WAKAS
MALAMIG at tahimik ang kapaligiran. Tanging ang mahina at paulit-ulit na tunog ng heart monitor ang bumabasag sa katahimikan.
Pumikit at dumilat ako nang paulit-ulit sa ilalim ng nakasisilaw na liwanag ng fluorescent lamp sa itaas, habang inatake naman ang ilong ko ng matapang na amoy ng alcohol at latex. Inisip ko kung gaano na katagal mula nang huling magising, pakiramdam ko’y matagal na akong walang malay.
Ano ang ginagawa ko rito?
Sinubukan kong alalahanin ang mga pangyayari. Ngunit isang ngiwi lamang ang naiganti ko matapos maramdaman ang matinding kirot sa aking batok.
Agad na dumapo ang mata ko sa IV line na nakaturok sa aking braso, gayundin ang kupas na mga pasa at maliliit na lapnos sa aking balat, bakas ng isang laban na hindi ko matandaan.
Nagsimulang kumabog ang dibdib ko sa kaba. Ano ang nangyari sa akin?
“Gising ka na.”
Mabilis kong nilingon ang nagsalita at nakita ang nars na lumitaw sa pintuan.
“Tatawagin ko lang ang doktor.”
“Saglit lang, nurse… Bago iyan, nasaan ako?”
Ngayon ko lang din napansin ang pamamaos ng boses ko, kung hindi pa ako nagsalita.
“Nasa St. Jude Hospital ka,” paliwanag niya. “Limang araw ka nang narito.”
Mabagal na bumagsak sa akin ang kanyang mga salita. Five days… matagal-tagal na rin iyon.
“Ano ang… nangyari sa akin?”
Sandali siyang natigilan at bahagyang nawala ang kanyang ngiti. “Makikipag-usap sayo ang mga pulis kapag kaya mo na, Officer.”
Sinubukan kong halukayin ang aking isipan, pilit na inaalala ang kahit anong detalye—kahit isang piraso ng alaala na magbibigay-linaw kung ano ang nangyari nang araw na iyon.
Ang tanging naaalala ko lang ay ang pagkakataon na nahuli ako pagkatapos makipagsagupaan kay Volkov. Pero matapos n’on, wala nang ibang lumitaw sa aking isipan. Para bang may malaking ulap na humaharang sa aking mga alaala.
“Hindi ko… Hindi ko maalala…” bulong ko halos sa sarili.
Lalong lumambot ang ekspresyon niya ngunit may kapiranggot na awa sa kanyang mga mata, bagay na ayaw ko sanang makita. “Minsan, pinoprotektahan ng isip ang sarili pagkatapos ng matinding trauma. Magpahinga ka muna at tatawagin ko ang doktor.”
Pilit kong isinantabi ang mga alalahanin, alam kong hindi ito makatutulong sa akin sa ngayon.
Sa halip, ibinaling ko ang pansin ko sa paligid. Ang kwarto ay maliit ngunit maayos at tahimik. Napansin ko ang isang vase na may bulaklak na nakapatong sa mesa malapit sa bintana, nagbibigay ng kaunting sigla sa malamig na espasyo.
“Goodmorning.”
Mabilis kong inilipat ang tingin mula sa mga makina at sa paligid ng kwarto. Isang doktor na nasa edad kwarenta ang pumasok, may dalang clipboard.
“I’m Dr. Evans, ang attending physician mo. How are you feeling?”
Dahan-dahan kong inangat ang aking ulo at tumingin sa kanya. “Masakit ang buong katawan ko, Doc,” mahina kong sagot. “At parang wala akong maalala kung paano ako naparito… miski ang pinangyarihan n’on.” Hinawakan ko ang sentido nang muling makaramdam ng sakit. “Tuwing aalalahanin ko, sumasakit ang bandang dito ko.”
Napansin ko ang magaan na ngiti sa kanyang mukha kahit pa nakapanlulumo ang dala kong balita.
“Ang mahalaga’y ligtas ka na ngayon, at napakalaking bagay n’yan. Gayunpaman, ang trauma na pinagdaanan mo ay maaaring magdulot ng tinatawag nating PTSD, sa iba’y nag-ma-manifest ito ng memory loss. Karaniwan ito sa ganitong klaseng sitwasyon kaya huwag kang mag-alala. Unti-unti ring babalik ang mga alaala mo sa tamang panahon.”
Tumahimik ako nang sandali, pinoproseso ang kanyang nasabi.
“Your trauma has affected your physique as well. Kinakailangan ka naming i-monitor. I might even consider putting you in some therapy to help you regain your memories.”
Tumango ako sa kanyang suhestyon. “Please, Doc. Gawin niyo na ang lahat para gumaling ako. G-Gusto ko na ring bumalik sa normal kong buhay.”
“Walang pagmamadali, Lily. Ang lakas at alaala mo ay dahan-dahan ding magbabalik. Magtiwala kang makararaos ka. Ang mahalaga ay kunin mo ang pagkakataong ito para makapagpahinga.”
Habang dinedetalye ni Dr. Evans ang treatment plan, isang matalim na katok ang umalingawngaw sa silid.
Pumasok ang dalawang opisyal na nakauniporme, ang mga mukha nila ay parehong pamilyar.
“Romualdo…”
"Lily!” Nagmamadaling lumapit si Romualdo sa akin habang nakasunod sa likod niya si Chief.
Binati ko rin si Chief Lin at bilang kapalit, kinumusta niya ang kalagayan ko. Nag-uumapaw ang pag-aalala sa kanyang mga mata ngunit nagtataglay pa rin ng propesyonalismo sa bawat galaw.
Sa gitna ng aming munting reunion, biglang nagsalita si Doc na kanina pa pala kami tinitignan.
“She’s physically stable, though emotionally... fragile. May importanteng bagay lang ang kailangan kong banggitin bago ko kayo maiwan.”
Napalunok nang bahagya si Romualdo habang nagkunot-noo si Chief.
“The patient is experiencing significant memory loss. Hindi lang dahil sa trauma, kun’di dahil sa isang kondisyon na tinatawag na dissociative amnesia.”
Gulat na napatitig sa akin si Chief bago bumaling kay Dr. Evans. “Amnesia? Ibig sabihin, wala siyang maalala sa nangyari?”
“Hindi lahat,” paliwanag niya. “May mga alaala siyang naiwan. Mga bahagi ng buhay niya. Pero ang gabing iyon—ang mga kaganapan—wala siyang alaala tungkol doon. Para bang tinanggal ito ng kanyang isipan bilang proteksyon.”
“Wala siyang alaala tungkol sa kung anong nangyari? Sa kung sino ang gumawa nito sa kanya?”
Tumango si Dr. Evans. “Walang alaala tungkol sa insidente. Ibinabaon ng utak niya ang mga traumatic na alaala upang maprotektahan siya.”
Pumikit si Chief. Si Romualdo naman ay punong puno ng pag-aalala sa mukha.
“Puwede pa bang mabawi ang mga ‘yon? Ang mga alaala niya?”
“Posible… sa tamang oras at kung magpapagaling siya nang mabuti. Nakadepende ito sa kung paano nag-po-process ang utak ng trauma.”
“Ibig sabihin, wala na kaming tiyansang mahuli ang kriminal na nagdulot nito?”
“Sa ngayon, wala,” sagot ni Dr. Evans, ang tono nito ay mahinahon ngunit puno ng resolba.
“Naiintindihan ko kung gaano kaimportante ito para sa inyo ngunit kailangan niyo rin siyang intindihin. Malaki ang epekto ng trauma sa kanya. Kung pipilitin mo siyang mag-recall nang mabilis, baka lumala pa ang kalagayan niya.”
Nagsimula nang mag-igting ang panga ni Chief, dahilan para bahagya akong mapausod sa kama.
“Kailangan ko pa ring magtanong. Siya lang ang tanging saksi natin at may alam siyang maaaring magbigay-liwanag sa kaso.”
Bahagyang tumango ang doktor. “Naiintindahan ko. Pero gaya ng paalala ko sa kanya at sa inyo, kusang magbabalik ang mga alaalang ito kaya hindi natin dapat pilitin.”
Base sa mukha ni Chief, mukhang naiintindihan na niya ang implikasyon. “Kami na ang bahala rito, Doc,” sabi niya kay Dr. Evans na agad namang tumango at naunawaan ito.
“Huwag niyong masyadong i-pressure ang pasyente. Baka magdulot ng masama sa kanya ang sobrang stress at pagod,” huling paalala ni Dr. Evans bago umalis at iwan kaming tatlo sa maliit na silid.
Sa pagitan ng katahimikan, tanging ang tunog ng aking mabigat na paghinga at ang mga hakbang nina Romualdo at Chief ang naririnig ko. Tumingin ako sa kanilang dalawa nang may pangamba, hindi alam kung paano haharapin ang sitwasyon.
“Chief... Pasensya na. Pasensya na at sinubukan kong tapusin ang misyon na ito nang mag-isa…” Ang mga salitang ‘yon ay mahirap sambitin ngunit kailangan nilang marinig. Pakiramdam ko’y parang wala akong karapatan mag-apologize pero hindi ko kayang tiisin ang bigat ng konsensya.
Tinaas ni Chief ang kanyang kamay upang pigilan ako. “Wala nang magagawa, Lily. Ang nangyari ay nangyari na. Ngayon… hindi na namin hawak ang kaso. Ipinasa na sa state ang lahat ng hawak natin. Matapos ang pagdakip sa anak ni Senator Jill, naging pambansang balita ang insidente. Ang hindi namin akalain, ikaw pala ang isa sa natatanging survivor nang araw na iyon.”
‘Ang araw na iyon.’ Hindi ko matandaan kung paano ako nakaligtas. Ngunit ramdam ko pa rin ang sakit at takot mula sa araw na iyon na parang anino sa aking katawan.
“A-Ano ang nangyari?” tanong ko habang iniisip ang mga kaganapan matapos akong madakip.
“May nakalap kaming mga katawan, at may lead kami kung saan nila kayo tinago. Mukhang ginamit niyang kaharian ang lumang bayan ng Sandoval,” paliwanag ni Chief pero ang mukha niya’y tila hindi makapaniwala. Siguro ay hindi naging maganda ang eksena nang madatnan nila kami.
“Nang matagpuan ka namin, naroon ang mga bangkay ng mga kasamahan mo, pati na ang mga nawawala... nagkalat na parang mga labi ng hayop.”
Gusto ko na sanang magsuka nang maisip ko ang eksenang iyon. Kung ako lang ang nabuhay, ibig sabihin ay sampung tao ang patay. Ang mga luha ko ay nagbabadyang tumulo ngunit mas sumaboy ang galit sa aking puso.
Ang sakit at paghihirap nila—mukhang tuluyan niyang nahanap ang kaligayahan sa kanilang pagdurusa. Gaano ba kasama ang utak ng halimaw na ‘yon?
“Si Maradona... wala na ba talagang paraan para siya’y mahanap? Sa tingin mo ba ay buhay pa siya?”
“Nasa amin ang ilang gamit niya. Ang kanyang maskara at armas. Pero bukod ro’n... wala akong nakikitang ibang ebidensya na magpapatunay na patay na nga siya,” sabi ni Chief, ang boses niya’y may alinlangan. “Gusto mong makita ang mga gamit niya? Baka makatulong magbigay sa iyo ng kahit kaunting alaala....”
Hindi ko sapat na maproseso ang sinabi niya dahil dumapo sa aking dibdib ang pagkainis at pagkukulang. Alam kong hindi ko kasalanan pero bakit ang hirap magpatuloy nang ganito? Nang walang wakas sa malagim na krimeng ito?
“Ginawa ko ang lahat ng kaya kong gawin para hindi maging biktima. Para magpatuloy ang kaso kahit pa nilagay ko ang sarili ko sa alanganin… At ngayon, nalaman ko na nakatakas siya, at dapat akong makaramdam ng... ano? Pasasalamat na buhay pa ako? Tuwa dahil naligtas ako?” Tinaas ko ang ulo upang titigan sila nang mata sa mata. “N-N-Natatakot din akong maalala… baka hindi ko kayanin.”
“Hindi mo kasalanan ang nangyari,” sagot ni Chief, ang mukha niya’y halos hindi makapaniwala sa aking galit. “Nakaligtas ka! May halaga iyon. May mga bagay na tanging ikaw lang ang makasasagot...”
Humilig pabalik si Chief sa kanyang upuan. “Narito ang lokal na pulisya at ang state investigator. Kung hindi ka pa handang sagutin ang mga katanungan nila, sasabihan ko silang balikan ka na lang sa ibang araw kung kailan ayos na ang pakiramdam mo,” patuloy ni Chief, ang tono’y puno ng pang-unawa at pag-aalala.
Nakailang lunok na ako ngunit tila naging disyerto na ang aking lalamunan. Handa naman akong tumulong sa abot ng makakaya ko.
Pero paano kung wala pala silang mapala sa akin? Paano kung puro trahedya lang pala ang nilalaman ng alaala ko?
Sa buong durasyon ng aming kumustahan, binagabag ako ng mga isiping iyon. Bagama’t nililihis nila sa kondisyon ko ang usapan, ramdam kong may nagbabadya pa ring katanungan sa kanilang mga dila. At nang dumating ang mga tanong na kanina pa gumugulo sa kanilang isipan, wala akong magawa kun’di aminin ang masaklap na katotohanan.
“Lily... kung hindi mo man maalala ang mga pangyayari noong pag-kidnap, sabihin mo sa akin ang mga nangyari bago iyon. Paano ka napunta roon?”
Bumaba ang ulo ko at natagpuan ko ang aking kamay bilang magandang distraksyon sa nararamdaman kong kaba. “N-Nakatanggap ako ng liham mula kay Midnight.”
Hindi natuwa si Chief Lin nang malaman niyang nakipagkita ako sa isa sa pinakamalaking sindikato sa bansa. Pero sa halip na magalit, sinubukan niyang intindihin ako. “Ang kriminal na iyon... Ano ang kinalaman niya rito at paano kayo nagkakilala?”
Iniling ko ang aking ulo. “Hindi ko alam. Ang alam ko lang, kilala niya ang kapatid ko. Alam niya kung nasaan siya. Alam niya ang matagal ko nang hinahanap. Mukhang matagal na niyang planado ang lahat. Siya ang nagbigay ng impormasyon sa akin tungkol kay Volkov, kung paano ko siya matutunton. Mukhang may alam din siya sa mga galaw ng sindikatong iyon. Siya lang ang nakaaalam ng lahat.”
Now that I think about it, mukhang may pag-asa pa nga.
Mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ni Chief Lin. Bahagya akong nagtaka sa reaksyon nilang dalawa ni Romualdo.
Hindi ako tumigil. Naniniwala akong may paraan pa para matugis si Maradona. “Kung gusto nating maresolba ang problemang ito, wala akong nakikitang ibang susi kun’di si Midnight lang.”
Nagtagal ang katahimikan at ang mata nilang dalawa ay parang may tinatagong mensahe.
“Sa kasamaang palad, ikaw lang ang lead namin para sa imbestigasyong ito... dahil patay na si Midnight.”
Para akong tinamaan ng kidlat. Galit, at higit sa lahat, pagkatalo. Galit na hindi ko nakuha ang kasagutan sa pinakamahalaga kong tanong, ang tungkol sa aking kapatid, at pagkatalo sa isiping napunta sa wala ang aking paghihirap.
Mahigpit na hinawakan ni Romualdo ang aking braso, at pansamantala, naramdaman ko ang pag-aalala niya sa aking kalagayan.
“Officer Lily! Kilala kita! Hangga’t nabubuhay ka, hindi pa natatapos ang laban!”
“Pero anong halaga nito?”
Maradona…
Ang puso ko ay sumasabog sa galit sa tuwing binabanggit siya. Ang mismong pag-alala sa kanyang pangalan ay nagpapakaba sa akin—parang isang bangungot.
Gusto kong sumigaw, gusto kong malaman—nararapat kong malaman. Ngunit nararamdaman ko ang dahan-dahang pagkalagot ng malay ko, ang bigat ng pagod na hinihila akong pabalik sa dilim. Nang ipinikit ko ang aking mga mata, isang salita ang biglang lumitaw sa aking magulo at maulap na isipan.
Isang pangalan.
Ngunit kanino?
“Nurse! Doc! Ano ang nangyayari sa kanya!?” sigaw nina Romualdo at Chief habang pahina nang pahina ang kanilang mga boses.
ANIM NA BUWAN na ang nakalilipas at medyo nakabalik na sa normal na takbo ang aking buhay, bagay na hindi ko aakalain na mangyayari sa lalong madaling panahon.
Ang mga oras na ginugol ko para makaalala ay nanatili pa ring mahirap. Ang mga pangyayari ay nanatiling misteryo sa akin, isang gabi ng kalupitan na maaaring ibinaon ng aking utak upang protektahan ang sarili.
Bagaman hindi pa rin ganap na malinaw ang lahat ng nangyari, natutunan kong tanggapin ang naabot ng aking makakaya. Natutunan kong patawarin ang sarili sa anumang dahilan—kung bakit wala akong nasagip sa mga biktima ng nangyaring krimen.
“Lily… I do not want to suspend you. Pero kailangan mong iproseso ang emosyon mo. Nakikita kong hindi na normal ang pag-overwork mo sa sarili. Here… I am recommending you a 6-month leave. ‘Wag mo sanang masamain pero ginagawa namin ito para sayo.”
Ang mga piraso ng memorya na bumalik sa akin, pati na ang mga bahagi ng sarili kong pagkatao na nawala matapos ng trahedyang iyon, ay nais ko na sanang balikan.
I didn’t want to stay as a victim nor relive it as a survivor. Akala ko ay wala na akong laban matapos ng insidente—pero meron pa pala.
Mariin kong pinikit ang mga mata. Sa tuwing nag-iisa ako at napapaisip nang malalim, bumabalik sa akin ang ilang piraso ng alaala. Naririnig ko ang mga sigaw ng tao, nakikita ang bahid ng dugo sa aking isipan. Napakaraming dugo. Napakadilim. Napakabigat.
Pero alam ko na. Oras na. Kahit anong takbo ang gawin ko, kahit anong therapy ang subukan, walang magbabago kung patuloy kong tatakasan ang katotohanan. Kailangan kong bumalik. Kailangan kong harapin ang lahat ng ito.
Sumapit ang gabi, unti-unting bumabalot ang katahimikan. Malamig at maginaw ang hangin. Kahit anong subok kong matulog, nanatili akong gising. Nitong mga nakaraang buwan, madalas na akong dinadalaw ng sleep paralysis. Noong una, nakatatakot talaga. Pero sa pagdaan ng panahon, nasanay na rin ako sa dilim at sa pamilyar na pangamba.
Naalala ko noong unang beses akong sinapit ng masamang panaginip. Para akong napunta sa isang pamilyar ngunit magulong lugar. Sa gitna ng malawak na parang, naroon siya—si Maradona. Nakabukas ang kanyang kamay, tila ba inaanyayahan akong sumama sa kanya. Malabo ang kanyang itsura pero sa aura pa lang niya, alam kong nakangisi siya. Parang tinutukso ako sa mga nangyari sa akin.
PUNO NG KARANIWANG INGAY ang presinto, mula sa nagraratrat na tipa sa keyboard hanggang sa mga pulis na nag-uusap ukol sa mga kasong hawak nila. Hindi ko maiwasang hanap-hanapin ang pakiramdam na ito tuwing pumapasok ako sa opisina. Pero sa ngayon, parang kinamumuhian ko rin—lalo na kapag hindi ko maresolba ang kaso.
Nang madatnan nila ang pigura ko, biglang nag-iba ang hangin. Suot ang aking uniporme at ang kumikinang na badge na natanggap ko bilang gantimpala at pagkilala sa kaso ni Maradona, lahat ng mukha nila’y tila nabuhayan.
“Lily… I’m glad you’re here!”
Lumabas si Romualdo mula sa kanyang opisina, ang kanyang mukha ay may halong kasiyahan at pag-aalala.
Hindi lang ako ang tumaas ang ranggo matapos isara ang kaso ni Maradona, kun’di ang buong investigation team na kasapi ko sa pagtugis sa krimeng iyon. Romualdo is now the chief of the investigation team, the others went to secondary ranking as well.
Tumango ako bilang baling. “Mabuti na rin ang makabalik.”
Mukhang sinusukat niya ang bawat kilos ko base pa lang sa mga tingin niya. Wala na akong ibang ginawa kun’di ang mapangiti. Gano’n pa rin talaga si Romualdo, walang pinagbago.
“Sigurado ka na bang babalik ka na? Walang magagalit kung kailangan mo pa ng oras.”
“Sobra na ang oras na lumipas. Handa na ako.”
Napabuntong-hininga si Romualdo at iginaya ako patungo sa opisina ni Chief Lin na ngayo’y provincial director na ng aming distrito. Marami na rin ang nagbago—mga bagong mukha, bagong kaso, miski ang aming sari-sariling buhay.
Nang makita ako ni Chief Lin, sandali siyang natigilan. Pero nang makarekober, agad niyang tinawid ang distansya sa pagitan naming dalawa upang ako’y yakapin.
“Bumalik ka.”
Nginitian ko siya nang tipid. “Dapat lang, hindi ba?”
Bahagya siyang natawa. “Same old Lily. Ano ang masasabi mo sa iyong first day of work ulit? Nakapaninibago ba?”
“Chief… I mean director,” biro ko pa sa kanya na agad niyang tinawanan. “Wala na akong ibang masasabi kun’di ready na ako. Ready na uli akong tumanggap ng kaso.”
He doesn’t seem surprised to hear that.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago ngumiti. “Ipagkatiwala mo sa akin ang kahit anong kaso, Director. Handa akong bumalik sa laban.”
Bahagya siyang ngumiti, kita sa kanyang mga mata ang kumpiyansa. “Ganoon nga ang Lily na kilala ko.”
Hindi nga siya nag-aksaya ng oras dahil walang pag-aatubili niyang inabot sa akin ang isang folder.
“Well it’s a good thing fate has other plans for you. Alam kong eksakto ang trabahong ito para sa kasalukuyan mong kalagayan.”
Kasalukuyan kong kalagayan? Napakunot ang noo ko ro’n.
“Ayokong bigyan ka ng mabigat na trabaho lalo na’t kababalik mo pa lang.” He proceeded to urge me to open the file. “Pero ‘wag kang mag-alala, mahalaga rin ang bagong misyon na ito. High-profile. Ikaw lang naman ang magiging personal na bodyguard ng isang VIP—ang CEO ng Maxim. Isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa Russia at ang tagapagmana ng Romanov holdings, at kailangan namin ng isa sa mga tulad mo para bantayan siya.”
Binuksan ko ang folder at mabilis na sinuri ang mga detalye. L. Romanov—isang kilalang negosyante, may-ari ng isang kumpanyang dalubhasa sa armory at data information. Isang pangunahing target ng mga makapangyarihang kaaway.
Maingat kong isinara ang folder bago tumingin kay Director Lin.
“Hindi ko alam kung bakit ako ang napili bilang bodyguard. Marami namang mas sanay, mas malakas, at mas may karanasan kaysa sa akin. Director... ang larangan ko ay imbestigasyon, hindi pagbabantay ng buhay ng iba.”
Naalala ko ang insidenteng kinasangkutan ni Maradona—isang trahedyang ako lang ang nakaligtas. Bagama’t wala akong maalala sa nangyari, ramdam ko pa rin ang bigat sa dibdib.
Pakiramdam ko, nabigo akong protektahan ang mga biktima noon... Paano pa ngayon?
Alam kong hindi ko rin naman ito specialty. Aaminin kong parte ito ng trabaho ko ngunit kung ganito kataas at makapangyarihan ang taong babantayan ko, mukhang hindi ‘ata swak ang skillset ko para sa trabahong ito.
“Pinili kita dahil ikaw ang pinagkakatiwalaan ko. Hindi lang ito tungkol sa lakas o karanasan, Lily. Alam kong ikaw ang tamang tao para dito.”
Tahimik lang akong tinitigan ni Director Lin bago nagpakawala ng buntong-hininga. “At saka… Hindi lang din ako ang pumili sayo, Lily.”
Napakunot ang aking noo. “Ha?”
“Ikaw mismo ang ni-request ng VIP.”
“Ano? Bakit naman ako?”
Umiling si Director Lin, halatang hindi rin niya alam ang sagot. “Hindi ko rin alam. Pero isang bagay lang ang sigurado—may dahilan kung bakit ikaw ang gusto niya. At ngayong nandito ka na, mas mabuti sigurong alamin mo kung ano ‘yon.”
Napatigil ako, hindi agad alam kung paano tutugon. Pakiramdam ko’y isang malaking responsibilidad ang isinampa sa aking balikat. Pero sa ilalim ng pag-aalinlangan ay may unti-unting umuusbong na determinasyon.
“Kung gano’n… gagawin ko ang makakaya para hindi mapahiya ang distrito natin. I will do my best and prove to you that I am more than prepared to take any roles.”
Director Lin smiled. Hinawakan niya ang balikat ko at mahina akong inalo. “I’m happy to hear your return and determination. Now, about the case… ito ang kailangan mong alalahanin.”
Kapwa na kaming umupo sa kani-kanyang upuan upang pag-usapan ang misyon. Si Romualdo naman ay umalis na para bigyan kami ng sapat na privacy.
“May charity event siyang pupuntahan sa Miyerkules at may impormasyon kami na baka may grupong kumilos gayong ngayon lamang lilitaw sa public view ang tagapagmana ng mga Romanov. Alam mo namang simula nang mawala si Midnight, hindi na rin natahimik ang mga grupo sa ilalim. Sa ngayon, doble-dobleng security measures ang ilalagay. Mga representative mula sa regional miski na sa capital force ang ipinadala. At ikaw ang may pinakamahalagang gagampanan. Ikaw ang magiging anino niya.”
Tumango ako bilang baling ngunit hindi ko rin maiwasan ang hindi mapalagay. Parang hindi ito isang ordinaryong misyon lamang.
“Lily… Mag-ingat ka. Hindi lang ito tungkol sa pagprotekta sa kanya pero tungkol din sa magiging simula mo. Huwag mo sanang isipin ang nangyari dati.”
I can’t help but give him a smile. Masyado siyang nag-aalala sa akin. Lahat sila.
Kaso, hindi naman ito lang ang pinunta ko. Bumalik ako para hindi magtago habambuhay. Bumalik ako dahil kailangan kong bawiin ang mga nawala kong alaala.
At harapin ang sakit ng nakaraan.
Dahil alam kong…
Nagsisimula pa lamang ang laban.
****
Author's Note:
Merry Christmas!
For anyone interested sa physical copy ng book na ito (in case lang gusto niyo ng kopya) o kaya naman ebook, just message me on Vangajo stories sa f*******:, there is an artwork included sa book and ebook
Free pa rin itong book, thank you