Chapter 20: Love and Obsession

4473 Words
Maingat na sinusuklayan ni Spartan ang mahabang buhok ni Delilah habang nasa harap sila ng malaki at antigong salamin na nakadikit sa magarbong sala ng mga Catacutan. Maya't maya ay tinirintas niya iyon gaya ng special request ng kinagigiliwan. Nang matapos ayusin ang buhok ay pinahiran naman niya ng liptint ang namumutla pang labi nito. "Ang ganda-ganda mo talaga, Besh!" tuwang-tuwa na paghanga niya. Marahan pa niyang dinampian ang labi nito ng loose powder upang hindi masyadong maging matingkad ang pagkapula at magmukhang natural ang tint. "Wow!" hindi makapaniwalang napabulalas ni Delilah habang pinagmamasdan ang sarili. "Ang cute ko nga! Mukha akong Korean idol, mwehehe!" paghanga niya sa sarili. "Artistahin na ba ako? Idol na ba ang datingan ko?" "Hindi man," pailing-iling na pagtutol ni Spartan. "Hmph! Basag-trip ka naman!" nakanguso na panunuplada niya. Bahagya pa siyang napikon dahil akala niya, hindi nga nagagandahan ang binata sa kanya. "Level up ka pa, girl," pagpapatuloy naman ng kausap kaya napangiti na siya at naglaho na parang bula ang pagtatampo. May paglalambing na tinapik pa siya nito sa ilong gamit ang makeup brush. "Para sa akin, ikaw ang pinakamagandang babae sa balat ng Earth, maging sa kalawakan. Angat sa outer space ang beauty mo! Maging mga aliens, mapapalingon sa iyo!" "Awww," touched na touched na nasambit na lang niya kasabay ng paghawak ng nag-iinit na mga pisngi. Pakiramdam nga niya ay nasa alapaap siya lalo na at narinig mismo sa iniibig na maganda nga siya. Alam naman niya na may itsura siyang maipagmamalaki pero iba talaga ang feeling kapag mismong si Spartan ang nagsabi sa kanya. "Pinapakilig mo naman ako masyado," pahayag niya. "Dahil diyan, pakilagyan mo na rin ako ng nail polish! Wait ka lang, kukunin ko muna sa cabinet ko!" Excited pa siya na nagtungo sa silid at hinalungkat ang vanity cabinet niya. Subalit, habang pabalik sa sala, biglang umikot ang kanyang paningin. "A-Anong nangyayari?" pagtataka niya. Nasa huling hakbang na siya ng hagdanan nang tuluyan nang magdilim ang natatanaw niya. Hindi na niya namalayan na matutumba na pala siya kung hindi lang siya nasalo at tinapik-tapik ni Spartan sa balikat upang matauhan. "Delilah!" aligagang pagtawag nito sa kanya. "H-Ha?" tulirong tugon niya. Kumurap-kurap siya at pilit na ginising pa rin ang diwa kahit na bumibigat na ang talukap ng mga mata at nanghihina ang mga tuhod. Naramdaman na lang niya na binubuhat siya ng binata at inaalalayan na makaupo sa sofa. "Ano ba 'yun? Parang bigla akong nag-blackout!" litong-lito na pag-uusisa niya. Nabahala si Spartan nang dahil sa nasaksihan. Malakas ang kutob niya na hindi pa rin tumitigil ang kalaban at pinagbabalakan pa rin ng masama ang dalaga. Nakaramdam din siya ng takot dahil mukhang napakalakas ng magkukulam at mabagsik na kaaway. Naglalagay na nga siya ng asin at nagpapausok din ng insenso sa paligid ng bahay pero hindi niya matanggap na nagagawa pa rin nito na atakihin si Delilah. Kabado man ay hindi niya pinahalata upang maiwasan na matakot din ang kaibigan. Nababahala man, sinikap pa rin niya na huminahon. Para sa kanya, hindi ito ang panahon para magpatalo sa sa takot lalo na at si Delilah pa ang ipinagtatanggol niya. "Ano ang pakiramdam mo?" pangungumusta niya. "May masakit ba?" "Wala naman. Medyo nahihilo lang." Umupo siya sa tabi ng dalaga at marahan na sinalat ang noo nito. "Hindi yata normal ang temperature niya," tahimik na pakikiramdam niya sa kalagayan nito. "Bakit malamig ang balat niya at namamawis pa siya nang malapot? Parang yelong natutunaw ang salat ko. Lagot, masama na ito! Isa itong senyales na naglalaban na naman ang kaluluwa niya!" hiyaw ng kanyang isipan. "Paano ko ba siya matutulungan?" Naalala niya ang padalang pandagdag na proteksyon sa kulam ng pinsan kahapon lamang. Ibinigay ito sa kanya bilang backup kung sakaling hindi umepekto ang banal na langis, asin at insenso. Tahimik siyang nanalangin na sana ay tumalab na ang anting-anting na itaboy ang masamang elemento o kapangyarihan na masigasig na kunin si Delilah. Iyon na ang huling alas niya kaya umaasa siya na matatalo na ang 'di kilalang kaaway. "Sandali, may ipapasuot ako." Nagmamadali siyang nagtungo sa silid at kinuha mula sa drawer ang bracelet na may nakapalibutan ng bilog na red corals at banal na kahoy. Pagbalik sa sala ay marahan niyang inabot ang kaliwang kamay ni Delilah at itinali ang pangontra-kulam. "Huwag na huwag mo munang huhubarin," mariin na instruksyon niya. "Maligo, kumain o kahit ano pang gagawin mo, hindi mo dapat tatanggalin 'yan." "Hmmm, anti-bad luck ba ito?" pag-uusisa ni Delilah habang pinagmamasdan ang kakatwang anting-anting. Sa unang tingin ay mukhang ordinaryong palamuti lang iyon pero laman niyon ang enerhiya na poprorekta sa kanya. "Pwede rin pero mas ginagamit 'yan kontra sa mga masasamang elemento at kulam. Tutulungan ka niyan na lumaban pero iwas stress at pagod ka pa rin. Aalalayan niyong dalawa ang isa't isa kumbaga. Kapag kasi nanghina ang espiritu mo, posible pa rin na mawalan ng bisa 'yan." Makailang beses na sinuri ni Spartan na mahigpit at maayos ang pagkakatali ng bracelet. Inangat at ibinaba pa niya ang braso ni Delilah upang siguruhing hindi malalaglag. "Kapag sa tingin mo, may kakaiba kang nararamdaman, magsabi ka sa akin," kasunod na panuto naman niya. "Huwag mong sarilihin ang problema. Sikapin natin na maging positive palagi ang feelings mo para tuluyan nang matalo kung sino o ano man na gumugulo sa iyo." "Hindi ko nga alam kung sino ang nagbalak sa akin nito. Sa pagkakaalam ko, wala naman akong nakaaway. Sa totoo lang, natatakot na talaga ako," malamlam ang mga matang pag-amin na ni Delilah. Ilang sandali lang ay nangilid na ang luha sa mga mata niya nang dahil sa magkahalong trauma at pagod. "Kapag gabi na, pakiramdam ko ay babalikan ako ng kalaban kaya nagigising ako ng madaling-araw at naiiyak na lang. May mga panahon na medyo naiinis na ako sa sarili kasi natutulala pa rin ako kahit anong laban pa ang gawin ko. Palagi ko pang naiisip na baka mawalan na naman ako ng malay o ma-comatose kaya nagkaka-anxiety na yata ako." Naawa si Spartan sa kalagayan ng minamahal na batid niyang nagpapakatapang pero halatadong takot na takot pa rin. Kung maaari lang sana niyang kalabanin na katulad lang ng mga aswang ang takot na dinaranas ni Delilah, ginawa na niya. Upang kumalma na at hindi tuluyang maiyak ang dalaga, inakbayan na lang niya ito at hinaplos ang balikat. "Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Matatalo rin natin 'yan," paniniguro niya upang lumakas ang loob ng sinusuyo. Kaagad na huminahon naman na ang katabi at sumandal sa kanyang balikat upang magpahinga. Maglilimang gabi na kasing walang matinong tulog si Delilah kaya aminadong pagod na pagod na. Ganoon pa man, pasalamat siya na maaasahan si Spartan at ramdam niya ang sinseridad na hindi nga siya iiwanan nito kahit anong nilalang, halimaw o delubyo man ang dumating sa kanilang buhay. "Thank you talaga, bebe ko," puno ng lambing na pagpapasalamat niya. "Isa kang hulog ng langit sa akin!" "Wala 'yun! Ikaw pa!" nakangiting tugon naman ng binata kaya nabalot na ng tuwa ang puso niya at nakalimutan na ang kaba sa pagkahilo kanina lamang. "Matanong ko na rin at baka magka-ideya ako kung "the who" 'yan impaktang gumugulo sa iyo," paninimula nang magsaliksik ni Spartan. Gusto na sana niyang tanungin si Delilah noon pa pero nag-alangan lang siya dahil baka ma-stress ito. Ipagpapaliban na sana niya hanggang sa maka-recover ito pero sa mga nangyayaring kakaiba, naisipan niyang ito na ang tamang panahon para malaman ang mga detalye ng bangungot. "Ano ba ang nakita mo sa panaginip? Paki-describe nga 'yun mga pangitain. I-analyze natin at baka magka-clue tayo." "Madilim," paninimula ng magkuwento ni Delilah. "Sa natatandaan ko, nasa loob ako ng malaking bahay pero walang bintana o pintuan. Ang tanging nakikita ko lang ay ang kitchen, atsaka imahe ng isang lalaki..." "Lalaki?" pag-uulit ni Spartan. "Sino?" "Oo, hindi ko sure kung nagdedeliryo lang ako, ha. At hindi rin ako nagbibintang na may kinalaman siya rito. Pero kitang-kita ko talaga si Samson e. Akala ko nga noong una, ikaw. Hanggang ngayon, nangingilabot ako na malamang siya ang kasama ko sa iisang bahay. Doon sa panaginip, mag-asawa na raw kami." Bahagyang kumirot pa ang kanyang ulo habang inaalala ang mga detalye na medyo malabo na rin sa kanyang memorya. Panandalian muna siyang pumikit upang mas mag-concentrate at mailarawan nang maayos ang mga nasaksihan. "Tinakot pa niya ako. Ang sabi niya, patay ka na kasi hinahabol mo raw ako kahit mag-asawa na kami. Klarong-klaro pa na chinop-chop pa niya ang puso mo," pagpapatuloy niya. "Pagkatapos, ang gulo-gulo na ng nakita at narinig ko. May mga parang boses pa na galing sa hukay at parang halimaw na umuungol. Basta, ang creepy, dinaig pa ang horror movies! Ayaw nila akong pakawalan kahit na nagkulong pa ako sa silid! Mabuti na lang at narinig ko ang boses mo na tumatawag sa akin. Ang huling tanda ko nga, nagising na ako at katabi kita. Laking-pasasalamat ko na hindi totoo na nasawi ka sa kamay ni Samson!" Nabalot ng kilabot ang kabuuan ni Spartan nang mapagtantong matindi ang galit sa kanya ng kumukulam kay Delilah. Pihadong hindi lang ito kuntentong pagmukhaing patay siya sa panaginip. Sa pamamaraan ng pagkasawi niya roon na tinadtad ang puso, napagtanto niya na iisang tao lang ang posibleng makakaisip sa kanya ng ganoon. "Hindi sa tinatakot kita, pero mental conditioning o manipulation ang ginawa ng mangkukulam sa iyo," pagbibigay na ng babala ni Spartan habang inaanalisa ang bawat anggulo ng kwento ni Delilah. Mas nabahala siya nang malaman na pinagmumukhang patay pa siya sa kamalayan ng dalaga upang kumbinsihin na wala ngang pag-asang may magliligtas pa. Halos lahat ng parte ng nasa bangungot ay may kinalaman sa pagpapahina sa pag-iisip ng nililigawan, pananakot at pilit na pagpapalimot na siya ay buhay pa. "Besh, iwasan mo muna si Samson. Masama ang kutob ko," instruksyon niya, hindi dahil sa takot sa maaaring gawin nito sa kanya kungdi dahil sa maaaring gawin na masama nito kay Delilah, katulad ng panggagayuma o brainwashing. "Hindi magandang magbintang pero iba talaga ang feeling ko." "Wala naman yata sa tipo niya ang may lahing mangkukulam," pag-aanalisa rin ni Delilah. "Pero hindi rin malabo na magawa niya kasi possessive at may obsessive behavior siya!" "Kaya nga mainam na mas maging maingat. Siya lang kasi ang alam ko na posibleng may sama ng loob sa atin-" Natigilan na magsalita si Spartan nang marinig ang tinig ng lalaking pinagdududahang puno't dulo ng gulo. Dinig sa labas ng gate ang pagtawag nito sa dalaga. Maya't maya ay tumunog ang cellphone ni Delilah at gaya nang inaasahan, si Samson nga iyon. "Speaking of the devil! Grabe naman! Bakit ba ako nakatagpo ng lalaking ganito! I feel like he's even stalking me!" desperadong pagrereklamo na niya na ikinabahala rin ni Spartan. "Anong gagawin natin?" pagpa-panic niya. Napaluhod pa siya bigla upang magtago sa likod ng TV sa takot na makita siya ni Samson na nasa sala. "Huwag kang mag-alala, akong bahala," pagpapakalma ni Spartan sa kanya. Marahan pa niya itong inalalayan upang makaakyat na sa silid. "Dito ka lang. Huwag ka munang lalabas ng bahay, ha?" "Mag-iingat ka rin," pahabol na panuto ng dalaga bago siya iniwan muna ng kaibigan. Dali-daling lumabas ng tahanan ang binata upang mapigilan na mapapasok ng mga guards ang karibal. Halos patakbo na siyang nagtungo sa may tarangkahan pero naunahan na pala siya ni Armageddon, ang ama ni Delilah. Ito rin ay nagmamadaling lumabas at may hawak pa na butter knife kaya hindi niya alam kung mangingilabot ba sa mabangis na ginoo o magpapasalamat na naharangan na si Samson. "Malapit ko nang sisentahin ang mga guard ko rito!" pigil sa inis na pinaringgan nito si Samson na nasa bungad na ng gate. "Ang sabi ko, huwag magpapapasok ng mga makakapal ang mukha!" Napalunok nang malapot si Samson dahil siya rin ay aminadong nasisindak ni Mr. Catacutan. Nasaktan man sa pagturing sa kanya ng lalaki, pinanindigan na niya ang kapal ng mukha dahil nais lang naman niyang makita si Delilah. Nag-aalala siya dahil magdadalawang linggo na itong hindi nakakapasok sa unibersidad. "Good morning po. Dumadalaw lang po ako kay Delilah..." "Kanina, maganda ang umaga ko. Pero noong dumating ka biglang nag-iba ang ihip ng hangin," may tono ng panunuplado na tugon ni Mr. Catacutan na aminadong hindi gusto ang kausap para sa anak. Hindi rin niya maitago ang inis dito dahil makailang beses na siyang sinubok na isabotahe ng ama nito sa mga negosyo nila sa ibang bansa. Napabalitang ito pa nga raw ang mastermind sa muntikang pagkasunog ng buildings nila sa Sydney, Australia at New York, USA. Hindi man napatunayan sa imbestigasyon ng nga pulis ay malakas ang kutob niya na ang tatay nga ni Samson ang may pakana ng pagpapabagsak sa ilang business nila. "Baka gutom lang po 'yan? Gusto ko nga po sana kayong i-invite na mag-almusal? O tanghalian? Magaling magluto ang mga kusinera namin kaya siguradong espesyal ang ihahanda nila sa iyo," kinakabahang pag-alok ni Samson. Nang makita na lumalapit na si Spartan sa gawi nila, nagawa rin niyang magparinig sa kinasusuklamang kaagaw sa puso ni Delilah. "Baka rin po kasi lutong-kalye lang ang alam ng kusinero niyo," mapanlait na tinuran niya ito. "Hindi po ba kayo na-i-indigestion sa mga putaheng alam niya? Tara po, Mr. Catacutan, ipapatikim ko sa iyo ang fine dining." "Huwag na! Baka lasunin niyo pa akong mag-ama!" pasinghal na pinagalitan pa ni Armageddon ito habang padabog na binubuksan ang gate dahil nais niyang palayasin sa harapan niya ang kinaiinisan. "Gusto ko lang po sanang kumustahin si Delilah," kasing-amo ng tupa na pakikiusap niya kahit na nayayamot na rin sa malamig na pakikitungo ng ginoo. Ganoon pa man, nagpasensya siya upang maging good image pa rin kay Delilah. "Ayun, na-confine ng isang linggo. Pagkatapos, nagre-recover na. Now, you know. Happy?" sarkastikong pahayag ni Armageddon. Nang manatiling nakatayo at nakatitig pa rin sa kanya ang binata na tila ba nagsusumamo, mas lalong uminit ang ulo niya at natukso pang ipagtabuyan na palabas ang kinaiinisan. "Hindi ka pa ba aalis?" tiimbagang at nakakuyom ang kamao na pagtatanong niya. "Sir, ako na po ang bahala," pag-awat na ni Spartan sa among lalaki na kabisado na niya ang ugali. Napansin kasi niya na kaunti na lang ay ipagtutulakan na nitong paalis ang bisita kaya siya na mismo ang nagpresintang makipag-usap kay Samson. Marahan na niya itong hinawakan sa may braso at inakay na lumabas ng gate. Panglingon ay natanaw pa niya si Armageddon na nakapamaywang at naniningkit ang mga matang nakatingin nang mataimtim kay Samson na tila ba kinikilatis ang pagkatao nito. "Huwag na huwag mo nang pababalikin 'yan! Kapag nakita ko pa 'yan dito, ipapa-blotter ko na sa mga pulis!" babala nito, bago sila iniwan at pumasok na sa bahay. Naawa at nakunsensya pa siya sa pagtataboy na ginawa ni Armageddon. Sadyang masakit ngang magsalita ang amo sa mga taong alam nito na may kakaiba sa ugali. Tila ba may sixth sense din kasi ito sa mga bad vibes kaya kapag hindi nito gusto ang kausap, lumalabas ang pagka-beast mode nito. Naiintindihan man niya ang pagsusuplado ni Mr. Catacutan, nakikisimpatya rin siya sa pagkapahiya ni Samson kaya sinikap din sana niyang damayan kahit na karibal pa. "Huwag mo nang pansinin si Sir. Ganoon lang talaga siyang magsalita kahit nga sa akin-" Nagulantang siya nang bigla nitong sinagi palayo ang kanyang kamay. Sa sobrang lakas ng p*******t ay kaagad na namula ang nadampian ng palad nito. Napahaplos na lang siya sa sakit nang malamog ang laman na tila ba nanuot pa sa buto. Napatiim-bagang na lang siya nang makitang may namuo pa na dugo. Imbis na magalit at gumanti sa pagmamalupit na natanggap, sinikap niyang huminahon. Nais kasi niyang makausap ito nang maayos upang makumpirma kung may kinalaman nga sa pangungulam kay Delilah. "P're, kalma lang," pinagsabihan na lang niya ito pero alerto pa rin sa susunod na magiging akto nito. Ihinanda rin niya ang sarili sa posibilidad na mas maging bayolente si Samson kung hindi man nito magustuhan ang mga sasabihin niya. "Alam ko na dismayado ka pero sasamantahin ko na ang pagkakataong ito para pag-usapan natin si Delilah. May itatanong lang ako..." Hindi pa man siya nakapagsisimulang mag-usisa ay tinalikuran na siya nito. Tahimik lang ito na nagtungo sa mamahaling sasakyan upang iwanan na siya. "Samson, sandali lang," paghabol na niya. Napilitan na siyang humarang sa pintuan ng kotse upang hindi makasakay ang kinakausap. "Seryoso ako, nababahala na kasi ako sa kanya." "Tumabi ka!" nagawa pa nitong bulyawan siya kahit na mahinahon naman na nakikiusap si Spartan. "Umalis ka riyan o sasagasaan kita!" "Hindi, mag-uusap tayo!" pagmamatigas din niya kaya mas nainis si Samson at pinagtulakan siya. Akmang iiwanan na sana siya nito pero desidido siyang malaman ang totoo kaya siya rin ay naging agresibo na. Mabilis niyang inagaw ang susi nito at ibinulsa upang hindi siya matakasan. "Umamin ka nga! Talaga bang may concern ka kay Delilah kaya napadalaw ka o tinitignan mo lang kung umeepekto na ang ginawa niyo sa kanya?" "Hindi ko alam ang pinagsasabi mo!" pagtanggi ni Samson sa binibintang niya. "Masama bang dumalaw at mangumusta?' "Mangumusta?" pagdududa ni Spartan sa tunay na pakay nito. "OK, ang totoo, hindi lang siya na-confine gaya nang sinabi ni Mr. Catacutan. Na-comatose siya pero walang doktor ang makapagsabi kung ano ang sakit niya. Hanggang ngayon, kahit anong gawin ko, hinang-hina pa rin siya. At alam mo ba ang duda ko? Marahil, kinulam siya." Nanlaki ang mga mata ni Samson nang dahil sa nalaman. Sa pagkakaalam niya, hiniling lang niya sa mangkukulam na yaya na si Boudica na gawan ng paraan na mapa-ibig sa kanya si Delilah. Hindi niya talaga inaasahan na mapapahamak pala ito. Wala siyang ideya na ang hiniling ay ay magbubunga ng pagkawala ng malay at panghihina ni Delilah. "I did not expect the consequences! This went too far!" tahimik niyang pagsisisi. "Pero kailangan kong mapa-ibig si Delilah...kailangan ko siya...hindi ko kayang mawala siya..." Nakukunsensya man, pinili pa rin niyang magmatigas dahil natatalo siya ng obsession na makuha ng buong-buo ang kinahuhumalingan. "Pinagbibintangan mo ba ako na nangungulam?" pagmamaang-maangan niya. "Hindi kami katulad niyo na mga mahihirap na kung anu-ano ang mga pinaniniwalaan!" "Hindi kita gustong pagbintangan, maniwala ka. Pero ikaw raw ang nakita niya habang wala siyang malay," mariin na paratang pa rin ni Spartan. "Sa pagsusuri namin na mga hunters sa mga naunang kaso na katulad nito, isa iyon na uri ng mental conditioning. Kung hindi man talagang ikaw ang may kagagawan nito, may kakilala ka ba na posibleng gusto kang itanim sa isipan ni Delilah at balak pa akong paslangin?" "Wala akong alam! Anu-ano na ang iniisip mo na imposible! Hindi totoo ang kulam! Maiwan ka nga at nababaliw ka na yata!" pagkukunwari pa rin ni Samson na walang kinalaman. Ganoon pa man, napaghalataan siya dahil hindi kapansin-pansin na hindi makatingin ng diretso at aligaga sa kinatatayuan. Mabilis din ang paggalaw ng mga mata niya na nagpapahiwatig na maingat sa mga salitang binibitiwan. Lingid sa kaalaman niya, mahusay si Spartan na intindihin at basahin ang kilos ng mga tao o kahit sino pang nilalang kung may kakaiba o nililihim pa man kaya hindi nakawala sa obserbasyon nito ang kakatwang akto niya. "Sana, kung may ginagawa ka man na hindi maganda kay Delilah, makunsensya ka naman," hindi na nakatiis na kinumpronta na siya ni Spartan nang mapagtantong nagsisinungaling nga. "Halatadong umiiwas ka sa usapan. Sana, magsabi ka na ng totoo para habang maaga pa, magawan ko na ng paraan na mailigtas siya." Ilang sandali rin na nag-isip si Samson kung aamin na ba o hindi. Sa kasamaang-palad, mas nanaig ang galit niya sa karibal kaysa sa awa kay Delilah. "Kung may dapat akong ikakunsensya, 'yun ay ang mapunta siya sa gold-digger like you! Alam ko naman na interesado ka lang naman kay Delilah kasi mayaman siya!" pag-iiba na ng usapan ni Samson palayo sa isyu ng kulam. "Hindi totoo 'yan," mariin na pagtanggi ni Spartan habang nagpipigil na mainis na rin sa mga paratang ni Samson sa kanya na paulit-ulit na lang at wala naman katotohanan. "Kaya nga ako nagsusumikap kasi wala akong interes sa kayamanan niya at ng pamilya niya." "Stop treating me like I'm a fool!" pasinghal na tinuran pa rin siya ng kinakausap. "Kilala na kita! I know you from your pathetic roots to your gender preference! Hindi ba, taga-makeup ka lang sa parlor ng Tita Cleopatra mo bago ka naging katulong nina Delilah? Buhay o patay, kaya mong pagandahin, hindi ba? Sa sobrang hirap ng buhay mo, kahit anong trabaho, pinasok mo na! Baka nga pati sarili mo, binebenta mo sa mayayamang mga bakla at sugar daddies!" Pansamantalang natigilan si Spartan sa mga rebelasyon ni Samson. Medyo kinabahan din siya dahil paniguradong inaral nga nito ang pinagmulan niya at maging ang nakaraan niya ay posibleng nahalungkat na. Ganoon pa man ay malinis naman ang kanyang kunsensya at marangal ang naging mga trabaho kaya matapang pa rin niya na hinarap ang kaalitan. "Oo, makeup artist naman talaga ako. Pero kahit ganoon, hindi naman ako bakla," pagkaklaro naman niya kaagad. "Alam ni Delilah 'yun. Wala naman masama kasi hindi ako nagnanakaw o nanloloko ng tao. At mas lalong hindi ko binebenta ang sarili ko." Nakangisi at pailing-iling na tinignan pa rin siya mula ulo hanggang paa ni Samson. Sa pamamaraan ng pagtitig nito, alam niya na sukdulan na ang pangmamaliit nito sa estado niya sa buhay. "Bakla kang bwis*t ka!" may pandidiring sinambit pa nito sa kanya. "Hindi ako bakla," kalmadong pagtanggi pa rin niya kahit na naiinsulto na. "Keep convincing yourself. Lahat ng pinagtanungan ko sa Cuh-Piz, isa ang sinasabi. You're one gay bast*rd!" "Hindi 'yun ang problema, P're. Ang concern ko talaga, si Delilah. Labas ang usapan patungkol sa kung bakla o straight man ako. Kaya ako nakikipag-usap nang maayos sa iyo, kasi nag-aalala ako para sa kanya." "Sinungaling! Gaya nga nang sinabi ko, kilala kita! Pare-pareho lang kayong mga peste sa lipunan! Niloloko mo lang ang sarili mo at si Delilah pero sa huli't huli sa lalaki ka pa rin papatol! Aminin mo na lang na ang habol mo sa kanya ay pera! Nagpapanggap ka na straight kasi interesado ka sa kayamanan niya! Sinasamantala mo naman ang pagkakataon na makuha ang loob niya kasi nga, may hidden agenda ka!" "D*mn! That's why I hate you gays!" nagawa din nitong i-discriminate at kamuhian ang mga binabaeng wala naman kinalaman sa issue nilang dalawa. "Wala kayong gawang matino! People like you should have a special place in hell!" "Marahil, effeminate nga ako. Sige, kilos babae na kung 'yun ang tingin niyong lahat!" naubos na ang pasensyang pagtatanggol ni Spartan sa sarili. "May magbabago ba sa pagtingin ko kay Delilah? Wala! O sige, kung ipagpilitan mo nga na binabae ako, dapat bang laitin ang pagkatao ko? Sana rin, huwag kayong judgemental na kung ituring ang mga bakla, tomboy o silahis ay masasamang tao!" "Bakit ka defensive?" pang-aasar ni Samson sa kanya. "Affected?" "Hindi ako defensive. Nagpapaliwanag lang kasi sarado masyado ang isipan mo." "Umamin ka na lang," nakangising pang-iinis niya lalo habang nilalapit ang tainga malapit sa tainga ni Spartan. "Ibulong mo, kung nahihiya ka pang maglantad. Hindi kaya dapat, lumayo pala ako sa iyo kasi baka pati ako, ma-typan mo?" Humakbang palayo si Spartan upang umiwas na sa pambabastos ni Samson subalit pwersahan naman siyang hinatak sa kwelyo nito. "Ayaw ko ng away!" panunubok pa rin niyang huwag umabot sa sakitan ang usapan nila. "Hindi naman talaga issue ang s*xuality ko rito e! Ang iniisip ko, si Delilah! Huwag mong ibahin ang usapan!" "Sino ka para utusan ako? Ano ba ang ipinagmamalaki mo?" "Wala nga akong maipagmamalaki pero mahal ko si Delilah," pagsusumamo na niya kahit na batid niya na malabong pagbigyan ng kaalitan. Nanliit na rin siya sa sarili sapagkat naapakan na nga ang pagkatao niya, kulang na lang ay lumuhod pa siya sa harapan ni Samson alang-alang sa kalagayan ng iniibig. Alam niya na sobra na ang pagpapakumbaba niya pero para kay Delilah, handa siyang lunukin ang kanyang pride. "Kaya kahit alam ko na kukutyain, aawayin o sasaktan mo pa ako, nagbakasakali akong pakikinggan mo at palalayain siya mula sa itim na kapangyarihang maaaring ikapahamak niya!" Pinakawalan siya ni Samson mula sa marahas na pagkakahatak. Subalit, mas nabagabag siya sa mga susunod na bibitiwang salita ng karibal. "Mahal pala, ha? Sige, panindigan mo 'yan sinabi mo na mahal mo nga siya hanggang sa mapunta siya sa akin ng walang kahirap-hirap..." Iyon ang mga salitang nagkumpirma kay Spartan na si Samson nga ang may pasimuno ng pagkakakulam sa dalaga. Hindi man ito direstsahang umamin, huling-huli niya na kaya nga nitong gumawa ng nakaririmarim maagaw lang si Delilah. "A-Anong sinabi mo? Talagang hindi mo pakakawalan si Delilah? Anong klaseng tao ka na kaya mong tiisin ito?" hindi makapaniwalang paninita niya kay Samson na parang wala lang rito ang kasaamang ginawa. Tuluyan pa siyang tinalikuran nito at hindi na pinansin. "Maawa ka naman sa kanya! Magpasahanggang ngayon, hindi pa nakakabawi ang katawan at isipan niya! Nababahala ako na baka hindi na niya kayanin pa!" Patawa-tawang pumara si Samson ng taxi at isinawalang-bahala ang panawagan ni Spartan na desperado nang iligtas ang minamahal mula sa pagkakahawak niya at ng mangkukulam na si Boudica. "Samson, makinig ka!" paghabol pa rin niya. Nais pa sana niyang buksan ang pintuan ng kotse pero mabilis naman itong na-i-lock ng kausap. Aligagang kumatok siya sa pamamag-sang pakikinggan siya nito. "Kalimutan na muna natin ang alitan natin alang-alang sa kanya! Pakiusap, huwag mo na siyang pahihirapan pa!" "Tigilan mo ako! Wala na tayong dapat pag-usapan pa!" pagtataboy na nito sa kinasusuklaman. Tila ba naglaho na ang kanyang kunsensya dahil nabubulag na siya ng selos at pagkahumaling kay Delilah. "Kuya, umalis na tayo rito! Huwag mo siyang pansinin! May saltik lang sa ulo 'yan!" panuto nito sa driver na kaagad naman na pinaharurot ang sasakyan. Maluha-luhang pinagmasdan lang ni Spartan ang papalayong kotse. Nanlulumong napaupo na lang siya sa gilid ng daan dahil gulong-gulo na ang kanyang isipan. Sa panahong iyon, hindi na niya alam ang nararapat gawin upang mailigtas pa ang babaeng minamahal. Kung kalungkutan at pag-aalala ang nararamdaman ni Spartan para kay Delilah, panibugho naman ang bumabalot sa puso ni Samson. Bumalik sa alaala niya ang lahat ng pasakit na dinanas niya sa bawat nakikitang magkasama sina Delilah at Spartan. Para sa kanya, marami siyang naudlot na mga pangarap sa nililigawan nang dahil sa karibal kaya hindi niya ito mapapatawad. "Sumpain ka! Hindi ko matatanggap na sa lahat ng makakalaban ko, alanganing lalaki pa! Matatanggap ko pa na matalo ng isang tunay na lalaki pero kung sa isang katulad mo lang, hindi ako makakapayag!" Unti-unting sinakop ang kanyang diwa ng mga pamamaraan ng paghihiganti na siguradong dudurog sa pagkatao at puso ng taong kinapopootan. Isang nakapanghihilakbot na ngisi ang gumuhit sa kanyang mga labi habang iniisip na kung paano pahihirapan ang karibal. "Pagbabayaran mo ang lahat ng ginawa mo sa akin, Spartan Dimatinag!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD