Four

2428 Words
HINDI pinansin ni Regine ang awtomatikong pagngiti ni Rajed nang lapitan niya ang lalaki at damhin ang noo at leeg nito. Pauwi na siya nang hapong iyon at nasa sala naman ang lalaki, nanonood ng TV. Ngumingiti na ito kaya sa tingin niya ay magaan na talaga ang pakiramdam, at kaya na rin ang sarili. Itinawag na ni Regine kay Kuya Benny na dederetso siya sa Valenzuela. Sinabi niyang bukas na siya ng umaga babalik sa bahay ng mga ito. Pumayag naman kaagad ang amo niya. Kinumusta nito si Rajed. Nang sabihin niyang magaling na ang huli ay pumayag itong umuwi siya. Wala pang alas-tres nang hapong iyon kaya hindi pa dapat tapos ang araw ni Regine. Pinigilan siya ni Rajed sa gagawin sana niyang paghahanda ng hapunan nito bago siya umalis. Ito na raw ang bahala sa sarili. Umalis na raw siya bago pa siya gabihin. Inabutan siya ng pera ng lalaki na hindi niya tinanggap. Ang katwiran niya, hindi ito ang kanyang amo kaya wala siyang tatanggapin mula rito. Nagpilit si Rajed pero nanindigan siya. Huminga na lang ito nang malalim at pinagbigyan ang kanyang gusto. "Okay ka na nga talaga," sabi ni Regine pagkatapos niyang maramdaman na normal na ang temperatura ng katawan ni Rajed. "Uuwi na ako. 'Pag tumawag si Ate Shine sa 'yo, sabihin mo, inalagaan kitang mabuti, ha? Sige..." Tinalikuran na niya ang lalaki. Nasa pintuan na siya nang pigilan ni Rajed ang kanyang braso. Sapilitan nitong inilagay sa palad niya ang dalawang libo. Magsasalita pa lang sana siya para tumanggi ay naunahan na siya ng lalaki. "Gamitin mo para ibili ng... ng kahit ano ang nanay mo. Uuwi ka sa inyo, tama?" Natigilan si Regine. Ang nanay niya ang pinakamahalagang tao sa buhay niya ngayon. Ito ang nagbibigay ng lakas sa kanya para patuloy na lumaban sa buhay, at the same time, ang nanay rin niya ang kanyang kahinaan—na kung gagamitin ng sinuman tulad ng ginagawa ni Rajed nang sandaling iyon ay bibigay siya nang hindi nag-iisip. Kinuha ni Regine ang isang libo, pagkatapos ay ibinalik dito ang isang libo. Pero ipinilit ni Rajed na kunin niya lahat iyon. "Nagtatrabaho ba ang nanay mo?" Hindi alam ni Regine kung bakit kailangan nitong malaman iyon pero sumagot pa rin siya. "Tumatanggap siya ng labada tuwing weekend. Dalawang beses sa isang buwan." "Ibigay mo sa kanya ang perang 'yan na gusto mong ibalik sa akin. Sabihin mo, magpahinga siya ngayong weekend." Deretso ang pag-atake ni Rajed sa kahinaan niya kaya wala siyang nasabi. Iyon talaga ang gusto niyang gawin lagi pero hindi niya mapigilan ang nanay niya dahil hindi sapat na siya lang ang kumikita. Kailangan daw nitong gawin iyon para hindi na maulit ang mga pangyayari noon na natutulog sila sa kalye kapag napaalis sila sa inuupahan nilang bahay—na hindi nga bahay kung tutuusin. "Salamat—" "No, thank you," agaw nito. "Wala pang nag-alaga sa akin na tulad ng ginawa mo, kaya salamat." Napangiti na siya. "Salamat pero binabayaran mo ako?" "Hindi bayad 'yan." "Eh, ano?" "Pambili ng pasalubong sa nanay mo," nakangiting sabi ni Rajed. "Sige na, baka gabihin ka pa." Tumango siya, mayamaya ay itinuloy na ang pag-alis. Hindi niya napigilan ang sariling lingunin ito nang ilang metro na ang layo niya sa condo unit ng lalaki. Naroon pa rin ito, sinusundan siya ng tingin. Ngumiti ang lalaki nang magtama ang mga mata nila. Hindi niya makakalimutan ang araw na iyon. SUMUSUNOD si Regine sa naglilitanyang si Ate Shine habang palabas sila ng kabahayan. Bitbit na naman niya ang malaking paper bag na pabaon nito para dalhin niya sa pamangkin nitong may sakit na naman. "Hindi ko talaga maintindihan kung bakit sakitin na ang batang 'yon," sabi ni Ate Shine habang hinahagod ang buhok nito. "Hindi kasi nag-iingat. Kung ano-ano'ng kinakain, hayun at food poisoning na yata ang problema." Base sa litanya ni Ate Shine kanina ay tumawag daw si Rajed dito at humihingi na naman ng assistance. Masakit daw ang tiyan ng lalaki at nagsusuka. Natingnan na raw ito ng ipinatawag nitong doktor. Kailangan na lang daw ni Rajed ng kasama na personal na mag-aasikaso rito habang nanghihina pa. "Workaholic kasi. Pati ang sarili ay pinapabayaan na. Sumasakit ang ulo ko sa batang 'yon, Rej. Mernaly!" tawag ni Ate Shine sa kasamahan niya. "Diligan mo na ang mga orchid bago pa tumindi ang sikat ng araw! Benny, male-late ka na! Manang Biba, pakigising na ho si Siddy, late na siya sa school!" sunod-sunod na utos ni Ate Shine sa mga taong hindi naman nito nakikita sa paligid. Minsan ay si Regine ang napapagod para kay Ate Shine. Inaalala nito ang lahat. Kung siya ang nasa lugar ng amo ay hindi siguro niya kakayanin ang mga iyon. Pero sa kabila ng routine nito ay napakaganda pa rin ng babae sa edad na forty-six. Magaan ang aura ni Ate Shine. Wala sa hitsura nito na napakaraming inaasikaso. Nitong mga nakaraang araw na lang niya natuklasan ang sekreto ng amo—pagmamahal. Iyon ang dahilan para magawa ni Ate Shine ang lahat ng mga iyon at masaya itong inaalagaan ang pamilya. Nahahati nito ang oras para sa pamilya at sa trabaho nang walang isinasakripisyo alin man sa dalawa. Naintindihan na niya kung bakit mahal na mahal si Ate Shine ni Kuya Benny. Maging si Siddy na suplado at sumpungin ay sinusunod ito nang walang reklamo. Nakuha ni Ate Shine ang respeto ng pamilya nito dahil sa unconditional na pagmamahal na ibinibigay nito bilang asawa at ina. "Ikaw na ang bahala kay Rajed, Rej, ha? Tawagan mo ako kung sakaling may problema," bilin ni Ate Shine nang pasakay na si Regine sa taxi. Ito pa rin ang nagbigay ng instructions sa driver bago umandar ang taxi. Naghahalo ang pag-aalala at excitement ni Regine habang nasa biyahe siya. Magdadalawang buwan na ang lumipas mula noong unang beses na inalagaan niya si Rajed. Ngayon ay papunta na naman siya sa condo unit ng lalaki. Mula sa lobby hanggang nang nasa ikapitong palapag na siya ay mabibilis pa rin ang kanyang mga hakbang. Sa pagkakaalam ni Regine ay hindi biro ang food poisoning. Inaasahan na niyang daratnan ba naka-dextrose si Rajed sa condo unit nito. Pero nagulat siya nang ito ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Mukha namang maayos ang lagay ng lalaki maliban sa sapo nito ang tiyan at hindi deretso ang tayo. Nag-overreact lang yata si Ate Shine. Sa tingin niya ay masakit lang ang tiyan ng kanyang pasyente. "Nagpa-panic si Ate Shine kanina," sabi ni Regine habang hinahagod ng tingin ang kabuuan ni Rajed. "Akala ko tuloy, mamamatay ka na. Hindi pa naman pala. Ni hindi ka nga naka-dextrose. Nasaan ang doktor na tumingin sa 'yo?" "Kaaalis lang— Oh, s**t!" sabi nito at patakbong iniwan siya. Halos magkabangga-bangga ito sa bilis ng takbo papunta sa banyo. Ilang minutong nasa banyo si Rajed. Paglabas ay mukha itong naubusan ng lakas. Hinihimas nito ang tiyan. "Ano ba'ng kinain mo?" tanong ni Regine nang bumalik ito sa sala. Nanghihinang umupo ito sa sofa. "Tira-tirang pagkain sa fridge." "Hindi ka ba nag-iisip? Bakit mo kinain, eh, sira na nga?" Hindi agad niya na-realize na parang bata ito na pinapagalitan niya. "Mas matanda ako sa 'yo," sabi ni Rajed, nagpipigil ng ngiti. "At masama ang pakiramdam ko. Nandito ka para alagaan ako, bakit galit ka?" Natauhan siya. "Kung bakit kasi hindi tinitingnan nang mabuti ang kinakain, eh." Bumubulong-bulong siya habang inaayos sa mesa ang mga ipinadala ni Ate Shine na pagkain. Initin daw niya ang mga iyon pagdating niya. "Naririnig ko ang sinasabi mo, Rej!" malakas na sabi ni Rajed. Binuksan nito ang TV at nanood. Pagkalipas ng ilang sandali ay tumakbo na naman ito papunta sa banyo. Napailing na lang si Regine. Hindi na ito bumalik sa sala kaya nag-alala na siya. Mabilis niyang tinapos ang pag-iinit sa mga pagkain, pagkatapos ay hinanap niya si Rajed sa paligid. Wala ito sa banyo kaya pumunta siya sa kuwarto ng lalaki. Naabutan niyang nakahiga sa kama si Rajed, nakasandal sa mga unan, at mukhang hinang-hina. Bumalik si Regine sa kusina at inihanda ang pagkain ni Rajed. Kailangan nitong kumain at uminom ng maraming tubig, kung hindi ay kakailanganin na talaga nitong i-dextrose. Inilapag niya sa kama ang tray. "Kumain ka. Okay lang na ilabas mo lahat pagkatapos. Pakakainin uli kita." Nagmulat ito ng mga mata. Inabot nito ang tray at tahimik na kumain. Pinanood na lang niya ang lalaki. Dalawang baso ng tubig ang inubos ni Rajed at may gamot din itong ininom. Iniligpit niya ang pinagkainan nito at dinala ang mga iyon sa kusina. Pagbalik ni Regine sa kuwarto ng lalaki ay nasa banyo na naman ito. Sumandal ito sa isinarang pinto pagkalabas. Hinang-hina pa rin ito. "Sigurado ka bang hindi mo kailangang magpa-admit sa ospital?" hindi na nakatiis na tanong niya. "Baka kailangan mo nang i-dextrose." "Kumakain naman ako kaya hindi na kailangan," sagot ni Rajed. Sa marahang mga hakbang ay bumalik ito sa kama at umupo. May nakahanda nang tubig at baso sa bedside table kaya nagsalin na lang siya niyon, pagkatapos ay umupo sa tabi nito. "Uminom ka, o," sabi ni Regine, sabay abot ng baso ng tubig ng kay Rajed. Tahimik niyang inalalayan ito sa pag-inom, pagkatapos ay humiga ito sa kama at namaluktot. Nag-aalalang pinagmasdan niya ang lalaki. Nakahinga siya nang maluwag nang mayamaya lang ay nakatulog na ito. Kinumutan niya si Rajed bago siya lumabas ng kuwarto. Pagkalipas ng isang oras ay lumabas ito ng kuwarto. Pinakain uli niya ang lalaki. Natuwa siya nang hindi na ito nagmamadaling pumunta sa banyo pagkatapos kumain. "Ubusin mo 'yan," sabi niya na ang tinutukoy ay ang apat na saging na nakita niya sa refrigerator nito. "Makakatulong 'yan." "Talaga?" balik nito. Binalatan nito ang isa at kumagat doon nang malaki. "Oo. No'ng bata ako hanggang ngayon, 'pag nasira ang tiyan ko ay hindi ako pinaiinom ni Nanay ng gamot. Pinakakain lang ako nang maraming saging. 'Pag constipated naman ako, hinog na papaya lang." "Ang dami mong alam, ah," sabi nito habang patuloy sa pagkain ng saging. Pasulyap-sulyap ito sa kanya. "Turo lahat ng nanay ko." "Mabait ang nanay mo?" "Sobra." "Ikaw?" "Ako?" "Mabait ka rin ba?" "Hindi," sagot ni Regine. Nagtama ang mga mata nila. Hindi niya alam kung bakit nakangiti ito. Masyadong maganda ang ngiting iyon kaya nahawa siya. Natahimik na silang pareho. Nagngingitian na lang nang mga sumunod na sandali. Hindi siya pinayagang umuwi ni Rajed pagsapit ng gabi. Tinawagan nito si Ate Shine para ipaalam na hindi siya pauuwiin ng lalaki. Nang pasado alas-sais ng gabi ay dumating sa condo unit si Siddy dala ang ilang mga gamit at bihisan niya. Pumayag daw si Siddy na maghatid ng kanyang mga gamit dahil magpapaturo ito ng assignment sa kanya. Natuwa siya sa pagdating nito. May iba siyang pagkakaabalahan bukod kay Rajed na hindi niya mapigilang titigan kapag hindi nakatingin sa kanya. Masyado na siyang naaaliw sa charm ng lalaki. Baka makahalata na ito na may namumuong crush sa dibdib niya para dito. Hindi rin nakakatulong na lagi itong nasa malapit at nginingitian siya. Baka kung saan humantong ang "crush" feeling na iyon. Pagkatapos nilang gawin ni Siddy ang assignment nito ay nauwi na sa kuwentuhan ang pag-aaral ng bata ng mga lesson na hirap daw itong intindihin. Nagtatawanan sila nang lumabas si Rajed ng kuwarto nito. "Nine na, Sidd," sabi nito sa pinsan. "Kung hindi ka matutulog dito, umuwi ka na. Mag-aalala na naman si Tita Shine kapag umabot nang ten na wala ka pa." "Oo nga, Siddy," pagsang-ayon ni Regine. "Alam mo naman ang mommy mo." Iniligpit na niya ang mga gamit nito. Halatang napipilitan lang ang bata nang magpaalam sa kanila. "Umuwi ka nang maaga bukas, Rej," sabi ni Siddy sa kanya. "Walang buhay sa bahay kapag wala ka, eh." Nakangiting tumango siya. Alam ni Regine na paborito siya ni Siddy. Kung puwede lang na magpaalaga rin ito sa kanya tulad ni Winny ay ginawa na nito. Malapit ito sa kanya. Hindi rin nag-aalalang mag-confess sa kanya ng mga nangyayari sa school nito si Siddy. Natutuwa siyang tulad ng mga magulang nito ay may tiwala sa kanya ang binatilyo. "See you next time, Kuya Raj. Sa susunod, kumuha ka na ng nurse mo para hindi si Rej ang lagi mong ginugulo kapag may sakit ka," sabi ni Siddy bago lumabas ng condo unit. Nagulat si Regine. Sa tingin niya ay ganoon din si Rajed dahil nakaawang ang mga labi nito nang bumaling siya sa lalaki. Pero sandali lang iyon. Mayamaya ay napailing ito kasunod ang pagngiti. "Matulog ka na. Gisingin mo ako nang dawn later. Kailangan kong kumain," sabi nito. "Sige." Bumalik sa kuwarto nito si Rajed. Hindi agad siya nakatulog kaya narinig pa niya na mahabang sandali na may kausap ito sa cell phone. Lampas alas-onse na nang lumabas siya ng kuwarto na kanyang inookupa. Bahagyang bukas ang pinto ng kuwarto ni Rajed kaya nakita niyang gising pa ang lalaki at abala sa laptop nito. Kumatok siya sa pinto. Nag-angat ito ng tingin. "Rej?" "Itatanong ko lang kung anong oras mo gustong kumain mamaya." "Iinom ako ng gamot nang two AM kaya ihanda mo ang pagkain ko before two." Tumango siya at kinabig na ang pinto pasara. Ginising niya pagsapit ng alas-dos si Rajed. Nakakain ito at nakainom ng gamot. Hindi niya inaasahang mahihimbing ang kanyang tulog pagbalik niya sa kanyang kuwarto. Pasado alas-otso na ng umaga nang magising siya. Wala na ito sa condo unit. Tatawagan na sana niya si Ate Shine nang mapansin niya ang note na nakadikit sa refrigerator. Rej, Nasa labas ako. Stay. Raj Napangiti si Regine pagkatapos ng ilang sandaling pagtitig sa note. Hindi niya napansin na para silang twin sa nicknames nila. Takang-taka siya sa sarili na hindi siya nabagot habang hinihintay si Rajed. Nang pumasok ito sa sala na maraming bitbit at pawisan pa ay parang gumuwapo ito sa kanyang paningin. Kaagad niyang inilayo ang tingin sa lalaki. Magluluto raw ito. Nagpapatulong sa kanya. Uwian daw niya sina Ate Shine ng mga niluto nito. Iyon daw ang paraan ng lalaki ng pagpapasalamat sa tita nito. Natuklasan ni Regine na bukod sa guwapo at mabait ay magaling din itong magluto. Sigurado ang mga galaw nito sa kusina. Aliw na aliw siya sa kung paano maghiwa ng sibuyas at iba pang sangkap si Rajed. Kilos-chef pala sa kusina ang guwapong pasyente niya. Tuloy, na-develop ang simpleng "crush" sa "intense crush" na nararamdaman niya para sa lalaki. At masama ang epekto niyon dahil kahit nasa taxi na ay pangiti-ngiti pa rin siya habang nakikita niya sa isip si Rajed.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD