sa kwarto sina Katarina at Madeline at inihiga na nya agad ang kaibigan.               “Gusto mo bang kumain? Ikukuha kita ng pagkain.” Patalikod na si Katarina ng hinawakan sya ni Madeline.               “Stay here, wag kang aalis.” Nanghihina yung boses nya at parang wala na syang lakas. Namumutla na din sya na parang naubusan ng dugo.               Ang lahat ng babae ay nasa kwarto na. Napansin ni Cole na wala dun ang mga pagkaing nagkalat sa sahig. Naisip na lang nya na nilinis iyon ng matanda.               Umupo si Katarina at Phoemela sa tabihan ni Madeline at nililinisan nila ito.               “Madz, ano ba kasi talagang nangyari? Paano ka nakarating dun sa kabilang room? Tsaka bakit puro gasgas ka?” Pag-uusisang tanong ni Phoemela.               Dumilat si Madeline at tumingin sa kisame. Pinipilit nyang alalahanin ang lahat. “Biglang namatay yung ilaw sa shower room. Tapos may bumubulong sa tenga ko.” Dahan-dahan ng nangingilid ang kanyang mga luha.               “Pagpasok ko dito sa kwarto may nakita kong babae – ” bigla syang napaupo at tumingin sa salamin. “Dyan, dyan ko sya nakita. Ilayo nyo sa’kin ang salamin na yan.” Parang nagwawala na naman sya at hindi mapakali.               Minabuti ni Lindsey na takpan ng towel ang salamin para tumigil na si Madeline. “Ang OA huh, parang salamin lang. Kung takot ka sa sarili mo, eh di wag kang humarap sa salamin.” Humiga na lang sya sa sofa.               “Lindsey!” pagpigil ni Cole.               “What? Ako na naman ba ang mali dito?” Nagtalakbong na lang sya at tumalikod sa kanilang lahat. “Bahala na nga kayo dyan.”               Kumalma si Madeline ng takpan ang salamin at humiga sya ulit at nagpatuloy sa pagku-kwento. “Pagmulat ko na lang katabi ko na sya.” Humawak sya ng mahigpit kay Katarina. “Nahimatay ako sandali. Pero – ” at hindi na nga nya napigilang humagulgol sa pag-iyak. “Pagdilat ko, kinakaladkad na lang ako nung babae papunta sa kabilang kwarto.” At hindi na nga nya napigilang umiyak.               Nagkatinginan sina Phoemela at Katarina. Hindi nila alam kung maniniwala sila sa kaibigan. Nilinisan na lang ni Phoemela ang sugat ni Madeline sa ulo.               “Magpahinga ka na. Bukas kapag napalitan yung wheel ko, dadalhin ka namin sa ospital.” Kinumutan nya ang kaibigan.               Mabilis nakatulog si Madeline. Naaawa naman ang kanyang mga kasama na nandun sa kwarto.               Tahimik ang lahat ng biglang nagsalita si Quinn. “Naniniwala ako kay Madeline na may iba pa tayong kasama dito. Hindi ko man sila nakikita, pero malakas ang pakiramdam ko. Merong hindi normal sa bahay na ‘to.”               Niyakap naman agad sya ng kapatid na si Cole. “Shhhhh. Wag na nating takutin ang mga sarili natin. Matulog na tayo.” Inihiga na nya ang kapatid at kinumutan ito.               “Mabuti pa magpahinga na muna tayo. Bukas na lang natin ‘to ayusin. Baka pagod lang tayong lahat sa byahe kaya kung anu-anong naiimagine natin.” Sabi ni Cole sa kanyang mga kasama at pinatay na nya ang fluorescent lamp sa kanyang tabihan.               Pinagitnaan nila Katarina at Phoemela ang kaibigang si Madeline. “Natatakot ako Katz, baka bukas hindi lang si Madz ang ganyan. Baka lahat tayo. At sino yung sinasabi nyang SYA?” Nanginginig yung boses nya at naluluha ang kanyang mga mata.               “Ano ka ba naman Phoem, tumanda ka na ng ganyan naniniwala ka pa din sa mga multo multo? Matulog na tayo.” Humiga na din si Katarina at nagtalakbong ng kumot. Pinatay na din ni Phoemela ang lamp sa kanyang tabihan.               Madilim na sa loob ng kwarto ng mga babae. Tanging ang ingay ng aircon lamang ang maririnig. Habang lumalalim ang gabi may hindi kanais-nais na ingay naman ang nanggagaling sa labas. Pero dahil pagod ang lahat, walang masyadong nakapansin nito, maliban kay Cole na mababaw ang tulog.               “Ano ba ‘tong mga lalaking ‘to, hindi pa nagsisitulog.” Umupo sya at napatingin sa ibaba ng pintuan. Sa maliit na puwang ng pintuan nakakita sya ng aninong dumadaan. Hindi naman sya natakot dahil iniisip nyang may gising pa sa kabilang kwarto. “Ang titigas talaga ng mga ulo.”               Bumangon sya para sabihan ang mga lalaki sa kabilang kwarto. Pagbukas nya ng pintuan ay wala namang tao dun. Kumatok sya sa kwarto ng mga lalaki. “Guys, pwede bawas-bawasan ang pag-iingay.”               Biglang may malakas na kalabog syang narinig na parang nahulog na malaking bagay at napaatras sya sa gulat. “What the…” Inis na inis sya dahil parang mas lalo pa syang ginagalit ng mga lalaki. Kaya’t binuksan nya ang pintuan para pagalitan ang mga ito.               “Hindi ba talaga kayo – ” natigilan si Cole ng makitang tulog ang lahat ng mga lalaking nasa kwarto. Dahil sa takot ay nagmadali nyang isinara ang pintuan para bumalik sa kanilang silid. Ngunit pagtalikod na pagtalikod nya ay biglang sumulpot ang matandang babae sa kanyang likuran.               “My gosh manang, para ka namang kabuti.” Gulat na gulat na sabi ni Cole na nakahawak pa sa kanyang dibdib.               Walang reaksyon na nanggaling sa matanda. Humarap lang ito sa kaliwa at tsaka naglakad papalayo kay Cole.               “Good night manang.” Papasok na ng kwarto si Cole ng mapansin nyang tumigil ang matanda sa harapan ng ipinagbabawal na silid. Humarap ito sa may hagdanan. “Manang ano pong gagawin nyo?” Kinakabahan si Cole sa kung anong gagawin ng matanda kaya’t dahan-dahan nya itong nilapitan.               Sumilip ang matanda sa ibaba. Mula sa kanyang kinatatayuan ay medyo may kataasan din. “Manang matulog na po kayo,” mahinang bulong ni Cole.               Tumingin si Cole sa baba, nakita nya ang isang table na may matulis na lagayan ng kandila sa ibabaw nito. “San galing yan? Parang wala naman yan dyan kanina.” Muli tumingin sya sa matandang walang imik.               Saglit humarap ang matanda sa kanya at ngumiti na nagpakilabot sa buong katawan ng dalaga. Hindi pa man nakakakurap si Cole ay nagpakahulog ang matanda sa ibaba. Bumagsak sya sa lamesa at natusok ng lagayan ng kandila. Kitang-kita ni Cole ang pagbagsak ng matanda. Napatakip sya sa kanyang bibig at pigil na pigil ang kanyang pag-iyak.               Nangingisay-ngisay pa ang katawan nito habang bumubulwak ang dugo sa kanyang bibig. Tagusan ang matulis na lagayan ng kandil sa sa kanyang tiyan. Tila napalipit din ang ulo nito at ang buong lamesa ay nabalutan ng dugo.               “Panaginip lang ‘to” bulong nya sa kanyang sarili habang titig na titig sa nangingisay at naghihingalong katawan ng matanda.               Ilang saglit pa ay tumigil na sa paggalaw ang matanda, pumikit na ito at tila binawian na ito ng buhay na nabukas pa ang bibig. Naglakad si Cole papunta sa tapat ng matanda kung saan ito nagpakahulog. Habang tinitingnan nya ito ay bigla itong dumilat at itunuro sya. Napaatras si Cole at mabilis nanakbo pabalik sa kanilang kwarto. Umakyat agad sya sa kanyang higaan at nagtalakbong ng makapal na kumot. Inisip nyang panaginip lang ang lahat hanggang sya ay makatulog.               Kinaumagahan nahuling gumising si Cole. Ginising lang sya ni Katarina. Pagmulat nya ng mata sina Katarina, Phoemela, Quinn at Lindsey agad ang nakita nya. “Good morning. Bakit nandyan kayong lahat?”               Malulungkot ang mukha nilang apat at hindi pa sila nakakapagsalita. Bumangon sya na parang walang nangyari. Napansin nyang umiiyak na si Phoemela. Nagpunta naman sa may bintana si Lindsey.               “Anong nangyayari dito?” Nagtatakang tanong ni Cole.               “Tumawag na ako ng tulong. Hindi muna nila ipinagagalaw ang katawan ng kaibigan nyo.” Boses ng matanda galing sa likuran nila Katarina at Phoemela.               Laking gulat ni Cole ng makita na ang matandang nakita nya ay buhay at nagsasalita pa. Ngunit hindi nya mapigilang sumigaw.               “Ahhhhhhhhhhhh!” yumakap ito kay Quinn. Naisip nyang panaginip lang ang lahat kaya kumalma sya. Tama, panaginip lang ang lahat, sabi nya sa kanyang isip.               “May problema ba?” tanong ni Quinn.               Dahan-dahang tumingin si Cole sa matanda habang sariwa pa din ang kanyang ang nasaksihan noong gabi.               “Bakit parang namumutla ka iha? May problema ba?” tanong ng matanda.               “Anong plano nyo? Magku-kwentuhan habang ang bangkay ng kasama namin eh nakahandusay dun sa baba?” naghi- hysterical na si Lindsey. “Wala ka bang gagawin, ha Katarina kundi umiyak?”               Biglag kinabahan si Cole sa narinig. “Bangkay? Bangkay nino?” Humarap sya kay Katarina na tuloy-tuloy ang patak ng luha. “Sinong namatay? Sabihin nyo sa’kin?” Tumingin sya kay Phoemela na hindi na maawat na paghagulgol.               Tumingin si Cole sa paligid. Napansin nyang wala si Madeline. “Nasan si Madeline? Anong nangyari sa kanya?” Nagpapanic na sya at mas lalong kinakabahan. Niyayakap na lang sya ng kapatid na si Quinn na umiiyak na din.               “Nakita na lang nilang nakahandusay ang katawan ni Madeline sa lamesa sa baba at wala ng buhay.” Paliwanag nya sa kapatid.               Agad syang bumangon at lumabas ng kwarto. “Gusto kong makita. Nasan si Madeline.” Una nyang nakita ang mga lalaki sa may hagdanan na ayaw bumaba. Mabilis syang lumapit sa mga ito ngunit pinigilan agad sya ni Perry.               “Wag na Cole. Hindi mo magugustuhan ang makikita mo.” Pagpigil nito sa dalaga habang hawak-hawak nya ito sa dalawang braso.               “Bitawan mo ‘ko. Gusto kong makita si Madeline. Nagbibiro lang kayo di ba?” Nagpupumiglas sya at gustong kumawala sa pagkakahawak ni Perry. “Perry, please.” Tinitigan nya si Perry sa mata habang pumapatak ang mga luha sa kanyang mga mata.               Dahan-dahan syang binitawan ni Perry. Lumakad sya papalapit kay Cooper. “Nasan sya?” tanong nito. Itinuro ni Cooper ang katawan ni Madeline sa ibaba at agad namang tumingin si Cole.               Laking gulat nya na ang posisyon ng matandang nakita nyang nahulog ay katulad na katulad din ng posisyon ng pagkamatay ni Madeline. Dilat ito na nakanganga, parang nabali ang kanyang ulo, butas ang tyan dahil sa lagayan ng kandila at nagkalat ang dugo sa mesa. Napayakap sya kay Cooper dahil sa nakita at umiyak sya ng umiyak.               “Paano nangyari ‘to?” tanong nya habang umiiyak.               “Hindi ba dapat ikaw ang tanungin namin, Cole?” Tanong ni Katarina na tumigil na sa pag-iyak.               Nagulat si Cole sa tanong na narinig kaya’t agad itong napatingin sa kasama. “Bakit ako?”               Ang lahat ay nakatingin sa kanya na parang inaakusahan sya sa nangyari kay Madeline. Napatingin sya sa matanda na nasa may tapat ng pintuan ng kanilang silid. Ngumiti ito na parang may nakakatakot na ibig sabihin.               “Hindi – ” Lumapit sya kay Quinn. “Hindi ko maintindihan, anong nangyayari?”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD