NANG magising si Trent kinabukasan ay agad na tumutok ang tingin niya sa sofa na nasa loob ng kwarto. Napataas ang isang kilay niya nang makitang bakante na iyon. Nakita din niya ng maayos nang nakatupi ang kumot na ginamit ni Yssabelle. Nasa condo niya si Yssabelle dahil sa kagustuhan ng Lola Mary niya na isama niya ito ng magpaalam siya na babalik muna siya ng condo niya pagkatapos ng trabaho. Gusto ni Trent tumanggi sa gustong mangyari ng Lola niya pero hindi niya magawa dahil alam niyang ipipilit ni Lola Mary na isama niya si Yssabelle sa condo niya. At doon pa lang ay may napansin na si Trent, nasagot din ang tanong sa isip niya kung bakit umuwi at naroon pa din sa Pilipinas si Lola Mary hanggang ngayon. Ngayon ay alam na niya ang dahilan kung bakit umuwi ulit ito ng Pilipinas.

