AWTOMATIKONG napalingon si Daena sa kaliwa niya nang may maglapag ng takeout coffee sa harapan niya. It was Ethan. Nag-iisa siya sa video room ng mga oras na iyon at kasalukuyang pinapanood ang recorded interview nito kay JD Fortez. Ia-assist kasi niya si Neil, ang video editor nila na siyang gagawa ng promotional video tungkol sa guesting.
Pinindot ni Daena ang "PAUSE" key sa keyboard at hinubad ang suot na headset. "Para saan 'yan?" sarcastic na tanong niya rito.
Nagkibit-balikat si Ethan at sumandal sa kalapit na desk paharap sa kanya. "JD wanted to talk you after the interview. Pero sabi ko busy ka kaya hindi na siya nagpumilit pa."
Nagsalubong ang mga kilay niya sa narinig. "Bakit gusto niya akong makausap?"
"To apologize for sure."
"For what? Dahil ba sa pang-iiwan niya sa akin noon nang walang paalam o sa kataksilan niya? Sabihin mo sa kanya matagal na 'yon, hindi na kailangan."
"Pagbigyan mo na si JD, Daena. Face him if you really moved on," kaswal na sabi ni Ethan pero ang dating sa kanya ay parang hinahamon siya.
"Bakit ikaw ba, may lakas ka ba ng loob na harapin si Tamara?" asik niya rito. Lumarawan ang shocked sa mukha ni Ethan at hindi nakasagot. Halatang hindi nito inaasahan na bubuhayin niya ang nakaraan nito at ni Tamara. Nasabi niya iyon sa sobrang inis dahil hindi man lang siya sinabihan nito na makakaharap niya si Jericho samantalang alam naman nito kung gaano siya nasaktan sa biglang pag-alis noon ni Jericho.
Ex-girlfriend ni Ethan ang pinsan niya at ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon si Tamara noon na sundin ang kagustuhan ng mommy nito na mag-aral ng classical music sa Austria pagka-graduate nila ng high school. May hinala rin siya na sinadya ni Tamara na putulin ang komunikasyon nila sa matagal na panahon ay dahil alam nito na matalik silang magkaibigan ni Ethan at marahil ayaw nitong magkaroon pa ng kaugnayan sa mga taong may kinalaman sa nanakit dito nang sobra.
"And for your information, Tamara has finally decided to do a concert here," patuloy pa niya. "Robin and I are producing the concert. And one of these days we will make a public announcement." Lalong hindi nakapagsalita si Ethan. "Kung talagang nakapag-move on ka na rin, face my cousin when she gets here and apologize personally."
Ilang sandaling nakatingin lang si Ethan sa kanya. Kapagkuwan ay umiling ito at walang paalam na lumabas ng silid.
Napabuntong-hininga si Daena nang muling mapag-isa. Inabot niya ang dalang kape ni Ethan. Ipinagpatuloy niya ang panonood ng video habang umiinom ng kape.
"First thing you do after losing a game?" tanong ni Ethan kay JD.
"Well, I eat a lot," tugon ni JD.
"Favorite thing to do after a win?"
"Go out with my family or friends to celebrate. Eat in a restaurant wherever near the game venue."
"Favorite food?"
"Anything to do with gata."
"Gata? As in coconut milk?" na-sorpresang tanong pa ni Ethan.
"Yes. Like laing and Bicol express. You know, I'm a Filipino and I love Filipino foods."
Natigilan si Daena. Tila may mainit na bagay na humaplos sa dibdib niya. Naalala niya na minsan nang nahumaling ang lalaki sa Bicol delicacies na luto ng nanay niya. Hindi pa rin pala ito nagbabago. Noong bumalik sa States si Jericho ay nanibago rin ang nanay niya. Na-miss nito si Jericho na sarap na sarap sa mga luto nito. Hindi nagawang magalit ng tuluyan ng nanay niya sa kanila ni Jericho matapos itong ipatawag sa guidance office. Pinagsabihan lang sila nito matapos nilang kapwa humingi ng tawad.
Matapos ang pangyayaring iyon ay tinupad nga ni Jericho ang kahilingan niya na huwag muna siyang lalapitan at kakausapin nito upang makapag-focus siya sa pagre-review. Pero ganoon na lamang ang ngitngit niya nang samahan naman nito tuwing recess ang grupo nina Joanne. Selos na selos siya at gustong-gusto na niyang komprontahin ang lalaki pero nagpigil siya at nagdesisyong gawin iyon sa oras na matapos ang examination week. Noon niya napagtanto kung gaano na niya kamahal si Jericho at hindi niya gugustuhing mawala ito sa kanya. Last day ng exam week nang hindi niya napigilan ang sarili na magtungo sa tambayan nila ni Jericho pagdating ng recess. Dalawang subject na lang naman at tapos na ang exams nila. At nakapag-review rin siya nang husto. Maari na silang mag-usap ni Jericho kung sakaling naroon din ang lalaki.
Nasa paborito nga nilang bench sa gilid ng football stage si Jericho pagdating niya roon ngunit hindi ito nag-iisa sa deserted na bahagi na iyon ng school. Kasama nito si Joanne, and the two were kissing. Sa nanlalabo niyang mga mata ay nakita niyang kumalas si Jericho kay Joanne at nakita siya nito. Umiiyak na tumakbo siya palayo bago pa man siya malapitan nito.
Nagkulong siya sa CR at umiyak. Pagpasok niya sa classroom nang oras na ng exam nila, inasahan niyang kakausapin siya ni Jericho para magpaliwanag pero hindi nito iyon ginawa. Ito pa ang unang lumabas ng classroom nang matapos ang exam.
Hindi niya akalain na iyon na rin ang huling beses na makikita niya si Jericho. Nang sumunod na araw ay hindi ito pumasok. Ganoon din nang mga sumunod pa. Nalaman na lang niya kay Ethan na bumalik na ito sa States at walang paalam na iniwan siya. Kahit goodbye letter ay hindi rin ito nag-abalang mag-iwan sa kanya na para bang bale-wala lang rito ang naging unawaan nila.
Ang tagal din niyang iniyakan ito. At kahit na mahirap dahil lagi niyang naaalala si Jericho ay itinuon niya ang buong atensyon sa pag-aaral. Nag-transfer si Tamara sa school nila nang sumunod na school year kaya nagkaroon siya ng bagong kasama during recess. Iniwasan na lang niyang magpunta sa mga lugar na lagi nilang pinupuntahan ni Jericho. Matataas naman ang naging marka niya. Dalawa sila ni Fran na naglaban para maging class valedictorian. Pero sa huli kahit mas mataas pa ang nakuha niyang grades ay naging salutatorian lang siya dahil sa naging bad record niya sa guidance office.
Ang totoo, bale-wala na kay Daena na hindi siya ang naging class valedictorian. Ang walang paalam na pag-iwan ni Jericho ang labis na nagbigay ng labis na sama ng loob sa kanya.
Naputol sa pag-alala sa nakaraan si Daena nang pumasok si Neil. Pilit niyang itinuon na ang atensyon sa trabaho bago sa kung ano pa man.
FRUSTRATED na napabuntong-hininga si JD nang hindi makita si Daena sa naglalabasang grupo ng mga empleyado ng istasyon. Mula sa kinauupuan niya sa open-air area ng coffee shop ay nakikita niya ang bawat pumapasok at lumalabas sa reception area ng gusali. He was there for almost two hours. Alas-siyete y medyo na noon. Matiyaga talaga niyang hinihintay ang paglabas ni Daena dahil pursigido siyang makausap ito.
Kaagad siyang natuwa nang malaman kay Ethan kagabi nang magkita sila sa restaurant na pag-aari nito na katrabaho nito si Daena sa Today's People kung saan siya nag-guest. Daena was part of his past that helped him to become a better person. Pero sa huli ay nagawa niyang saktan ito. Ilang taon na rin ang nakalilipas nang mangyari iyon pero dapat lang na mag-apology pa rin siya rito lalo na't galit pa rin ito sa kanya.
Nagulat talaga siya at nainis sa sarili niya nang malamang si Daena na pala ang babaeng na-encounter niya sa Frances'. Kaya pala ganoon na lang kung titigan siya nito. Hindi man lang niya ito namukhaan. Kung sabagay, sandaling-sandali lang naman niya itong tinignan. And she was changed a lot. Nagsasalamin na ito ngayon kaya hindi niya nasilip at nakilala ang magandang mga mata nito. Although she was beautiful, kumpara noong high school ay halos walang korte ang katawan nito. But now, her body can trigger the devil in every guy. And much taller and more beautiful. Daena was no longer a plain Jane that he used to love he was quickly noticed. She was looked like as an independent and achiever career woman but still sweet and caring. Parang ang sarap na maging kaibigan uli nito o higit pa.
"JD, bro, you still here?" Nagtaas siya nang tingin nang marinig ang gulat na tinig ni Ethan. Hindi niya namalayan ang pagdating nito.
"Yeah. Hinihintay ko si Daena, eh. Tapos na ba ang trabaho n'yo?"
"Kanina pa. But I'm sure nasa isa pang pinagtatrabahuhang show niya si Daena. May meeting yata sila," tugon ni Ethan.
"I see. Ano'ng oras sa tingin mo sila matatapos?"
"I have no idea. But, bro, I suggest kausapin mo na lang siya sa ibang araw. I'm sure pagod na 'yon paglabas niya mamaya, baka masinghalan ka lang niya kapag nakita ka niya. Ako nga inaway na, eh. Don't worry, I'll help you para makausap mo siya."
Kaagad siyang natuwa sa narinig. "All right. Thanks, bro."
"Anyway, magkikita kami nina Bernard for a drink. Sama ka na lang sa amin."
Dahil wala naman siyang game o basketball practice kinabukasan ay kaagad siyang pumayag. Inubos lang niya ang malamig nang kape niya at pagkatapos ay umalis na sila ni Ethan.