Chapter Ten

5029 Words
"SINABI ko na sa iyong hindi pa tayo tapos." Sabi ni Norris kay Jester. Napatingin siya kay Kamille. Nasa mukha nito ang takot, mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito. Saka muli siyang bumulong dito. "Pumasok ka na sa loob," utos niya dito. "Ayoko. Hindi kita iiwan dito." giit nito. Humarap siya dito, saka maingat na hinawakan na ang magkabilang pisngi nito. "Look, it will not be safe for you. Kapag sinugod ako ng mga 'yan, madali ka nilang makukuha sa akin. Kung nasa loob ka, hindi ka nila maaano." Paliwanag niya. "Pero..." "Please," pakiusap niya. "Now, Go! Tawagan mo ulit sila Miguel, sabihin mo bilisan nila." Mabilis itong tumakbo papasok sa loob ng bahay. Hahabulin sana ito ng mga tauhan ni Norris pero naiharang niya ang sarili sa harap ng gate nito. "Lock the door! Kahit na anong mangyayari, huwag kang lalabas diyan!" sigaw niya kay Kamille. "Umalis ka diyan, ibigay mo sa akin si Kamille. Hindi kita sasaktan." Sabi pa ni Norris sa kanya. "Sino may sabi sa'yong ibibigay ko siya sa'yo?" "I'm sure naikuwento na niya sa'yo ang sinapit ni Adrian. Kung ayaw mong matulad sa lampang 'yon, ibigay mo siya sa amin. Baka maawa pa ako sa'yo." Umangat ang isang sulok ng labi niya. "What made you think that I'm scared of you?" pang-iinsulto pa niya dito. "Hindi kailan man ako natakot sa kahit na kanino, tanging sa Diyos lang ako may takot. Pero sa isang kagaya mo, I really doubt it." "Mayabang ka rin, ano?" nanggigigil na sabi nito. "Hindi. Nagsasabi lang ako ng totoo." Sagot niya. Sa isang iglap ay isa isa na siyang sinugod ng mga ito. At habang nakikipagpalitan siya ng suntok sa mga ito. At sa bawat suntok na sinasalo ng katawan niya, pilit niyang tinitiis 'yon. Basta ang mahalaga, maipagtanggol niya si Kamille. Sa isip niya ay tumatawag siya sa Diyos, ang siyang tagapagligtas niya. Lord, give me strength to fight them. I'm not as strong as you, but by your grace I know I will win this fight. Mahal na mahal ko si Kamille, kahit na nasasaktan ako sa nalaman ko, hindi pa rin binago niyon ang pagmamahal ko sa kanya. Protect me against them, God.  WALANG tigil ang pagluha ni Kamille habang pinapanood ang pakikipaglaban ni Jester sa mga tauhan ni Norris. Gustong gusto niyang lumabas, pero kabilin bilinan ni Jester nito na huwag siyang lalabas. Natatakot siya sa maaaring mangyari dito. Hindi na niya kakayanin kung pati ito ay mawala sa buhay niya. Mabilis siyang tumawag sa presinto at ni-report ang panggugulo ni Norris. "Bilisan n'yo po!" sabi pa niya sa pulis na nakasagot ng tawag niya. Lord, tulungan mo po kami. Gusto ko ng matapos ang problemang ito. Ayusin n'yo po ang pamilya ko. Iligtas n'yo si Jester mula sa mga kamay ni Norris. Piping dalangin niya. Muli siyang tumanaw sa labas mula doon sa bintana. Gustong madurog ng puso niya sa nakita. Hawak na ito sa magkabilang braso ng dalawa sa tauhan ng walanghiyang si Norris. Napasigaw siya ng tadyakan ito ng huli ng malakas sa dibdib. "Jester!" "Ano kaya mo pa? Ang lakas ng loob mong lumaban ah!" sigaw pa ni Norris dito. Nakita niya ng mahigpit nitong hawakan ito sa buhok at saka muling sinuntok ito sa mukha. Natutop niya ang bibig. Hindi na siya nakatiis. Mabilis siyang tumakbo palabas. Tinulak niya ang mga tauhan nito maging si Norris, palayo dito. Agad niyang niyakap ito at inalalayan tumayo. Puro dugo ang namumulang mukha nito. Ano man oras ay magpapasa na ang tama ng suntok nito. "Jester," aniya. "Sinabi ko na sa'yo na huwag kang lalabas." Sabi pa nito sa nanghihinang tinig. "Hindi ko kayang makita kang binubugbog habang wala akong magawa." Sagot niya dito. "Bumalik ka na doon," pagtataboy nito sa kanya. "Hindi kita iiwan, hindi ko na hahayaan maulit ang pagkakamali ko noon ng wala akong ginawa ng patayin nila si Adrian. Ito na ang pagkakataon para panagutan nila ang ginawa nila noon." Paliwanag pa niya. Tinignan siya nito, bukod sa mga pasa at sugat nito sa mukha. Lumarawan ang lungkot sa mga mata nito. May kung anong emosyon siyang nababanaag dito. "Tama na Norris! Tigilan mo na kami!" umiiyak na sigaw na baling niya dito. "Hindi ako papayag na mapunta ka sa kahit na kanino, Kamille! Malaking pera na ang ibinigay ko sa Daddy mo! Nang halos bumagsak ang negosyo n'yo, ako ang sumalo sa lahat ng pangangailangang pinansyal ng kompanya n'yo! Kapalit niyon ay ang kontrata na nagsasabing ako ang papakasalan mo! Masyado ng malaking pera ang nawawala sa akin dahil sa kaartehan mo!" "Mamatay ka na kasama ang pera mo! Hindi mangyayari ang gusto mo!" "Kung kailangan kong patayin ang Jester na iyan, gagawin ko! Makuha lang kita!" "Kung papatayin mo siya! Patayin mo na rin ako!" "Hindi ka puwedeng mamatay, Kamille. Malaking halaga na ang nawala sa akin. Kailangan muna kitang pakinabangan!" "Napaka-hayop mo! Ano pa bang gusto mo, Norris? Hinila mo na sa illegal na gawain ang Daddy ko! Pinatay mo pa si Adrian, siya lang meron ako! Namatay siya ng hindi ko man lang nasasabi sa kanya na mahal ko rin siya! Ikaw ang dahilan kung bakit wala na si Adrian! Kahit na ano pang mangyari, hindi ako magpapakasal sa'yo! Kaya tigilan mo na 'to! Patahimikin mo na kami!" galit na galit na sabi niya. Halos magsalubong ang dalawang kilay ni Jester, saka napatingin ito sa kanya. Bumakas ang sakit sa mga mata. Kung tama pa ang nakikita ng mga mata niya, tila nangilid ang mga luha nito. Agad niyang naalala ang sinabi niya. "Jester, I..." "Really now? Si Adrian pa rin ang mahal mo? Wow! Kung ganoon, ginagamit mo lang pala itong sinasabi mong boyfriend mo!" pang-iinsulto pa nito. Dahil sa narinig ay mabilis na umalpas si Jester sa pagkakahawak niya, at sinugod si Norris. Bumagsak ang mga ito sa sementadong kalsada, at doon nagpambuno ang dalawa. Hindi niya alam kung nakailang beses nitong sinuntok ito. Aawatin sana niya si Jester pero nahawakan siya ng mga tauhan ni Norris. "Tama na! Tigilan n'yo na 'yan!" sigaw niya. Nanlaki ang mata niya ng makita niya ang isa sa tauhan nito na may hawak ng baril at tinutok iyon sa ulo ni Jester habang wala itong tigil sa kakasuntok sa mukha ni Norris. "Huwag! Jester!" "Ibaba mo 'yan!" Huminto ang lahat at napalingon. Nakahinga ng maluwag si Kamille ng makita si Miguel, kasama ang mga pinsan nito. Pawang may mga hawak itong baril at nakatutok sa mga tauhan ni Norris. Ilang sandali pa ang lumipas ay dumating na ang mga Pulis. "Sinabi ko naman sa'yo Norris Liu. Hindi dito uubra ang kalokohan mo. Ngayon, arestado ka sampu ng mga kasama mo sa kasong Drug Trafficking! Matibay ang ebidensiya namin laban sa'yo, kaya siguradong maghihimas ka ng rehas hanggang sa pumuti na buhok ko!" sabi ni Miguel dito. "Taas ang mga kamay!" anang mga Pulis. Walang nagawa ang mga ito kung hindi sumunod. Sukol na sila. Mabilis siyang lumapit kay Jester at niyakap ito. Habang ang mga pulis ay hinuhuli si Norris at ang mga kasama nito. "Akala ko mawawala ka na sa akin." Sabi pa niya habang umiiyak. Hinintay niyang sumagot ito, pero nanatili itong tahimik. Hindi rin ito gumanti ng yakap sa kanya. Bagkus ay nilayo siya nito mula dito. "I'm fine." Malamig na sagot nito. "Hey, are you alright?" tanong agad ni Marisse paglapit nito sa pinsan. "I'm okay." Matamlay na sagot nito. "If you want we can take you to the hospital." Alok pa ni Daryl. "Hindi na," sagot nito. "Marisse, ikaw na lang ang gumamot sa mukha ko." Sabi nito. Kumunot ang noo niya. Nahalata niya na matapos ang pangyayari ay nanlamig bigla ito sa kanya. Siya dapat ang gagamot sa sugat nito, hindi nga ba? Siya ang girlfriend. "Anak, I'm so glad you're okay. Umuwi na tayo at ng magamot na iyang mga sugat mo kung ayaw mong magpadala sa hospital." Sabi pa ng Daddy nito. Pagkatapos ay binalingan siya nito. "How about you, Kamille? Are you okay?" "Opo," sagot niya. "Huwag na ninyo sabihin ito kay Lolo at Lola. Baka mag-alala lang sila." Sabi pa ni Jester sa mga pinsan. "Jester," tawag-pansin niya dito. Lumingon ito sa kanya. "Huwag mong babanggitin ang pangalan ko kung hindi naman ako ang nakikita mo." Sabi nito. Naguguluhang tinitigan niya ito. "Ha? Anong ibig mong sabihin?" "Alam mo ba? Nagmahal na rin ako noon, bago ka dumating sa buhay ko. Pero nasaktan ako dahil may iba siyang mahal, pangalawa lang ako sa puso niya. Noong makilala kita, inakala ko na totoong mahal mo ako. Sabi ko sa sarili ko, sa wakas, may nagmahal sa akin na ako naman ang una sa puso niya. Pero nagkamali ako, noon hanggang ngayon. Si Adrian pa rin ang laman ng puso mo." Nagulat siya sa narinig niya mula dito. "Hindi totoo 'yan!" aniya. "Humarap ka sa Daddy mo, pinakulong mo si Norris. Para kay Adrian. Hindi para ipagtanggol at ipaglaban ang pagmamahal ko sa'yo. Siya pa rin ang laman ng puso mo hindi ako." Wika nito. "Hindi totoo 'yan, Jester. Mahal kita. Ikaw na ang mahal ko." Giit pa niya. Muli ay tumulo ang luha niya. Hindi niya akalain na ganoon ang naging dating dito ng mga sinabi niya. Alam ng Diyos kung gaano niya kamahal ito. "Saka na lang tayo mag-usap, kapag sigurado ka na sa nararamdaman mo para sa akin." Naluluha na ring sabi nito. "Masakit lang na malaman, na hanggang ngayon, sa pagkakataon na ito. Pangalawa na naman ako." "Jester, no." "Mas masakit pa 'to kaysa sa mga pasa at sugat sa mukha ko. Dahil diretso sa puso ang ginawa mo." Sabi pa nito. Pagkatapos ay tumalikod na ito. "Pinsan, come on! Huwag mo naman gawin 'to kay Kamille." Sabi pa ni Glenn dito. Tumaas ang kamay nito. "Leave it, Glenn." Sagot lang nito. Habang naglalakad ito ay inaalalayan ito ng mga pinsan nito, pauwi sa bahay nito. "Wait, mag-usap naman tayo! Jester!" habol pa niya dito. Pigilan siya ni Miguel. "Kamille, ang mabuti pa. Pabayaan mo na muna siya. Saka na kayo mag-usap kapag pareho kayong nakapagpahinga. Pagod din si Jester. Hindi biro ang bugbog na inabot niya. Saka na kayo mag-usap kapag malinaw na pareho ang isip n'yong dalawa." Payo nito. Wala siyang nagawa kung hindi ang panoorin si Jester habang palayo na ito. Mabilis siyang nilapitan ni Sam at doon umiyak. Napakaraming nangyari sa araw na iyon. Hindi niya lubos maisip na sa lahat ng tao, siya pala ang higit kanino man ang mananakit sa damdamin nito. "Sam, anong gagawin ko? Ayokong mawala siya sa akin!" umiiyak na wika niya. "Tama si Miguel, magpahinga ka na muna. And I think, may isa ka pang dapat ayusin bago mo kausapin si Jester." Anito. "Ano 'yon?" tanong niya. "Kailangan mo ng kausapin ng masinsinan ng Daddy mo. Alam kong hindi madali ang magpatawad lalo na kapag nasaktan ka ng husto, pero kailangan mong subukan. After all, he's still your father." Hindi siya nakaimik. Tama si Sam. Bago niya kausapin si Jester. Kailangan muna nilang magkapatawarang mag-Ama. Kapag naayos na niya ang pamilya niya, siguro, sunod na maaayos niya ang relasyon nila ni Jester. Ito ang pinakamamahal niya, kaya hindi niya hahayaan na mawalan ulit ng minamahal. "DADDY," Lumingon ang Daddy niya. Hinaplos ng awa ang puso niya ng makita itong nakaupo sa malamig na semento sa loob ng kulungan. Wala na ang dati maganda nitong bihis. Ang maayos at malusog nitong pangangatawan. Ilang araw matapos mahuli si Norris at ang buong sindikato. Kasama sa hinuli ang Daddy niya. Agad naman itong umamin sa kasalanan nito. Ito rin ang nagsilbing witness laban kay Norris. Sa isang iglap ay naglaho ang lahat ng hinanakit niya sa Ama. Pero nagkasala ito, kailangan nitong pagbayaran ang kasalanan nito sa batas. "Anak," sabi pa nito. Tumayo ito at lumapit sa kanya. Kasama niya ang mga kapatid at ang Mommy niya. "Kumusta na po kayo?" tanong niya. "Hindi na dapat kayo pumunta dito. Ayokong makita n'yo ako sa ganitong kalagayan. Ayokong maawa kayo sa akin." Sa halip ay sabi nito. "Daddy, I'm sorry." Lumuluhang wika niya. Natigilan ito. Mayamaya, tumulo na rin ang luha nito. Umangat ang isang kamay nito at hinaplos ang mukha nilang magkakapatid. Maging ang Mommy nila. "No, Anak. Ako ang patawarin mo. Patawarin n'yo ako. Hindi ako naging mabuting Ama sa inyo. Wala akong inatupag kung hindi ang negosyo. Ang magparami ng pera, inakala ko na doon kayo sasaya. Noong malapit ng bumagsak ang kompanya, humingi ako ng tulong kay Norris. Hindi ko alam na illegal ang pinagkakakitaan niya. Huli na ng malaman kong involve siya sa drug trafficking. Hindi ko alam na kasama sa pinirmahan kong kontrata ang magpakasal ka sa kanya. Kapag hindi ko siya sinunod, papatayin niya kayo. Kaya maging ang nangyari kay Adrian ay wala rin akong nagawa. Hawak niya ako sa leeg. Labag man sa loob ko, wala akong mapagpipilian kung hindi ang sumunod sa gusto niya. Iyon lang ang nakita kong paraan para ma-protektahan kayo." Mahabang paliwanag nito. Lalong naiyak si Kamille sa narinig mula sa Ama. Hindi niya alam na sa lahat ng iyon, sa likod ng inakala niyang pagtitiis nito sa kanila. Ang inakala niyang hindi nito pagmamahal sa kanila. Isa pa lang paraan nito para proteksyunan sila. Nagkamali siya. Hinusgahan niya ang sarili niyang Ama. "Daddy, I'm sorry. Hindi ko po alam. Nabulag ako sa galit ko sa inyo dahil pinagpipilitan n'yo akong magpakasal kay Norris." Sabi niya. "Patawarin mo ako, Anak. Kailangan kong gawin 'yon. Kailangan kong magkunwaring galit sa'yo. Pero ang totoo, sa isip at sa puso ko. Abot ang panalangin ko na huwag kang papayag. At masaya ako dahil hindi ka nagpadala sa sitwasyon. Lumaban ka. Kaya ng tumakas ka, hindi na ako nag-abala pang hanapin ka, dahil alam ko na mas ligtas ka kapag nasa malayo ka." Paliwanag ulit nito. "Daddy, bakit hindi po ninyo sinabi sa amin?" umiiyak na tanong ng Ate Karmela niya. "Dahil ayoko kayong madamay, tama na ako na lang ang naghihirap. Mahal ko kayong mga Anak ko. Hindi man ako naging mabuting Ama sa inyo. Kahit sa paraan na alam ko gusto ko kayong protektahan." Sagot nito. "Dad, you should've at least told me. Para natulungan kita." Sabi naman ng Kuya Kurt niya, maging ito ay hindi napigilan na lumuha. "Nasasaktan kami ng mga Anak mo na nakikita ka namin na nariyan sa loob." Dagdag pa ng Mommy niya. "Huwag kayong mag-alala, Dad. Lalakarin ng mga lawyers natin ang kaso mo. Ikaw ang main witness. Baka gumaan ang maging kaso sa'yo." Sabi pa ni Kurt. "Salamat, Kurt." "I'm sorry, Daddy. I'm so sorry." Umiiyak na sabi niya. "Mahal na mahal ko kayo. Hindi ko lang alam kung paano ko ipapakita sa inyo. Pero mahal na mahal ko kayo, lahat ng pagsisikap ko. Lahat ng pagtatrabaho ko, para sa inyong lahat iyon." Sabi pa ng Daddy niya. "Naipakita mo na sa amin kung gaano mo kami kamahal, Daddy." Sagot niya. "I love you, Dad." Lalong napaiyak ang Daddy niya sa huling katagang sinabi niya. Sa kabila ng rehas na bakal na nakapagitna sa kanila. Hindi iyon naging dahilan para hindi niya mayakap at maiparamdam sa Ama ang pagmamahal niya bilang isang anak na handang magpatawad at may pananabik sa pagmamahal nito. Sa isang iglap ay gumaan ang dibdib niya. Parang nawala ang tila isang dosenang hollow blocks na nakadagan sa puso niya. Kaysarap pala ng ganito ang pakiramdam. Ang mabuhay ng walang galit sa puso. Sabagay, sino nga ba siya para hindi magpatawad? Kung ang Diyos nga na may gawa ng lahat at perpekto ay nagpapatawad, siya pa kaya na isang tao lamang na nagkakamali. Sa kabila ng hindi magandang pangyayaring iyon, alam ni Kamille na hindi pa huli ang lahat para maayos ang nagulo nilang buhay. May pagkakataon pa sila para punuan ang mga puso nilang sabik sa pagmamahal ng isa't isa. "Nasaan na pala iyong pinakilala mo sa akin dati?" tanong pa ng Daddy niya, habang nagpupunas ng luha. Natahimik siya. Hindi niya alam ang isasagot dito. Pagkatapos kasi ng matinding komprontasyon nilang tatlo ni Norris. Sumama ang loob nito. Inakala nito na si Adrian pa rin ang mahal niya. Na-misinterpret nito ang sinabi niya kay Norris. Simula noon, hindi na siya nito kinausap. Sa tuwing susubukan niyang lumapit dito, umiiwas ito sa kanya. Kaya hinayaan na muna niya ito. Binigay niya ang panahon na gusto nito. Umiling siya. "Wala po siya. Hindi kami nag-uusap ngayon." sagot niya. "Get him, Kamille. Mukha siyang mabait at responsableng tao." Sabi pa ng Daddy niya. Nagulat siya sa sinabi nito. "Po? Akala ko ba ayaw n'yo sa kanya dahil hindi siya Chinese?" Ngumiti pa ang Daddy niya. "Hindi na mahalaga kung anong lahi siya galing, ang impotante ay kung sino ang makakapagpasaya sa'yo." Sagot nito. Masayang ngumiti siya at lumingon sa Mommy niya. "Mom?" tanong niya. "Walang problema sa akin, hija." Sagot naman nito. Napawi lahat ng natitirang lungkot sa puso niya. Ngayon na may basbas na ng mga magulang niya ang pagmamahalan nila ni Jester. Mas lalo siyang nagkaroon ng lakas para muling lapitan ito. Suyuin kung kinakailangan. Kahit na ano, gagawin niya, basta maiparamdam lang ang pagmamahal niya na ito ang mahal niya. "ANO? Okay na ba ang hitsura ko?" tanong pa ni Kamille kay Sam at sa mga kaibigan niya. Naroon silang mga kababaihan sa Rio's Finest. Doon sila nagtago dahil kapag sa Jefti's sila. Makikita ng magpi-pinsan ang pag-aayos niya. Baka mahalata pa ng mga ito na may plano siya. "Okay na Girl, ang ganda mo nga eh!" sagot ni Sam. "Sa tingin n'yo uubra ang plano ko?" tanong ulit niya. "Uubra 'yan!" sagot ni Marisse. "Oy teka, ano 'yan ah?" sabad at usisa ng isang babaeng buntis. Kasama nito ang asawa nito, mukhang masungit ang lalaki pero guwapo pa rin. Pinakilala na rin siya ni Marisse sa mga ito. Noong may sayawan sa covered court noong Valentine's Day. Ang mag-asawang Leo at Cassy. "Cassandra! Tara nood kayo!" yaya pa ni Marisse dito. "Anong panonoorin?" tanong pa nito. Nakita pa niyang sumesenyas ang asawa nito na huwag ng manood. "Kuya Leo, ang KJ mo talaga! Manood na kasi kayo! Noong ang mga love life n'yo ang bida dito sa Tanangco, nanonood kami!" pabiro pang sabi ni Marisse dito. "Oo nga naman, Babe. Nood na tayo! Na-miss ko ang mga ganitong eksena." Sang-ayon naman ni Cassy. "Ano Kamille? Gora na! Madami kaming susuporta sa'yo!" sabi pa ni Razz. "Baka naman kasi talikuran na naman ako eh, bukas na lang kaya." pagdadalawang-isip pa niya. "Tse! Ngayon ka pa uurong, kung kailan ready ka na." sabi ni Jhanine. "Pak! Mismo!" sang-ayon ni Razz. "Besides, seven days na kayong hindi nag-uusap. Kung kailan naman wala ka ng problema sa pamilya mo. Para matapos na 'to!" sabi naman ni Sumi. "Natatakot lang ako sa isasagot niya sa akin. Baka kasi ayaw na niya sa akin." Wika niya. Iyon ang katotohanan, sa ilang beses niyang pagtangkang pagkausap dito. At sa ilang beses din nitong pagtanggi. Tumanim sa isipan niya na mukhang ayaw na talaga nito sa kanya. Kung magkaganoon man, isa lang solusyon para maka-move on. Aalis na lang siya sa Tanangco. "Trust in your self. You love him, don't you?" tanong pa ni Kim. Bumuntong-hininga siya. Pagkatapos ay tumango siya. "Ito na ang huling beses na lalapitan ko siya, at susubukan na kausapin. Kapag tumalikod na naman siya. Aalis na lang ako dito sa Tanangco." Aniya. Natahimik ang lahat. "Serious ka, Girl?" malungkot na tanong ni Sam. Tumango siya. "Sisipain ko talaga sa atay 'yang si Teter kapag nag-inarte na naman 'yan!" nanggigigil na sabi ni Marisse. "Ano? Let's go! Nang magkaalaman na!" yaya pa ni Razz. "Una ka na, Girl." Sabi pa ni Marisse. Paglabas niya ng Rio's Finest ay bumilis ang t***k ng puso niya. Sa bawat paghakbang ng mga paa niya palapit sa bakuran ng bahay ng mga Mondejar ay mas lalong nadadagdagan ang kaba niya. Hindi niya alam kung anong magiging resulta ng muli niyang pagsubok para kausapin ito. Kapag tumanggi pa rin itong kausapin siya, isa lang ang ibig sabihin nito. Marahil hindi sila ang nakalaan para sa isa't isa. Pagdating niya sa tapat ng malaking gate ng mga Mondejar, naabutan niyang naglilinis ng kotse ito kasama ang mga pinsan nito. Hinintay muna niyang matapos ito bago tuluyang pumasok sa loob. "Can we talk?" diretso niyang tanong paglapit dito. Bumuntong-hininga ito. "What do you want to talk about?" seryosong tanong nito. "Ang lahat ng dapat natin pag-usapan. Ang lahat ng dapat natin bigyan ng linaw." Sagot niya. "Hindi pa ba malinaw ang lahat? Si Adrian ang mahal mo, hindi ako." Anito. Daig pa niya ang sinampal sa sinabi nito. Mabilis na nangilid ang luha niya. Nawala sa isip niya ang plano nilang drama, isang iglap naging totoo ang takbo ng lahat. Nabalot ng sakit ang puso niya, pakiramdam niya ay pinipiga iyon. "Hindi mo man lang nilinaw sa akin kung ano ang ibig kong sabihin sa sinabi ko kay Norris noon. Basta ka na lang nag-conclude. Hindi mo man lang ako tinanong," may hinanakit na wika niya. "Dahil ayoko ng masaktan ulit," mabilis na sagot nito. "Anong palagay mo sa nararamdaman ko ngayon? Sa tingin mo ba hindi ako nasasaktan. Akala ko noon, hindi ikaw ang tipong huhusga sa akin. Pero nagkamali ako, dahil sa bandang huli pala ikaw ang hindi nakakaintindi sa akin." Sabi niya. "You wanna know why?" nangingilid din ang luhang tanong nito. "Tell me!" sigaw niya. "Dahil kahit sa panaginip mo, si Adrian pa rin ang bukambibig mo! Kaya mo gustong makulong si Norris dahil kay Adrian. Dahil namatay ito ng hindi mo nasasabing mahal mo siya! Galit ka sa Daddy mo dahil kay Adrian, dahil ayaw nito dito! Puro na lang Adrian!" galit na sigaw nito. Sunod-sunod na umiling siya. "Oo! Galit ako dahil gusto kong makulong si Norris dahil kay Adrian. Noon iyon lang ang dahilan ko. Ngayon, may nadagdag na. Dahil gusto ko ng matahimik ang buhay ko, dahil natagpuan ko na ang lalaking nagbigay ng panibagong dahilan para muli akong mabuhay." Natahimik ito. "Akala ko noon, tuluyan ng masisira ang buhay ko. Pero binigay ka sa akin ng Diyos. Pinatunayan mo sa akin na may pag-asa pa, na kahit na gaano pa kabigat ang problemang hinaharap natin may rason pa rin tayo para muling ngumiti. Umikot ang buhay ko dati sa galit sa pagkawala ni Adrian. Pero ikaw, pinakita mo ang sarili mo sa akin at pinatunayan mong hindi lang si Adrian ang puwedeng magmahal sa akin at puwede kong mahalin. Palaging kang nariyan sa tabi ko, tinulungan mo akong makabangon. Hindi mo ako iniwan. Sa lahat ng oras ikaw ang nasa tabi ko. Sa sandaling panahon, minahal kita. Minahal kita ng higit pa sa pagmamahal ko kay Adrian." Umiiyak na paglalahad niya. "Kamille," "Patawarin mo ako kung nagkulang ako sa pagpaparamdam ng pagmamahal ko sa'yo. Kung talagang hindi mo pa rin ako napapatawad, naiintindihan ko. Mas mabuti pa sigurong umalis na lang ako. Para hindi ka mahirapan na kalimutan ako. Pero sana, maniwala ka na mahal kita." Aniya. "Goodbye, Jester." Pagtalikod niya. Bumagsak ng tuluyan ang mga luha niya. She felt like her heart crashed and turned into thousand pieces. Mas masakit pa iyon sa nararamdaman niya noong namatay si Adrian. Dahil sa pagkakataon na iyon, pakiramdam niya, siya ang namatay. Naglakad siya palayo sa lalaking minamahal. Iyon na yata ang pinaka malungkot na araw sa buhay niya. Akala niya, ng maramdaman niya ang pagmamahal ni Jester. Hindi na siya muli pang luluha. Pero nagkamali siya. Gusto na yata niyang magtampo sa tadhana. Bakit ba palagi na lang siyang umiiyak? Bakit ba puro masaklap ang pangyayari sa buhay niya? May nagawa ba siyang mali para magkaganito? Kinuha niya ang nakahandang luggage na hawak ni Marisse. Gaya ng sinabi niya dito, aalis na lang siya. Totoong nilagay niya ang mga damit sa loob niyon. Ang ibang mga gamit ay babalikan na lang siguro niya. "Is this for real, Kamille?" malungkot na tanong ni Marisse. Tumango siya. "Girl, are you sure?" tanong din ni Sam. Malungkot siyang ngumiti. Ayaw man niyang iwan ang mga kaibigan niya at ang masayang lugar na iyon. Wala siyang mapagpipilian, iyon ang tamang gawin sa ganitong pagkakataon. Tinulungan siya ni Miguel at Marvin na isakay ang luggage niya sa likod ng kotse niya. Bubuksan na lang niya ang pinto ng kotse niya ng may isang braso ang humarang dito. "Wait," Kumabog ang puso niya. Paglingon niya, si Jester ang naroon at nakatayo sa likuran niya. Kung kanina ay may bahid ng hinanakit ang mga mata nito, ngayon ay tila nawala lahat ng iyon. Tanging pagsusumamo ang nakikita niya doon. "I'm giving you what you want, Jester. I'm leaving." Sabi pa niya sa pagitan ng pagluha. "No, please. Do not leave." Pakiusap pa nito. "Why?" tanong niya. "Dahil ayokong mawala ka sa akin. Ayokong lumayo ka." "Ayaw mo akong mawala? Pero ayaw mo rin akong kausapin. Hindi ko na alam kung saan ko pa ilulugar ang sarili ko sa'yo." "I'm sorry, if I acted that way. I'm jealoused. I got insecure about Adrian." Pag-amin nito. "Jester," "Nang makilala kita, pinukaw mo ang isang bahagi ng puso ko. Pagkatapos kong masaktan noon, inalis ko na sa isip ko ang magmahal, lalo na kung pangalawa lang ako sa puso ng mamahalin ko. Pero dumating ka sa buhay ko ng wala man lang abiso. Sa isang iglap, tumibok ang puso ko para sa'yo. Natuto na naman akong magmahal. Nakita ko ang lungkot sa mga mata mo, sinabi ko sa sarili ko, gusto kong ako ang magbalik ng saya sa mga mata mo. Ninais ko ng makita ang mga ngiti mo. At sa pagdaan ng mga araw, minahal kita. Hanggang sa naging mahal na mahal na kita. Hanggang sa hindi ko na kayang mabuhay ng wala ka." Daig pa ng tinangay ng ipu-ipo ang nararamdaman niyang sakit sa dibdib niya. Gusto yatang umangat ng mga paa niya sa sobrang saya. Hindi niya alam na ganoon siya kamahal ni Jester. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Nasaktan ako sa sinabi mo na mahal mo pa rin si Adrian. Pakiramdam ko naging panakip butas lang ako. Akala ko, ginamit mo lang ako para tuluyan ka ng maka-move on sa kanya. Nang banggitin mo si Adrian noong araw na humarap tayo sa Daddy mo, mas naramdaman ko na si Adrian pa rin ang ipinaglalaban mo at hindi ako. Maging kay Norris ay ganoon din. I felt so left out. Nasaktan ako ng husto kaya minabuti ko na lang na hindi na muna makipag-usap sa'yo. Gusto kitang bigyan ng panahon para pag-isipan kung ako ba talaga ang mahal mo, o hinahanap mo lang sa katauhan ko si Adrian." Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito. Pagkatapos ay umiling siya. "Hindi. Hindi totoo lahat ng 'yan. Minahal kita dahil ikaw si Jester, ang lalaking malakas ang loob na makialam sa problema ko. Ang nagbalik ng sigla sa puso kong nabalot ng yelo. Ikaw ang lalaking minahal ko ng higit pa sa kahit na kanino dito sa mundo." Sabi niya. Gumuhit ang magandang ngiti sa mga labi ni Jester. And how she loves to see him smile. Dahil sa bawat pagngiti nito sa kanya, mas lalo siyang nai-in love dito. "Natakot ako ng makita kong aalis ka. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko. You are my heart's desire. And that's all I know. I said this before, and I will say it again. Hindi ako aalis sa tabi mo, kahit na anong mangyari. Nandito lang ako. At wala ng makakapagpabago niyon." Sabi pa ni Jester. Pagkatapos ay kinulong siya nito sa mga bisig nito at mahigpit siyang niyakap nito. Gumanti siya ng yakap. Wala na yatang mas sasaya pa sa kanya ng mga sandaling iyon. Hiniling niya noon sa Diyos na matapos na ang problema niya sa pamilya niya maging kay Norris. Dininig Nito ang panalangin niya, mas higit pa ang binigay niya. Pinadala Niya si Jester sa buhay niya, hindi lang bilang isang lalaking magbibigay sa kanya ng saya at inspirasyon. Kung hindi ang magmamahal ng tunay at wagas sa kanya. "Wo zhen de hen ai ni Jester, wo mei neng ai bie ren jiu zhi you ni," aniya. Nilayo siya nito, saka kunot ang noo na tumingin ito sa kanya. "Anong ibig sabihin no'n?" tanong nito. Napangiti siya. "Ang sabi ko, Mahal na mahal kita, Jester. Wala na akong mamahalin pa kung hindi ikaw lang." Sagot niya. "Ah," anito habang tumatango pa. "Kaluguran na kaluguran daka, ita mu ing balu ku, ala ng paliwanag pa." sabi pa nito. "Ha? Ano 'yon?" Natatawang tanong naman niya dito. Hindi niya akalain na sa kabila ng kaguwapuhan nito, marunong itong magkampapangan. Tumawa ito. "Ang sabi ko, Mahal na mahal kita, iyon lang ang alam ko. Wala ng paliwanag pa." Mataman siyang tinitigan nito. Pagkatapos ay tinawid na nito ang pagitan nila. At sa paglapat ng mga labi nila, isang pangako ang binitiwan nila sa isa't isa. Kahit ano pa ang dumating napagsubok sa kanila. Magkahawak kamay nilang haharapin iyon. Kasama ang Diyos na siyang nasa gitna sa relasyon nila. "Wow! What a show!" narinig nilang sigaw ni Marisse. "Grabe ah, akala ko talaga lalayas na talaga si Kamille." Dagdag pa ni Sam. "Aw! Nakakainis naman! Wala na si Jester, paano na ako?" pabiro na pagmamaktol ni Kim. "Tumahimik ka nga diyan! Hindi ka na nahiya!" mabilis na saway ni Mark dito. "Isa kang malaking, Tse! Sinabi ko bang kausapin mo ako!" pagtataray nito. "Hoy! Tama na 'yan ba!" awat ni Kevin sa kanila. Naghiwalay sila, saka masayang hinarap ang mga kaibigan nila. Binati sila ng mga ito. "Oh, ayan ah? Okay na kayo? Wala ng hiwalayan, at sana wala na rin Norris." Sabi pa ni Sumi. "Game! Taguan na tayo! Sino taya?" ani Wesley. Walang nagsalita sa kanila. Sa dalawang tao lang napako ang mga tingin nila. Kay Kevin at Marisse. "Ang sama ng tingin n'yo ah, ano? Sapakan na lang!" pabirong panghahamon pa ni Marisse sa mga ito. "Kayo na taya, ang dami pang arte eh!" sabi pa ni Gogoy sabay tulak kay Kevin palapit sa una. "Game na!" sigaw ni Marvin. "Dadang ko, halina't pumasok na tayo. Hayaan na natin ang mga iyan sa paglalaro nila." Pagyaya ni Lolo Badong sa asawa nito. "Aruuu! Ke lalaking damulag na naglalaro pa ng taguan!" komento pa ni Lola Dadang. "Sus, huwag mo nga silang pakialaman. Tayo na't pumasok na sa loob ng bahay, at ng tayong dalawa naman ang magtaguan." Sabi pa ni Lolo Badong. "Heh! Tumigil ka nga diyan, Badong! Ipukpok ko sa'yo iyang tungkod mo eh!" saway ng esposa nito. Nagtawanan sila. Natutuwa si Kamille na pagmasdan ang dalawang matanda. Sa kabila ng mga edad nito. Kitang kita pa rin ang pagmamahal nila sa isa't isa. "Tayo kaya, maging ganyan din?" tanong niya kay Jester. Humarap ito sa kanya. Saka ngumiti sa kanya. Hinawakan pa nito ang dalawang kamy niya. "Oo naman, kahit puro gilagid ka na. Mamahalin pa rin kita." Sagot nito. "Talaga?" "Oo," "Kahit na kulubot na balat mo, at maputi na buhok mo. Hindi magbabago ang pagmamahal ko sa'yo." Sabi pa nito. "I love you, Jester." "I love you too, Kamille." Then, they kissed again. Ah, kaysarap talaga ng umiibig. Kahit na ano pang pagdaanan mo. Alam mong kakayanin mo, dahil nariyan ang minamahal mo sa iyong tabi. "Hoy, Pengkum naman oh! Mamaya na 'yang halikan n'yo!" sigaw ng mga ito sa kanila. Pero hindi nila pinansin ang mga ito. Mamaya na kayo. Dito muna ako sa mahal ko! WAKAS/ THE END. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD