Three months later
“Ito bayad ko ganda! Pasensya na at wala akong GSash kaya cash na lang bayad ko sayo,” Saglit ko pang nginuya ang bubblegum na kanina ko pa nginunguya bago ito iluwa at itapon sa basurahan.
“Okay lang, salamat.” Saad ko rito na walang anumang reaksyon at inabot ang bayad nito sa akin.
Nginitian pa ako ng lalaki na may gintong ngipin sa gitna na hindi ko man lang pinansin at umalis na. Bumaba ako sa apartment na pinuntahan ko at tumingin sa kalangitan.
“Hapon na pala,” Saad ko habang nakatingin sa kalangitan. Inilugay ko ang nakatali kong buhok pagkatapos ay hinawi ko ito upang umayos. Sobrang pawis na rin kasi ako kakadala ng mga binili ng mga kliyente ko.
Naglakad ako paalis upang makauwi ng maaga at makapagpahinga. Ilang minuto lang ay nakarating ako sa inuupahan kong maliit na apartment. Mabuti nga at may nahanap akong mumurahin lang ang upa kaya kinuha ko na ito kahit na alam kong may namatay na rito noon.
Agad kong sinalampak ang katawan ko sa aking higaan dahil sa pagod at hinayaan ang sariling tumingin sa kawalan. Ilang buwan na nga ba ang nakalipas?
“Tatlong buwan,”
Sagot ko sa aking sariling tanong. Tatlong buwan na ang lumipas simula nang huminto ako sa pagmamaneho dahil sa isang aksidente kung saan nadamay ako. Isang aksidente na tinakbuhan ko dahil ayokong madamay sa kanilang gulo.
Napabuntong hininga ako. Kinuha ko ang cellphone ko at pinakititigan ito dahil nagdadalawang isip ako kung papasok ba ulit ako sa dark web site o hindi ngunit sa huli ay napagpasyahan kong i-activate muli ang account ko noon.
Saglit kong pinatay ang gps location ko upang hindi ma-trace ang lugar ko. Pagkatapos ay nagtipa ako sa browser ng isang site na mahirap bigkasin at in-enter ito. Maya-maya lang ay lumabas ang isang website na ilang buwan kong hindi nakita.
“It’s been a while, huh?” Naiiling kong wika habang nag-scroll sa dark web na pinasukan ko. Sunod-sunod na lumabas ang mga post na bago. May mga post na may hinahanap na tao, post na nagbebenta ng mga babae at lalaki, droga at ang pinakahuling nakita ko na bagong post lang ay nagpahinto sa akin sa sobrang kaba.
Wanted:
A hot woman who drives a car so fast! We’ve been trying to catch her for months but we can’t find her. Also, she deactivated her account here even before we find her. If you happen to know her, contact us and we will reward you!
Reward: 1,000,000 Pesos
Bigla kong nabitawan ang cellphone ko sa higaan sa sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko. Ako ba ang tinutukoy sa post?
“No way! Ako lang ba ang babaeng mabilis magmaneho? Isa pa, hindi naman ako hot!” Kinakabahang wika ko sa aking sarili. Umupo ako sa pagkakahiga at tumikhim upang mawala ang kaba ko.
Ang totoo niyan ay wala akong pakialam kung ano man ang mangyari sa akin. Wala akong pakialam sa buhay ko dahil wala naman akong inuuwian pang pamilya kaya walang problema kung bigla na lang akong mamatay isang araw pero hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman ang takot at kaba sa aking dibdib.
Nalingon ko bigla ang cellphone ko nang bigla itong tumunog. Nang kuhain ko ito upang tignan ang notification ay bigla na lang akong napapikit ng mariin at in-exit ang website na binuksan ko. Agad ko ring binura ang history ng browser at in-off ang cellphone ko.
“Ang bilis nilang kumilos,” Ang nasabi ko na lang nang makita kanina ang mensahe sa akin ng taong nag-post tungkol sa akin.
B_Swan
Sa wakas at bumalik ka ulit, Ms. Hottie! See you later!
Dahil sa taranta ay agad akong tumayo at kinuha ang malaki kong bag at mabilis na pinasok ang mga gamit na kailangan ko at damit. Mabilis kong sinuksok ang mga ito sa aking malaking bag na puputok na sa sobrang daming laman.
“Kailangan kong magmadali. Madali na lang nila akong mahanap,” Kabadong sambit ko sa aking sarili.
Nang masiguro kong wala na akong nalimutan na mahahalagang gamit at mabilis kong sinukbit ang bag sa aking likod at lumabas ng apartment. Saglit ko pa itong tinignan at napapitsik.
“Sayang naman hulog ko ngayong buwan, tsk. Bahala na nga!” Kunot noo kong singhal at malalaking hakbang na umalis.
Sa aking paglalakad ay may nakita akong nakasampay na itim na sumbrero kaya mabilis at palihim ko itong kinuha at sinuot sa aking ulo. Napangisi ako sa ginawa ko.
Nang makarating sa tawiran ay huminto ako upang maghintay ng taxi ngunit wala niisang nagpapasakay sa akin.
“Doble ho ibabayad ko sa inyo, Manong. Pasakayin niyo lang ho ako,” Mahinahon kong sambit sa humintong taxi sa akin ngayon. Tinignan ako nito mula ulo hanggang paa at tinaasan ng kilay.
“Saan punta mo?” Tanong nito habang sinusuri ako. Hindi ko pinansin an panunuri nito. Saglit akong tumingin sa paligid upang masiguro kong walang nakasunod sa akin bago humarap sa driver.
“Sa Makati ho, sir. Nagmamadali lang po ako,” Sambit ko na naiinip ngunit ang driver na ito ay tila iniinis ako ng sobra dahil sa tagal nitong mag-isip at sa rami nitong tanong.
“Sigurado ka bang dodoblehin mo bayad? Triple niyo na po, Ma’am, kung okay lang.” Sambit nito at ngumiti sa akin ng nakakaloko. Dahil sa inis ko ay malakas kong sinarado ang pinto ng kanyang taxi hanggang sa mabingi ito at lumakad paalis.
Narinig ko pa ang sigaw nito sa akin na hindi ko na pinansin sa sobrang inis. Dahil sa pag space out ko ay hindi ko namalayan na may isang itim na van na pala ang huminto sa harapan ko at bumaba ang mga nakaitim na t-shirt na lalaki at pilit akong pinasok sa loob.
“Anong kailangan niyo sa akin mga tukmol kayo?! Ibaba niyo ako!” Sigaw ko habang nagpupumiglas ngunit ramdam ko ang panghihina ko sa mga taong ito dahil sa lakas ng kanilang pagkakahawak sa akin na tila gusto na nilang ibaon ang kanilang palad sa katawan ko.
Nagsimulang umandar ng mabilis ang itim na Van kaya natataranta akong nagpumiglas at kinatok ang salamin ng bintana upang humingi ng tulong.
“Sobrang kulit mo ha? Heto, matulog ka muna!” Singhal ng lalaki sa tabi ko. Huli na nang ma-realize ko ang pagtakip nila ng panyo sa akin na tila may pinaamoy na pampatulog.
Unti-unti kong naramdaman ang pagpikit ng mata ko dahil sa bilis ng epekto ng amoy sa akin ngunit nakapagsalita pa ako ng mahina dahil sa nangyari sa akin.
“P-Pastilan kayong l-lahat.”