"NAISIP mo bang magpakasal sa boylet mo—kung makahanap ka na ng boylet na mamahalin, Ben?"
"Hindi."
"Hindi?"
"Gusto ko ng pamilya. Mas gusto ko ng anak."
"Mag-aampon ka?"
"Kung hindi mo tatanggapin ang sperm ko."
Napamaang si Honey.
"O kung hindi ka papayag na maging ina ng baby ko," nagpipigil ng ngising dugtong nito.
Hinambalos niya ang lokong bading. Ang lakas ng halakhak nito. Halos mabitawan ang mga gamit niya. Paulit-ulit ang hampas ni Honey nang hindi ito tumigil sa pagtawa. Sa huli ay hinila siya nito at niyakap para aluin.
"Joke lang. Awat na."
Itinulak niya agad ang bruha. "Baka naman bisexual ka talaga, Ben!"
"At pinagnanasaan ka ng isang bahagi ko, ganoon?"
"Oo..."
Hinila uli siya nito. "'Lika, kiss mo ako, kapag may naramdaman kang kakaiba—" hindi na nito naituloy an sasabihin dahil hinampas na naman niya nang malakas sa dibdib.
"Ouch!" malanding bulalas nito. "That hurts!" Si Benette na ang kausap niya. Lukot na lukot na ang mukha nito habang hinahagod ang dibdib.
"Nasaktan ka? Ako nga ang nasaktan sa tigas ng dibdib mo, eh!" sagot ni Honey. "Ikaw ang bading na parang bato ang katawan,"
Ngumisi ito. "Kailangan 'yan para sa disguise ko, he-he-he!"
Dumating na ang inaabangan nilang taxi. Kinuha na niya rito ang mga gamit niya. "Sige, Ben..." tulad ng madalas niyang gawin kapag naghihiwalay sila, hinagkan niya ito sa pisngi.
"Take care, 'Ney," sabi nito bago siya inalalayan sa pagsakay. Hanggang umusad na ang sasakyan ay nanatili itong naroon at nakatanaw. Saka lang napansin ni Honey na siya man ay panay ang lingon rito. Nang tuluyang mawala sa paningin niya ay saka napagtanto ni Honey ang parang puwang sa puso niya. Nami-miss na niya agad? Masyado na talaga siyang nasasanay na kasama ang kaibigan.
NAKANGITI si Honey habang nakatayo siya ilang metro ang layo sa parlor ni Mamu Pauline. Dahil sa glass wall ay tagos sa loob ang tingin niya. Pinagmamasdan niya ang abalang kilos ng mga tao sa parlor. Doon siya dumiretso sa halip na sa bahay dahil alam niyang naroon ang ina-amahan niya. Pagkatapos nitong ma-discharge sa ospital ay balik trabaho na uli ito na parang walang anumang nangyari, na parang hindi ito na-confine ng ilang araw at halos mamatay-matay siya sa pag-aalala lalo na nang kinailangan nito ng blood transfusion.
"Ang prinsesa ni Mamu na sing-ganda ko!" tili ni Jonah, na Juanito ang tunay na pangalan. Nineteen years old ito at laging fitted sleeveless ang suot, naghuhumiyaw ang fake na dibdib. Lumabas ito at tinakbo siya para kuhanin ang bitbit niyang pasalubong—pizza at isang litrong coke.
Sinalubong siya ng ngiti ng dalawa pang bading na abala sa loob—sina Lora, na Loreto ang totoong pangalan, ang thirty something na kanang kamay ng Mamu niya. Kapag absent si Mamu ay ito ang hinahanap ng mga customers. At si Mia, na Romeo naman ang totoong pangalan, twenty-two years old naman ito. Sinusuportahan ang buong pamilya kaya hindi na naituloy ang pagko-kolehiyo mula nang mamatay ang Lola nitong nagpapa-aral rito.
Close siya sa tatlo. Kapag naroon siya ay siya ang bunso ng mga ito. Siya ang nakakatuwaang ayusan kapag walang customers.
Sa Mamu Pauline niyang nasa counter huminto ang mga mata ni Honey. Tinapos lang nito ang pagsusukli sa isang customer na paalis na bago lumabas ng counter at sinalubong siya ng yakap. "Na-miss kita, Mamu!" at naglambitin siya sa leeg nito. Tumatawang hinigpitan nito ang yakap. Para lang siyang twelve years old sa mga bisig nito dahil malaking tao ito at matangkad samantalang siya ay five one lang ang height.
"Kumusta ang pag-aaral mo, 'Nak?"
"Maayos siyempre, ako pa!"
"Nakabawi ka na ba sa dalawang araw na absent mo?" hindi niya matiis na hindi magbantay rito sa ospital kaya kahit gusto nitong pumasok siya ay hindi siya napilit. Nag-absent pa rin si Honey. Salamat kay Benito na in-update siya sa mga lessons nila, ipinaalam sa kanya ang long quiz nila, at binigyan siya ng reviewer para sa quiz na iyon, mataas pa rin ang score niya kahit tuliro siya dahil sa pagkaka-ospital ni Mamu.
"Oo naman, Mamu, 'wag n'yo nang isipin 'yon."
"Si Ben?"
"Hayun, dinidiktahan na naman ako. Umuwi raw ako ng five bukas."
"Siguro, nami-miss ka, 'te!" bulalas ni Jonah. Tatlong linggo pa lang ito roon kaya hindi nito kilala kung sino si Ben.
"Gaga!" banat ni Mia. "Berde rin ang dugo ni Ben!"
"Huh?"
Tumawa siya. "Kalahi mo siya," buska niya. "Minus the 'voluptuous future'" at inginuso niya ang naghuhumiyaw na dibdib nito. Suminghap ito at mahinhing tinakpan ang dibdib bago siya inirapan. Napangisi siya.
"Tama!" sambot naman ni Lora "Ay 'neng," anito kay Jonah. "Malalaglag ang brief mo kapag nakita mo siya!"
"Tita Lora naman!" lukot ang mukhang tili ni Jonah. "Panty kaya ang suot ko!"
Napuno ng tawanan ang buong parlor. Pati ang tatlong customers na naroon ay nakitawa na rin.
"No, joke, bakla!" si Mia uli. "Ang fafa ni Ben. Machong macho pa!"
"Puwedeng mahalin?"
"Asa ka pa. 'Di ka niya type, gaga! Si Honey ang baby niya eh."
"Bakit si Honey?" susog nito at inirapan pa siya. "Half-blooded bakla ba siya?" Inambaan niya ito ng kalmot.
"Gusto mong hablutin ko 'yang fake boobs mo?" nakataas ang kilay na banta niya.
Suminghap na naman ito at sinapo ang bra. "Mamu oh! Tinutubuan na naman ng pagnanasa sa boobs ko ang anak mo!" sumbong pa nito na ikinatawa niya.
Nang mga sumunod na segundo ay walang humpay na asaran na habang break ng mga ito at nagsalo-salo sa pizza at softdrink na dala niya. Si Jonah ang napagdiskitahan ng lahat. Tawa siya ng tawa nang mangiyak-ngiyak na ito.
Pasado alas nuebe na nang gabi nang umuwi sila ni Mamu sa bahay nila. Over dinner na lang ang kuwentuhan nila dahil pagod ito. Hindi na siya nakipag-bonding rito ng mahabang oras. Hinayaan niyang makapagpahinga na kaagad ito. Naghahanda na siyang matulog nang marinig niya ang text alert ng cell phone.
Si Ben ang nag-text.
Home ka na? Still awake? anang text nito. Saka niya naalalang hindi niya ito na-text pagkarating niya ng Cavite dahil sa kalokohan ng mga bading sa parlor. Masyado siyang naaliw sa harutan at tuksuhan ng mga ito. Nakalimutan niya ang bading na iniwan niya sa apartment.
Yup. Patulog na ako. You?
Paalis na ako sa bahay. Sleep well, 'Ney.
Napangiti siya. Minsan talaga, pakiramdam niya ay boyfriend niya ito. Hindi kasi nito nakakalimutang i-text siya kapag hindi sila magkasama—kung kumain na ba siya, nagpapahinga ba siya, ano'ng ginagawa niya, nakatulog ba siya ng maayos, pati nga ulam niya ay itinatanong pa nito minsan. Nasanay na siya rito dahil ganoon na talaga ito mula nang naging magkaibigan sila. Nami-miss niya tuloy ito kapag nasa Cavite siya.
Text mo ako kapag nakauwi ka na later, Ben, pati tuloy siya ay awtomatikong nag-uupdate na rin ng mga activities nito kapag wala siya sa apartment. Huwag kang iinom ng marami. Baka ma-hold up ka sa daan. At nag-aalala na rin siya lagi kapag hindi ito nag-text sa inaasahan niyang oras na nasa bahay na ito. At kapag nasa spartment naman siya at wala pa ito sa oras na sinabi nitong dating nito ay hindi na siya mapakali.
Ok. Text you later, anang reply ni Benito.
Saka siya nag-exhale at ngumiti.