Kabanata 7

1536 Words
ANG ARAW PAGKATAPOS NG LIBING NI NIKLAUS. Nakatingin ako buong magdamag sa isang kahon na binigay sa akin ng matalik kong kaibigan na si Niklaus, hindi niya ako pinatulog sa kadahilanan na matapos niyang ibigay ang plain box na ito ay kinabukasan narinig ko mula sa aming guro ang masamang balita, natagpuang patay at wala na siyang buhay sa loob ng kanyang kwarto. Hindi ko magawang hawakan ang kahon na ibinigay niya sa akin, natatakot ako sa kung ano ang laman nito, wala kase siyang paalala kung ano nilalaman ng kahon na iyon dahil ang sabi ni mama ay pagkatapos iabot ni Niklaus ang kahon sa kanya ay agad din itong umalis at hindi na nga nagpaalam. Madali lang naman buksan ang kahon dahil natatakpan lang ito ng di-tanggal na takip, pero kahit gan'on lang 'yon kasimple ay ayaw ko parin buksan, wala naman akong ginawang masama sa kanya at sa katunayan ay hindi ko kayang gawin 'yon dahil higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa kanya. Nagpasya akong lumabas ng kwarto at pumunta sa baba para kumuha ng makakain sa loob ng refrigerator, nadismaya ako na puro tubig na nakalagay sa bote ang laman ng loob. Parang hindi na ako nasanay dahil bihira lang naman magkaroon ng laman na pagkain ang refrigerator namin, nagkakaroon lang iyon kapag bagong sahod si papa o kaya kapag nakapag grocery si mama. Muli akong umakyat sa taas ng padabog, pagbukas ko ng pinto ng kwarto ay kaagad na kahon na mula sa yumao kong kaibigan ang sumalubong sa akin, napahawak ako sa aking dibdid. Naging masyado na akong matatakutin simula ng namatay siya, parang hindi na tuloy nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng kwarto ko. Kaagad kong hinanap sa loob ng aking kwarto kung saan ko huling nailagay ang coin purse ko, sa pagkakatanda ko ay puno ng limang piso at sampung piso iyon at kaunti lamang ang piso doon kaya ganito ako kapursigido na mahanap iyon. Abot langit ang ngiti ko ng matagpuan kong nasa ilalim lang pala ng kama ko iyon at natatabunan lang pala ng kumot na ginamit ko. Pagkababa ko ng kwarto habang naglalakad pababa ay nakasalubong ko si mama, nakasimangot ito at mukhang mainit ang ulo, nagpanggap nalang akong walang napansin at baka sa'kin pa maibuntong ang masamang araw nito. Nagtatakbo akong lumabas ng bahay na parang nakawala sa hawla, napangiti nalang ako na parang nasisiraan na ng ulo, ang hirap pa naman ni mama pahintuin ng talak kapag nasimulan na. Habang naglalakad sa kalye at papunta sa isang malapit na tindahan ay nakasalubong ko ang ilang mga kalaban ko sa dota at computer games, wala naman kaming alitan o sama ng loob sa isa't-isa pero minsan ay nasosobrahan ang trashtalkan kaya hindi naiiwasan ang pikunan at asaran, kagaya nalang ng nangyari kagabi. Masama kase sobra ang loob ko noon dahil galing ako sa libing ni Niklaus, lahat ng sama ng loob at galit ko ay binuhos ko sa mga nakalaban ko sa dota pero hindi ko yata napansin na nasosobrahan na ako at muntikan pang magkaroon ng gulo sa computer shop. Nakahinga ako ng maluwag ng lagpasan lang ako ng mga nakalaban ko sa dota, buti nalang sport sila at hindi marunong magtanim ng sama ng loob na dapat naman talagang tinataglay ng mga mahilig sa e-games. Kibit-balikat nalang akong muling naglakad papunta sa tindahan ni Aling Martha, ang isa mga pinakabilis ang internet connection sa tsismis. Mataas ang mbps niya na halos nasa 20 mbps, kumbaga dinadala palang sa hospital ang pasyente, sa kanya naoperahan na at sa kasamaang palad ay hindi na kinaya ang operasyon ng pasyente kaya namatay. Mabait naman raw si Aling Martha basta't marunong kalang magbayad ng utang sa tindahan niya pero kailangan may kasamang tubo. "Isang sprite nga po sa plastic at itong clover chips, Aling Martha" mabilis naman na pumasok sa loob ng tindahan niya ito, ang ganda pa naman ng pamemewang nito sa labas na parang naghihintay lang ng masasakyan. "Kumusta pala ang mama mo?" binilang niya muna ang baryang binayad ko saka niya ko sinuklian. "Maayos naman po" tugon ko na may pagpilit na ngiti. Matapos nitong iabot ang mga binili ko ay mabilis na akong umalis at baka saan pa mapunta ang kwento, wala pa naman akong tiwala sa patanong-tanong ng aling ito dahil kilala namin kung gaano ito magmanipula ng kwento na daig pa ang isang manunulat ng kwento. Napapaniwala pa naman niya ang kanyang mga kumareng tsismosa kahit na walang ebidensiya, kahit na walang sapat na katibayan at galing lang sa mapanghusgang bibig nito. Babalakin ko sanang pumunta sa computer shop para doon mag-aksaya ng oras pero mas pinili ko nalang umuwi, mainit pala ang ulo ni mama, mabuting pahupain ko muna ang sitwasyon bago ako gumawa ng bagay na pwedeng makuha niya ng atensyon. Pagpasok ko sa loob ng bahay ay sa 'di ko malaman na dahilan ay muli lang akong umakyat sa taas at pumasok sa kwarto at sinarado ang pinto. Napapitlag ako ng marinig ko ang malakas na ringtone sa phone ko, napabuga ako ng mura dahil sa sobrang gulat. Hanggang nandito at nakikita ko ang kahon na ito ay hindi mawawala at hindi ko malilimutan kung ano itsura ni Niklaus sa loob ng kabaong. Ayaw parin kaseng maniwala ng isip at puso ko na patay na siya at tila pakiramdam ko ay nariyan lang siya sa tabi-tabi nagmamasid at nanonood sa mga bawat kinikilos ko. Kita mo? kung anu-anong pinag-iisip ko at tinatakot pa ang sarili ko. Mas maigi nalang na itapon ko ang kahon ngayon kaysa hayaan itong nasa loob ng kwarto ko, baka dahil pa diyan ay hindi na ako makatulog at humantong pa sa bangungot. "Hello?" ani ko mula sa kabilang linya. "Tyron, nandito ako ngayon sa loob ng comshop, maglalaro kami ng dota baka gusto mong sumali. Ano game ka?" hindi ko pala sinave yung number ni Tian. Mabuti nga naalala ko pa ang pangalan niya dahil kagabi ko lang siya nakilala. "Ngayon na ba?" napakamot pa ako ng ulo ko, parang gusto ko kaseng sumali. "Oo, ngayon na. Nandito na sila. Nakasalubong ka raw ng mga nakalaban natin kagabi, gusto raw nila gumanti sa pangta-trashtalk mo" natatawa pa nitong sabi. "Loko! Pwedeng bang mamaya nalang? Mukhang mainit ang ulo ng mama ko at baka sugurin pa ko sa comshop. Salamat nalang sa pangaaya" "Sige, tol," sabay pindot ko sa pulang logo. Napamewang nalang ako habang nakakunot ang noo na napatingin sa kahon, hindi naman siguro magagalit sa akin si Niklaus kapag ginawa ko 'yon, mapapatawad naman niya siguro ako at hindi niya ko mumultohin. Oo, inaamin ko na kalalaki kong tao ay takot ako sa mga multo o kahit na anong bagay na may kinalaman sa katatakutan. Tanging si Niklaus lang naman ang malakas ang loob pagdating sa mga katatakutan, naalala ko pa noon ng manood kami sa loob ng kwarto niya, pinanood namin 'yung 'The Grudge' grabe 'yung takot ko non at halos hindi ako pinatulog dahil palagi kong naaalala kung ano 'yung itsura ng babaeng gumagapang habang nakaharang 'yung mahabang buhok sa kanyang mukha. Grabe ang tawa sa akin ni Niklaus noon na halos magmistulang komedya 'yung pinapanood namin, minsan talaga kapag nasa good mood siya ako ang ginagawa niyang clown. Hindi naman ako nagrereklamo dahil kung saan siya masaya ay masaya narin ako, nakakadala kase 'yung ngiti niya at dahil doon bigla ko tuloy siyang namiss. I missed her so much and I wish I see her smile again. Nakonsiyensya tuloy akong itapon yung kahon na binigay niya sa'kin, ni hindi ko pa nga alam kung ano ang laman non. Napaupo ako sa kama ko at pinanood ang kahon na tila may sariling buhay, ngumiti ako ng mapait at naawa sa maagang pagpanaw ng aking kaibigan. Tatlong malakas na katok ang narinig ko bago ito tuluyang pumasok sa loob. "Nandito ka pala, nak" "Anong kailangan mo, ma?" salubong ko ng tanong sa kanya, bihira kase itong dumalaw sa kwarto ko. Umupo ito sa tabi ko at hinalikan ako sa noo na ipinagtatakhan ko. Anong meron at bakit parang namamaalam siya? Nakaramdam tuloy ako ng kaba sa mga titig ni mama, ayoko ng makatanggap ng masamang balita at mas lalong ayoko pang maagang maulila sa ina, hindi ko kaya, hindi ko matatanggap. Sana mali ang iniisip ko at nagiging paranoid lang ako dahil sa maagang pagkawala ng matalik kong kaibigan. Bumuntong hininga si mama ng malalim, "Alam mo ba ang tunay na ikinamatay ni Niklaus?" Ano? Iyon lang pala ang ipinunta niya sa kwarto ko, naikuwento na sa akin ng mama ni Niklaus ang tunay na ikinamatay nito, kung hindi ako nagkakamali ay bangungot. "Oo, naikwento na sa akin ng mama niya" hinagod ni mama ang buhok at likod ko. "Kung may problema ka, nak, 'wag kang matatakot na magsabi sa akin ah, alam ko naman na minsa'y natatalakan kita ng madalas. Alalahanin mo na ginagampanan lang ni mama mo ang tungkulin niya bilang isang mabuting magulang" Ano ba talaga ang nangyayari? Bakit may ganitong pagbibigay ng payo si mama? Nakakapanigabago! Si mama ba talaga ang kausap ko? "Okay, ma." Tumayo si mama at akmang palabas na ng kwarto dahil napihit na niya ang siradura. "Teka lang, ma" lumingon ito sa akin. "Ano'ng sabi sa'yo ng mama ni Niklaus na ikinamatay niya?" "Hmmm... Nag... nagbigti ang kaibigan mo, nak"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD