"MOM, DAD," mangiyak-ngiyak na tawag ni Sab sa mga magulang na noon ay nasa veranda ng mansyon nila at umiinom ng tsaa.
Bumaling ang mga ito sa pinagmulan ng tinig.
"Sab." Agad na tumayo si Amelia nang makita ang anak. Lumapit ito sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
"Mommy." Napahagulgol siya ng iyak matapos maramdaman ang init ng yakap ng ina. Kahit papaano ay nabawasan ang bigat sa kaniyang dibdib.
"Stop crying, baby. He doesn't deserve you," puno ng galit na wika ni Amelia habang hinihimas ang likuran ng anak. "Bulag yata ang lalaking 'yon at nagawa niyang ipagpalit ang isang napaka-espesyal na babaeng tulad mo."
"Hindi lang po bulag, tita. Tanga pa," segunda naman ni Benjo.
Isang tipid na ngiti lang ang sumilay sa mga labi ni Sab. Hindi niya magawang magsalita dahil siguradong maiiyak lamang siya.
"O siya, kumain na kayo. Alam kong pagod kayo sa biyahe." Kumalas na ito sa pagkakayakap sa kaniya at nagtungo na sila sa dining room.
Habang kumakain ay masayang nagkukwentuhan sina Benjo at ang mga magulang ni Sab.
"Mabuti na rin ang nangyari at nalaman mo agad ang tunay na pagkatao ng lalaking iyon. Akala ko pa naman matino si Anthony. Manloloko rin pala. Huwag kang mag-alala, hija. Siguradong makakatagpo ka pa ng lalaking mas higit pa sa kaniya. Iyong lalaking hindi ka lolokohin at sasaktan," nakangiting wika ng kaniyang ina.
Muli ay ngumiti lamang si Sab. Wala siyang ganang magsalita. Pagod na pagod kasi ang katawan niya dahil sa mahabang biyahe, na sinabayan pa niya ng matinding pag-iyak sa kotse kanina. At isa pa, pakiramdam niya ay mapapalahaw siya ng iyak kapag may namutawing salita sa kaniyang bibig.
Matapos kumain ay nagpaalam na agad si Sab sa mga magulang na magpapahinga na sa kaniyang silid. Agad namang sumunod sa kaniya si Benjo. Ito na rin ang nag-akyat ng mga gamit nila.
Nang makapasok sa kaniyang silid ay si Benjo na rin ang naglagay ng mga gamit niya sa loob ng aparador.
"Benjo, thank you," aniya habang pinapanood ang kaibigan sa ginagawa nito. Nakatayo siya noon sa tabi ng bintana.
"Tss! Parang ibang tao?"
"Basta salamat."
"Anong salamat? Ipagbe-bake mo kaya ako ng masarap na cake 'pag nakabalik tayo sa Manila."
Napabuntong hininga ang dalaga. Sa labis na sakit na naghahari sa kaniyang dibdib, pakiramdam niya ay parang hindi pa niya kayang ipagpatuloy ang buhay. Parang gusto niya munang mag-stay sa piling ng mga magulang ng ilang buwan hanggang sa tuluyang maghilom ang sugatan niyang puso.
"O, natahimik ka na naman. Baka umatungal ka na naman d'yan. Ang sakit na kaya ng ear drums ko sa kaka-iyak mo."
"Sorry naman."
"Mabuti pa magpahinga ka muna. Gigisingin na lang kita mamaya kapag magdi-dinner na tayo. Tapos bukas ng umaga mag-swimming tayo sa dagat."
Napangiti siya sa sinabi nito. Sa tuwing nagbabakasyon sila rito ay lagi silang naliligo sa dagat na ilang metro lang ang layo mula sa bahay nila.
"Kapag weekends maraming nagpupuntang turista rito, 'di ba? Malay mo, dito mo matagpuan si Mr. Right."
"Tigilan mo nga ako. Pagkatapos nang nangyari sa akin sa tingin mo makikipag-boyfriend pa ulit ako?" mapait niyang tanong sabay irap dito.
“Ayaw mo nang mag-boyfriend?”
"No way! Ayoko na! Magpapaka tandang dalaga na lang ako."
"Baliw! Ang ganda-ganda mo. Huwag mong sayangin ang genes mo."
Pinilit niyang magbiro kahit sobrang sakit na ng kaniyang nararamdaman. "Marami naman akong jeans. May skinny jeans, boot cut, ripped jeans-"
"Yuck! Ang corny mo, Ysabella! Matulog ka na nga," natatawang putol nito sa joke niya. Hinawakan na siya nito sa magkabilang balikat at giniya siya palapit sa kama.
Tila isang paslit naman si Sab na sumunod lamang kay Benjo. Nang makahiga siya sa kama ay kinumutan siya nito at hinalikan sa noo. "Magpahinga ka muna riyan. Alam kong pagod ka sa biyahe. Bababa lang ako para makipagkwentuhan kina tita."
"Okay."
"Sleep well." Tinungo na nito ang pinto at lumabas na ng silid.
Napangiti si Sab nang mapag-isa sa kuwarto. Malas man siya sa love life pero suwerte naman siya sa ibang bagay dahil nand'yan si Benjo at ang mga magulang niya. Alam niyang kailanman ay hindi siya papabayaan ng mga ito.
"GOOD morning, bestfriend!" masayang bati ni Benjo habang naglalakad palapit sa kamang kinahihigaan ni Sab. Naupo ito sa gilid ng kama. "Bumangon ka na. Mag-jogging tayo sa tabing dagat."
"Ayoko. Tinatamad ako," tanggi niya. Halata sa tinig niya ang matinding katamaran na nararamdaman. Pakiramdam niya talaga ay napakabigat ng katawan niya ng mga sandaling iyon.
"Mag-swimming na lang tayo."
"Tinatamad nga ako." Muli niyang pinikit ang mga mata at tumalikod ng higa rito.
"Ang kill joy mo talaga. Inaya-aya mo ako ritong magbakasyon iyon pala magmumukmok ka lang dito sa kwarto mo."
Napabuntong hininga lang siya.
"Mag-breakfast na lang tayo. May mainit na pandesal sa ibaba saka kesong puti. Favorite mo iyon, 'di ba?"
"Wala pa akong ganang kumain. Mamaya na lang ako bababa," muli niyang tanggi. Sa sobrang bigat ng dinadala niya sa dibdib, pakiramdam niya ay wala siyang ganang gawin ang kahit anong bagay. Parang gusto niya lang talagang mahiga sa kama at magmukmok sa loob ng silid niya.
"Hoy, Ysabella! Hindi ko na gusto 'yang inaarte mo, ha. Okay lang na magmukmok ka rito sa loob ng kuwarto. Pero huwag mo namang pabayaan ang sarili mo. Hindi ka na nga nag-dinner kagabi tapos hindi ka pa rin kakain ngayon. Magkakasakit ka niyan sa ginagawa mo," naiinis na sermon sa kaniya ni Benjo. Para talaga itong nakakatandang kapatid niya kung umasta.
"Masakit kasi," daing ni Sab. Nagsimula nang mag-unahan sa pagtulo ang luha sa kaniyang mga mata.
Napabuntong hininga naman si Benjo nang marinig ang paghikbi ng kaibigan.
"Ang sakit-sakit. Minahal ko siya nang husto tapos ito lang pala mapapala ko." Tuluyan na siyang napahagulgol ng iyak. "Pangit ba ako, Benjo? Hindi ba ako sexy? Masama ba ang ugali ko? Masama ba akong girlfriend?"
"Hindi ka pangit, okay? Tanga lang talaga 'yang fiancè mo." Nagpantig ang mga bagang nito sa sobrang inis. "Sab, isipin mo na lang na blessing in disguise ang nangyari, okay? At least, maaga pa lang nalaman mo na agad ang tunay na ugali ng tarantadong 'yon. Cheer up, Sab! It's not the end of the world."
Tumayo si Benjo at lumapit sa cabinet. Kumuha ito ng rashguard, maikling cotton shorts at underwear ni Sab. Tapos ay pinukol ang mga iyon sa ibabaw ng kama. "Mag-swimming na tayo. Hindi ako nag-leave ng isang linggo para lang pakinggan ang pag-iyak mo sa kwartong ito."
Tila nakonsensya naman siya sa sinabi ni Benjo. Alam niya kung gaano kaabala ang kaibigan sa pagma-manage ng business nito pero nagawa nitong umalis ng Maynila para damayan siya. Parang napaka-unfair naman talaga kung puro kadramahan na lang ang ipapakita niya rito.
Pinunasan na niya ang luha sa mga mata at bumangon na rin mayamaya.
Napangiti naman si Benjo sa ginawa niya. "That's my girl! Tigilan mo na ang kaka-iyak sa mokong na 'yon. Papangit ka talaga niyan sa kaka-iyak mo. Sige ka."
Pilit niyang nginitian ang kaibigan. "Oo na po."