Nasa ganoong pag-iisip si Tuesday nang bigla siyang matigilan. Napatitig siya sa umiiyak na pinsan. Hindi kaya ganoon na lamang ang pag-iyak nito ay dahil may dapat na itong habulin sa Romnick na iyon. Na kaya ganoon na lamang ang pamimighati nito ay dahil may dapat nang panagutan si Romnick sa pinsan niya?
“Karylle, tapatin mo nga ako,” bigla ay nasabi niya. “May… may… may ano na ba? May… may dapat bang panagutan sa ‘yo si Romnick?” kinakabahang tanong niya rito.
Ngunit tila wala sa sariling napatitig lamang ito sa kaniya, na wari ba ay hindi nito narinig ang sinabi niya.
“Karylle, naisahan ka na ba ng Romnick na iyon, ha? Magtapat ka sa akin, sabihin mo sa akin ang totoo. N-Naisuko mo na ba ang iyong ‘Bataan’? sa manlolokong iyon, ha?”
Sa sinabi niyang iyon ay pumalahaw lalo ito ng iyak. Naku! Nalintikan na nga… Mukhang naisahan na nga ng hinayupak na iyon ang pinsan niya.
“Ang walanghiyang iyon! Dapat siyang idemanda. Walanghiya siya!” napatayo nang turan niya. “Iyong tanda niyang iyon ay nang-isa siya ng batang-bata,” aniya na para bang disisais anyos lamang ang pinsan niya. “Mapapatay ko ang hayup na iyon. Dapat sa mga kagaya niya ay pinuputulan!”
“Puputulan? Aba’y sino ba iyang puputulan mong iyan, ha, Tuesday?” bungad ng kaniyang ina na hindi nila namalayang nakapasok na pala sa loob ng bahay. “Teka, sino ba’ang kaaway mong bata ka at parang galit na galit ka diyan?” usisa pa nito sa kaniya.
“Ah… Eh…” aniyang hindi magkandatuto sa isasagot sa kaniyang ina. Napatingin siya kay Karylle na agad namang nakapagpahid ng luha habang nakatalikod sa kinaroroonan ng nanay niya. Ilang sandali pa ay pumasok na rin ang Tiya Carmen niya sa loob ng bahay.
“Oh, nandito ka na pala, Karylle. Mukhang maaga ka yatang nakauwi ngayon, ah,” anito nang makita ang anak.
Nag-half day si Karylle sa trabaho nito nang araw na iyon dahil masama ang pakiramdam nito pero hula niya ay dahil masama ang loob nito sa loko-lokong nobyo nito. Sa sobrang bigat marahil ng dibdib nito ay naibulalas na nga nito sa kaniya na mag-iisang buwan nang hindi nagpapakita o nagpaparamdam man lang si Romnick dito.
“Kayo ba ay may problemang dalawa, ha, Tuesday?” tanong ng kaniyang ina.
“Ho? Eh kasi ‘Nay, si—“
“Naku, wala ho, Tiyang,” agad namang sabad ni Karylle na napatayo na at saka humarap sa mga ina nila.
“Oh, anak, ikaw ba ay umiyak? Bakit parang namumugto yata ang mga mata mo, ha?” puna ng kaniyang ina rito.
“Teka nga, ikaw ba ay natanggal sa trabaho?” hula naman ng ina nito, si Tiya Carmen.
“N-naku, h-hindi ho,” ani Karylle. “Nag-half day lang ho ako sa trabaho ko, ‘Nay, Tiyang,” anito. “Medyo masama ho kasi ang pakiramdam ko kaya minabuti ko munang magpahinga. Sobrang sakit ho pati ng aking ulo kanina kaya napaiyak na ako. Kaya ho dito na agad ako dumiretso kay Ate Tuesday. Mabuti na lamang po at nandito siya sa bahay.”
Lihim siyang napaismid at nais niya sanang dagukan ang kaniyang pinsan. Obvious na obvious na ayaw ipaalam ni Karylle ang totoong dahilan ng pag-absent at pag-iyak nito. At hindi pa natatapos ang pag-uusap nila. Hindi pa niya nakukuha ang sagot sa tanong niya rito kanina.
“Ah, ganoon ba?” ani Tiya Carmen.
“Eh, ano naman iyong narinig ko kanina na puputulan mo, ha, Tuesday?” baling sa kaniya ng kaniyang ina nang maalala nito ang naabutan nitong sinabi niya.
“Wala ho,” aniya. Sa ngayon ay pagbibigyan niya muna si Karylle kung gusto nitong huwag munang ipaalam ang lahat sa mga ina nila. “Naikuwento lang po niyang si Karylle iyong tungkol sa boss niya na salawahan. Kaya ang sabi ko ho, ang nababagay sa mga lalaking tulad n’on, eh, putulan—“
“Naku, ikaw talagang bata ka, oo,” tila naeeskandalong turan ng kaniyang ina. “Kung anu-ano iyang sinasabi at pumapasok sa utak mo.”
Tatawa-tawa lang naman ang kaniyang Tiya Carmen habang nakikinig sa usapan nilang mag-ina. Dadalawang magkapatid lamang ang mga ito. Kung ikokompara sa kaniyang ina ay pilya at cool lang ang Tiya Carmen niya. Seryoso masyado sa buhay ang kaniyang ina bukod sa ubod ng konserbatibo samantalang si Tiya Carmen ay mas open sa mga bagay-bagay. Kaya marahil ay hindi na nakapag-asawa pa ang kaniyang ina mula nang iwanan sila ng kaniyang ama. Kahit pa maraming nagtangkang ligawan ito ay hindi iyon pinansin ng kaniyang ina. Para dito ay kasal pa rin ito sa kaniyang ama at hindi magandang tingnan na tatanggap pa ito ng ibang lalaki.
Para sa kaniya ay tama naman ang desisyong iyon ng kaniyang ina, hindi dahil sa reputasyon o anumang maaaring sasabihin ng ibang tao, kundi para ganang kaniya ay hindi na dapat pang maulit na muling masaktan at maloko ang kaniyang ina. Tama na ang isang beses. Dahil ang tingin niya sa mga lalaki ay kapareho lang ng kaniyang ama na gago at manloloko.
Kahit pa naging mabuti at mapagmahal na asawa ang yumao niyang tiyuhin na si Tiyo Delfin sa kaniyang Tiya Carnen ay hindi naging dahilan iyon upang mabawasan ang galit niya sa mga lalaki. Hindi na muling nag-asawa ang kaniyang Tiya Carmen dahil katwiran nito ay wala na raw papantay pa para dito sa yumaong esposo nito. Masuwerte ito sa pag-ibig dangan lamang at maaga itong naging biyuda.
Samantalang ang kaniya namang ina ay malas sa pag-aasawa. Alam niya, darating at darating isang araw na magkikita sila ng kaniyang ama. At nais niya, pagdating ng araw na iyon ay buung-buo niyang maipamukha sa sarili niyang ama kung gaano kababa ang tingin niya rito at kung gaano ito kawalanghiya. Ganoon niya kinamumuhian ang kaniyang sariling ama.
Isang araw, sa loob-loob niya.
Ngayon at heto, isa na naman sa kapamilya niya ang nabiktima ng lalaking katulad ng kaniyang ama. At sa katauhan iyon ng kaniyang pinsang walang kamuwang-muwang, si Karylle. Napatiim-bagang siya.
“’Nay, tara na ho. Magpapahinga na ako para makapasok din ho ako bukas,” ani Karylle na lumapit na sa ina nito at niyakag na iyon patungo sa pintuan. “Ate Tuesday, salamat. Sa ibang araw na lang uli tayo mag-usap,” sabi ng kaniyang pinsan nang lingunin siya nito.
“O, sige,” aniya. “Huwag ka nang masyadong mag-isip pa ng kung anu-ano, ha. Magpahinga ka. At kapag nakita ko ang boss mo na manloloko at mapagsamantala ay tiyak na may paglalagyan siya sa akin. Itaga mo iyan sa bato,” paniniguro niya rito. “At ituloy mo pa ang kuwento mo, ha? Dahil may kailangan ka pang sabihin sa akin,” makahulugan pa niyang dagdag saka niya ito sinulyapan sa paraang pinandidilatan ito.
Agad naman itong nag-iwas ng tingin at bumaling sa kaniyang ina. “Tiyang, mauuna na ho kami ni Nanay,” paalam nito.
“O, siya, sige. Magpahinga ka na, ha?” sabi ng kaniyang ina.
Nang makaalis na ang mga ito at makalipat na sa kabilang bahay ay nanghihinang napaupo siya sa sofa. Dahil dumating na nga ang kaniyang ina at ang Tiya Carmen niya ay hindi niya nalaman kung may dapat na nga bang panagutan ang Romnick na iyon kay Karylle. Kung nagawa na ba ng kaniyang pinsan na isuko ang ‘Bataan’ nito sa lalaking iyon. At kung ganoon nga ang nangyari, posible kayang… Oh, my God! Posible kayang buntis ang pinsan niya?!
Na kaya umabsent ito ay totoong masama ang pakiramdam nito dahil naglilihi na ito at nagdadalang-tao na ito?
“Anak ng tokwa,” napalakas na bulalas niya.
“O, ano na naman ang problema mo riyan?”tanong ng kaniyang ina na abala na sa kusina. Naghahanda na ito ng lulutuin para sa kanilang hapunan.
“W-wala ho, ‘Nay. May bigla lang akong naalala,” sagot niya.
“Iyon na naman bang boss ni Karylle na salawahan?” usisa nito.
“Opo, ‘Nay, iyon nga,” aniya. “Bigla ko lang kasing naalala ang napakagaling kong ama.”
Kabisado naman na siya ng kaniyang ina maging ang kaniyang Tiya Carmen, alam ng mga ito kung gaano ang kaniyang galit sa kaniyang ama. Hindi na lamang kumikibo ang kaniyang ina kapag nababanggit niya ang kaniyang ama sa paraang suklam na suklam siya.
“O, tigilan mo na iyan at maninikip lang ang dibdib mo sa galit. Sarili mo lang pahihirapan mo niyan.”
Lihim na pinagmasdan niya ito habang abala ito sa ginagawa. Sa kabila ng edad nito ay mababakas pa rin ang taglay nitong kagandahan nang kabataan nito. Sa katunayan ay ligawin pa rin ito kahit na matagal na silang iniwanan ng kaniyang magaling na ama. Ang Tiya Carmen niya at ang kaniyang ina ay parehong morena ang kutis, parehong maganda at parehong madalas na mapili sa mga sagala noong kabataan ng mga ito. Sa mga ito nagmana ng kutis ang mga pinsan niya.
Namumukod-tanging siya lamang ang hindi nakamana ng morenang kutis ng mga ito. Dahil sa kaniyang ama niya siya nagmana ng pagiging mestizo nito. Sa inis pa niya ay maraming nagsasabing para daw silang pinagbiyak na bunga ng kaniyang ama dahil carbon copy nga siya nito. Kamukhang-kamukha kasi siya ng kaniyang ama. Siya ang female version nito. Isang bagay na labis ang kaniyang pagka-disgusto. Kung dangan naman kasing hindi na lang ang kaniyang ina ang kaniyang naging kamukha. Bakit kay Diosdado Madrigal pa niya nakuha ang mukha niya?
Kung minsan nga ay napapaisip siya kung hindi ba nakapagdudulot ng sakit at sama ng loob sa kaniyang ina sa tuwing makikita siya nito dahil naaalala nito sa kaniya ang kaniyang ama na nanloko at nang-iwan dito. Simpleng-simple lamang ito. Hindi ito maingay o mabunganga. Sa katunayan ay maasikaso ito hindi lamang sa kaniya kundi gayon din sa mga pinsan niya. Mapagmahal at maunawain ito. Ngunit sa kabila niyon ay nagawa pa rin itong ipagpalit sa ibang babae ng kaniyang ama.
Sa anong dahilan? Dahil sa pera? Maaari. Mayaman kasi ang babaeng ipinagpalit sa kanila ng kaniyang ama. Kung tutuusin ay puwedeng-puwedeng maghabol ang kaniyang ina dahil ito ang legal na asawa ng kaniyang ama. Ngunit hindi nito iyon ginawa. Nanahimik ito at nagpaubaya.
Muli ay nakaramdam na naman siya ng ibayong galit para sa kaniya ama. Isang araw ay magtutuos sila nito. Sisiguraduhin niya ang bagay na iyon. Pinaghahandaan niyang mabuti ang pagdating ng araw na iyon.
In the meantime ay kailangan muna niyang pagtuunan ng panahon ang problemang kinakaharap ng kaniyang pinsang si Karylle. Kung sakali mang totoo ang kaniyang hinala ay ngayon siya higit na kailangan ng kaniyang pinsan.
Pero huwag naman po sana, mahinang usal niya. Masyado pang bata si Karylle at maganda pa ang naghihintay na kinabukasan dito para lamang masira ng isang walang kuwentang Romnick Montenegro.
Romnick Montenegro, uunahin muna kita bago ang tatay ko. Maliit lamang ang mundo at magtatagpo rin ang mga landas natin. At kapag nangyari iyon, mata mo lang ang walang latay. Titiyakin ko na hinding-hindi mo makakalimutan ang magiging ganti ko sa ‘yo! Pagbabanta niya sa isip na para bang kaharap lamang niya ang tinutukoy na lalaki.