CHAPTER 7
LLIANNE JANE POV
Pag dating ko sa kumpanya, sinalubong agad ako ng pamilyar na eksena ang maingay ngunit buhay na hallway. Maraming empleyado ang naglalakad habang may hawak na mga folder, ang iba’y abala sa pakikipag-usap sa katrabaho, at karamihan ay may kape pa sa kamay. Ang tunog ng heels ko ay kumakalansing sa marmol na sahig, bawat hakbang ay umaalingawngaw, dahilan para bahagyang tumahimik ang ilan.
Ramdam ko agad ang mga matang nakasunod sa akin. Hindi na bago sa akin ang ganitong eksena ang mga titig na may halong takot, paghanga, o minsan ay inggit. Pero sanay na ako. CEO ako, at alam kong bahagi ng trabaho ang maging sentro ng atensyon.
Tahimik lang akong naglakad, diretso ang tingin, matikas ang postura. Ang suot kong black blazer at high heels ay lalong nagbibigay sa akin ng presensyang hindi basta basta lalapitan. Habang papaliko na ako sa may elevator, may umagaw sa atensyon ko isang mahinang usapan ng dalawang babae sa gilid, akala siguro nila hindi ko maririnig.
“Grabe talaga si Ma’am Llianne, kahapon daw may binato na laptop?”
“Oo nga! Sabi ni Jessa, muntik pa daw Si Fred tamaan. Kung hindi lang siya anak ni ma'am Hazel hindi sya mag mamana nito.”
Saglit akong natigilan. Narinig ko pa ang impit nilang tawa bago sila nagpatuloy sa paglalakad, walang kamalay-malay na malinaw kong narinig ang bawat salita.
Unti-unting nagbago ang pakiramdam ko. Mula sa pagiging kalmado, ramdam kong muling umaakyat ang init ng dugo ko. Napapikit ako, pilit pinapakalma ang sarili, pero hindi ko napigilan ang marahas na pagbuntong-hininga.
So ganito na lang ako pag-uusapan? Behind my back?
Pinagmasdan ko ang mga empleyadong nagdaraan lahat abala, pero tila biglang bumagal ang kilos nila nang mapansin ang pagbabago sa ekspresyon ko. Ang tingin ko’y malamig, matalim. Ilang segundo lang, halos walang gustong tumingin sa akin nang diretso.
Lumapit si Carmelle na kakarating lang, hawak ang clipboard. “Ma’am, good morning po! Nandito na po yung mga report na—”
“Later,” malamig kong sagot sabay lakad papunta sa elevator.
Pero bago ako tuluyang pumasok, nilingon ko sandali ang hallway ang dalawang babaeng kanina’y nagchichismisan ay nakatayo na sa dulo, halatang kabado. Tumingin ako diretso sa kanila, walang sinasabi pero sapat na ang tingin kong iyon para lamunin sila ng hiya at takot.
Pagkasara ng elevator, naramdaman kong kumulo pa rin ang dugo ko. Hindi dahil sa sinabi nila, kundi sa prinsipyo. Hindi ko kayang bastusin sa likod ng mga taong walang tapang na humarap ng diretso.
Sa salamin ng elevator, nakita ko ang sarili kong nakatitig pabalik ang babaeng tinatawag nilang “malupit,” “walang puso,” “terror.” Ngunit sa likod ng titig na iyon, ako rin ang babaeng pilit nagtatago ng sakit, ng pagod, at ng mga sugat na di nakikita ng iba.
Pinilit kong ngumiti nang mapait. “Fine,” mahina kong sabi sa repleksyon ko. “Kung gusto nila ng dragon… ibibigay ko.”
At pagbukas ng pinto ng elevator, handa na ulit akong harapin ang mundo at sinumang gustong tumikim ng apoy.
Pagkapasok ko sa opisina, agad kong isinara ang pinto. Tahimik. Ang tanging naririnig ko lang ay ang mahinang ugong ng aircon at ang mahinang tunog ng takong ko habang papalapit sa mesa. Nilapag ko ang bag ko, at napaupo ako sa swivel chair ko, marahan kong pinaikot ito habang pinipigilan pa rin ang init ng ulo kong dala ng mga narinig ko kanina sa hallway.
Ilang minuto lang, kumatok na si Fred at Carmelle bago pumasok. Pareho silang may dalang folder, laptop, at kape. Halatang nagmamadali silang kumilos para maiayos ang lahat bago ang meeting mamayang alas otso.
“Ma’am, eto na po lahat ng files na kailangan niyo para sa presentation. Nandito na rin po ang summary ng mga pending project proposals,” sabi ni Carmelle sabay abot ng folder.
Tahimik kong kinuha iyon at tinitigan silang dalawa. Ilang segundo akong di nagsalita kaya pareho silang nakaramdam ng kaba. Pinagmasdan ko muna sila, saka ako marahang nagsalita.
“Carmelle,” malamig kong sabi. “May tatanungin ako.”
Tumigil siya sa pag-aayos ng mga papel at agad napatingin sa akin. “Po, ma’am?”
“Sino yung dalawang babae na nag-uusap kanina sa may elevator? Yung dalawa na tila walang ibang alam kundi pag-usapan ang buhay ng ibang tao?”
Nagkatinginan si Carmelle at Fred halatang nag-aalangan kung sasabihin ba nila ang totoo. Ngunit nang makita nila ang titig ko, alam nilang walang saysay ang magsinungaling.
“Ma’am…” maingat na sabi ni Carmelle. “Si Bianca po at Shantel… pareho pong nasa design department. Lagi po silang magkasama. At—” napalunok siya, “madalas po silang napapansin kasi… maingay po talaga sila. Lalo na kapag break time.”
Tumango ako, nakapikit sandali habang pinipigilan ang sarili kong mapikon.
“Ah, ganon ba?” malamig kong sagot. “So may oras pa silang magtsismisan tungkol sa akin habang may mga backlog pa ang department nila?”
“Ma’am, baka po hindi naman nila—” putol ni Fred, pero agad kong tinaasan ng kilay kaya naputol ang sasabihin niya.
“Fred, gusto mong ikaw ang isunod kong pag-usapan sa meeting?”
Mabilis siyang umiling, “Hindi na po, ma’am!”
Huminga ako nang malalim at inabot ang tasa ng kape sa gilid ng mesa. Umusok pa ito, pero kahit mainit ay uminom ako ng isang higop, saka marahang tumingin muli kay Carmelle.
“Ako nang bahala mamaya nasa meeting naman sila.” Sabi ko nang walang emosyon.
Nakita ko ang pag-aalangan sa mukha ni Carmelle, pero tumango na lang siya. “Opo, ma’am.”
Bago sila lumabas, nagsalita pa akong muli, mas tahimik pero mariin.
“Hindi ko gusto ang mga empleyadong marunong lang magpalaki ng bibig pero hindi magaling magtrabaho. Gusto kong malaman nila ‘yan mismo mula sa akin.”
Pagkalabas nila, tumitig ako sa mga dokumento sa mesa, pero wala akong ganang basahin. Ang isip ko, muling bumalik sa dalawang pangalang iyon Bianca at Shantel.
Kung inaakala nilang mananatiling bulag at pipi ako sa mga ginagawa nila, nagkakamali sila. Hindi ko kailanman hinayaang bastusin ako ng kahit sino, lalo na ng mga taong hindi man lang alam kung paano magpakatotoo sa harap ko.
Gusto nila ng drama?
Napangisi ako nang malamig.
Bibigyan ko sila ng eksenang ‘di nila makakalimutan.