“I’M SO IN LOVE!” kinikilig na deklara ni Bettina habang umiikot-ikot sa harap ng salamin ng nirerentahang condo unit ni Liwayway.
Pinaikot ni Liwayway ang mga mata. “Bettina, ‘yan din ang sinasabi mo noon tungkol sa mga boyfriend mo sa Santa Flores.”
“Hey!” Pinandilatan siya ng mga mata ng kaibigan. “How dare you compare my Matteo to those jerks?”
Natawa siya at saka umiling-iling. “Pustahan tayo, after a month, jerk na rin ang tawag mo sa Matteo na ‘yan.”
“No!” Hinarap siya nito at saka hinawakan sa magkabilang balikat. “You don’t understand, Lia. Iba talaga si Matteo. Ibang-iba siya kaysa mga naging boyfriend ko noon. Gosh! Makita ko pa lang siya, nalalaglag na talaga panty ko. Super guwapo, super rich, super hot… and super galing humalik! He’s all-in-one. Promise!”
Umupo siya sa maliit na sofa. Kilala na niya ang kaibigan. Simula nursery sila ay magkaklase na sila nito dahil magkalapit lamang ang mga lupain nila sa Santa Flores. Ngayong nasa first year college na sila, magkasama pa rin sila sa iisang unibersidad sa Manila. Maging ang kursong kinuha nila ay magkaparehong Tourism. Pareho din sila ng condominium na nirerentahan, ngunit magkaiba lamang ng unit.
Grade six pa lamang sila ay nagkaroon na ng boyfriend si Bettina. She was popular among the boys. Maganda kasi ito at approachable.
Si Liwayway naman ay no boyfriend since birth. Hindi siya naglakas-loob subukan iyon dahil alam niyang malilintikan siya sa mga magulang niyang napaka-conservative.
Galing siya sa political family. Ang lolo niya noong buhay pa ito ay naging senador. Ang daddy niya naman ay kasalukuyang mayor ng Santa Flores.
Bata pa lamang si Liwayway ay pinagsasabihan na siya na maging maingat sa lahat ng ikinikilos. Hindi raw siya puwedeng magkamali dahil maaapektuhan ang imahe at reputasyon ng pamilya nila.
Hindi rin siya puwedeng magsuot ng mga revealing clothes gaya ng madalas na isinusuot ni Bettina. Kailangan ay pinong-pino siya sa pananalita, pananamit, at maging sa mga kilos.
Hind rin naman niya naisipang magrebelde dahil ito na ang nakasanayan niyang buhay at ayaw niya rin namang matulad kay Bettina na naka-ilang palit na ng nobyo kahit labing walong taong gulang pa lamang sila.
In fact, hindi na raw ito birhen. Matagal na nitong ibinigay ang virginity sa naging boyfriend nito noong nasa high school sila.
Hindi rin naman siya nagtataka dahil motel ang business ng pamilya nito. Kaya kung gaano ka-conservative at istrikto ang parents ni Liwayway, ganoon naman ka-liberated ang mga magulang ni Bettina. Ang mga ito pa nga ang nagkukumbinsi sa anak nila na mag-explore sa mga bagay-bagay.
“Gosh, ito lang ba talaga lahat ng damit mo?” nakangiwing tanong ni Bettina.
Hindi namalayan ni Liwayway na binuksan na pala nito ang closet niya.
“Aanhin ko ang maraming damit eh may uniform naman tayo,” katwiran niya.
“No, I mean, wala ka man lang bang pang-gala?”
“Mga panggala naman ‘yang mga naka-hanger ah.”
Iritadong bumuga ito ng hangin. “Jusko. Mga pang-simba at pangbinyag yata ‘tong mga ‘to! Wala ka man lang bang pang-bar kahit isa?”
“Alam mo namang hindi ako nagba-bar.”
Pinaikot nito ang mga mata. “Oh, c’mon, Lia. Nasa Metro Manila na tayo. Malayo na tayo sa Santa Flores at sa mga magulang mo. Ayaw mo man lang bang mag-explore?”
Humalukipkip siya at umiwas ng tingin. “Andito ako para mag-aral at makakuha ng diploma.”
Bigla itong natawa. “Gosh! You really sound like your mother and your father.” Bigla itong lumapit sa kanya at tumabi sa pag-upo. “We’re going out tonight.”
Kunot-noong tiningnan niya ang kaibigan. “Ha? May babasahin pa akong libro.”
Binatukan siya nito. “Alam mo ikaw? Napaka-boring mo talagang tao minsan! C’mon, Lia. Ipapakilala ko sa ‘yo ang friend ni Matteo. He’s also hot and handsome.”
Agad siyang umiling. “No, thanks.”
Niyugyog nito ang braso niya. “Sige na, friend! Minsan lang ‘to. Promise, kung ayaw mo talaga sa kanya, then fine. Hindi kita kukulitin. Pero samahan mo ako mamaya, please? Nag-promise na ako kay Matteo na dadalhin kita para may makasama ang friend niya. Nakakahiya naman kung pumunta ang friend niya tapos ikaw hindi.”
“Ano?!” Pinandilatan niya ito. “At iba-blind date mo pa talaga ako nang hindi ko alam?”
“Kaya nga sinasabi ko na sa ‘yo ngayon, ‘di ba?”
“Mas gugustuhin ko pang matulog at magpahinga.”
“It’s Friday night. Wala tayong pasok bukas. Ayaw mo man lang ba talagang maka-experience kung ano ang bar kahit minsan lang sa buhay mo? Kasama mo naman ako, eh.”
“Kaya nga mas nakakatakot,” biro niya.
Bigla itong tumahimik at nagmukmok.
“Aba, aba, may nagtatampo yata,” aniya na bahagyang nakatawa.
Mas lalong humaba ang nguso nito at parang naiiyak pa.
“Hoy, binibiro lang naman kita.” Sinundot niya ang baywang ng kaibigan. “Alam mo namang gusto kitang kasama palagi. Kaso ayaw ko lang talagang pumunta ng bar at ayaw ko ring makipag-date sa taong hindi ko naman kilala.”
“Paano mo nga makikilala kung ayaw mo namang makita?” pagalit nitong sabi at muling ngumuso. “At paano mo masasabing ayaw mo ng bar eh hindi ka pa nga nakakapunta?”
Bumuntong-hininga si Liwayway. Alam na alam talaga nito kung paano magpaawa sa kanya.
“Fine. Pero isang oras lang ako do’n ha? Tapos uuwi na agad ako.”
Biglang lumiwanag ang mukha ni Bettina. “Wear my little black dress!”
“No way!” agad niyang tanggi.
“Sige na!”
No!”
…………..
NAASIWANG hinila ni Liwayway ang laylayan ng suot na itim na bestida na aabot lamang hanggang sa gitna ng kanyang hita. Iyon na ang pinakamahabang bestida ni Bettina kaya iyon ang pinili niya. Ayaw kasi nitong pumayag na sariling damit niya ang suotin papunta rito sa bar.
Gayunpaman, hindi pa rin siya sanay na magsuot ng ganoon lalo na’t hapit na hapit sa katawan niya. Slim si Bettina samantalang siya ay medyo makurba.
“Hayun sila!” excited na wika ng kaibigan niya nang masilayan nito ang dalawang lalaki na nakaupo sa isang corner table.
Hinayaan niyang hilahin siya nito papunta sa kinaroroonan ng dalawa.
“Hey!” masayang bati ng matangkad na lalaki na animo’y isang basketball player. He had a very strong and powerful aura. Agad itong tumayo at humalik sa labi ni Bettina.
Hindi maitatanggi ni Liwayway na guwapo ngang talaga ang nobyo ng kaibigan niya. Medyo gets niya na kung bakit patay na patay ang bruha sa lalaking ito.
“Matt, I want you to meet Liwayway, my bestfriend since childhood,” pagpapakilala ni Bettina. “Lia, this is Matteo. And this is…?” sinadya nitong ibitin ang sasabihin habang nakatingin sa kasama ni Matteo.
Tumayo naman ang binata at ngumiti sa kanila habang nakalahad ang kanang kamay kay Liwayway. “Hi, I’m Garry. Matteo’s friend.”
Tinanggap niya ang kamay nito at saka ngumiti. Mas maliit lamang ng dalawang pulgada si Garry kung ikukumpara kay Matteo. Ngunit pareho lamang ang mga ito na malakas ang s*x appeal. Kahit ang ibang mga babae sa bar ay napapatingin sa dalawang lalaki.
Pero kung papipiliin si Liwayway, mas magaan agad ang loob niya kay Garry. Friendly ang aura nito samantalang may pagka-isnabero ang aura ni Matteo. Iyon naman talaga ang mga tipo ni Bettina kaya hindi na siya nagtataka.
“Isn’t that the dress I gave you last week?” mahinang bulong ni Matteo kay Bettina habang sinisipat ang suot ni Liwayway.
Natigilan si Liwayway dahil narinig niya ang sinabi nito. Walang binanggit sa kanya si Bettina na galing kay Matteo ang damit na suot niya ngayon!
Bigla siyang pinamulahan ng mukha. Kung alam lang sana niya ay hinding-hindi niya iyon susuotin. Nakakahiya! Mukhang siya pa yata ang nakaunang suotin ang outfit na ‘yon.
“Hayaan mo na. Pinahiram ko lang naman,” ganting bulong ni Bettina.
Bumuga ng hangin si Matteo at saka naupo na ulit.
Hinawakan naman ni Garry sa siko si Liwayway para alalayan siyang umupo.
“Do you want some drinks?” tanong nito sa kanya habang ang dalawang magkasintahan sa harap nila ay sweet na nag-uusap.
“H-Hindi ako umiinom.”
“Pineapple juice, then?”
Tumango siya, lihim na nagpapasalamat na hindi ito namilit o nag-usisa kung bakit ayaw niyang uminom ng alcoholic drinks.
Nang umalis si Garry para um-order ng inumin, biglang nakaramdam ng awkwardness si Liwayway. Paano ba naman kasi, halos maglampungan na ang dalawa sa harapan niya. Siya pa tuloy itong nahihiya. Pakiramdam niya ay ini-invade niya ang privacy ng mga ito kahit marami rin namang ibang tao doon sa bar.
Nag-iwas na lamang siya ng paningin. Pero minsan ay hindi pa rin siya nakakatiis. Lihim niyang sinusulyapan ang mga ito lalo na kapag tumatawa si Bettina na akala mo’y kinikiliti ang tinggil.
“Mamaya ka sa akin,” pilyong bulong ni Matteo sa tainga ng nobya sabay kagat doon.
Napalunok si Liwayway at muling iniwas ang tingin. Sakto namang nakabalik na si Garry.
“Hey, are you alright?” ang agad nitong tanong.
Pinilit niyang ngumiti at saka tumango.
“Namumula ka kasi,” komento nito. “Naiinitan ka ba?”
Biglang tumawa si Bettina. “Naaasiwa lang ‘yan. Hindi sanay makakita ng mga mag-jowang naglalampungan. Virgin pa ‘yang friend ko kaya ingatan mo.”
“Bettina!” saway niya pero mas lalo lamang namula ang kanyang mukha. Kailangan ba talaga nitong ipangalandakan na birhen pa siya?
Napatitig naman sa kanya si Garry na may ngiti at kislap sa mga mata. Ngunit hindi na ito nagkomento pa tungkol sa sinabi ni Bettina.
Ang plano ni Liwayway ay isang oras lamang siya roon sa bar at uuwi rin agad. Pero hindi niya namalayan na na-e-enjoy na pala niya ang pag-uusap nila ni Garry. He was a gentleman. Magaan itong kausap at paminsan-minsan ay bumabanat pa ng jokes.
Hating-gabi na nang makauwi sila ni Bettina sa condo. Medyo natatakot pa nga siya dahil pakiramdam niya papagalitan siya ng parents niya kahit wala ang mga ito roon. First time niyang umuwi nang ganoong oras. It felt exciting and terrifying at the same time.
“O, anong masasabi mo?” natatawang siniko siya ni Bettina habang lulan ng elevator.
Nagkibit siya ng balikat. “He’s okay.”
“Okay? Eh nakangiti ka nga, o. ‘Di ba sabi ko naman sa ‘yo guwapo rin ‘yon?”
Hindi siya sumagot. Pinipigilan niyang ngumiti.
Inilapit naman ni Bettina ang mukha sa kanya. “Kapag ba nanligaw siya sa ‘yo, sasagutin mo?”
Bahagya niyang tinulak ang kaibigan. “Anong ligaw-ligaw ka diyan? ‘Di ba nga sabi ko kanina pagbibigyan lang kita ngayong gabi?”
“Pero aminin mo. Kinilig ka sa kanya o hindi?”
Ngumuso siya at nag-iba ng puwesto para umiwas dito.
Bigla siya nitong sinundot sa baywang. “Aminin mo na kasi!”
Napatili siya dahil malakas ang kiliti niya roon. Sakto namang bumukas ang pintuan ng elevator kaya agad siyang lumabas habang tumatawa. Ngunit hindi siya nito tinigilan sa kakakiliti.
“Sabihin mo na!” giit nito.
“Oo na!” natatawang sagot niya at saka nagmamadaling pumasok sa loob ng kanyang unit.