“HOW’S JANINE?” tanong ni Frances kay Justin habang nasa loob sila ng flower farm ng Perfect Petals sa Silang, Cavite. Kanina pa ito nakasunod sa kanya habang hawak ang isang basket na pinaglalagyan niya ng iba’t – ibang kulay at varieties ng mga bulaklak na hina-harvest. Ipapadala niya ang mga bulaklak kay Justin pauwi para ibigay sa Lola Amelia nito na mahilig din sa mga bulaklak. Nang malaman ng binata na pupunta siya sa flower farm ay nagboluntaryo kaagad ito na samahan siya.
“She’s fine.Hindi pa nga lang puwedeng tanggalin ang cast sa braso niya pero papasok na siya sa university,” tugon nito.
“Magkakaroon ba siya ng driver?” tanong pa niya. Muli siyang tumigil upang gumupit ng ilang tangkay ng yellow rose.
May mahigit pitong ektarya ang flower farm at halos lahat ng uri at breed ng mga bulaklak ay mayroon sa farm. Mayroon din silang contact sa ibang bansa na mapagkukunan ng mga bulaklak kung sakaling may order ang kliyente na wala sa Pilipinas. Halos dalawampung taon na rin ang Perfect Petals na unti – unting nakilala at napalago ng Auntie Danna kasabay ng pagma – manage nito ng Incredible Concepts, isang event management firm na kasalukuyang pinamamahalaan na ng pinsan niyang si Kuya Fran.
“Yes, si Anthony,” tugon ni Justin habang inaayos ang mga bulaklak sa hawak na basket.
"Talaga? Paano nangyari ‘yon? Ang alam ko, ayaw na ayaw ni Janine na magkaroon ng driver.”
“Knowing Janine, matigas talaga ang ulo ng babaeng ‘yon. Pinagpilitan niya na kaya na niyang mag – drive. Of course, hindi pumayag si Daddy, hanggang sa nagprisinta si Anthony na ihatid - sundo siya. Magpapa – adjust na lang si Anthony ng schedule sa ospital o kung hindi siya puwede, si BJ ang susundo kay Janine or si Kuya Jay – Jay.” Tulad ni Justin ay Anthony ay medical student din Janine.
“Anthony is so sweet by doing that.”
“Yeah, pero bistado na namin siya ni BJ dati pa,” natatawang sabi ni Justin. Napahinto si Frances sa paglalakad. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya sa binata.
“In love si Anthony kay Janine,” patuloy nito. “Nahalata namin siya noong si Janine pa lang at ang ex – boyfriend niyang si Oliver. Pero torpe ang loko kaya ayan hanggang tingin lang s’ya.”
“Oh, wow!” nasorpresang sabi ni Frances. “Kaya siguro hindi na niya itinuloy ang panliligaw kay Ate noong umalis ka.”
“Sa tingin ko rin. Siguro na - develop ‘yung feelings ni Anthony kay Janine kasi lagi silang magkasama. Parang tayo, lagi tayong nag – uusap kaya nahulog ang loob ko sa ’yo.”
Napangiti si Frances. “Gusto n’yo ba si Anthony para kay Janine?”
“Oo naman,” mabilis na sagot ni Justin. “Kaibigan natin si Anthony, kilala na natin siya mula pa pagkabata, at matino siyang tao. Kaya lang torpe s’ya, eh.” Sinundan pa nito ng tawa ang sinabi.
“Mag – playing cupid ka kasi,” biro niya.
“No way. Diskarte n’ya ‘yon,” nakangiting sabi nito bago yumuko at mabilis siyang hinalikan sa dampian sa mga labi.
Napangiti si Frances sa ginawa ng nobyo. Mahigit isang linggo pa lang silang may relasyon pero busog na busog na siya sa pagmamahal at atensyon nito. Paano pa kaya kung alam na ng lahat ang relasyon nila? Nagpatuloy siya sa paglalakad.
“Hey, malapit na ang Tagaytay rito. Punta tayo doon pagkatapos natin dito,” mayamaya ay excited na yaya ni Justin.
“Okay, wait iti - text ko lang si Mommy na gagabihin ako.” Inilabas niya ang cell phone na nasa loob ng shoulder bag na nasa balikat ng nobyo. Nakita niyang may missed call at isang text ang mommy niya, at isa pang text mula naman sa daddy niya.
Unang binasa ni Frances ang text ng mommy niya, kasunod ang text ng ama. Pareho lang ang mensahe ng mga ito na pinapauwi siya sa oras ng hapunan.
“May problema?” tanong ni Justin nang mahalata nitong natigilan siya.
“Hindi tayo puwedeng pumunta sa Tagaytay, Justin, nasa bahay na raw si Ate Francine. Gusto nina daddy na sabay – sabay kaming mag - dinner tonight,” imporma niya habang unti – unting sinasalakay ng pangamba ang kanyang dibdib sa balitang dumating na ang ate niya.
“Okay,” sabi nito. “Pero puwede ba akong pumunta sa inyo? Sabay nating kausapin si Francine.”
“Justin, no!” pabiglang sabi niya. “Ako na lang.”
“Okay,” sabi nito at inakbayan siya. “Tapusin na natin ang trabaho mo, baka ma - traffic tayo pauwi.”
Kabado man ay ipinagpatuloy ni Frances ang ginagawa. Halos hindi na sila nag – usap hanggang sa makabalik sila sa opisina ng farm. Naging abala si Justin sa cell phone nito habang nakaupo sa sofa paharap sa desk niya. Nahahati naman ang kanyang atensyon sa tina - type sa laptop at kung paano sasabihin sa kapatid ang tungkol sa kanila ni Justin pag – uwi niya sa kanilang bahay. Wala sa loob na napatingin siya kay Justin habang nag – iisip. Sakto namang tumingin din ito sa kanya at ngumiti.
“Tapos ka na?” tanong nito.
“Oo,” tugon niya kahit halos hindi pa siya nangangalahati sa ginagawa. Tatapusin na lang niya iyon sa bahay.
Pinagpatong – patong ni Frances ang mga files at ibinalik ang logbook sa filing cabinet. Pag – ikot ay natabig niya ang isang folder na hindi nakaayos at nalaglag iyon sa sahig. Mabilis niyang dinampot ang nahulog, pero napatukod naman siya sa gilid ng desk kaya nahulog din ang iba pang folders na nasa ibabaw ng desk.
“Hey, easy,” sabi ni Justin na mabilis nakalapit sa kanya. Hinayaan niyang ang binata na ang dumampot sa mga nagkalat na folder. Ganoon siya kapag problemado at kinakabahan, nagiging clumsy kung minsan.
Ibinalik ni Justin ang mga folder sa ibabaw ng desk, pagkatapos ay naupo ito sa gilid niyon. Saka lang nito napuna ang hitsura niya.
“Okay ka lang ba? Mukha kang tensiyonado.”
“Okay lang ako.”
Hinawakan siya ni Justin sa isang kamay at bahagya hinila papalapit dito. Napahawak siya sa balikat ng binata sa ginawa nito. Ipinulupot naman ng nobyo ang kaliwang kamay sa kanyang baywang at ang isa naman ay humamplos sa kanyang pisngi.
“Hindi ka mukhang okay, sweetheart. Ano’ng problema?”
“Wala,” kaila niya.
“Kinakabahan ka ba sa pagkikita n’yo ni Francine mamaya?” tanong ni Justin na nahuhulaan ang kanyang dilemma.
Hindi siya sumagot at nag – iwas ng tingin.
“Frances, maniwala ka. Hindi magiging hadlang ang ate mo sa ating dalawa. She’s a great sister you ever had.”
“She’s my only sister!” maktol niya.
Natawa ito. “Oo nga pala,” sabi nito at bahagyang pinisil ang kanyang ilong. Pagkatapos ay sumeryoso. “Ipaglalaban mo ako ano man ang mangyari, ‘di ba?” tanong nito.
“Akala ko ba walang magiging problema?”
“Oo, pero gusto kong marinig ang sagot mo.”
Napabuntong – hininga si Frances bago dahan – dahang tumango. “Hindi kita isusuko kahit na anong mangyari, Justin,” tipid ang ngiting pangako niya. Marahil ay tama ang binata, kung mahal siya ng kanyang kapatid ay maiintindihan nito na sila ni Justin ang nagmamahalan.
Ngumiti ito nang maluwang. “I love you so much, Frances. Hinding – hindi kita sasaktan,” pangako nito bago mainit na inangkin ang kanyang mga labi.
SA FRONT door pa lang ay narinig na ni Frances ang masayang kuwentuhan ng kanyang pamilya na nasa living room. Nakita niyang magkatulong na inaasar nina Kuya Gabe at ni Gian ang Ate Francine nila. Una siyang nakita ng mommy niya na katabi ng kanyang ama sa sofa.
“Mabuti nandito ka na, kanina ka pa namin hinihintay,” sabi nito.
Lumapit si Frances sa mga magulang at magkasunod na humalik sa pisngi ng mga ito. Iniwasan niyang magkasalubong sila ng tingin ng kanyang ate. Natatakot siyang makahalata ito sa guilt na kanyang nararamdaman, pero ramdam niya ang pagsunod nito ng tingin sa kanya.
“Nasaan si Justin? Akala ko ba kasama mo siya,” tanong ng daddy niya.
“Umuwi na, Dad, may gagawin pa raw po kasi siya,” pagdadahilan niya. Hanggang sa labas ng gate lang siya inihatid ng nobyo kahit na halata sa kilos na gustong – gusto nitong makaharap ang kanyang pamilya. Nangako na lang siya na tatawagan agad ito matapos niyang makausap ang ate niya.
“Ang sama naman ng ugali mo, Ate, pagkatapos mong gawing driver si Justin, hinayaan mo na lang umuwi kaagad,” komento ni Gian.
“Babawi na lang ako sa kanya next time,” sagot niya.
Nagpaalam si Frances para q magbihis sandali bago ang dinner nila. Dumiretso kaagad siya sa loob ng banyo at naghilamos. Nagmadali siya sa pagkilos dahil ayaw na ayaw ng daddy niya na pinaghihintay ang hapag – kainan.
“Ate!” gulat na sambit niya nang paglabas ng banyo ay nakita niya ang kanyang Ate Francine na nakaupo sa stool sa harap ng vanity mirror.
Tumayo ang kapatid at nilapitan siya. “Ako nga. Hindi mo man lang ako pinansin kanina na parang hindi mo ako nakita,” nagtatampong sumbat nito.
“Sorry, hindi lang kita napansin.”
“Sa laki kong ito hindi mo ako napansin?” natatawang sabi ni Ate Francine bago siya niyakap at hinalikan sa pisngi. Gumanti rin siya ng yakap at halik dito. Ganoon sila kapag matagal na hindi nagkikita.
“Marami akong pasalubong na damit sa ’yo, i– fit mo mamaya pagkatapos ng dinner, ha,” sabi pa ng ate niya. Saka lang niya napansin ang ilang paper bags na nasa ibabaw ng kanyang kama.
Nilapitan iyon ni Frances at sandaling inusisa. Alam niyang pagkatapos nitong magbakasyon sa Davao ay nag – Hong Kong muna ito bago umuwi sa kanila.
“Thanks, Ate,” sabi niya na muli na namang nakonsiyensiya. As always, her sister was caring, thoughtful, and generous to her. Mula pa pagkabata nila ay hindi ito naging maramot sa kanya. Kapag nagsha – shopping ito, hindi maaring hindi rin siya bilhan. Kalahati ng laman ng closet niya ay ang kapatid ang bumili. Walang ring sister rivalry sa pagitan nila at wala rin siyang natatandaang nag–away sila nang matindi dahil sa isang bagay kahit pa may-pagkamaldita at maarte ito kung minsan.
Dimiretso siya sa closet para magbihis. Sumunod ito sa kanya.
“So?” tanong nito habang namimili siya ng susuotin.
“Anong so?” kaswal na tanong niya habang inilalabas ang isang walking shorts na pambahay.
“My God, Ces, kailangan talaga ako pa ang unang magsasalita?” disappointed na sabi nito.
Clueless na napatingin si Frances sa kapatid. Bahagyang nakataas ang isang kilay nito habang nakatingin sa kanya.
“So, ano na? Wala ka pa rin bang sasabihin?” tanong pa nito.
“Ate?”
“Kumusta na kayo ni Justin?” hindi na nakatiis na tanong ni Ate Francine. “Kayo raw ang madalas magkasama, ah. Nililigawan ka na ba niya? Sasagutin mo na ba siya?” sunod – sunod na tanong nito na kanyang ikinabigla.
“P - paano mo nalaman?”
“Ang alin, na madalas kayong lumalabas o nililigawan ka niya?” nakangiting tanong nito na natawa pa sa sariling tanong.
“Ang tungkol sa amin.”
“Well, pinuntahan lang naman niya ako sa Davao at kinausap o mas tamang sabihin na ipinaalam niya sa akin na gusto ka at liligawan ka niya.”
“Nagpunta siya sa Davao at kinausap ka?” gulat na ulit ni Frances sa sinabi nito. “Kailan?”
“Weeks ago, bago pa naaksidente si Janine. Pagkatapos, nagpunta na siya sa Palawan nang makuha ang approval ko.”
Namangha si Frances at halos hindi makapaniwala sa nalaman. Pinuntahan pa talaga ni Justin ang kapatid niya para personal na kausapin tungkol sa kanya, patunay lamang na seryoso talaga ito sa kanya. Nakaramdam siya ng pagmamalaki sa nobyo pero nahaluan iyon ng pagkainis. Pagkainis dahil nakausap na pala ng nobyo ang ate niya at wala pala silang problema pero hinayaan nitong mamroblema siya at mag – isip ng kung ano – ano.
“Nakuha ni Justin ang respeto ko sa ginawa niya,” patuloy pa ng kapatid. “Although, hindi naman kami nagkaroon ng relasyon dati pero awkward pa rin na liligawan ka niya pagkatapos niyang manligaw sa akin noon, ‘di ba?”
“Right. Pero okay lang talaga sa ’yo na ligawan niya ako?” naninigurong tanong ni Frances.
“Bakit hindi? Mahal ko siya bilang kaibigan. At hindi pa rin nagbabago ‘yon.”
“Pero nagpunta ka sa Davao para pag – isipan kung sino kina Justin at Anthony ang sasagutin mo, ‘di ba?”
“What?” Bahagyang natawa si Francine sa narinig. “Yes, I am, pero hindi kasama sina Anthony at Justin sa mga pagpipilian ko. Ano ka ba, ilang taon na silang huminto sa panliligaw sa akin.”
“Iniwasan ko si Justin kasi akala ko kino–consider mo siyang maging boyfriend mo. Gusto kong makasiguro na hindi kita masasagasaan kung sakaling bigyan ko siya ng chance.”
“Talagang inisip mo ako?” amused na sabi nito. “Ngayon alam ko na kung bakit n’ya ako kinausap, iniwasan mo pala, eh.”
“Pero hindi ganoon katagal, Ate. Hindi ko pala kayang iwasan siya kaya kami na ngayon ni Justin,” kagat - labing pag – amin ni Frances.
Bahagya lang nagulat si Francine sa narinig. “Ang akala ko, nililigawan ka pa lang niya. Hindi mo na talaga siya pinahirapan. You really love him?”
“So much, Ate. I don’t think I can love another guy other than Justin. ”
“Oh, ang baby sister ko, finally may boyfriend na,” sabi nito at sandali siyang niyakap.
“Okay lang talaga sa ’yo na kami na ni Justin,” paniniguro pa ni Frances nang bumitiw ito sa kanya.
“Oo sabi. At akala mo ba hindi ko napapansin na lagi mo siyang ka – chat everytime na nakaharap ka sa laptop mo. Inaasikaso mo rin siyang mabuti kapag nandito siya, 'tapos siya pa ang naging escort mo noong debut mo. Kaya nagkahinala na ako noon pa man na gusto mo siya. I wish for your happiness. 'Yong panliligaw sa akin ni Justin dati kalimutan mo na, okay?”
Mabilis na tumango si Frances. Funny, ang kapatid pa ngayon ang nagsasabi ng mga katagang iyon na prinoblema niya noong una. Masayang – masaya siya na wala naman palang problema sa pagmamahalan nila ng nobyo at suportado pa ng ate niya ang relasyon nila.
“At sa totoo lang, may boyfriend na rin ako ngayon,” sabi pa ng ate niya.
“Sino ang napili mo sa mga manliligaw mo, Ate?” curious na tanong ni Frances.
“No one. Pero may nakilala ako sa Davao,” ngiting – ngiting sabi nito. Sabay silang nagulat nang marinig nila ang boses ni Gian habang kumakatok sa pinto.
“Ate Francine, Ate Frances, lumalamig na ang dinner kanina pa namin kayo hinihintay,” sabi nito sa labas ng pinto.
“Palabas na,” sigaw ni Francine. Sasabihin ko mamaya, mauuna na ako sa 'baba bilisan mo magbihis,” sabi nito at lumabas na ng kanyang silid.
May ngiti sa mga labing itinuloy ni Frances ang pagbibihis pagkaalis ng ate niya. Hindi niya akalain na ganoon lang kabilis matatapos ang kanyang problema.