MARAHANG iminulat ni Shea ang mga mata at mahinang napaungol dahil sa nararamdamang sakit ng buong katawan. Pero tila naglaho ang lahat ng sakit na iyon nang mapansin si Spencer na mahimbing na natutulog sa tabi niya. Mahigpit pa rin ang pagkakayakap nito sa baywang niya.
Napangiti siya at ipinatong ang ulo sa dibdib nito. She hugged him tighter and savored the warmth coming from him. Napatingin siya sa glass window na naroon at napag-alamang mataas na ang sikat ng araw.
Nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang kapatid na si John. Kailangan na niyang umalis at tumungo sa ospital. Kailangang ma-operahan kaagad ang kapatid niya!
Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakayakap kay Spencer at naupo sa kama. Isinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay. Muntik niya nang makalimutan ang tungkol sa bagay na iyon.
Ilang sandali niyang kinalma ang sarili bago muling tiningnan ang natutulog na mukha ng lalaking nasa tabi niya. Napaka-guwapo pa rin nito kahit tulog. Gusto niya itong gisingin at sabihing kailangan niya nang umalis pero hindi niya magawa. Bakit kailangan niya pang magpaalam dito? Their one night agreement was already over. Kailangan niya nang umalis sa lugar na ito.
Malungkot siyang bumaba ng kama at lumakad patungo sa banyo para kunin ang damit doon at nagbihis. Hindi na siya nag-ayos dahil kailangan niya nang magmadali. Hindi maaaring maabutan pa siya ni Spencer. Paglabas niya nang banyo ay muli na namang natuon ang mga mata niya sa kama.
Humakbang siya palapit doon at kinumutan ang lalaki. Tinitigan niya ang mukha nito ng mahabang sandali at hindi niya na napigilan ang pangingilid ng mga luha. Hindi niya gustong lisanin ang lugar na ito ng ganoon-ganoon na lang. Kung maaari nga lang na makulong na siya sa unit na ito ng habang panahon. Subalit hindi maaari. May mga kailangan pa siyang asikasuhin, may mga bagay na nakaatang pa sa mga balikat niya. Kailangan niyang kalimutan ang sarili at intindihin ang mga pangangailangan ng kapamilya niyang umaasa sa kanya.
Bahagya siyang yumuko para dampian ng marahang halik ang mga labi ng lalaki. Pagkatapos ay pinagsawa niya ang mga mata sa buong mukha nito, memorizing every part of him. Gusto niya itong hawakan at haplusin pero natatakot siyang baka magising ito.
Hinakot niya ang lahat ng natitirang lakas at umayos ng tayo pagkatapos ay maingat siyang lumakad patungo sa bedside table at kinuha doon ang tseke na ibinigay nito sa kanya kagabi. Sumulyap siya dito. Thank you so much, Spencer.
Tumalikod na siya at lumabas ng unit nito. Saktong pagsara niya ng pinto ay umalpas na ang kanina niya pang pinipigilang mga luha. Gusto niyang bumalik sa loob at gisingin ito. She wanted to make love to him one last time but she couldn’t. She shouldn’t.
Bakit ba ganitong klase ng sakit ang nararamdaman niya ngayon sa puso niya? Bakit sobra-sobra siyang nahihirapan sa kaalamang paghakbang niya ngayon palayo ay hindi niya na muli itong masisilayan at makakasama? Mali ito. Hindi dapat ganito ang nararamdaman niya. Dapat ay kalimutan niya na ito at bumalik sa dati niyang buhay. Kailangan niyang bumalik sa pamilya niya.
Pinunasan niya ang mga luha sa mukha at lakas-loob na ini-hakbang ang mga paa palayo. She forced herself to leave that place at once. At pakiramdam niya ay naiwan rin ang puso niya sa lugar na iyon.