CHAPTER 3

1690 Words
MAHIGIT alas dose na ng tanghali nang nananghalian si Kylie at ang co-teacher at matalik niyang kaibigan na si Wenda. Naikuwento niya na rin kay Wenda ang ginawa ng kaniyang asawa kahapon, at katulad niya ay sobra rin ang galit at pangigigil ni Wenda. Napabuntonghininga na lamang si Kylie. “Kahit saan magpunta ang asawa mo, talagang hinahabol ng mga babae, `no? Ewan ko ba naman kasi sa `yo at nag-asawa ka nang sobrang gwapo. Kahit kaya ako noong una ay nagkagusto sa asawa mo, pero nang malaman kong pamilyado na siya ay kusang nawala ang nararamdaman ko dahil biggest turned off ko talaga sa boys ang may sabit na.” Nagngangalit ang mga kilay ni Kylie sa pagsasalubong habang tinitignan si Wenda na sinusubo ang hotdog na ulam niya. “Hindi ko yata alam na nagkagusto ka sa asawa ko, Wenda?” Pinanglakihan niya si Wenda ng mga mata. “E, s’yempre! May secrets din kaya ako. Alam ko rin naman na aawayin mo lang din ako. At saka, hello? `Di ba nga, hindi ko bet ang mga may sabit na. May bago na kong fafa, `no!” malandi pa nitong sabi at saka kinagat ang hawak na hotdog. Napaiiling na lang si Kylie ng sumagot, “Baliw ka talaga.” “Kahit saan naman yata magpunta `yang asawa mo, nakakita lang ng maganda, pinapatos na, e.” “Ewan ko ba sa kaniya. Napupuno na rin ako, Wenda.” “E, sigurado ka bang iyong babaeng iyon lang ang binababae niya? Baka naman hanggang sa bahay n’yo, mayro’n, ah?” “Sa bahay? Hindi, ah. Si Josephine lang ang araw-araw naiiwan doon. Posible ba namang pati iyong kasambahay ko, gawin niyang kabit?” “Sa bagay, pero para sigurado, pagmasdan mo ang mga ikinikilos ng asawa mo sa loob o sa labas man ng bahay. Kung kailan dalawa na ang anak niyo at saka niya pa ipinagpapatuloy `yang bisyo niya. Kaya ayaw kong mag-asawa, e. Nakakatakot masaktan,” anito. Napabuntonghininga na lang siya at ipinagpatuloy ang pagkain. May klase pa siya mamaya. “Tumino na lang sana ang asawa ko,” aniya. Nang nakauwi siya sa bahay ay naabutan niyang umiiyak si Josephine. Kaagad niyang tinanong kung bakit, ngunit pinunasan niya lang ang kaniyang luha at sinabing wala lang iyon. Umalis siya kaagad na tila iba ang ikinikilos. “Ano kayang problema niya?” tanong niya sa kaniyang sarili. Paakyat na siya sa hagdan nang makita niyang paibaba naman ng hagdan ang asawa niyang si Christopher na walang suot na damit pang-itaas. “Bakit wala kang damit? Magdamit ka nga! Hindi ka na nahiya kay Josephine. Babae rin `yan!” sigaw niya. Napansin niya rin ang pinagpapawisan nitong katawan. Hindi niya alam pero mukhang mayroon siyang hindi naiintindihan. “Hindi naman siya karaniwang pinagpapawisan dito sa loob ng bahay dahil malamig dito. Wala rin naman siyang ginagawa rito kaya bakit siya pinagpapawisan, at bakit ba kasi wala siyang suot na damit bukod sa shorts niya?” tanong niya sa kaniyang isipan. “Ano bang pakialam mo? Doon ka na sa co-teacher mong magandang lalaki lang sa akin nang kaunti, e, kulang na lang angkinin ka nang buo!” nakangisi niyang sabi at nagpatuloy sa pagbaba sa hagdan habang nagdadabog. Akala mong higante ang naglalakad. Napakabigat ng paa. “Ikaw pa ba talaga ang dapat na magselos, samantalang ako ang nakakita sa inyo ng babae mo na naghahalikan sa coffee shop? Huwag mo akong baliktarin, Christopher. Ikaw ang may kasalanan sa ating dalawa kaya huwag mo akong pinaiiralan ng pagpapa-victim mo!” Pakiwari ni Kylie ay nagpantig ang mga tainga ni Christopher nang marinig nitong pinagsabihan siya na pa-victim. Nanlalaki at nanggagalaiti ang mga mata nitong kulang na lang ay magkulay dugo sa galit. Mabilis na lumapit si Christopher sa kaniya, at gamit ang kaniyang malalaking kamay, sinakal niya ang leeg ni Kylie at pinangdilatan ng mga mata. “Huwag na huwag mo akong sasabihang pa-victim!” Sabay sampal ni Christopher sa mukha niya at saka itinulak kaya't napahandusay siya sa sahig. Malakas siyang kumalabog doon kaya't biglang nagsisilputan ang mga anak niya sa harap ng hagdan. “Mommy!” sigaw ni Alfred. “Mommy! Mommy!” natatarantang sigaw rin ni Mica. Dahil sa mga anak niya ay hindi na napigilan ni Kylie ang umiyak. Nagmadali silang bumaba ng hagdan at lumuhod sa harap niya kasabay ang pagyakap sa kaniya. Katulad niya ay umiiyak na rin ang mga bata. Nakita niya pang gulat na gulat na biglang sumulpot si Josephine sa harap ng hagdan. Hindi na naabutan pa ni Josephine ang mga anak niya upang bawaling pumunta sa kanila ng daddy nila. “Mom, are you hurt?” tanong ni Alfred. “No, baby. I'm okay,” pagsisinungaling ni Kylie kahit na pakiramdam niya’y nabali na ang buto niya sa hita sa malakas na pagtulak ni Christopher sa kaniya. “Dad, why?” sigaw ni Mica at pinagpapalo ang binti ng daddy niya. “Mica, no!” sigaw naman ni Josephine at pinigilan si Mica. “Babi, Daddy is bad! He hit my mom!” Mas lalong kumawala ang mga luha ni Kylie dahil sa sinabi ng kaniyang anak. “Anak, hindi. Nadulas lang si Mommy. Say sorry na to your dad.” “But Mommy!” “Please, baby?” Walang nagawa kung hindi tumango ang anak niyang si Mica at humarap nang nakayuko sa daddy niya. “I'm sorry, Dad,” malungkot na malungkot nitong wika na pinagdabugan lang ng tatay nila. Umalis ito at nagdadabog na kinuha ang t-shirt sa ibabaw ng lamesa. Napailing na lang siya at niyakap niya ang kaniyang mga anak. “Madame, sorry po. Hindi ko sila kaagad nahabol. Nangadulas po kasi ako sa mga laruan nilang nakakalat sa kuwarto noong hinabol ko sila, kaya po hindi ko sila kaagad naabutan,” paumanhin ni Josephine. Alam kasi ni Josephine na ayaw niya na nakikita ng mga anak niya na nagtatalo sila ng tatay nila kaya palagi silang pinababantayan sa kaniya. “It's okay. Nangyari na ang nangyari. Tulungan mo na lang akong tumayo,” utos niya kay Josephine na agad namang ginawa ng dalaga. “Wala na yatang araw na hindi kami nag-aaway ng asawa ko,” umiiling na bulong niya sa kaniyang sarili. Sa paglipas ng mga araw, mas lalo niyang napapansin ang tuluyang pagbabago ng kaniyang asawa. Hindi niya sigurado pero alam niyang may kinalolokohan na naman itong babae. Basang-basa na niya ang ugali nito. Kilalang-kilala na niya si Christopher. Isa pa itong napapansin niya na ayaw niya sanang bigyan ng malisya pero kakaiba. Kakaiba sila. “Josephine!” malakas na tinawag ni Christopher si Josephine habang nagpupunas ito ng mga upuan. Laman ng banyo ngayon ang asawa niya. Nasa isang sulok si Kylie at nagtatago. Malapit lang siya sa banyo kaya kitang-kita niya ang mga mangyayari. Hindi niya naman talaga sila pinagtataguan. Natigilan lang siya nang biglang sumigaw ang asawa niya habang tinatawag nito ang kasambahay nila. Kukuha lang sana siya ng tubig sa kusina. “Bakit po, sir?” tumatakbo namang sagot ni Josephine papunta sa harap ng banyo. “Nakalimutan ko iyong boxer ko sa ibabaw ng lamesa. P’wedeng pakikuha?” Nagsimulang kumunot ang noo ni Kylie. “Bakit kay Josephine niya pa ipakukuha iyon, e, nandito naman ako na asawa niya?” nagtatakang tanong niya sa kaniyang sarili. “P-Po?” Nakita niyang namutla bigla ang mukha ni Josephine. “Iyong boxer ko, pakikuha,” pag-uulit ng kaniyang asawa. “O-Okay po.” Kanina pa kumukunot ang noo ni Kylie at nararamdaman na niya ang pagtaas ng kaniyang dugo pero pinipilit niyang kumalma muna. Gusto niyang makita kung ano ang mga susunod na mangyayari. Mag-iisang linggo na siyang may napapansin sa dalawang ito. Ayaw niyang isipin, pero kumukulo na ang dugo niya. Kinuha ni Josephine iyong boxer ni Christopher sa ibabaw ng lamesa. Kunot ang noo niya nang hawakan iyon at nakita ni Kylie ang panginginig ng kamay ni Josephine. Pakiramdam niya ay sinadya ng asawa niya na iwan ang boxer niya sa ibabaw ng lamesa. Kapag nakakalimutan niya iyon, siya ang tinatawag niya pero sa pagkakataong ito? Ang katulong niya? Sino ba sa kanila ni Josephine ang asawa niya? “S-Sir?” Kumatok sa banyo si Josephine habang hawak ang boxer ng amo niyang lalaki. “Nakuha mo na?” tanong naman ni Christopher. “O-Opo, sir. I-Ito na po,” wika niya. “Good!” Nagulat si Kylie nang buksan ni Christopher ang banyo at tanging manipis na tuwalya lamang ang nakabalot sa pang-ibaba niya dahilan upang bumakat ang kaniyang p*********i. Basang-basa ang buo niyang katawan at ang mga balahibo sa dibdib hanggang tiyan niya ay kitang-kita ngayon ni Josephine. Naiyukom ni Kylie nang mahigpit ang kaniyang kamao. Para na siyang sasabog sa pinagtataguan niya. “A-Ay, sir!” sigaw ni Josephine at tumalikod kay Christopher. “I-Ito na po ang b-boxer ninyo, Sir Christopher,” aniya. Mula sa kaniyang likuran ay iniabot niya kay Christopher ang boxer, pero itong si Christopher, ayaw kuhanin. “Bakit ka tumalikod? Ayaw mo ba akong makita?” mapang-akit na may halong pang-aasar nitong tanong kay Josephine. Lalong nanlaki ang mga mata ni Kylie na umuugat na dahil sa galit. Ang lahat ng dugo niya ay nagsikuluan na at nagsitaasan na sa kaniyang ulo. Akma na sana siyang bubulaga sa kanila nang biglang magsalita si Josephine, “Sir, ayaw ko pong bastusin si madame. Kung kayo po ay kaya niyong gawin ang mga gan’yang klase ng bagay, sana h’wag niyo pong idamay ang iba. Babae ang asawa niyo at babae rin si Mica. Huwag niyo po sanang kalimutan iyon nang dahil lang sa nangangati kayo,” anito at binitiwan na lang sa lapag ang boxer ni Christopher at iniwan siya. Pareho silang napanganga ni Christopher. Napangisi na lang ang kaniyang asawa at kinuha ang boxer nito. “Masyadong maarte!” padabog nitong bulong at padabog ding isinara ang pintuan na kulang na lang ay masira na. Muli niyang naikuyom ang kaniyang kamao. “Humanda ka, Christopher! Hanggang dito ba naman sa bahay ay dinadala mo ang kakatihan mo? Mahuhuli ko rin kayo! Mahuhuli rin kitang hayop ka!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD