"Ito ang mga nakuhang armas nila Yvo at ni Madam Kara, boss," sinserong wika ni Florencio kay Renato. Doon pa lang ay hindi na nito maiwasang hangaan ang anak sa angking katapangan nito.
"E, ano pa lang balita kay Mr. Benitez? Siguradong hindi niya magugustuhan ang panloloob natin sa mismong property niya."
"Wala pa rin kaming balita, boss. Pero sigurado akong magse-set ng meeting si Mr. Benitez kasama ka, boss," ideya ni Yvo na ikinalalim ng tingin ni Renato. Anuman ang kaunting inis na nararamdaman niya rito nang dahil sa balitang pagkagusto nito sa kaniyang anak na si Karadine ay isinantabi niya na muna dahil batid niyang tunay na magaling at karapat-dapat si Yvo sa posisyon nito.
Nang sandaling iyon ay sila-sila lamang ng kaniyang mga tauhan ang nagtipon para sa mahalagang usapin. Habang hinayaan naman niyang makapag-usap sina Tamara at Karadine kahit na halatang namumuo ang tensyon sa dalawa.
"Naisip ko na 'yan, Yvo. Kaya kailangan kong magkunwari na wala akong kinalaman sa nangyaring panloloob sa property niya," katwiran niya.
"Pero may problema, boss," katwiran din naman ni Yvo. At doo'y bahagyang kinabahan si Renato. "Mukhang namukhaan kami ng isang tauhan ni Mr. Benitez," pagsisiwalat ni Yvo. Habang nanatili pa ring nakikinig sa usapan nila sina Renzo, Florencio, Billy, Joey at Fernando. "Pero ang mahalaga ay nakatakas kami sa lugar na 'yon."
"Kung gano'n ay kailangan n'yo na munang magpalamig. Kailangan isipin ng mga Benitez na wala silang dapat katakutan. At magandang pagkakataon ang inyong paghahanda sa susunod ninyong misyon lalo na ngayon at nakapagdesisyon akong palitan na muna si Karadine ni Tamara." Laking gulat ng lahat sa narinig. Lalo na sina Yvo at Renzo na higit na hindi makapaniwala.
"Boss, mawalang galang na, bakit kailangan mo pong palitan sa pwesto si Madam Karadine? Kung magaling naman siya at determinado sa kaniyang posisyon?" katwiran ni Renzo.
At habang naghihintay sila ng malinaw na kasagutan mula sa amo ay sandaling bumalik sa isipan ni Yvo ang kanilang naging huling usapan nila ni Karadine.
"Yvo, paano kung.. ito na pala 'yung huli nating pagkikita?" Aaminin niyang hindi niya maiwasang malungkot na isipin ang realidad ng katanungang iyon.
"Bakit mo naman naitanong 'yan?" ganting tanong niya rin.
"Naisip ko lang, pero hindi naman mangyayari 'yon, 'di ba?" pagbawi ni Karadine sa naramdaman niyang kalungkutan.
"Oo, dahil anuman ang mangyari ay hahanap ako ng paraan para lang makita ka," sinserong wika niya rito. Saka niya mahigpit na hinawakan ang kamay nito bago pa sila magpasyang bumalik na sa pabrika dahil sigurado siyang kanina pa sila hinahanap ng kaniyang amo.
Hindi niya na namalayan ang pag-alis ng kaniyang ibang mga kasamahan nang dahil sa lalim ng kaniyang iniisip. Huli na nang mapagtanto niyang silang dalawa na lamang ni Renato ang naroon.
"Ahm, pasensya na, boss. Aalis na rin po ako."
"Hindi ka aalis," pagpigil nito na ipinagtaka niya. "Dahil mag-uusap pa tayo." Nanatili siyang walang kibo. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ko na maiiwan ka rito? O baka naman sadyang lumilipad lang ang isip mo sa iba kanina?" Napalunok siya sa biglang pagkahula nito sa tunay na nararamdaman niya.
"Boss, pasensya na. Pero, ano po bang pag-uusapan natin?"
Sinentro siya nito ng tingin habang papalapit ito sa kaniya. "Dahil may mahalaga akong proposal para sa'yo." Sandali siyang naging handa sa sasabihin nito. "Naalala mo ba ang naging kasunduan natin? Na kapag naging matagumpay ang operasyon ninyo ay hindi mo na poproblemahin pa ang pang-maintenance ng iyong ama." Napatango siya sa narinig. Gayunpama'y wala pa ring salita ang gustong lumabas mula sa kaniyang bibig. "Pero p'wede kong hindi tuparin 'yon kung ipagpipilitan mo ang nararamdaman mo para sa anak ko." Doon siya napatingala rito, nagtatanong ang kaniyang mga mata ngunit wala siyang magagawa kundi ang magpakumbaba.
"Boss--"
"Baka nakakalimutan mong higit na nangangailangan ang ama mo para sa gamutan, kaya kinakailangan mo ang perang ibibigay ko sa'yo. Kaya sa ayaw mo man o gusto, kailangan mo nang kalimutan ang nararamdaman mo para sa anak kong si Karadine." Para siyang tinusok ng paulit-ulit sa mga narinig. Gayunpama'y higit siyang mas nangangailangan ng pera para sa kaniyang ama.
Kaya naman kahit labag sa kalooban ay pumayag siyang makipagkasundo sa kagustuhan ng kaniyang amo. "Masusunod po, boss."
Samantala'y hindi naman naiwasang magtalo ng dalawang magkapatid na sina Tamara at Karadine habang hinihintay na matapos sa meeting ang kanilang ama.
"Simula bukas ay mararanasan ko na rin ang buhay na pinili mo, Karadine. Habang ikaw ay mananatili sa mansyon hangga't wala pa ang inyong pasukan."
Sandali siyang napangisi. Dahil kung akuin naman nito ang kaniyang posisyon sa pabrika ay parang napakadali lang pumalit sa kaniya. "Ate Tamara, pinapaalala ko lang sa'yo na hindi madalī ang trabaho rito. Buwis buhay ang haharapin mo hanggang sa isalang ka na rin sa isang ingkwentro."
Mukhang hindi sineryoso ni Tamara ang mga sinabi niya dahil napapangisi pa ito at sinabing, "Kahit gaano pa kahirap 'yan, basta kasama ko si Yvo ay alam kong magiging madalī lang ang lahat."
Sandali siyang napailing. "Bakit ba kasi si Yvo pa ang gusto mo, Ate Tamara? E, kung ako nga ay pilit inilalayo ng ama sa kaniya, ikaw pa kaya?"
"So what? Hindi naman ako katulad mo na mahina dumiskarte pagdating sa lalaki. E, ano pa nga bang nagagawa ng isang magulang kapag nandoon na sa isang sitwasyon na mahirap nang lusutan?"
"Anong ibig mong sabihin?"
"Karadine, 'wag na tayong maglokohan dito. Alam kong gusto mo rin si Yvo kaya nga hindi ako magpapatalo, e. Ngayon pa na nakuha ko na ang tiwala ni papa. So, ngayon, madali na lang para sa akin na mapalapit kay Yvo at kapag naging kami ay walang araw na hindi ko siya paliligayahin hanggang sa magkaanak kami at wala nang magagawa si papa kundi tanggapin na lang si Yvo para sa akin."
"Sa tingin mo ay hahayaan kong mangyari 'yon? Ate Tamara, sinisiguro ko sa'yong hindi ka gugustuhin ni Yvo."
"Ang kapal naman ng mukha mo para sabihin 'yan! At bakit? Gusto ka rin ba niya?"
"Oo!" napalakas sa tonong aniya. Habang nanatili namang speechless si Tamara.
Hanggang sa kumorte nang pagtawa ang bibig nito. Malakas na tawa ang pinakawala nito. "Anong nakakatawa?" matapang niyang katanungan dito.
"Sa tingin mo ba ay may patutunguhan ang nararamdaman mo para sa kaniya? Ngayon pa na magkakalayo na kayong dalawa?" Sandaling pumatak ang luha niya. Tunay nga na kahit kailan ay hindi magiging tama ang nararamdaman nila ni Yvo para sa isa't isa.
Ilang sandali pa, bago pa siya makasagot ay siyang dating naman ng kanilang ama para ayain na silang umuwi. Bago pa sila sumakay sa sasakyan ay nakita niya ang lungkot sa mga mata ng ilang tauhan na naroon dahil sadyang napalapit na ang mga ito sa kaniya. "Karadine, sakay na," wika sa kaniya ng ama gayong mayroon pa siyang isang tao na na nais makita hanggang sa huling pagkakataon. Si Yvo.
Pero mukhang ginusto na ng tadhana na hindi na sila muli pang magkita hanggang sa huling pagkakataon dahil tuluyan na siyang nakasakay ng sasakyan ay hindi pa rin nagpapakita si Yvo. Hanggang sa makita niya na lang sa side mirror ng sasakyan na nagmamadaling humabol sa sasakyan nila si Yvo. Doon pa lang ay parang binibiak na ang puso niya sa sobrang sakit. Ganito pala ang pakiramdam kapag napamahal ka na sa isang tao at kinakailangan ninyong magkalayo.
Nagsimula ang training ni Tamara sa martial arts sa tulong ni Ken at maging sa shooting range na ipinagkatiwala naman ng kaniyang ama kay Yvo. Doo'y nagkaroon ng pagkakataon si Tamara para landiin ito ngunit hindi siya nagtagumpay dahil sadyang mailap kausapin ang binata. Para kila Renzo naman at sa iba pang mga tauhan ay sadyang nakakapanibago na makasama si Tamara gayong nasanay ang mga ito sa presensya ni Karadine. Bukod pa ro'n ay hindi maiwasang ipagkumpara ng mga ito ang dalawang magkapatid, kung saan ay nakilala nilang may mabuting kalooban si Karadine habang masamâ naman ang ugali ni Tamara.
Isang linggo ang lumipas at nanatili lamang sa mansyon si Karadine dahil na rin sa mahigpit na bilin ng kaniyang ama na manatili lamang siya sa mansyon. Laking pagtataka naman ng mga taong naroon ang kaniyang hindi pag-alis, lalo na si Isabel na higit na nag-aalala sa kaniya.
At dahil sadyang nami-miss niya na si Yvo ay hindi siya mapakaling umalis ng mansyon. Kaya naman pilit pa rin siyang nakiusap kay Aleng Francia, na bukod kay Isabel ay higit na makakaunawa sa kaniya.
"Pakiusap, manang, payagan mo na po akong umalis kahit sandali lang."
"Pero kabilin-bilinan ng ama mo na hindi ka raw p'wedeng lumabas, Madam Karadine. Pasensya na pero sinusunod ko lang ang utos ni Sir Renato, ayoko namang matanggal ako sa trabaho."
"Manang, please.. sandali lang. Ako ang bahala sa'yo, kaya payagan mo na ako.." pagpupumilit niya rito.
Napabuntong hininga naman si Aleng Francia, tunay nga na hindi nito matitiis ang paborito niyang alaga. "O, sige na, basta sandali ka lang, hah?" maluwag na pagpayag nito. Tutal naman ay nagkataong wala pa sa mansyon ang isa pa niyang hindi kasundong kapatid na si Margaret. Habang pareho namang abala sa mga gawain ang mga magulang nina Tamara, Margaret at Isabel.
"Ahm, manang, si Isabel, nakita mo po ba?" tanong niya rito.
"Ah, tingnan mo sa k'warto niya. Mukhang pinipili na lang din kasing mag-isa ni Madam Isabel simula nang magtrabaho ka sa pabrika."
Tipid siyang napangiti. Ngayon pa lang ay nais niya nang humingi ng tawad sa kapatid lalo na't ito lang naman talaga ang kasundo niya sa kanilang apat na magkakapatid.
"Sige po, manang, salamat."
Pagkarating niya sa silid ni Isabel ay nakita niyang mahimbing itong natutulog. Pero dahil sadyang nami-miss niya na ito ay sinubukan niya itong gisingin. "Isabel, huy."
Tila naalimpungatan naman ito nang makita siya. "Karadine?" Makikita sa mukha nito ang kasiyahan nang makita siya.
"Ako nga, Isabel. Na-miss kita!" Doo'y hindi na niya napigilan na yakapin ang kapatid habang gumanti rin naman ito nang pagyakap sa kaniya.
"Sandali, kailan ka pa umuwi? Mahigit isang linggo rin kitang hindi nakita."
"Ang totoo niyan ay isang linggo na akong naka-stay dito sa mansyon, pero dahil mahigpit akong pinalalabas ni papa ay nagkulong lang ako sa k'warto. Sobrang sakit kasi nang ginawa niya, Isabel. Pero saka ko na ipaliliwanag, mabuti pa ay samahan mo na lang akong umalis."
"Ano? Aalis tayo? E, kasasabi mo nga lang na hindi ka pinalalabas ng ama."
"Hayaan mo na. Ngayon lang naman ako susuway sa kaniya. At saka 'wag kang mag-alala, pumayag naman na si Aleng Francia, at saka safe tayong umalis ngayon dahil wala sina Ate Margaret at Ate Tamara."
Bahagyang lumiwanag ang mukha ni Isabel. "O, sige, mag-aasikaso lang ako, hah?"
Halos isang oras ang lumipas at doon pa lamang sila nakaalis. Doon sila dumaan sa likurang bahagi ng mansyon dahil walang nagbabantay roon. At kung sakali man na magkabukingan na umalis siya ng mansyon, alam niyang safe siya dahil kasama niya si Isabel.
"Karadine, saan ba kasi talaga tayo pupunta? Mukhang malayo na ang nalakad natin, hah?"
"Basta," sagot niya. At parang gusto niya nang magsisi dahil sa kanilang pagtakas ay hindi sila nakapagdala ng pamasahe kaya naman heto sila at nagpapakapagod na maglakad ngayon.
Kung sabagay ay p'wede namang lakarin ang distansya ng mansyon patungo sa pabrika. Mahigit trenta minutos din ang kanilang iginugol sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa mismong tagpuan nila ni Yvo. Nang sandaling iyon ay binigyan niya ng hint si Yvo na kinakailangan nilang magkita. Nang malaman niya kasi na huling araw niya na sa pabrika ay nag-iwan siya ng numero kay Renzo dahil ito lang naman ang may sariling cellphone at kaniyang higit na pinagkakatiwalaan bukod kay Yvo. Ibang pangalan ang ipinalagay niya sa cellphone nito nang sa gano'n ay hindi makahalata ang kaniyang ama at si Tamara na may koneksyon pa rin siya sa mga ito.
Nang sandaling iyon ay lihim na sumaya ang puso ni Yvo dahil sa wakas ay tinupad ni Karadine ang ipinangako nito. Nasa isipan pa rin ni Yvo ang naging pag-uusap nila.
"Tutal naman ay mahirap makalabas pasok dito sa pabrika, ako na lang ang gagawa ng paraan para makipagkita sa'yo, Yvo."
"Pero, paano?"
"Kailangan natin ng kooperasyon ni Renzo." Nang mismong araw din na iyon ay pasimple niyang ipinasulat sa papel ang numero ni Renzo dahil siya dapat ang maunang kumontak dito. Lalo na't higit na mas mahigpit ang kalakalan sa pabrika kumpara sa mansyon ng pamilya Monteza.
Nakakatuwang isipin kung paano kasuportado si Renzo sa pag-iibigan nila. Kaya naman ito rin ang gumawa ng dahilan para lamang sandaling makalabas si Yvo.
Nang sandali ring iyon ay matindi ang kabang nararamdaman ni Karadine pero hindi, 'yung kaba na natatakot kundi 'yung kabang nagpapahiwatig na mabilis ang t***k ng puso niya pagdating kay Yvo.
"Dito kami nagtatagpo ni Yvo, Isabel."
"Pero sigurado ka bang makakarating siya?"
"O-oo." Kahit hindi sigurado ay umaasa pa rin ang puso niya na matutupad ang munti niyang hiling na makita itong muli.
Hanggang sa mas bumilis ang t***k ng puso niya nang marinig niya ang isang pamilyar na boses. "Kara?"