Hacienda Ocampo Umalis si Salem sa sala para pumunta ng kusina at magluto, pero imbes na pumunta mag-isa ay kinuha nito ang kamay ni Noah at kinaladkad kasama niya. Baka kawawain na naman ni Mark ang nobyo niya. Medyo inis pa rin siya dahil sinuntok nito si Noah. Kahit siya ay ramdam ang sakit kahit hindi siya ang natamaan. “Okay ka lang ba talaga?” May hawak na cold compress si Noah habang nakadikit ito sa pisngi. “Baka magtaka ang magulang mo kung bakit may pasa ka.” Bakas sa boses nito ang pag-aalala para sa nobyo. Hinawakan niya ng marahan ang mukha nito at hinaplos. Hinawakan rin ni Noah ang kamay nito at dinikit sa mukha at pumikit bago binuka ulit ang mata. “Okay lang ako. Hindi na siya masakit. Ako na ang bahala magpaliwanag kina inay kaya ‘wag ka na mag-alala,” sagot ni Noah.

