Kabanata 2:
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata, napangiwi pa ako nang maramdaman kong masakit ang braso at balakang ko kahit hindi pa ako gumagalaw. Ramdam ko na kaagad ang kirot sa aking buong katawan, parang gusto ko na lang ulit matulog.
Tumambad sa akin ang puting paligid.
Patay na ako? Wow.
Kahit pala masama ang ugali ko ay sa langit pa rin ako mapupunta.
"Gising na ho pala kayo."
Kaagad dumapo ang aking tingin sa nagsalita sa gilid at napakunot ang aking noo nang makitang isang babaeng naka-nurse na damit iyon.
Dahan-dahan akong umupo. Nasa ospital ako? Sino nagdala sa akin dito?
"I-Ilang oras na akong tulog, Miss?" tanong ko sa kanya.
"Anim po," aniya. May chine-check sa gilid ko. Tanging mga kurtina lang ang harang ko sa ibang pasyente.
Kaagad akong napabalikwas nang may naalala ako.
Kailangan ko ng umalis. Wala na nga akong pera tapos magbabayad pa ako rito. Badtrip naman. Kumunot ang aking noo nang maalala ang huli kong natatandaan bago mawalan ng malay, 'yong lalaking nagdala sa akin, nasa kanya ang bag ko.
"Miss, sino nagdala sa akin dito?" tanong ko habang ginagalaw-galaw ang balikat.
Buti naman at buo pa ako.
"Isang lalaki po," simpleng sagot niya, sinisipat ang isang aparato sa gilid.
"Anong pangalan? Alam mo ba? Baka na sa kanya ang bag ko." Paano kung snatcher pala iyon at tinangay na ang bag ko?
Napanguso ang Nurse kaya napakunot ang aking noo.
"Hindi ko po alam. Kanina pa namin tinatanong kung anong pangalan niya pero hindi naman nagsasalita," anito.
Napakurap-kurap ako nang ituro niya sa akin ang isang gawi bago umalis.
Napatingin ako kung saan ang tinuro niya. Nakita ko ang isang matangkad na lalaking nakahiga sa mga pinagtabi-tabing upuan tapos nakabaluktot siya habang yakap-yakap ang aking bag animong ayaw niya itong pakawalan.
Lumapit ako sa kaniya kahit na kinakabahan ako.
Bahagyang napatabingi ang aking ulo nang mas malapitan ko siya. Mahaba ang kanyang buhok na sa tingin ko'y hanggang balikat na niya tapos may balbas at bigote siya pero hindi nakalagpas sa aking paningin ang matangos niyang ilong at mahabang pilik-mata.
Ang kanyang damit ay longsleeve na hindi ko alam kung matatawag ko pa bang puti dahil ang dungis na nito tapos ay nakaitim siyang pantalon na sira-sira na rin, wala siyang suot na sapatos o ano man na proteksyon sa kanyang paa kaya naman sobrang dumi na no'n at may sugat-sugat na rin.
Napalunok ako habang tinitingnan ko ang malaki niyang katawan na pilit pinagkasiya sa apat na upuan na pinagdikit-dikit.
"Ay huli ka balbon!" Napasigaw ako nang makita ko siyang nagmulat nang mata.
Kaagad akong napatayo nang tuwid habang siya ay dahan-dahan namang umupo habang kinukusot pa ang kanyang mata. Bahagyang napaawang ang aking labi nang makita ang abo niyang mata at manipis na labi. Ang gwapo naman nito para sa isang pulubi? Bakit ang dumi niya? Baliw ba 'to?
Seryoso lang siya nakatingala sa akin habang yakap pa rin ang aking bag. Nakakaintimida ang paraan ng pagtingin niya, para bang kaya niyang basahin ang nasa isip ko.
"Ikaw ba nagdala sa akin dito?" tanong ko sa kanya, ginawa ko pang mahinahin ang boses ko para hindi siya matakot, baka kasi bigla siyang tumakbo, 'yong bag ko.
Hindi siya nagsalita basta nakaupo lang siya ro'n habang nakahalukipkip sa aking bag.
Napatikhim ako habang nagpalinga-linga, may mga tao rin sa paligid pero abala ang mga ito.
"Ahm, 'yong bag ko kukunin ko na." Turo ko sa bag kong hawak niya.
Napatingin siya sa roon tapos binalik niya ulit ang tingin niya sa akin, saka kumurap-kurap. Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko alam pero nanginginig ang tuhod ko. Baka dahil sa aksidente?
Hindi na naman siya kumibo kaya medyo nainis na ako. Hindi ba niya ako naiintindihan?
"Yung bag ko kukunin ko na!" Hindi ko naiwasan ang mapasigaw dahil baka mahina ang pandinig niya.
Nanlaki ang mata ko at bahagyang napaawang ang aking labi nang makitang nanginig ang kaniyang ibabang labi tapos lumamlam ang kaniyang mata.
Iiyak ba siya?
Ang hula ko ay unti-unting nalinawan ng tumaas baba ang kaniyang balikat animong humihikbi ng tahimik tapos napayuko siya kaya naman nakataranta ako.
Agad ko siyang nilapitan at sinapo ko ang kaniyang pisngi napalunok pa ako dahil ramdam ko ang malambot niyang pisngi sa kabila ng madungis niyang mukha.
"B-Bakit ka umiiyak?" mahinahong tanong ko habang sapo ang mukha niya. Nangingilid na ang luha sa kanyang mata, anumang oras ay tutulo na.
Natakot ba siya sa sigaw ko? What the f**k? Ano ba ito?
Hindi siya nagsalita bagkus ay napanguso lang siya animong pinipigilan ang pag-iyak dahil sa pagtaas ng aking boses.
"Bakit ka ba umiiyak? Kinukuha ko lang naman ang bag ko," paliwanag ko tapos ay binitawan ang kanyang mukha pero hindi ako lumayo sa kanya.
Nakatingala pa rin siya sa akin habang ako ay nakatayo sa harapan niya.
Hindi na naman siya nagsalita pero dahan-dahan niyang iniabot sa akin ang bag ko.
"S-Salamat," utal kong usal ng makuha ko ito.
Doon ko napansin na iba na ang suot kong damit, nakaputing shirt na ako at simpleng short na sa tingin ko ay galing sa ospital.
"Aalis na ako. Salamat ulit," paalam ko sa kanya kahit hindi ko alam kung naiintindihan ba niya ako.
Tumalikod na ako para mabayaran ko na ang bill ko at makauwi na. Kumikirot pa ang ulo ko pero mas mabuting sa bahay na lang ako manatili kaysa rito.
Pagkatapos kong magbayaran ang ospital ay iika-ika akong lumabas. Sabi ng oras ay umalis na ang driver at ibang pasahero. Kingina, hindi man lang tumulong sa mga gastos pero ayos lang baka wala na rin 'yon pera. Tawas nga hindi makabili, iyon pa kaya?
Napatigil ako nang maramdaman kong mag sumusunod sa akin.
Kunot-noong napalingon ako sa aking likuran. Gano'n na lang ang gulat ko nang makita ang matipuno at madungis na lalaki na nakatayo ilang hakbang ang layo sa akin.
"Sinusundan mo ba ako?" tanong ko sa kaniya pero hindi siya nagsalita nag-iwas tingin siya kaya nagkibit-balikat ako at nagpatuloy sa paglalakad.
"Pwede ba huwag kang sumunod!" inis na baling ko ulit sa kanya dahil sumunod pa rin siya sa akin.
Blanko lamang ang kaniyang mukha habang ang mga kamay niya ay nakahawak sa dulo ng damit nito animong kinakabahan.
Tss, para siyang bata.
Napatingin ako sa paa niya. Hindi mapakali ang paa niya animong hindi niya alam ang gagawin habang nakatingin ako sa kanya, kinukutkot niya ang sariling daliri.
Bumalik ang tingin ko sa mukha niya. Baka naman budol-budol 'to?
"Bakit ka ba sumusunod? Nag thank you na ako? Gusto mo ba ng premyo dahil niligtas mo 'ko? Wala akong pera ngayon," usal ko.
Hindi ko alam kung naiintindihan niya ako pero nakatitig lamang siya sa akin, sa labi ko habang nagsasalita ako.
Sinubukan kong humakbang ng isa palayo at humakbang din siya ng isa palapit naman.
"Ano bang problema mo?!" inis na sigaw ko sa kaniya tapos sinuklay ang buhok ko dahil sa frustration, "Huwag kang susunod sa'kin! Ano ba?"
Nakita kong kinagat niya ang ibabang labi.
Baliw na ba siya? Sayang naman kung gano'n may itsura pa naman siya at mukhang maganda rin ang damit niya kung hindi lang siya madungis.
Mabilis akong tumalikod at mariin napapikit. May kung ano sa akin na gusto siyang samahan pero hindi ko siya kilala. Malay ko naman kung masamang tao pala siya at saka wala akong resposibilidad sa kanya.
Tama, Denzy! Marami kang kailangan gawin. Okay? Hindi mo siya responsibilidad. Isipin mo kung bakit ka nandito.
Napatigil ako sa paglalakad nang may biglang kumapit sa aking damit galing sa likod.
Kaagad akong napalingon sa humawak sa'kin.
Nanlaki ang mata ko habang nakatingin sa lalaki na ngayon ay nakahawak ng mahigpit sa aking damit animong ayaw niya akong pakawalan.
Napakurap-kurap ako nang bumukas ang kanyang bibig at nagsalita na nakapag patindig ng aking balahibo.
"D-Don't go, Mommy."
_______________________