MALALIM at sunud-sunod na buntonghininga ang pinapakawalan ni Karenina para pigilan ang maiyak na naman ulit. Sobrang sama ng loob niya. Bakit ba ayaw nitong sabihin kung bakit nanganganib ang buhay niya? Wala naman siyang inagrabyadong tao. Buong buhay niya naging mabait naman siya. Nang bumalik siya sa harap nito kanina at tinanong niya ito kung bakit nanganganib ang buhay niya pero pagod lang siya nitong tiningnan at walang paalam na iniwan siyang nakatanga roon. Kaya dumeretso na lang siya rito sa kuwarto at dito niya iniyak lahat ng sama ng loob niya. Napaangat ang tingin niya sa may pintuan nang may kumatok doon. "Ma'am Karenina, papasok po ako. May dala po akong pagkain para sa inyo." Boses ni Lelit ang narinig niya. Mabilis niyang inayos ang sarili at pinahid ang mga luha.

