Disperas ng pasko at abala ang lahat sa paghahanda. Narito ngayon sila Angie at tita Antonella, dito rin kasi sila magpapasko tutal dalawa lang din daw sila at andito sila papa.
Nasa kwarto lang ako habang nakatitig sa reflection ko sa salamin. Tumawag sa akin kanina si Gabbi para batiin ako ng Merry Christmas. Nothing special, hindi ko dama.
Ewan parang may inaantay akong isang pagbati mula sa isang tao. Pero alam ko na malabo iyon dahil hindi ako papayagan nila papa na makipagkita kay Marlo, hindi rin kami pwede magkita dahil baka anong isipin ng iba, mamaya makita pa kami ni Yuna.
Hirap na hirap na ang utak ko.
"Girl." Nagulat ako kay Angie na mabilisang isinara ang pinto at lumapit sa akin.
"May nag-aantay sayo sa labas, pero bilisan mo lang, yari tayo kapag nahuli kayo." Bulong nito sa akin, tiningnan ko siya na mukhang nakahalatang wala akong idea sa sinasabi niya.
"Si Marlo." Namilog naman ang mga mata ko at parang mahika ang pangalan na iyon para mabuhayan ako.
"P-pano mo nalaman?" Napailing siya sa tanong ko.
"Kilala kita Caralina, alam ko na may pagtingin ka kay Marlo, nalaman ko rin ang dahilan kung bakit mo sinagot si Gabbi, at ang pagtutol nila tita na magmahal ka." Napangiti ako sa sinabi niya at niyakap siya ng mahigpit, Grabe! Hindi ko akalain na may kakampi pa pala ako at may nakakakilala sa akin na hindi ako kayang husgahan.
"Bilisan mo lang at baka magtaka sila na wala ka." Dali-dali nitong binuksan ang bintana at inalalayan ako pababa. Hindi ganoon kataas ang bintana dahil hindi naman second floor ang bahay.
Wala na akong pakialam kung susuway ako sa pag-uutos nila, kahit ito lang. Kahit alam kong may masasaktan, alam ko na hindi ko na kayang itago ito.
Galak na galak kong inilibot ang paningin sa paligid, pero wala akong makita.
Muntik na akong mapasigaw ng biglang may humila sa akin at tinakpan ako sa bibig, madilim na ang paligid at hindi ko maaninag ang mukha nito.
"Sshhh...ako ito." Nakahinga ako maluwag ng sandaling marinig ko ang boses nito.
"Anong ginagawa mo rito?" Hindi ko man kita ng malinaw ang mukha nito ngunit ramdam ko ang pagngiti nito.
"Lumabas ka para sa akin?" Masaya nitong wika. Naman Marlo! Jusko!
"Bakit nga?" Lumingon-lingon pa ako sa paligid, ang tagal naman ng sasabihin niya. Kainis!
"Ano na? Babalik na ako." Pag-iinarte ko rito na mukhang effective naman, dahil hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ko.
"May gusto lang akong ibigay sa 'yo." Naramdaman kong may dinukot siya sa bulsa niya at inilagay sa kamay ko, malamig ito kaya tiningnan ko sa dilim. Kung hindi ako nagkakamali isa itong kuwintas.
"Para sa 'yo iyan, ang araw na simbolo niyan ay kumakatawan ng liwanag. Liwanag na ibinigay mo sa buhay ko, Caralina."
Sa puntong ito, binging-bingi na ako sa lakas ng t***k ng puso ko. Ayoko ng ganito! Ayoko mahulog ng tuluyan. Pero paano? Paano ko pa ikakaila ang nararamdaman ko para sa lalaking ito?
"Happy birthday, Caralina."
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko, pero hindi maalis sa mukha ko ang ngiti. Nagwawala na ang puso ko sa sobrang saya. Sa buong buhay ko ngayon lang naging ganito ka special ang pagbati sa birthday ko. Akala ko matatapos na ang araw na ito na parang ordinaryong araw lang. Pero hindi, binago ng lalaking ito ang pananaw ko na ang birthday ko ang pinakamalungkot na parte ng taon ko.
Masaya akong nakaharap sa pagkainan. Hindi pa rin maalis sa isip ko iyong pagbati sa akin ni Marlo. Grabe! Bakit ganito kalakas ang epekto niya sa akin?
Masaya naming sinalubong ang pasko ng sama-sama. Nagbukas ng mga regalo, ako lang ata ang walang nabili. Hindi ko kasi inaalala ang pasko kahit ito pa ang birthday ko, hindi ko madama dahil hindi rin naman namin ito pinag-uusapan. Hindi rin nila ako binabati, kaya kinalimutan ko na lang na may birthday pala ako. Ewan ko paano nalaman ni Marlo, baka sinabi ni Angie, tropa sila e.
Matapos ang simpleng selebrasyon ay pumasok na kami ni Angie sa kwarto, dalawa kami ngayon dito at alam ko na kanina pa siya atat na marinig ang kwento ko.
Isinarado kong maigi ang pinto para walang makapasok agad.
"Ano na?" Mahina nitong tanong, tinitigan ko siya at sabay kaming tumili pero walang boses. Baka kasi marinig kami, naglulumpasay kami ni Angie ngayon sa kama.
"Nakakinis ka! Bakit mo pa kasi sinagot si Gabbi?" Naputol ang kasiyahan namin at sabay kaming napabuntong hininga.
"Si Yuna." Nakakainis naman, bakit ako nagpadala sa idinikta ni Yuna sa akin? Ngayon ako na ang nahihirapan.
"Hirap naman nito, paano na iyan? Jowa mo si Gabbi."
Napatingin ako kay Angie na nakatulis din ang nguso. Wala na kaming magagawa, sobrang sama ko na atang tao. May jowa akong hindi ko mahal at lihim akong nakikipagkita sa taong gusto ng kaibigan ko. UGHH! Kahit kailan sobrang complicated ng buhay mo,Caralina.
Naalimpungatan ako sa kalagitnaan ng gabi, sinipat ko pa ang orasan. 4:30 am pa lang. Alam ko bandang 2:30 kami natulog ni Angie.
Umupo muna ako at sinilip si Angie na tulo laway pa kung matulog.
"Manahimik ka!" Napahinto ako sa narinig ko, boses iyon ni lola. Sino ang kaaway niya? Nag-focus pa ako para marinig ang pinag-uusapan nila.
"Hindi ba't ngayon ang ika-dalawangput isang kaarawan niya?" Napakunot ako ng noo, tama ba ang boses na narinig ko?
"Oo, pero hindi na namin iyon pinag-uusapan." Galit na wika ni mama.
Anong nangyayari? Bakit nila kausap iyon?
"Siguro ay sapat na ang tatlong taon kong palugit sa inyo?" Hindi ako nagkakamali sa naririnig ko, boses iyon ni.
"Inayah!" Sigaw ni lolo rito.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko, hindi ako nagkakamali. Si Inayah ang kausap nila. Pero paano? Nakikita nila si Inayah? Anong alam nila sa lahat? Ako lang ba ang walang nalalaman?
"At talagang binigyan mo pa siya ng proteksyon? Hindi rin magtatagal ay tatanggalin niya ito para alamin ang katotohanan." Bahagyang natawa si Inayah, napatingin ako sa kanang kamay ko kung nasaan inilagay ni lolo ang bracelet.
Ibig sabihin may kinalaman itong lahat? Hindi nagkataon na nakita ko si Inayah? Pati ang panaginip ko kay Carolina? Lahat ng ito ay nakatadhana na.