Lee Anne Joy
KASALUKUYAN akong umiiyak habang bunganga ng bunganga naman ang best friend kong si Louiza. Hindi ko lang talaga mapigilan ang umiyak. Sumama kasi ang ex ko sa ex din niya. Tapos nung nakipagbreak siya sakin ay ang dami-dami niyang sinasabi. Kesyo masyado daw akong mabait. Kesyo masyado daw akong lapitin. Kesyo masyado daw akong ganito ganyan. Basta! Ang dami-dami niyang sinasabi.
Bakit ba ang malas malas ko pagdating sa pag-ibig? Ang gusto ko lang naman ay makatagpo ako ng lalaking totoo at matatanggap ang buong pagkatao ko pero bakit lahat sila ay iniiwan ako? Lahat ng mga lalaking minahal ko ay wala! Tapos sasabihin nilang 'hindi ka naman mahirap mahalin e.' Mga siraulo sila!
Mukha ba akong disposable na bagay na pagkatapos gamitin ay itatapon? Mukha ba akong laruan para paglaruan? Mukha ba akong scotch tape para gawing panakip butas?
" Yan! Yan na nga ba ang sinasabi ko sayo, Joy e! Bakit ba kasi ang tigas tigas ng ulo mo! Hindi mo ako pinapakinggan kaya yan! Sinong nasaktan ngayon?! Ha?!" Gigil na gigil na bulyaw sakin ni Lou na mas nakapagpahagulgol sakin. Tuwing broken ako ay yan ang mga sinasabi niya. Totoo naman e. Hindi ako nakikinig sa kanya. Bakit? Napipigilan bang umibig? Loko rin tong isang to e!
Napakabigat ng pakiramdam ko at pakiramdam ko ay may nakadagan sa dibdib ko. Paulit-ulit na tong naulit. Bakit nga ba palagi na lang akong naiiwan?
" Ano?! Iiyak ka na lang ba diyan?! Shunga yung mokong na yon! Tsk! Asan ba yang cellphone mo at nang matawagan ko? Saan ba ang bahay niyang mokong na yan at nang makasapak man lang ako ng isa! Gago yun ah!" Sigaw pa niya habang hinahalungkat ang bag ko.
" Ni hindi man lang pumili ang mokong na yon! Buti sana kung mas maganda ang babae niya! E di sana tinatawanan pa kita?! Buti sana kung mas sexy pa yon! Buti sana kung conservative yon! E yung pinili niya, kung manamit...parang naghihirap sila sa tela e!" Bulyaw niya ulit. Habang sinasabi niya yun ay mas nadadagdagan ang bigat sa dibdib ko. Oo nga naman. Ano bang kulang sakin? Sa pagkakaalam ko ay napasaya ko naman siya. Nakikita ko yon sa mga mata niya. Hindi ba ako sapat? O talagang mahal niya pa talaga ang ex niya kaya nagkaganon kami.
" Ilang beses na tong nangyari kaya sana naman ay makinig ka na sakin. Naiintindihan mo ba ako? Naiintindihan mo ba ako, Joy?" Tanong niya na medyo kumalma na. Sunod-sunod akong tumango habang pinupunasan ang mga luha ko. Napangiti pa ako sa kanya. Alam ko namang hindi niya ako matitiis e.
Pero imbes na ngumiti ay sumimangot siya sakin at saka ako binatukan. " Aray!"
Napanguso ako. " Bakit ka ba nananakit?! Ha?! Broken na nga ako tapos nananakit ka pa!" Bulyaw ko na rin sa kanya. Dinuro niya ako sa bandang dibdib.
" Yan! Yan ang dahilan! Dahil diyan sa pesteng karupokan mo kaya ka nagkakaganyan! Marami ka na ngang ibang manliligaw diyan, doon ka pa napupunta sa mga taong...sa mga taong...argh! Mga hayop sila!" Bulyaw na naman niya kaya mas lalo akong napanguso. Hindi ko na alam kung iiyak pa ba ako o tatawa sa mga pinagsasabi niya. Talagang nanggigigil siya. Nagtataka nga ako kung bakit ganyan yan ka-OA. Alam ko namang ayaw niya lang akong masaktan pero nakakapagtaka na talaga yang mga inaarte niya.
" Bakit ba mas galit ka pa kaysa sakin?" Ginawa kong parang nagbibiro ang boses ko pero parang nagulat siya sa sinabi ko dahil medyo natigilan siya. Magsasalita pa sana ako nung biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko at pumasok don ang dalawa ko pang kaibigan. Tsk! Nagbibitter ako ngayon at ayaw ko munang makakita ng couple pero wala e. Kaibigan ko rin sila.
Tumigil na ako sa kakaiyak at hinanda ang sarili dahil alam kong iuungkat na naman nila ang tungkol sa karupokan ko.
" Nandiyan na pala sila e. Yan! Tignan niyo yang kaibigan nating yan! Tsk! Sa sobrang karupokan, paulit-ulit nasasaktan!" Pagpaparinig pa niya kaya napanguso akong tumingin sa dalawa. Nag-aalalang tumingin sa akin si Jean. Lumapit agad siya sakin at hinawakan ang dalawang kamay ko.
" Okay ka lang ba?" Paunang tanong niya sakin kaya napangiwi ako. Hindi ba niya nakikita na hindi ako okay? Mugto na nga tong mga mata ko sa kakaiyak tapos tatanungin niya ako ng ganyan? Tsk! Jean naman e!
" Paano magiging okay yan?! Nung umulan ng karupokan ay sinalo niya lahat! Yan ang napapala ng mga hindi nakikinig! Hihingi-hingi ng advice tapos gagawin din pala ang gusto!" Napapairap na sigaw na naman ni Lou habang nakaupo sa kama ko at kumakain ng fudgee bar ko.
" Will you shut up, Loui? Hindi yan nakakatulong sa kanya." Mahinahon ngunit may bahid ng inis na sabi ni Jean. Pasiring naman na inalis ni Lou ang tingin sa kanya. Ayaw na ayaw ni Lou ang nakokontra. Kaya nga marami siyang kaaway e. Tumingin ulit sa akin si Jean. Buti pa to. Malapit na sa pagkaperpekto.
" I will be okay." Sagot ko sa tanong niya na nakapagpangiti naman sa kanya.
" Nako! Kung ganyan din lang naman ang napapala mo sa mga ganyan ay wag mo ng subukang magboyfriend!" Inis namang sabi ni MJ. Sinamaan ko siya ng tingin.
" E anong tawag mo sa kanila? Ha? Kung makapagsalita ka parang hindi ka dumaan sa ganon ah. Kung hindi ko pa pinakilala sayo si Jean e hindi mo rin naman titigilan yang pagiging playboy mo! Manggagamit!" Bakas ang gulat niya sa sinabi ko. Nagulat pa siya ah.
" H-hoy! Walang laglagan! Baka marinig ka ni Jean, iwan ako bigla. Tsaka, nagbago na ako. Nagbago na ako dahil sa pinakamamahal ko." Kinindatan niya pa si Jean na napatingin rin sa kanya. Napangiwi ako. Hindi ko alam kung matutuwa ako o maaasar sa kanila. Nung huli ay naasar ako.
" Pwede bang lumabas muna kayo? Masyado kayong sweet at nabibitter ako." Seryosong sabi ko pero hindi nila ako sinunod kaya mas napasimangot ako.
" Tsk! Kanino ba kasi siya sumama?" Seryosong tanong ni MJ. Napalunok ako. Ramdam ko na naman ang nagbabadyang luha ko. Sa sinabi niyang yun e ang lakas ng epekto sakin. Unti-unting lumabo ang paningin ko kaya alam kong naiiyak na naman ako. Ang mga labi ko rin ay bahagyang kumikibot dahil sa pagpipigil ko ng luha.
Naalala ko na naman yung mga ginawa namin. Hindi naman kami nagtagal pero minahal ko kasi siya kaya hindi ko mapigilan ang masaktan. Marami rin kaming masasayang alaala kaya nakakapanghinayang. Minsan nga lang kami mag-away nung lalaking yon dahil magkasundo naman kami. Magkasundong-magkasundo. Parehas kami ng mga gusto. Parehas din kami ng mga ayaw. Kaya nga hindi ko alam kung bakit parang ang dali-dali para sa kanya ang makipaghiwalay sakin.
" Kay Angie." At don na bumuhos ang mga luhang naipon sa gilid ng mata ko. Napatakip ako ng mukha. Nakakainis naman e! Pinaalala pa kasi!
" Kay Angie?! Yung babaeng yon?! Totoo?!" Hindi makapaniwalang tanong ni MJ. Napatango na lang ako dahil alam ko namang mapipiyok lang ako kapag nagsalita pa ako.
" What the heck?!" Hindi rin makapaniwalang bulalas ni Jean.
" Oo! Yang letseng Angie na yan! Na kung makadikit sa mga lalaki ay parang uhaw na uhaw sa atensyon! Yung bruhang yon! Kahit yata may asawa ay papatulan non! E kung tutuusin e di hamak na maganda naman itong si Joy e. Mas sexy pa. Tapos mabait pa. Total package! Bulag lang talaga yung mokong na yon! O baka naman uhaw lang talaga yung ano niya kaya kung kanikanino pumapatol!" Nakinig lang ako sa masasamang komento nila tungkol sa Angie na yon.
Oo nga naman. Tama sila. Ano bang nakita niya kay Angie? Kung tutuusin ay talagang lamang ako ng isang milyong paligo don. Napaiyak ako sa isiping yun. Lahat na lang. Lahat na lang ng lalaking minahal ko ay ganyan ang ginagawa sakin. Kung hindi ako pinagpapalit ay ginagawa naman akong panakip butas. Actually, nung nagbreak sila nung Angie na yon ay niligawan niya agad ako. Crush ko siya, oo. Matalino siya, mabait, at mapang-unawa kaya nga napasagot niya ako pagkalipas ng anim na buwan na panliligaw. Sincere naman siya kaya hindi ko siya napagdududahan. Sweet siya at hindi siya mahirap mahalin. Kaya hindi ko alam kung bakit biglang nagkaganon.
Nakakasakit lang sa damdamin dahil alam ko namang okay kami tapos biglang may ganon? Parehas kaming masaya kahit sampung buwan lang kaming nagsama. Masaya kami. Napatingin ako sa tattoo ko sa braso.
Balang araw
Sabay kaming nagpatattoo non ni MJ nung wala pa sila ni Jean. Oo, balang araw. Balang araw ay sana makakita ako ng lalaking para talaga sakin. Yung lalaking mamahalin ako ng buong-buo. Napaangat ako ng tingin at nasalubong ko ang tingin ni Lou sakin. Napabuntong hininga siya na para bang pinipigilan niyang singhalan ako dahil sa kagagahan ko.
" Ito lang ang maipapayo ko sayo at sana ito na ang huli. Huwag kang maghanap ng lalaking para sa iyo, Joy. Focus on growing as a person. Mag-focus ka sa mga goals mo at please lang. Huwag ka munang mag-isip ng tungkol sa mga relasyon. Kadalasan, dumarating ang taong para sayo kung kailan ka busy. Huwag kang magmadali. Malay mo, nandiyan lang yan sa tabi." Seryosong sabi ni Lou na pilit naman na dina-digest ng utak ko. Nginitian ko siya. Siya na ang pinakadabes na kaibigan. Kahit pa napakabungangera niya ay may pakinabang din naman siya. Hindi lang siya puro bunganga.
" Tama siya."
" I agree." Sang-ayon nung dalawa. Napangiti uli ako at tinitigan so Lou. Bakas pa rin ang kaseryosohan sa mukha niya.
" Sala-" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil may isinunod siya.
" Pero huwag ka munang magpasalamat dahil alam ko namang...kahit anong sabihin ko ay nasa iyo pa rin ang desisyon. Knowing you, tsk, napakatigas ng ulo mo. Tulad nga ng sabi ko...ito na ang pinakahuling advise ko tungkol diyan sa bagay na yan na paulit-ulit naman na nangyayari. Sa ngayon, sana naman pakinggan mo ako." Seryoso pa ring dagdag niya kaya napalunok ako. Napatango na lang ako.
" Magiging okay ka rin, Lee Anne." Ramdam ko ang pagbibigay niya ng kasiyahan sa boses kaya hindi ko maiwasang mapangiti. Sa aming apat na magkakaibigan, si Jean ang may pinakamasiglang ngiti. Yung tipong mahahawa ka.
" Hindi ang lalaking yon ang makakasira sayo, Anjoy. Malakas ka, di ba?" Nakangiting sabi naman ni MJ. Napangisi ako. Itinaas ko ang kamay ko at umastang pinapakita ang muscle ko sa kanila.
" Kita niyo to?" Sabi ko pa na para bang may ipinagmamalaki kahit hindi naman ganon kalaki yon. Napangiti sila sakin.
" Tsk! Tara na nga! Uwi na tayo. Okay na yan. Nakakapagbiro na e." Natatawang sabi pa ni Lou. Nagtawanan silang tatlo.
" Huwag ka ng umiyak dahil hindi niya deserve ang mga luha mo." Sabi pa ni MJ. Tumango na lang ako kahit alam kong hindi ko naman matutupad yon. Alam kong iiyak pa ako. Ramdam ko pa yung sakit e. Lumapit siya sakin at pinunasan ang luha ko gamit ang hinlalaki niya.
" Ako ang best friend number one mo kaya hinding-hindi kita pababayaan. Tandaan mo yan." Napangiti ako sa kanya.
" Huwag kayong mag-alala. Malakas to oh." Pinakita ko na naman ang kunyaring muscle ko at nagtawanan kami. Isa sa mga dahilan kung bakit sila importante sakin. Kapag malungkot ako ay nandiyan sila parati. Kahit pa kadalasan ay hindi ako nakikinig sa kanila ay meron pa rin sila sa tabi ko. Hindi sila nawawala. Sa totoo lang ay si MJ ang pinakamatagal na naging kaibigan ko. Magkaibigan na kami ng mokong na yan since fetus. Magbestfriend kasi ang mommy namin. Natatawa nga ako dahil nakakapanghinayang daw na hindi kami nagkatuluyan. Tsk! Duh! As if papatulan ko to. Si Lou naman ay naging kaibigan namin nung fourth year highschool. Balik-aral siya noon pero okay lang dahil matalino naman siya. Wala rin kaming alam kung bakit siya huminto dahil hindi siya komportableng magkwento ng tungkol sa sarili niya. Minsan lang siya nagkwekwento. So Jean naman ay nakikilala ko nung college. Mabait siya kaya naman magkasundo kami agad.
Ngayon ay may sari-sarili na kaming pinagkakaabalahan. Ako ay mahilig sa pagbebake at pagtitimpla kaya nagtayo ako ng Cafe. LJ' s Cafe ang pangalan non. Si Lou naman ay isang nurse. Hindi naman malayo sa hospital na pinagtratrabahuan niya ang pwesto ng Cafe ko kaya madalas kaming magkita. Si Jean naman ay isang cook sa isang restaurant na pag-aari rin niya. Si MJ naman ay isang CPA. Noon pa man kasi ay mahilig na siya sa math. Pati nga babae niya non ay binibilang niya kaya naman CPA ang bagsak niya.
Masasabi kong maswerte ako at may mga ganito akong kaibigan na kahit pare-pareho silang busy ay may oras pa rin silang damayan ako. Bibihira na kasi ang ganitong uri ng kaibigan at isa ako sa mga maswerteng tao na pinalad na magkaroon ng mga ganitong klaseng kaibigan.
Kahit pa broken ako ay hindi ko talaga maiwasang ngumiti.
" Huwag ka ngang ngumiti! Kinikilabutan ako sayo!" Natatawang sabi ni Lou. Yan si Lou. Napakaprangka. Lahat ng nasa isip ay sinasabi.
" O, ano ng plano mo?" Tanong ni MJ na nakapagpakunot ng noo ko.
" Anong planong sinasabi mo?"
" Tsk! Huwag mong sabihing magmumukmok ka na lang diyan!" Mataas ang tono ngpananalita niya kaya alam kong naiinis siya kahit hindi ko siya lingunin. Napanguso ulit ako.
" Hindi ba ako pwedeng mag-emote ng ilang araw? Magmumukmok lang ako ng ilang araw at palilipasin ko lang tong sakit pagkatapos ay magiging okay na ako." Sabi ko pero nung tignan ko sila ay masama na ang tingin nila sakin. Medyo kinabahan ako. May nasabi ba ako.
" Eh kung iumpog ko kaya yang ulo mo para naman magising ka!" Gigil na bulyaw na naman sakin ni Lou. Dinig ko ang malakas na buntong hininga ng dalawa.
" Work. Just work, Joy. Mawawala siya sa isip mo kung nagtatrabaho ka. Kapag nagmukmok ka dito, magiging torture lang yon para sayo." Seryosong sabi ni MJ kaya hindi na ako nakapalag.
" Okay."
" Bukas ay titignan ka namin sa Cafe mo, okay?" Sabi pa niya.
" Okay."
" Bukas ay nagtatrabaho ka, okay?"
" Okay."
" Bukas ay huwag mo ng paglaan pa siya ng oras para isipin, okay?"
" Okay."
" Bukas ay hindi na dapat namumugto yang mga mata mo, okay?"
" Okay."
" Bukas ay makikita mo yung hinayupak na yon na may blackeye. Okay?"
" Okay. Wait, what?!" Gulat akong napatingin kay MJ nang maunawaan ang sinabi niya. Ngumisi lang siya at binigyan ako ng makahulugang tingin. Anong pinaplano niya?
" O siya. Tama na yan. Aalis na kami. Baka naman pagkaalis namin ay magbigti ka na? Nako! Talagang tutuktokan pa kita pag nagkataon! Huwag kang magpapakamatay ah?! Talagang ooperahan ko yung lalaking yon ng buhay pag nagpakamatay ka! Naiintindihan mo?!" Natatawang tumango na lang ako. Minsan ay brutal din siya.
" Huwag ka ng malungkot. Kapag nalulungkot ka ay pwede mo akong tawagan." Sabi naman ni Jean kaya nginitian ko siya.
" Tsk! Magkatapat lang naman ang kwarto natin kaya kitang-kita kita kaya dapat ay nakangiti ka palagi. Pupuntahan kita dito kapag nakita kitang umiyak, naiintindihan mo?" Seryosong sabi ni MJ kaya napatango na lang ako.
" Sige na. Babye na." Paalam ni Lou at isa-isa silang humalik sa pisngi ko. Hinatid ko lang sila sa pinto ng kwarto ko dahil parang nanlalambot ang tuhod ko at masakit ang buong katawan ko. Bago pa sila umalis ay sangkatutak pang mga bilin ang narinig ko.
" Bye. Ingat kayo." Malamyang paalam ko.
" Bye! Tawagan mo ako ah."
" I-text mo ako." Napatango na lang ako.
" Sige. Ihahatid ko muna sila. Babalik din ako rito." Tumango ako kay MJ.
Pag-alis nila ay dahan-dahan kong sinara ang pinto at sumandal doon bago ako nagpakawala ng malalim na buntong hininga. Babalik na sana ako sa kama ko ng mahagip ng mga mata ko ang isang teddy bear. Hindi ito kalakihan at hindi rin naman masyadong maliit. Sakto lang ito. Nangiti ako ng mapait. Kinuha ko iyon at tinitigan. Kumurba na naman ang labi ko at nagbabadya na naman ang luha ko habang nakatingin sa hawak ko.
Ngayong wala na ang mga kaibigan ko ay mas mailalabas ko ang sama ng loob ko. Kapag nandito kasi sila sa tabi ko ay gumagaan ang pakiramdam ko at parang nakakalimutan ko ang problema ko pero ngayong wala na sila ay parang bumabalik na naman ang sama ng loob ko.
Hindi ko naman magawang murahin ang lalaking yon dahil kahit papano naman ay minahal ko siya at mahal ko pa rin siya. Napatingin ako sa kawalan. Simula ngayon, ngayong araw na ito ay hinding hindi na ako magpapaloko o di naman kaya ay magpapagamit. Simula ngayon ay magfofocus muna ako sa mga goal ko sa buhay. Hinding-hindi muna ako papasok sa isang relasyon na hindi naman akp sigurado kung tatagal. Hinding hindi muna ako magpapakatanga sa isang lalaki na bihag palang ng nakaraan. Hinding hindi muna ako nagmamahal at ikakandado ko muna ang puso ko.
Ayaw ko munang masaktan ngayon. Ayaw ko munang magpakatanga. Ayaw ko munang maging marupok. Simula ngayon.
Kinuha ko ang cellphone ko at isa-isang binura ang mga larawan namin doon habang bumubuhos ang mga luha sa pisngi ko. Ang dami na naming nagawa. Ang dami na naming alaala. Lahat ba ng saya na nakita ko sa mukha niya ay pawang kasinungalingan lamang? Lahat ba ng mga 'i love you' niya sakin ay parte lang ng pag-aakto niya? Lahat ba ng mga sinasabi niya sakin ay kunyari lang para sa kanya?
Bakit niya pa ako niligawan? Bakit niya ba ako hinayaang mahulog sa kanya? Bakit pa niya pinasok ang buhay ko at ginulo kung sa huli ay iiwan lang din niya ako? Marami. Maraming tanong sa isip ko at magulo ang utak ko ngayon.
Suminghot ako. Nilagay ko lahat ng mga bagay na nakapagpapaalala sa kanya sa basurahan. Nasasaktan ako. Masakit ang maiwan, oo. Mas lalo na kung paulit-ulit. Alam naman niya ang mga nakaraang relasyon ko. Alam naman niya na katulad niya ay iniwan din ako nung mga nakarelasyon ko. Alam naman niya kung paano ako nasaktan noon. Pero bakit ba napakadali para sa kanya na iwan ako. Bakit ba napakadali para sa kanila ang iwanan ako sa ere? Bakit ba pumapasok sila sa isang relasyon na hindi naman nila kayang panindigan? Nakakasakit ng damdamin at nakakainsulto.
Yung mga nakaraang reladyon ko ay iniwan ako dahil daw nagkukulang ako o di naman kaya ay sumosobra ako o di naman kaya ay sakto lang ako. Ano bang gusto nilang iparating? Kapag nagkulang ka, ang dami nilang sinusumbat. Kapag naman sumobra ka, nakakasakal daw. Tapos kapag sakto ay boring naman. Ano gusto nilang iparating? Kahit ano namang gawin ko ay yun pa rin ang mangyayari hindi ba? Yun pa rina ng nakatakda sa akin. Kahit pa kumulang o sumobra o sakto lang ako ay iiwan pa rin naman nila ako dahil hindi naman talaga nila ako mahal.
Ilang minuto pa ang lumipas ay bumalik na si MJ at dumiretso dito sa kwarto ko. Agad agad kong pinunasan ang mga luha ko.
" Tsk! Umiiyak ka na naman?" Mahinahon pero may bahid ng inis na sabi niya.
" Hindi ko mapigilan e." Nagpakawala siya ng buntong hininga. Kanina ko pa siya napapansin na palaging ganyan.
" Alam mo, kapag nakikita kitang ganyan ay parang ako ang nagiguilty." Paunang sabi niya at naramdaman ko naman ang pagsalubong ng mga kilay ko.
" Ha? Bakit ka naman magiguilty?" Takang tanong ko pero ngumiti lang siya ng pilit.
" Naaalala ko na naman kasi yung mga kalokohan ko noon. Sa tuwing nakikita kita ay naiimagine ko ang mga babaeng napaiyak ko noon.." Hindi ako umimik pero naiintindihan ko siya.
" Sa tuwing nakikita kitang umiiyak dahil sa mga katulad kong lalaki ay parang may nakadagan sa dibdib ko. Nagiguilty ako dahil alam kong maski ako ay walang karapatan na pagsabihan ka dahil isa naman ako sa mga uri nila." Napanguso ako dahil sa sinabi niya.
" Pero best friend kita. Alam mo namang importante pa rin ang opinyon mo sakin." Nakangusong sabi ko. Napangiti siya at ginulo ang buhok ko.
" Mabuti naman kung ganon."
" Naiintindahan ko naman kasi kung bakit ka nagkaganon." Sabi ko pa pero hindi na nabura ang ngiti niya. Ibig sabihin ay nakamove on na siya sa nakaraan niya.
" Hmm."
" Masaya ako para sa inyo ni Jean." Binigyan ko siya ng natural na ngiti. Ayun na naman ang pagbuntong hininga niya at parang problemado siya ngayon kaya taka akong tumingin sa kanya.
" May problema ba kayo?" Tanong ko dito. Mukha talaga siyang problemado kaya nag-aalala ako. Binibigyan niya ako ng mga advise tapos may problema na pala siya. Tsk.
" Hindi ko alam. Naging cold siya sakin, this past few days. At hindi ko alam ang dahilan. Parang may pader sa pagitan namin na hindi ko kayang tibagin. Hindi ko alam. Ang gulo!" Napasabunot siya sa buhok niya at napayuko. Nag-aalala akong tumingin sa kanya.
" Nag-away ba kayo?"
" Hindi. Wala rin naman akong alam na dahilan kung bakit ganon siya. Hindi ko mapigilan ang mag-isip ng kung anu-ano." Itinaas niya ang kanyang mukha at sa pagkakataong ito ay nakangiti na.
" Huwag kang mag-alala. Maaayos din namin to. Sa ngayon ay ang sarili mo muna ang gamutin mo. Okay?"
" Okay." Sabi ko kahit pakiramdam ko ay masama ang loob niya. Wala lang talaga akong maitutulong sa kanya ngayon dahil masyado ring magulo ang isip at damdamin ko. Kahit gusto ko mang magbigay ng advise ay hindi ko magawa dahil baka umiyak lang ako sa harapan niya. Ayaw pa naman nitong makita ako na umiiyak ng dahil sa lalaki. Ayaw na ayaw niya yon.
" Sige matulog ka na. Alam kong pagod ka. Lagi mong tatandaan na nanditon lang ako palagi ah." Napatango na lang ako. Inalalayan niya akong humiga at tinakpan niya ako ng comforter pero bago niya maalis ang kamay niya sa comforter ay may napansin ako. Bigla kong hinablot ang kamay niya at napaupo ulit.
" Ano to?!" Tanong ko sa kanya nang makita ang galos sa kamao niya. Iniiwas niya ang tingin.
" MJ, Ano to?" Pinahinahon ko ang boses ko para magsabi siya ng totoo. Napalunok siya.
" Ahmm...may sinapak ako." Pag-amin niya at napatungo. Para siyang guilty sa ginawa. Hindi naman pwedeng ako na lang palagi ang kanilang iniintindi.
" Ano?! Sino?!" Inis akong nilingon siya at ang kamao niya. Iniwasan niya ulit ang mga mata kong nakatingin ng diretso sa kanya. Muli siyang napalunok.
" Ahmm...may b-bastos kasi sa b-bar kahapon. N-nasapak ko siya." Sabi niya pero hindi ko alam kung bakit hindi ako naniniwala sa kanya. Parang may nagsasabi sa tenga ko na nagsisinungaling lang siya. Hindi ko maiwasang mag-alala at kabahan. Paano na lang kung may nangyaring masama dito? Ewan ko rin sa sarili ko dahil biglang pumasok sa isip ko ang sinabi niya kanina.
" Bukas ay makikita mo yung hinayupak na yon na may blackeye. Okay?"
" Bukas ay makikita mo yung hinayupak na yon na may blackeye. Okay?"
" Bukas ay makikita mo yung hinayupak na yon na may blackeye. Okay?"
Bigla akong kinabahan. Kumunot ang noo ko at inis na nilingon ang sugat at akmang hahawakan iyon nang hilahin niya ito sa kamay ko.
" Huwag ka ng mag-alala. Okay lang ako. Matulog ka na at alam kong pagod ka. Sa ating dalawa, ikaw ang mas kailangan maghilom ang sugat." Makahulugang sabi niya at inalalayan niya muli akong humiga at kinumutan. Hindi na ito big deal sa amin dahil nung bata pa man kami ay halos hindi na kami maghiwalay.
" Okay ka lang talaga ah." Paniniguro ko pa at tinanguan niya lang ako.
" Babantayan kitang matulog. Okay?" Tumango na lang ako. Nang ipikit ko ang mga mata ko ay parang doon ko lang naramdam ang matinding pagod at sakit ng mata ko. Rinig ko ang paghum niya sa gilid ko kaya napangiti ako. Kahit kailan ay napakaganda ng boses niya. Sana bukas ay okay na ako. Sana bukas ay mawala na siya sa puso ko. Sana bukas ay magagawa kong umakto ng parang walang nangyari. Sana nga. Ilang minuto rin akong nakinig sa kanya bago nakatulog.