MAHIGPIT ang paalala sa kanila ni pinuno pagkatapos ng overnight, kung may mapapansin man silang kahit na anong kakaibang bagay ay kailangan ma-inform nila ang samahan upang sa ganoon ay mabilis namin silang matulungan. Hinatid na kami sa labas ni Frederick at maghihintay nalang ng dadaan na tricycle, napatingin ako sa suot kong relo at napahikab, saktong ala sais palang ng umaga. Ang plano sana ay dalawang araw kami kaso tumawag 'yung ina ni Alexa na pinapauwi na siya kaya nagpasiya nalang ang iba na sumabay narin ng uwi.
"Kuya, pahatid nalang ang mga kasama ko hanggang sa labas ng gate" bilin ni Frederick sabay abot ng bayad sa dalawang tricycle driver.
"Ingat ka, pinuno" paalam ni Alexa bago tuluyang makasakay sa loob, ginantihan naman siya ng ngiti nito.
"Text ka nalang namin kapag nakauwi na kami" pahabol na sabi ni Steve bago umupo sa tabi ng driver.
"Sige, ingat kayo!" umabante na patalikod si Frederick hanggang sa tumama ang likod niya sa kanilang tarangkahan at naghihintay nalang tuluyan na kaming makaalis.
Bago tuluyang maisara ang tarangkahan nila Frederick at bago mawala sa paningin ko ang bahay ay parang may nakita kong dalawang babaeng nakatalikod at nakayapak sa bakuran nila, napahaba ko pa ang aking leeg para siyasatin kung sino 'yung dalawang babae na napansin kong nakatayo. Alam kong mahirap paniwalaan sa sarili ko kung sino 'yung dalawang babae na nakita ko pero malakas ang pakiramdam ko na parang si Allison at Sheena ang dalawang iyon.
Walang humpay na sermon ang inabot ko kay mama pag-uwi, nagpaalam naman ako ng maayos sa kanya at pumayag naman siya pero sa bandang huli ay wala parin pala akong takas sa magiging sermon niya. Kahit saang sulok ng bahay ay tinalakan niya ko, wala naman akong nagawa kundi ang manahimik nalang sa lahat ng mga panenermon niya, para ba akong nakikinig ng rap na walang kabuluhan ang lumalabas sa bibig, tanging ingay lang ang dala. Tumagal ng halos tatlong oras ang panenermon ni mama at inabot pa ng tanghalian bago naging payapa ang mga tainga ko sa ingay, pagkatapos kong kumain ay dinalaw na ako ng antok at natulog.
Naalimpungatan ako ng may narinig akong kaluskos sa mga dingding, parang pagkaskas ng mga mahahabang kuko sa kahit saang sulok ng kwarto ko, napabangon ako para suriin kung may tao sa paligid pero tanging sarili ko lang ang laman ng kwarto ko. Humiga na ako uli at pinikit ang mga mata, hinahanap parin ng katawan ko ang pagbawi ng tulog, isang araw ba naman akong hindi matulog, marahil hahanapin talaga ng katawan ko ang pahinga.
Muli akong nagising sa pagkakatulog ng makaradam ng lamig na bumalot sa buong katawan ko, hindi ko napansin na hindi na pala ako nakakumot at nasa paanan ko na ito. Binaluktot ko ang aking katawan para maabot ang aking kumot at binalot ko iyon sa buo kong katawan, hindi pa nakakatulog ang diwa ko ng may biglang humila ng kumot ko, napalikwas ako ng bangon dahil doon.
"Ma?" mahinang usal ko.
Inikot ko ang aking mata sa aking buong kwarto kung may ibang tao maliban sa akin pero katulad kanina tanging sarili ko lang ang natagpuan ko.
"Ma?" muli kong usal sa kawalan.
Gumapang ako ng dahan-dahan palapit sa kumot ko na halos mahulog na sa kama ko, hindi ako matatakutin at hindi rin ako madaling masindak pero hindi ko alam kung bakit parang nakakaramdam ako ng takot ngayon. Siguro, dahil sa mga nitong nakaraang araw ay pulos mga nakakagimbal at nakakakilabot na mga tagpo ang nasaksihan ko, marahil iyon siguro ang dahilan kung bakit parang laging pakiramdam ko ay may kung anong mga nakakatakot na bagay ang pumapasok sa isip ko.
Binalot ko muli ang kumot sa aking sarili, tanging ulo lamang ang hindi nakukumotan, ipipikit ko na sana ang mata ko nang mahagip ko na parang may kakaibang bagay na humuhulma malapit sa tiyan ko, hugis bilog ito at unti-unting nagkakaroon ng hulma na parang tao.
Bumuntong hininga muna ako ng malalim, wala naman akong nararamdaman na kung anong mabigat na bagay sa tiyan ko pero ano itong kakaibang bagay na humuhulma ngayon sa harap ko?
Nakapikit ako na lakas loob na inangat ang aking kumot para silipin kung ano ang kakaibang bagay na humuhulma. Napabilang ako ng tatlo bago ko isipin na ibukas ang mga mata ko.
Isa,
Dalawa,
Tatlo.
Wala naman akong nakitang kakaibang bagay na nakapatong sa tiyan ko, napahinga ako ng malalim at napabunga ng hangin parang nabunutan ako ng tinik dahil doon, napapunas nalang ako ng pawis gamit ang kamay ko.
Sa sobrang antok ko siguro ay kung ano-ano nalang ang pumapasok at nakikita ko, gumagawa nalang tuloy ang utak ko nang mga nakakatakot na ilusyon para takutin ang sarili ko. Nasosobrahan narin siguro ako sa kakaisip sa mga bagay-bagay, parang ang tanging laman nalang ng isip ko ay puro katatakutan, kaya ito tuloy ang nangyayari sa akin ngayon tinatakot ang kanyang sarili.
Itinanggal ko ang pagkakatakip ng kumot sa aking uluhan, dahil sa katamaran na tumayo para abutin ang aking cellphone ay pilit ko itong inabot at pinahaba ang aking kamay. Inusog ko ang aking sarili malapit sa cabinet na pinagpapatungan ng phone ko, nang maabot ko ito gamit ang dalawa kong daliri ay napahinto ako dahil may nahagip ang mata ko na nakaupong babae sa paanan ko.
Napalunok ako ng malalim dahil parang nanuyo ang lalamunan ko, may maliit na boses na nagsasalita sa isip ko at pilit akong kinukumbinsi na huwag lingunin ang babaeng nasa harap ko.
Sa hindi ko malaman na dahilan ay bigla ko nalang na inikot ang ulo ko para lingunin ang babaeng nasa paanan ko.
Napabalikwas ako ng bangon at nagwawalang kinumpas-kumpas sa hangin ang kamay ko nang mabilis itong sumunggab pagapang sa palapit sa akin.
Nakakatakot ang itsura ng babae na tila naaagnas na ang mukha, nagtutuklapan pa ang mga balat nito sa mukha na lalong nakadagdag ng takot at kilabot sa aking katawan bukod pa ang mga mata nito na pulang-pula.
Natagpuan ko nalang ang aking sarili na nakayakap sa mga tuhod ko at maluha-luhang pilit na pinapakalma ang sarili dahil sa labis na takot, nanginginig ang buong katawan ko at gusto nang makawala sa takot nitong nararamdaman.
"Nak! Blair! Gising, nak!" wika ni ina mula sa kabilang dimensyon.
Pagkamulat ko sa aking mata mula sa mahimbing na pagkakatulog ay nakita kong nakapatong sa tiyan ko ang babaeng mula sa panaginip ko, nakatayo, nakatungo at nakaharang ang buong buhok nito sa kanyang mukha.
"Ma, ma, ma, ma!" nagsusumigaw kong usal ngunit wala boses na lumabalas sa aking bibig.
Napangiwi nalang ako ng magsimula itong maglakad at madiin nitong hinakbang at tinapakan ang aking dibdib, narinig ko ang paglagatok ng mga buto ko na parang nabali dahil sa ginawa niya. Gusto kong lumaban, tumayo o igalaw ang mga daliri ko para magising pero para akong sinesemento at unti-unting tumitigas ang katawan ko.
Narinig ko ang paglagatok ng buto ng kanyang likod habang paubo-ubo itong nakatigil at nakatapak sa dibdib ko, hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayanin ang kanyang bigat dahil parang kinakapos na ako sa paghinga. Maya-maya ay parang naduduwal ang babaeng nasa harap ko at biglang sumuka sa aking mukha ng magkahalong itim at berde na likido, nakakasulasok ang amoy nito na parang amoy patay na daga na hindi ko maintindihan. Nasalo lahat ng bibig ko ang suka niya kaya napuno ang bibig ko ng mabaho at nakakadiring likido na iyon.
Malalim na butong-hininga ang binitawan ko pagkatapos kong magising mula sa masamang panaginip na iyon, napayakap sa akin si ina ng mahigpit at parang ayaw na akong bitiwan, napahagulgol ako ng maramdaman ko ang mainit niyang balat na dumadampi ngayon sa katawan ko.
Para akong basang sisiw dahil nanlilimahid ang katawan ko dahil sa mga pawis na nilalabas ng katawan ko, ang buong akala ko ay katapusan ko na at hindi na ako magigising mula sa masamang panaginip na iyon.
Hanggang ngayon ay pilit ko paring hinahabol ang aking pagkahinga, malikot ang mga mata ko na parang may kung anong kinatatakutan, hindi ako mapakali at tila hindi palagay sa kung anong bagay na nakikita ko ngayon.
"Anak, ano bang nangyayari sa'yo?" nag-aalalang sabi ni mama na lumabas pa ng kwarto ko para kumuha ng tubig at pamunas sa pawis ko.
"Akala ko hindi na ako magigising, ma" pagsusumbong ko.
"Narinig kita sa baba dahil sa malakas na ungol mo kaya dali-dali akong umakyat para tiyakin kung nasa maayos ka lang ba na sitwasyon. Tapos nakita kitang umuungol, pawis na pawis at binabangungot" mariin ulit akong niyakap ni mama.
"Salamat, ma. Akala ko hindi ko na kayo makikita"
Napangiwi ako ng may naramdaman akong matulis na bagay na tumusok sa katawan ko, napatingin ako kay mama na ngayon ay pulos puti nalang ang mata at nakangiti na parang walang emosyon. Hinugot niya ang kutsilyong tinusok niya sa likod ka, balak pa muli sana niya kong saksakin pero nakaiwas ako at patulak ko siyang nilayo sa akin. Napaupo si mama sa sahig at ginamit ko naman iyong pagkakataon para tumakas, patakbo akong tumayo at humakbang patakbo pero nahawakan ni mama ang paa ko kaya napasubsob ang mukha ko sa sahig.
Wala na akong nagawa ng muli niya akong saksakin ng kutsilyo sa likod, hindi ko na nagawang ipagtanggol ang sarili ko, hindi ko mabilang kung ilang ulit niya kong pinagsasaksak, bawat pagbaon ng kutsilyo ay nararamdaman ko ang paghiwa at pagtama nito sa buto at laman ko.
***
Tatangkain ko sanang umatras at bumalik sa aking silid ngunit nahagip na ng mga mata ni August, ang kanyang kaibigan na kasalukuyan din na naglalakad ngayon sa pasilyo.
"Para kang sabog at addict" paninita ni August ng magkasalubong kami sa pasilyo
Napansin siguro nito ang malaking eyebag na bumibilog sa aking mga mata at namumulang mga mata dahil sa sobrang antok pero 'di ko magawang matulog dahil baka managinip na naman ako uli.
"Hindi na kase ako dinalaw ng antok nang simulang managinip ako at magising ng paulit at pinatay ng paulit-ulit mula sa sarili kong panaginip" pagbibigay ko ng rason.
"Okay," napatango nalang niyang sabi. " Pinapunta pala ako ni Frederick para magkita tayo nila Gino sa library mamayang break time, dahil nandito ka na hindi ko na kakailanganin na pumunta pa sa loob ng silid mo dahil alam ko naman na magsisimula na ang klase niyo at klase ko mga pitong minuto nalang. Ba-bye!" naiwan nalang akong nakanganga at nagmamadali ng bumaba sa hagdan si August dahil nasa pangalawang palapag pa ang room nito at may kalayuan ang building nila sa amin.
Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para hindi dalawin ng antok at labanan ang bigat ng mata ko habang nagkaklase, ilang beses kong kinurot nang malakas ang sarili ko para lang hindi makatulog. Minsan, napapikit nalang ako at biglang napapidlip pero bigla din nagigising dahil sa paniniko ng katabi ko. Ganoon ang naging sistema ko buong klase hanggang sa sumapit ang break time, gusto ko sanang nakawin ang oras na iyon para makaidlip pero nagpatawag kase si pinuno ng meeting kaya wala akong magagaw kundi ang sumipot doon.
"Hinihi— Anong nangyari sayo?" si Gino pala ang nagsasalita at sumalubong sa akin dito sa pintuan ng library.
"Ikaw pala, Gino" tapik lang sa balikat ang ginawa ko at napanganga nalang siya ng iwak ko at tuluyan nang pumasok sa loob ng silid-aklatan.
"Sabi ko sa'yo, pinuno eh. Parang nakadroga ngayon si Blair at wala sa huwisyo" malakas ang pagkakasabi ni August na sa palagay ko ay dapat na pabulong niya sanang sasabihin.
"Ayos ka lang ba?" hindi ko pinipansin ang pagtatanong ni pinuno at umupo nalang diretso para matapos na kung ano man ang anunsyong sasabihin niya dahil hindi talaga gumagana ang utak ko ngayon dahil sa sobrang antok.
"Okay lang ba talaga si Blair?" paniniguro ni Gino.
Nagthumbs lang ako dito bilang senyales na okay lang ako. Napakamot nalang ng ulo si pinuno at Frederick at wala nang nagawa kaya nagpatuloy ito sa sasabihin niyang anunsiyo.
"Tumawag na sa akin 'yung vlogger na nakita ko sa internet at gusto sana niyang magkita kami ngayon pagkatapos ng klase"